Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 6/22 p. 9-14
  • Ang mga Saksi ni Jehova ay Nagkatipon sa Poland

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Saksi ni Jehova ay Nagkatipon sa Poland
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Gawain Bago ang Kombensiyon
  • Humanga ang mga Nagmamasid
  • Iisang Programa sa Buong Daigdig
  • Interesanteng mga Lugar
  • Pagpapahayag ng Pasasalamat
  • Polandya Tinanggap ang mga Saksi ni Jehova
    Gumising!—1989
  • Mga Kombensiyon—Katunayan ng Ating Pagkakapatiran
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • “Pinaghiwalay ng Wika Pero Pinagkaisa ng Pag-ibig”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • “Mga Saksi ni Jehova Mula sa USSR—Mas Maliligayang Araw sa Hinaharap”
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 6/22 p. 9-14

Ang mga Saksi ni Jehova ay Nagkatipon sa Poland

● Apat na kombensiyon sa apat na lunsod

● Dumadalaw na mga delegadong mula sa 16 na mga bansa

● Kabuuang bilang ng mga dumalo na 94,134

● Kabuuang bilang ng nabautismuhan​—3,140

SILA’Y nagsidating nang sampu-sampung libo. Sakay ng mga kotse, arkiladong mga bus, pantanging mga tren, at malalaking eroplano, sila’y dumagsa sa Warsaw, Poznań, Katowice, at Wrocław noong Agosto 1985. Sila’y naroon upang daluhan ang “Nag-iingat ng Katapatan” na mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ang mga Saksing Polako sa mga lunsod na ito ay naroroon upang sila’y salubungin sa kanilang pagdating. Totoo ito lalo na sa International Airport ng Warsaw, kung saan dumating ang mga delegado mula sa kanlurang Europa, Asia, Hilagang Amerika, at iba pang dako. Sinalubong nila ang kanilang mga bisita na may magiliw na ngiti at mga pagkamusta, ang ilan ay may yapos at mga halik. Naroroon ang mga tagapagsalin upang tumulong sa pakikipagtalastasan, subalit nadaig ng mainit na pagbati ang lahat ng hadlang ng wika. Sa ilang mga kaso, mga pumpon ng bulaklak ang ibinigay sa mga kababaihan, at ang mga bata ay lumalapit at magalang na bumabati ng “Hello!” sa wikang Polako.

Gayunman, ang gayong masayang batian ay siya lamang rurok ng mga linggong pagpapagal. Pagkaraang ipagkaloob ng Polakong mga awtoridad ang pahintulot na ganapin ang mga kombensiyon, napakalaking pagsisikap ang inilunsad upang ihanda ang mga ito.

Mga Gawain Bago ang Kombensiyon

Kailangang hanapan ng mga tutuluyan ang libu-libong mga bisita. Sa Warsaw lamang, 11,000 mga humihiling ng matutuluyan ang kailangang matugunan. Kailangang maghanap ng mga istadyum na pagdarausan ng mga kombensiyon. Ang mga ito ay nasumpungan, sa Warsaw at Wrocław para sa mga petsang Agosto 16-18, at sa Poznań at Katowice (Chorzów) sa Agosto 23-25. Gayunman, ang pagkasumpong ng mga istadyum ay bahagi lamang ng trabaho. Iniulat ng ilang mga pahayagan ang pagpapagal ng mga Saksi upang magamit ang mga istadyum na ito. Ganito ang sabi ng isang report:

“Sa loob ng limang linggo isinagawa ng mga Saksi ni Jehova ang malawakang paghahanda at pagkukumpuni sa Slaski Stadium [Chorzów, sa Katowice]. Mga ilang tonelada ng basura ang hinakot ng mga trak mula sa istadyum at sa paligid nito at doble ng dami nito ang sinunog doon mismo. Ang matataas na mga talahib ay pinutol, at ang mga damuhan sa paligid ng istadyum ay tinabas. Ang dakong pinagkakampuhan [camping area] na naging tambakan ng basura ay muling inaayos. Ang mga upuan sa grandstand na aabot ng mga 35 kilometro [22 mi] ay kinumpuni at nilinis. 78,000 mga upuan ang pinintahan. . . . Lahat ng pitong mga kasilyas ay sirang-sira. Ang mga salamin ng bintana ay basag. Ang mga pinto ay sira. Ang mga gripo ay hindi mapihit, barado ang mga paagusan ng tubig. . . . Masasabi nga na ang mga Saksi ni Jehova ay isang kaloob mula sa langit sa namamahala ng Slaski Stadium, lalo na dahil sa labanan ng football sa pagitan ng Poland at Belgium na isinaplano noong Setyembre.”

