Makipagpayapaan sa Iyong Kapuwa
UPANG makipagpayapaan sa iba, kailangan mo munang makipagpayapaan sa iyong sarili. Ipinahihiwatig ito ng mga pananalita ni Kristo Jesus nang kaniyang sabihin: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Upang maibig mo ang iyong kapuwa dapat mong ibigin ang iyong sarili. Hindi dahilan sa ikaw ay sakdal. Alam mong ikaw ay hindi sakdal. Mayroon kang mga kapintasan, nakagagawa ka ng mga pagkakamali, nakadarama ka ng pagkakasala. Alam mong lahat ito. Subalit alam mo rin na ikinalulungkot mo ang iyong mga pagkukulang, humihingi ka ng kapatawaran sa mga ito, disidido kang pagbutihin ang mga bagay, at sa ganitong paraan ay nawawala ang mabigat na mga damdamin ng pagkakasala.
Mula sa kasaganaan ng ating puso tayo ay nagsasalita at kumikilos. (Mateo 12:34, 35) Kung ang ating puso ay punô ng mga damdamin ng pagkakasala at mga ganting-paratang, ang gayong negatibong mga damdamin ay walang pag-ibig na maipakikita sa iba. Upang maibig ang iba dapat ay makadama ka ng pagpapahalaga-sa-sarili, paggalang-sa-sarili, ang matanggap mo ang iyong sarili. Pati na nga ang tawanan ang iyong sarili. Kung iibigin mo ang iyong sarili sa ganitong paraan, hindi ka magkakaroon ng panloob na ligalig na sisira sa iyong kaugnayan sa iba. Taglay ang panloob na katiwasayang ito, hindi ka nangangamba sa iba at maaari kang magpakita ng may kabaitang pagkabahala. Upang makipagpayapaan sa iba, dapat ay mayroon kang pakikipagpayapaan sa iyong sarili.
Gayunman, sa maigting at apurahang pamumuhay sa modernong daigdig na ito ang panloob na kapayapaan ay nanganganib, at ang sining ng magiliw na pakikipagkapuwa ay naglalaho. Hinaharap ng mga tao ang isa’t isa na parang mga pagong na ang mga ulo’y nakatago, sisilip-silip mula sa kanilang bahay, na natatakot ilabas ang kanilang mga leeg. Ang pakikipagkaibigan ay nawala dahilan sa takot at kapanglawan. Nakapanghihinayang nga, subalit nauunawaan naman, kung isasaalang-alang ang mapanganib na panahon na ating kinabubuhayan.—2 Timoteo 3:1-5.
Gayumpaman, kung ang isang tao’y mangunguna sa pakikipagkaibigan, ang kaniyang pagsisikap ay kadalasan nang kaaya-ayang tinutugon. Ang pakikipag-usap sa isang kapitbahay habang ikaw ay nagdaraan sa tabing-daan, ang pakikipag-usap sa isa na nagtatrabaho sa kaniyang bakuran, ang maikling pakikipag-usap sa isa na katabi mo sa isang upuan sa parke—ang gayong mga sandali ay maaaring maging kasiya-siyang mga panahon. May mga tuntunin na maaari nating sundin upang gawing kaaya-aya ang gayong mga pagkakataon at magdala ng karagdagang kapayapaan sa ating mga kaugnayan sa kapuwa-tao. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito.
Maging Isang Mabuting Tagapakinig
Magpakita ng galang. Tingnan ang isa na nakikipag-usap sa iyo. Kung ang iyong mga mata ay gumagala sa ibang dako, ang mensahe na inihahatid mo sa kaniya ay, ‘Hindi ako interesado sa iyo o sa iyong sinasabi.’ Marahil iyan ay hindi mo sinasadya. Kaya makinig sa kaniyang sinasabi at espisipikong tumugon dito. Huwag sumabat, maliban na lamang kung ito ay upang magtanong sa mga detalye o upang magbangon ng angkop na mga tanong. “Sinumang sumasagot sa isang bagay bago niya marinig ito, ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.” (Kawikaan 18:13) Makinig upang maunawaan mo siya, ang kaniyang iniisip, ang kaniyang katayuan, ang kaniyang damdamin. Makinig hindi lamang sa pamamagitan ng iyong mga tainga kundi gayundin ng iyong puso. “Maging mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita, mabagal tungkol sa pagkagalit.”—Santiago 1:19.
