Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 1/8 p. 22-25
  • Internasyonal na mga Eksposisyon—Nagpupunyaging Manatili

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Internasyonal na mga Eksposisyon—Nagpupunyaging Manatili
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinagmulan at Layunin
  • “Talaga bang Sulit Ito?”
  • Halaga at Pagkakautang
  • Iba Pang Nakapagpapahinang mga Salik
  • Ano ang Kinabukasan ng mga Eksposisyon?
  • “Ang Panahon ng mga Pagtuklas”—Anong Kabayaran?
    Gumising!—1992
  • Paghakbang Tungo sa Ika-21 Siglo
    Gumising!—1986
  • “Karunungan Mula sa Kalikasan”
    Gumising!—2007
  • Sinabi Nila Ito sa Pamamagitan ng Bulaklak sa Hapón
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 1/8 p. 22-25

Internasyonal na mga Eksposisyon​—Nagpupunyaging Manatili

ANG internasyonal na mga eksposisyon at mga peryang pandaigdig ay karaniwang lumilikha ng malaking interes sa publiko. Itinaguyod din nito ang kalakalan sa daigdig. Subalit mayroong mga nagtatanong ngayon kung ang mga ito’y makapananatili. Bakit ganito?

Ang kasaysayan ng mga perya at mga eksposisyon at ang kanilang layunin, pati na ang mga obserbasyon sa isang eksposisyon kamakailan, ay tutulong sa pagsagot sa katanungan.

Pinagmulan at Layunin

Ang kasaysayan ng mga perya ay matutunton pabalik sa panahon bago ang Kristiyanismo, sa mga kapistahan at mga pagtitipong relihiyoso sa Gitnang Silangan. Ang mga ito ay nagbukas ng daan para sa mga mangangalakal na gaya ng mga taga-Phoenicia na ipamahagi ang mga paninda sa buong rehiyon sa Mediteraneo.

Ang mga peryang pangkomersiyo katulad niyaong mga nakikilala natin ay nagsimula noong Edad Medya sa Europa. Ang mga ito’y mga sentrong pangkalakal para sa mga negosyante at sa iba pa. Ang kanilang relihiyosong pinagmulan ay makikita sa bagay na ang salitang “perya” ay nanggaling sa salitang Latin na feriae (kapistahan), may kaugnayan sa relihiyosong mga perya at mga kapistahan noong Edad Medya. Gayundin naman, “ang salitang Aleman para sa perya, Messe, ay hinango sa Latin na missa, na nangangahulugang ‘misa.’” (The Encyclopedia Americana, Internasyonal na Edisyon) Sa paglipas ng panahon, ang relihiyosong pinagmulan ay naglaho sa larawan, at ang pagdiriin ay ibinaling sa komersiyal na aspekto.

Ang pagdiriing iyan ay maliwanag sa Eksposisyon sa Crystal Palace sa London, Inglatera, noong 1851, ipinalagay na siyang kauna-unahang tunay na internasyonal na eksposisyon at ang modelo para sa sumunod dito. Ang layunin nito ay upang “ipakilala sa daigdig ang mga paninda at mga pamamaraang Britano, sa gayo’y pinasisigla ang pangangailangan.” Nagtagumpay ba ito?

Ang The Encyclopedia Americana ay sumasagot: “Hindi lamang natutuhan ng mga Britano ang tungkol sa napakahusay na sining at mga gawang-kamay ng ibang mga bayan, kundi lubusang natalos . . . ng mga bisita ang kahigitan ng Britanong mga paninda, makinarya, at mga pamamaraan sa produksiyon. Karaka-raka, lubhang dumami ang mga pidido para sa mga panindang Britano.”

Habang dumarami ang bilang ng internasyonal na mga eksposisyon, waring angkop na pamahalaan ang mga ito ng isang lupong pandaigdig. (Ang kahon sa pahina 25 ay nagbibigay ng hindi kompletong talaan ng ilan sa kilalang pandaigdig na mga perya at mga eksposisyon.) Sa gayon, noong 1928, sa Paris, Pransiya, 35 mga bansa ang lumagda sa isang kasunduan na magkaroon ng isang diplomatikong kombensiyon “upang ayusin ang dalas at pamamaraan ng pag-oorganisa ng mga peryang pandaigdig.” Noong 1931 itinatag ng kombensiyong ito ang BIE (Bureau International des Expositions) upang pangasiwaan ang mga pagtitipong ito.

EXPO 86: Ang 1986 na Eksposisyong Pandaigdig

Ang pinakabagong internasyonal na eksposisyon ay ang EXPO 86 sa Vancouver, Canada, mula noong Mayo 2 hanggang Oktubre 13, 1986. Mahigit na 90 mga pabilyon ang nagkalat sa 70-ektaryang dako, at 54 na mga bansa ang lumahok. Ang tema ng EXPO 86 ay “transportasyon at komunikasyon,” at ang paksa nito ay “World in Motion​—World in Touch.” Ang pinakasentro nito ay ang Expo Centre, isang 17-palapag na hindi kinakalawang na bakal na geodesic dome. Kabilang sa ibang mga bagay, ito’y naglalaman ng 500-upuan na sinehang Omnimax sa pagpapalabas ng mga pelikula sa isang pagkalaki-laking iskrin na walong palapag ang taas!