Sa katunayan, 10,500 mga boluntaryong Saksi ang nagsagawa ng nabanggit na gawain. Pinintahan din nila ang lahat ng mga barandilya at bakod, nilinis at pinintahan ang wasak na mga kasilyas, at naglagay ng 132 mga kasilyas. Walang pilahan, kahit na sa mga babae! Tungkol sa gawaing ito sa kombensiyon sa Katowice, ganito pa ang sabi ng ibang ulat sa pahayagan: “Ang kabuuang halaga ng isinagawang paglilingkod ay tinatayang 12 milyong zlotys [$80,000, U.S.].” Gayunding mga pagkukumpuni ang ginawa sa tatlo pang istadyum.

Humanga ang mga Nagmamasid

Maraming komento ang mga nagmamasid sa mga Saksi. Isang opisyal ng pamahalaan ang nagsabi: “Napakahusay ng pagkakaorganisa ninyo sa lahat ng bagay. Saan ninyo nakuha ang pagsasanay upang gawin iyan?” Isang administrador ng istadyum ang nagsabi: “Mga 25 taon na akong nagtatrabaho rito, at kailanman ay hindi pa ako nakakita ng gayong kaayusan.” Isa pang manedyer ng istadyum ang nagsabi: “Bakit napakasipag ng inyong mga tauhan? Gusto naming magkaroon ng ganiyang mga manggagawa!” Sa isa pang istadyum ganito ang sabi ng manedyer: “Talagang hindi ko inaakalang posibleng isaayos ang istadyum na ito, subalit nagawa ninyo ito.” Isang hangang-hangang nagmamasid ang napabulalas: “May pambihirang bagay na nagmumula sa inyo!”

Pagkatapos ng kombensiyon sa istadyum sa Warsaw, isang giya ng mga turista ang nagsabi sa pangkat ng mga kabataan na namamasyal: “Sa loob ng mahabang panahon ang istadyum na ito ay napabayaan at marumi. Kamakailan ito ay inupahan ng mga Saksi ni Jehova para sa kanilang relihiyosong kombensiyon. Ngayon, tingnan ninyo kung ano ang ginawa nila rito! Kung paanong ang lahat ay binago! Sila’y kusang-loob na gumagawa. Masasabi ko, sila’y nagtatrabahong walang bayad!”

Iisang Programa sa Buong Daigdig

Ang programa mismo ng kombensiyon ay katulad niyaong iniharap sa ibang mga lupain, maliban na lamang na ito ay pinaikli yamang ang mga kombensiyon sa Poland ay dalawa at kalahating araw sa halip na tatlo at kalahati. Apat na membro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova​—sina A. D. Schroeder, M. G. Henschel, T. Jaracz, at D. Sydlik​—ay nagsalita sa bawat isa sa apat na mga asamblea. Ang kanilang mga pahayag ay isinalin sa Polako. Ang mga delegado na kumakatawan sa iba’t ibang lupain ay nagpaabot ng mga pagbati at maikling mga mensahe, na isinalin mula sa Ingles, Pranses, Aleman, at Sueko, tungo sa Polako, sa kasiyahan ng mga tagapakinig.

Isang delegado mula sa Denmark ang nagkomento tungkol sa kahusayan ng mga tagapagsalitang Polako at pantanging tinukoy ang dramang Job: “Bagaman hindi namin naunawaan ang wika, totoong nakapukaw sa aming damdamin ang drama tungkol kay Job. Napakahusay ng pagkakagawa nito. Yamang alam na namin ang aksiyon, nasubaybayan namin ito pati na ang maraming detalye ng mga pag-uusap sa pagitan ng tatlong ‘mga kaibigan’; naituon namin ang aming isip sa kapaligiran at mga damdamin. Nakita at narinig namin na si Job ay talagang may sakit, at na siya ay dumaranas ng matinding kirot, at naririnig namin kung gaano kasamâ ang tatlong tinatawag na mga kaibigan. Marami sa istadyum ang talagang umiyak.”

Sa bawat kombensiyon, ang mga pagbati mula sa pangkat ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang dako ay binasa at tinanggap ng masigabong palakpakan.