Makipagtalastasan, Makipag-usap
Ang pakikipagtalastasan ay nangangahulugan ng “paghahatid ng impormasyon, kaisipan, o damdamin upang ito ay kasiya-siyang matanggap o maunawaan.” Maging maliwanag at tuwiran, hindi masalita o paliguy-ligoy. Tiyakin na nauunawaan ng kausap ang iyong punto. Ang pakikipag-usap ay nangangahulugan ng “pagpapalitan ng mga kaisipan at mga palagay sa pagsasalita.” Ang pakikipag-usap ay hindi paglilektyur; ito’y isang palitan ng pag-uusap. Kapag nasabi mo ang isang punto, pakinggan mo ang tugon ng kausap. Ikaw ay isang tagapakinig kapag may naglalahad ng karanasan o nag-uulat. Sa isang usapan ikaw ay isang kalahok. Makibahagi ka rito, at hayaang ang iba ay makibahagi rin. At makibagay, bukás sa bagong mga ideya. Ang isang hinakang palagay, na dogmatikong pinanghahawakan, ay bumubulag sa iyong mga mata, nagsasara sa iyong mga pandinig, at nagpapatigas ng iyong puso.—Mateo 13:15.
Maging Palakaibigan, Tapat, Mapagmalasakit
Huwag maging mahiyain. Maging palakaibigan. Karaniwan nang ang iyong pagiging palakaibigan ay kukuha ng gayunding pagtugon mula sa kanila. Ang mga damdamin ay nakakahawa. Damhin mo kung ano ang nais mong damhin ng iba. Kumilos ka kung ano ang nais mong ikilos ng iba. Tratuhin mo ang iba kung papaanong nais mong ikaw ay tratuhin. Maghasik ka kung ano ang nais mong anihin. Ipakita mo kung ano ka talaga. Maging tapat. Maging totoong interesado sa iba, nagmamalasakit sa iba, handang maglingkod sa iba.
Bigyan ng Pansin ang Iba
Sa isa sa mga nobela ni Booth Tarkington, binanggit niya ang isang grupo ng mga batang naghaharutan sa paglalaro sa damuhan sa harap. Ang isa sa mga tauhan, si Little Orvie, inaakalang hindi siya pinapansin, ay nagtatatakbo at nagtatatalon at nagsisisigaw, “Ngayon tingnan ninyo ako! Tingnan ninyo ako!” Hindi ito gaanong iniintindi ng mga may sapat na gulang, subalit sila man ay nagnanais ng atensiyon. Ang mga sanggol at ang matatanda ay maaari pa ngang mamatay kung wala nito. Kaya tingnan ang mga tao, makinig sa kanila, pansinin sila! Makipagkilala sa inyong mga kapitbahay, maging palakaibigan, papurihan ang kanilang aso, ang kanilang mga rosas, ang kanilang bagong damit—subalit sa tuwina’y taglay ang kataimtiman, hindi para lamang magustuhan ka nila.
Iwasan ang Pagpintas
Ito’y totoong walang saysay. Sinusugatan nito ang dangal at humihila ng galit. Dumarating ito na gaya ng isang pagsalakay at ginagawa nitong depensibo ang isang tao. Sinisikap nilang bigyang-matuwid ang kanilang sarili at gumaganti sa iyo. Mamintas ka, at malamang na ikaw ay magkaproblema. Tandaan, ang mga tao ay higit na emosyonal kaysa makatuwiran, lalo na kapag sila ay pinupuna—at ganiyan nila minamalas ang pagpintas. Sa halip na hatulan o tuligsain, maging maunawain. Kahanga-hanga ang nagagawa ng mga salitang nakapagpapatibay. Tingnan ang kanilang mabubuting punto sa halip na ituon sa kanilang mga kapintasan. “Ang di pagpansin sa mga kamalian ay kaluwalhatian ng isang tao.”—Kawikaan 19:11, The New English Bible.
Pagpapayo
Maging masigla, palakaibigan, maibigin. Hayaan mo muna siyang magsalita nang mahaba-haba. Alamin mo kung bakit gayon ang kaniyang iniisip o pagkilos. Makiisa sa kaniyang mga naisin. Unawain mo ang kaniyang palagay. Alamin mo ang emosyonal na mga kadahilanan ng kaniyang paggawi. Dapat mo ring matanto na ikaw man ay nagkakamali, ikaw man ay di-sakdal na gaya niya. Pagkatapos “sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” (Galacia 6:1) Ituon ang inyong payo sa puntong pinag-uusapan. Ibagay ito sa indibiduwal, may kabaitang tinutulungan siya na makita ang punto, at mataktikang magsalita. “Ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw, timplado ng asin, upang inyong maalaman kung paano dapat ninyong sagutin ang bawat isa.” (Colosas 4:6) Magbigay ng positibong pampatibay-loob, purihin ang pagsulong.
Magkaroon ng Empatiya, Ipakita Ito
Ito’y nangangahulugan na dapat mong ilagay ang iyong sarili sa kalagayan ng isang tao. Alamin mo ang kaniyang mga pangangailangan. Damhin mo kung ano ang kaniyang nadarama. Anong pakikitungo ang nais mo kung ikaw ang nasa kaniyang kalagayan? Dapat mong alamin ang lahat ng ito kung nais mong sundin ang ginintuang tuntunin na: ‘Lahat ng bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.’ (Mateo 7:12) Hindi ito madali. Sa ibang mga kaso imposibleng sabihin ang iyong mga nadarama—maaari lamang itong gawin sa pamamagitan ng pagluha. Iminungkahi ni apostol Pablo ang gayong empatiya nang kaniyang sabihin: “Makigalak kayo sa mga taong nagagalak; makiiyak kayo sa mga taong nagsisiiyak.”—Roma 12:15.