Itinanghal ng Unyong Sobyet at ng Estados Unidos ang kanilang mga sasakyang pangkalawakan at mga satelayt upang ipakita kung ano ang nagawa na nila sa paglalakbay at komunikasyon. Gayunman, ang pinakamahalagang halimbawa sa perya ay ang Pabilyon ng Canada na nasa Canada Place, isang kagila-gilalas na $144.8 milyong kayarian na nilayong maging isang “permanenteng kompleks ng pamahalaang pederal.” Itinayo sa piyer ng Vancouver, ito’y parang isang pinagsamang de-luhong barko at isang dambuhalang sasakyang dagat na lalayag sa dagat.

Nang magtapos ang Expo, ang Canada Place ay naging Sentro ng Kalakalang Pandaigdig. Angkop na angkop ito para riyan. Sa loob, ito ay kasinlaki ng dalawang larangan ng football. Kaya nitong magpatuloy ng isang kombensiyon na may pulutong na 5,000, na mayroong 23 iba pang mga silid para pagpulungan, at mayroon pa itong 500-silid na otel at silid-sayawan.

“Talaga bang Sulit Ito?”

Ang patuloy na paggamit sa mga gusali at sa mga pagpapaganda sa lugar ay nagpangyari sa iba na magsabi na anuman ang halaga, ang eksposisyong pandaigdig ay sulit. Binabanggit nila ang nalikhang mga trabaho; ang pag-unlad ng turismo; ang kinitang mga buwis; at ang bagong sistema ng transportasyon, mga tulay, at mga haywey, gayundin ang lahat ng iba pang kapaki-pakinabang na mga kakambal na produkto.

Pinupuri ng marami ang dami ng malinis na libangan para sa mga pamilya sa isang eksposisyon. Sa Expo, karagdagan pa sa mga nakapagtuturong mga eksibit sa bawat pabilyon, mayroon din para sa libangan, apat na amphitheaters at mga pelikula, at mahigit na 43,000 libreng mga pagtatanghal, gaya ng mga sayaw at mga konsiyerto. Ang kapaligirang ito ay nagpangyari sa isang manunulat na magsabi tungkol dito: “Ang sarap ng pakiramdam mo sa basta pamamasyal sa paligid.” Ang isa sa mga pelikula nito ay “nahalal para sa isang Academy Award na pinakamagaling sa kategorya ng live action short subject.”

Subalit “ito ba’y sulit?” tanong ng isang pahayagan. Noong huling araw ng EXPO 86, isang pahayagan sa Canada, nang inihaharap ang bagay tungkol sa daan-daang milyong dolyar na pagkakautang na dapat pagbayaran, ay nagsabi: “Bukas, magsisimula na ang hangover.”

Halaga at Pagkakautang

“Ang perya ay natapos na may kakulangan na $349 milyon,” ulat ng The Toronto Star. Ang mga pagkalugi sa pagpapatakbo ng nakaraang mga eksposisyon ay tinatalakay sa kahon na nabanggit na. Kaya ang EXPO 86 ay walang pinag-iba. Totoo, nagkaroon ito ng mahigit sa 22 milyong mga bisita​—higit kaysa inaasahan. At nagkaroon ito ng ekselenteng libreng publisidad sa buong daigdig​—10,000 mga peryodista mula sa 60 mga bansa ang sinasabing sumulat tungkol dito. Ito’y gumugol ng walong taon sa paghahanda at nagkaroon ng isang “napakatalinong kampaniya sa pandaigdig na pangangalakal” upang itaguyod ito. Gayunman ito’y nalugi.

Sa paano man, hindi ba mapasisigla ang ekonomiya? “Ang naliligalig na ekonomiya ng lalawigan ay tumanggap ng isang panandaliang tama na gaya ng hinahangad ng isang gumagamit ng droga​—mabilis, nakalalango. Subalit ang pangakong internasyonal na pamumuhunan ay hindi nagkatotoo,” sabi ng isang report. Ang kawalan ng trabaho sa lugar na iyon ay bumalik sa antas nito bago ang Expo.

Ang halaga sa mga nagbabayad ng buwis ay hindi pa tapos. Bagaman ang magandang pasilidad na gaya ng Canada Place ay may gamit sa hinaharap, nangangailangan pa rin ito ng mga pagbabago. Ang basta pag-aalis nito ay magkakahalaga ng tinatayang $10 milyon. Ang halaga ng pagbabago ay umabot na ng $18 milyon. Subalit may iba pang mga salik na nagpapahiwatig ng paghina ng mga eksposisyon.