Interesanteng mga Lugar

Sinamantala ng maraming delegado mula sa ibang mga bansa ang pagkakataon na dalawin ang interesanteng mga lugar sa Poland. Ang ilan ay nagtungo sa mga dakong sinilangan nina Frédéric Chopin at Marie Curie sa Warsaw. Dinalaw naman ng iba ang lunsod ng Zakopane, ang magandang istilong-chalet na mga tahanan nito at makulay na mga pamilihang dako, at sumakay sa mga chair lift nito paitaas tungo sa matanawing kabundukan. Sa paglalakbay sa mga ito at sa iba pang mga magagandang lugar sakay ng kotse, nakita ng mga delegado ang magandang kabukirang Polako sa panahon ng pag-aani, mga bukid kung saan ang mga pami-pamilya ay nagtatrabaho​—bata at matanda, mga lalaki at mga babae​—na sama-sama.

Lalo nang interesante ang dating Nazing piitang kampo sa Oświȩcim (Auschwitz). Isang pangkat ng mga Saksi ay sinamahan sa kampo ni Josef, isang dating bilanggo sa Auschwitz. Karaniwan nang ito ay isang nakasisindak at nakapanlulumong paglilibot. Naroon ang mga bitayan, ang pader na kung saan maraming bilanggo ang binaril, ang mga hurnong pinagsusunugan, maraming mga larawan​—sa tuwina’y maitatanong mo sa iyong sarili kung ang lahat bang ito ay totoo nga. Hindi sa pinagdududahan mo ito, subalit ang kilabot nito ay gumagawa ritong halos hindi kapani-paniwala! Naroon din ang iba’t ibang kulay ng mga tatsulok upang ipakilala ang iba’t ibang kategorya ng mga bilanggo​—isa lamang kategorya para sa relihiyosong mga kadahilanan, ang mga Bible Student (mga Saksi ni Jehova) na may tatsulok na kulay lila.

Subalit kasama si Josef bilang giya sa paglilibot, ito ay naging isang nakapagpapatibay na karanasan. Isinaysay niya ang kaniyang kuwento. Dating napasangkot siya sa pulitika, subalit ang kaniyang ama’t ina ay naging mga Saksi. Nang mamatay ang kaniyang ama at ganapin ang libing sa pamamaraan ng mga Saksi, humanga si Josef sa dami ng dumalo at pag-ibig na nakita niya sa gitna ng mga Saksi. Itinigil niya ang kaniyang pulitikal na gawain subalit hindi siya naging isang Saksi. Hindi nagtagal si Josef, ang kaniyang ina, at ang kaniyang kapatid na babae ay ipinadala sa Auschwitz.

Ang kaniyang ina ay sinunog sa mga hurno. Sa wakas ang kaniyang kapatid na babae ay lumabas na may napinsalang kalusugan. Si Josef ay ipinadala sa isang kampo sa Alemanya. Doon ay nakilala niya ang isang Saksi na nakipag-usap sa kaniya, at siya ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, kasama siya sa kakila-kilabot na death march. (Ito ay detalyadong inilahad sa artikulong “Integrity Outlives Concentration Camp,” noong Setyembre 1, 1945, ng Watchtower.)

Sa paglilibot sa Auschwitz, ipinakita sa kanila ni Josef ang silid na kinaroonan niya noon, ang silid na pinagkulungan sa kaniyang ina, at ang mga hurno kung saan sinunog ang kaniyang ina. Subalit ang kaniyang saloobin ay isang huwaran para sa lahat. Walang kapootan. Isa itong dako kung saan ang integridad sa Diyos ay nagtagumpay, kung saan maraming mga Saksi ang namatay nang tapat kay Jehova. Ang paglilibot dito kasama si Josef ay katulad ng pakikisama sa isang masigasig na Saksi sa isang mahirap na teritoryo. Isang Saksi sa grupo ang bumili ng ilang mga postcard mula sa isang despatsadora. Tanong ni Josef: “Nagpatotoo ka ba sa despatsadora?” “Hindi.” Kaagad na umalis si Josef upang magpatotoo sa despatsadora. Tunay, ang paglilibot sa piitang kampo ng Auschwitz kung saan isinagawa ang gayong nakasisindak na mga kalupitan ay maaaring totoong nakapanlulumo, subalit ang paglilibot dito kasama ni Josef ay gumawa ritong isang nagbibigay-inspirasyon na karanasan.

Pagpapahayag ng Pasasalamat

Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang pagdaraos ng mga kombensiyong ito sa Poland. Ang mga opisyal na Polako at ang mga manedyer ng istadyum ay matulungin at magiliw sa mga kombensiyunista. Nakaragdag ito sa tagumpay at kasiyahan ng kombensiyon. Isa pa, sa bawat lunsod na pinagdausan ng kombensiyon, ang pangunahing mga pahayagan ay nag-ulat, at sinaklaw rin ito sa radyo at telebisyon.