Pagkamatay ni Lazaro, si Maria ay nagtungo kay Jesus. Ang ulat ay nagpapatuloy: “Nang makita nga ni Jesus na siya’y tumatangis at gayundin ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, ay nabagbag siya sa espiritu at nagulumihanan; at sinabi niya: ‘Saan ninyo siya inilagay?’ Sinabi nila sa kaniya: ‘Panginoon, halika at tingnan mo.’ Tumangis si Jesus.” (Juan 11:33-35) Batid ni Jesus kung ano ang kaniyang gagawin, gayunman pagkakita sa kanilang pananangis, siya ay nanangis na kasama nila. Siya’y nagpakita ng empatiya.
Huwag Gumanti ng Masama sa Masama
Huwag mong ‘gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo,’ ganiyan ang pagpilipit ng ilan sa ginintuang tuntunin. Bagkus, huwag gumanti ng masama sa masama, kundi daigin ng mabuti ang masama. Inuudyukan tayo ni Jehova na umibig dahil sa kaniyang pag-ibig sa atin. “Tayo’y umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Ito’y praktikal na pagpapalagay; ito ay likas sa tao. Ang malumanay na sagot ay pumapawi ng galit. Ang paghaharap ng kabilang pisngi ay maaaring pumigil sa mahigpit na pagsalakay. Kung paanong tinutunaw ng mga baga sa paligid ng sinaunang hurno ang metal mula sa mineral na metalifero (ore), sa gayunding paraan ang pagganti mo ng mabuti sa masama ay maaaring magpahupa sa galit ng iyong kaaway at pangyarihin na ito ay maglaho, dinadaig ito. Sa kabilang dako, maaaring patuloy na pagtiisan mo ang kaniyang masamang gawa, subalit ginawa mo ang lahat ng magagawa mo upang itaguyod ang kapayapaan. Tapat ka sa iyong sarili, sa iyong mga simulain. Hindi mo hinayaan na gawin kang masama ng manggagawa ng masama.—Roma 12:17-21.
Ayon sa Iyong Makakaya, Makipagpayapaan Ka
Aktibong “makipagpayapaan sa lahat ng tao.” (Hebreo 12:14) Hindi ito nangyayari na kusa. Hindi laging posibleng makipagpayapaan. Sa ibang mga kalagayan kailangang isuko mo ang paghahangad nito. “Huwag kang makipagkaibigan sa sinumang magagalitin; at sa taong may silakbo ng galit ay huwag kang sasama.” (Kawikaan 22:24) Gayunman, “kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
Ang Griegong salita para sa uri ng pag-ibig na sinabi ni Jesus na ipakita sa iyong kapuwa ay a·gaʹpe. Binubuod ng pagpapakahulugan ni apostol Pablo sa katangiang ito, ang a·gaʹpe, ang mga tuntunin sa pakikipagpayapaan sa iyong kapuwa: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob. Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, ito’y hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot. Hindi inaalumana ang masama. Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.”—1 Corinto 13:4-8.
[Kahon sa pahina 5]
Mga tuntunin tungkol sa mga kaugnayan ng tao, mula sa aklat ng Bibliya na Kawikaan, kabanata at talata
“Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakakasakit ay humihila ng galit.”—15:1.
“Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig upang magpakita ng unawa, at sa kaniyang bibig ay nagdaragdag ng katututuhan.”—16:23.
“Ang mga kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”—16:24.
“Ang nagtatakip ng pagsalansang ay humahanap ng pag-ibig, ngunit ang nagdadadaldal tungkol sa anuman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.”—17:9.
“Ang pasimula ng pagkakaalit ay gaya ng pagbuga ng tubig; kaya bago magsimula ang pagkakaalit, ay umalis ka.”—17:14.
“Siyang pumipigil ng kaniyang mga salita ay may kaalaman, at siyang may diwang malamig ay taong may unawa.”—17:27.
“Ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan ang paraanin niya ang pagsalansang.”—19:11.
“Karangalan sa tao ang tumigil sa pakikipag-alit, ngunit bawat mangmang ay magiging palaaway.”—20:3.
“Ang payo sa puso ng isang tao ay parang malalim na tubig, ngunit ang taong may pang-unawa ang iigib niyaon.”—20:5.
“Isamo mo ang iyong usapin sa iyong kapuwa, at huwag mong ihayag ang lihim ng iba.”—25:9.
“Magdalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa, baka siya’y mayamot sa iyo at kapootan ka.”—25:17.
“Nakakita ka ba ng taong padalus-dalos sa kaniyang salita? May pag-asa pa sa hangal kaysa kaniya.”—29:20.