Iba Pang Nakapagpapahinang mga Salik

Isang manunulat ay nagsabi: “Pinagsususpetsahan natin ang teknolohiya; sa paano man, hindi na tayo nasisindak dito.” Hindi na ito pumupukaw ng hindi kinakailangang paghanga.

Ganito ang sabi ni David Suzuki, isang siyentipikong taga-Canada, tungkol sa EXPO 86: “Sa gitna ng nagniningning na pangako ng artipisyal na katalinuhan, paglalakbay sa kalawakan at paghahalong nuklear, hindi [ito] nagpapaliwanag sa pagpapawalang-bisa sa militar na mga konsikuwensiya ng gawaing ito, ang pagkalaki-laking mga pakinabang na aanihin ng pribadong industriya o ng sosyal, pangkapaligiran at personal na mga konsikuwensiya ng dumarating na mga pagbabago.”

Kabilang sa iba pang mga dahilan na ibinigay sa paghina ng interes ay: “Ang mga pandaigdig na perya ay hindi na mga pamantayan sa daigdig ng industriya.” “Wala nang gaanong kababalaghan sa daigdig ngayon. . . . Nakikita ng mga tao . . . ang lahat ng mga kababalaghan ng daigdig sa kanilang telebisyon.” “Ang pagdami ng mga Expo sa nakalipas na mga dekada ay maliwanag na nagpangyari sa ilang mga tao na mawalan ng interes sa mga ito.”

Ano ang Kinabukasan ng mga Eksposisyon?

‘Napakaraming kategoryang mga perya at, sa E.U. sa paano man, napakaraming kabiguan, ang umakay sa pagtatasang-muli sa ideya ng pandaigdig na perya,’ sang-ayon sa panlahat-na-komisyoner sa EXPO 86. Isa pa, iyan ay bago pa mag-umpisa ang EXPO 86.

Ang umuunting mga dumadalo sa maraming eksposisyon kamakailan ay nagbangon ng pagkabahala sa gitna niyaong nag-oorganisa at nagtataguyod nito. Ngayon ang mga Australyano ay naghahanda para sa EXPO 88 sa Brisbane, na magbubukas sa Abril 30. Ito ay magkakaroon ng temang “Paglilibang sa Panahon ng Teknolohiya.” Uulitin kaya nito ang tagumpay ng EXPO 86? Panahon ang magsasabi. Maliwanag na mayroong dapat gawin upang makaakit ng mas maraming mga tagapanood at upang maiwasan ang malaking pinansiyal na pagkalugi ng internasyonal na mga eksposisyon kung ito ay mananatili.

[Kahon/Larawan sa pahina 25]

Ilang Bantog na Pandaigdig na mga Perya at Internasyonal na mga Eksposisyon

◼ Pandaigdig na Perya sa Chicago, 1893, na dinaluhan ng 27.5 milyon; itinampok nito ang kauna-unahang Ferris wheel sa daigdig.

◼ Ang Pandaigdig na Perya sa New York noong 1939-40, at ang panghinaharap na Trylon at Perisphere upang itampok ang tema nito, “Ang Daigdig ng Bukas,” na dinaluhan ng halos 45 milyon.

◼ Isa Pang Pandaigdig na Perya sa New York (1964-65) ang nagdiin ng tema nito na “Kapayapaan sa Pamamagitan ng Pag-unawa” at ang Unisphere nito, isang 53-metro-ang-taas na globo na yari sa di-kinakalawang na bakal. Ang pagkakagastos ng perya ay nakahihigit kaysa kinita nito nang mahigit na $20 milyon.

◼ Ang Expo 67 (400 ektarya) sa Montreal, Canada, ay ipinalalagay na isang malaking tagumpay, na dinaluhan ng mahigit na 50 milyon at nilahukan ng mahigit na 60 mga bansa. Subalit ito ay “nag-iwan ng $300-milyong kakulangan.”

◼ Ang Osaka, Hapón, ang punong-abala sa Expo 70 (33 ektarya), na umakit ng 64,218,770 mga nagsidalo. Ito ay natatangi dahil sa rekord nito ng 77 nagsilahok na mga bansa.

◼ Knoxville, Tennessee, E.U.A. (1982); 11.1 milyon ang dumalo.

◼ New Orleans, E.U.A., (1984); 7.3 milyon ang dumalo subalit nagtapos ito na may tinatayang $100-milyong kakulangan.

◼ Tsukuba, Hapón (102 ektarya) (1985); 20.3 milyon ang dumalo.

[Credit Line]

Larawan sa likuran: Library of Congress

[Mga larawan sa pahina 23]

Itaas: Unisphere, Pandaigdig na Perya sa New York, 1964-65

Kaliwa: Atomium, Pandaigdig na Perya sa Brussel, 1958

Ibaba: Expo Centre, Eksposisyon sa Vancouver, 1986

[Mga larawan sa pahina 24]

Mga tanawin mula sa EXPO 86, Vancouver

[Picture Credit Line sa pahina 22]

Larawan sa likuran: Library of Congress

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share