Gayunman, ang hindi malilimot ng mga delegado ay ang pagiging mapagpatuloy ng mga Saksing Polako. Ang kanilang kagalakan at sigasig ay madarama sa mga kombensiyon. Binahaginan nila ng kanilang mga pagkain ang dumadalaw ng mga delegado. Inanyayahan nila ang mga delegado sa kanilang mga tahanan. Ipinagluto sila ng mga pagkain, pati na ng ilang espesyal na mga pagkaing Polako. Hindi malilimutan ng mga delegado mula sa ibang mga bansa ang mainit nilang mga ngiti at mga yapos at mga halik.

Marahil ang pag-ibig ng mga Saksing Polako ay pinakamabuting mailalarawan at binubuod sa sumusunod na makabagbag-damdaming kapahayagan na iniharap karakaraka pagkatapos ng pangwakas na pahayag sa mga kombensiyon sa Katowice at Warsaw. Ito ay isinalin sa Ingles at Aleman at tinanggap ng masigabong palakpakan.

Mahal na mga kapatid mula sa di-kukulanging 16 na mga bansa sa daigdig!

Maraming hirap at mga sakripisyo ang pinagdaanan ninyo upang makibahagi sa aming kagalakan. Tanging tunay na mga kaibigan lamang ang gagawa nito.

Hindi naiintindihan ng karamihan sa inyo ang wika rito, gayunman sa kabila nito, kami ay nakatitiyak na kayo ay nalipos ng espiritu ng kombensiyong ito.

Tayo ay pinagkakaisa ng ating pagsamba sa ating dakilang Diyos, si Jehova, at ng ating pag-ibig sa kaniya at sa isa’t isa.

Lahat tayo ay nangangaral ng iisang mensahe​—ang mabuting balita ng Kaharian. Pakisuyong sabihin sa aming mga kaibigan na talagang iniibig namin ang buong kapatiran at na kami ay disididong ingatan ang aming integridad sa Diyos na Jehova hanggang sa wakas.

Gaya ng nabanggit na ng tagapagsalita sa kaniyang pangwakas na pahayag, kami’y naliligayahan na inyong dadalhin ang aming pag-ibig sa mga kapatid sa inyu-inyong mga bansa.

Kami ay naliligayahan at nagpapasalamat na maging kaisa ninyo bilang mga tagapag-ingat ng katapatan sa pambuong daigdig na kapatiran.

Pinasasalamatan namin kayong lahat.

Noong Linggo, Setyembre 29, isang Polakong pambansang brodkast sa radyo ang nagharap ng 30-minutong programa na sumasaklaw sa mga kombensiyon, pati na ang masiglang pag-awit ng awiting Pangkaharian na pinamagatang “See Jehovah’s Army.” Tunay, ang seryeng ito ng mga kombensiyon sa Poland ay naglaan ng isa pang umaalingawngaw na sagot sa tanong na nasa Genesis 18:14: “May anumang bagay kayang napakahirap kay Jehova?”

[Kahon sa pahina 14]

HINDING-HINDI NAMIN MALILIMOT

Hinding-hindi namin malilimot ang inyong pagdalaw sa Poland,

Mga kapatid mula sa maraming lupain.

Ang hapag ni Jehova ay umaapaw at sagana,

At bilang isang maligayang bayan tayo’y sama-sama.

Ito’y hinding-hindi namin malilimot.

Ang wika ay problema, oo,

a paano ma’y ating nasabi,

“Mahal namin kayo.”

Ito’y hinding-hindi namin malilimot.

Kapag ang bagong sistema ay narito na,

Tiyak, ating lilinguning may mga luha,

Aalalahanin, kung paanong puso sa puso tayo’y nagkakilala,

Ito, mahal na mga kapatid, ay hinding-hindi namin malilimot.

​—Kinatha ng isang Saksing Polako.

[Larawan sa pahina 9]

Paglilinis sa istadyum sa Poznań

[Mga larawan sa pahina 10, 11]

Panoramic na tanawin sa 1985 na dako ng kombensiyon sa Warsaw

Bautismo sa kombensiyon sa Warsaw

[Mga larawan sa pahina 12]

Ang ilan sa mga Haponés at iba pang mga delegado sa kombensiyon

Si Albert Schroeder na nagpapahayag sa 18,200 sa KS Warta Stadium, Poznań, Poland

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share