Polandya Tinanggap ang mga Saksi ni Jehova
Noong Agosto 1989, isang kahanga-hangang pagpapamalas ng internasyonal na kapayapaan at pagkakaisa ang naganap sa Polandya. Ang okasyon ay ang “Maka-Diyos na Debosyon” mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa mga lunsod ng Polandya na Poznan at Katowice, Agosto 4-6, at sa Warsaw, Agosto 11-13.
Bakit katangi-tangi ang mga kombensiyong ito? Sa modernong panahon ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos na ng mas malalaking mga kombensiyon, mas matatagal, at mas maraming mga bansa ang kinatawan. Subalit ang mahigit na 166,000 katao ay magsasabi sa iyo na bihirang ang mga kombensiyon ay magpasigla ng gayong higit na sigasig, magpamalas ng gayong pagkakaisang Kristiyano, o magkaroon ng napakaraming kapahayagan ng pag-ibig Kristiyano.
‘Tanging ang Bagong Sanlibutan ang Mas Mainam’
Ang mga delegasyon mula sa di-kukulangin sa 37 mga bansa, pati ang mga indibiduwal mula sa maraming iba pa ay naroon. Limang membro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa palatuntunan. Mahigit 12,000 mga bisita ang mula sa Kanluraning Europa, Estados Unidos, at Hapon, anupa’t ito ang pinakamalaking grupo ng mga internasyonal na manlalakbay na tinanggap kailanman sa Polandya.
Libu-libong iba pa ang mula sa Unyong Sobyet at Czechoslovakia, maging sa iba pang mga bansa sa Silanganing Europa. Ito ang kauna-unahang kombensiyon kailanman para sa karamihan sa mga kinatawang ito, bagama’t marami sa kanila ay mga Saksi na nang 30 o mahigit pang mga taon. Ang mga damdamin ng gayong mga sa unang pagkakatao’y nakipagtipon sa kanilang mga kapatid na Kristiyano ay pinakamahusay na ipinahayg ng isang kinatawan mula sa Kazakhstan, Unyong Sobyet, na nagsabi:
“Sa loob ng napakaraming mga taon aming hinihintay ang araw na ito, at ngayon kami’y narito sa internasyonal na kombensiyong ito. Nahihirapan kaming unawain ang lahat ng ito at paniwalaan ang lahat ng ito. Ito’y gaya ng isang panaginip. Imposibleng ipahayag sa mga salita ang lahat ng aming nakita at narinig. Nang aming makita ang napakalaki, hugis-mangkok na istadyum na punô ng mga tao at narinig ang musika, sa mga mata namin ay tumulo ang luha. At ang panalangin—habang lahat kami ay mistulang bakal sa pagkakaisa—talagang nadama namin hanggang sa kaloob-looban ng aming pagkatao. Napakataimtim nito at nakapagkakaisa. Ang kombensiyong ito sa Warsaw ay tunay na isang kahanga-hanga at dakilang pangyayari na nagpapakilalang tanging ang bagong sanlibutan ang mas mainam. Lagi naming aalalahanin ang mga kamangha-manghang mga araw na ito.”
Nang unang magkasama-sama sa kombensiyon ang libu-libong mga Saksi, marami sa mga bisitang ito ang naantig ang damdamin. Sa Warsaw umaatikabong palakpakan ang narinig sa buong istadyum ng mahigit sa limang minuto. Gaya ng sinabi ng isang kinatawan mula sa Kanluraning Europa: “Nang sandaling iyon, hindi pansin ng karamihan ang mainit na panahon o ang matitigas na upuan o ang pag-uwi sa malalambot na mga upuan. Ibig nila ng higit pang mga tagubilin at maibiging pagsasama-sama.”
Bawat araw ang mga dayuhang kinatawan ay nagbigay ng mga ulat, at naglahad ng mga karanasan mula sa kanilang sariling mga bansa. Ang huli sa 24 na mga gayong ulat ay itinabi sa Warsaw para sa isang kinatawan mula sa Unyong Sobyet. “Wala kaming sapat na mga salita upang ipahayag ang aming kaligayahan na kami’y nasa gitna ninyo,” pag-uumpisa niya. “Labis naming pinahahalagahan na marami sa amin ang nakarating dito at na kami’y tinanggap ninyo nang may kagandahang-loob. Ikinagagalak rin namin ang personal na pakikipag-ugnayan sa napakarami sa inyo, mga kapatid. Ang ilan sa amin ay nanggaling pa sa malalayong lugar, gaya ng Vladivostok sa baybayin ng Dagat Pasipiko, anim na araw na biyahe sa tren. Ang ilan sa amin ay nagkaroon ng mga suliranin sa pagkuha ng mga tiket dahil napakaraming ibig na pumunta nang sabay-sabay, at hindi naman maraming-marami ang nakalaang mga upuan. Subalit sa tulong ni Jehova, nakarating kami.”
Angkop na angkop, na sa kaniyang pangwakas na mga komento noong Linggo, isang membro ng Lupong Tagapamahala ang nagpasalamat sa mga pamahalaan ng Silanganing Europa sa pagpapahintulot sa napakaraming mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga bansa na makadalo sa mga kombensiyon.
Isang Nagkakaisang Pagkakapatiran
Sa paglalarawan ng kaniyang mga karanasan sa kombensiyon sa Polandya, isang Saksi ang nagsabi: “Ito’y gaya ng Babel sa kabaligtaran.” Kung paanong kalituhan at di-pagkakaisa ang naging bunga sa Tore ng Babel nang ang mga tao ay nagsimulang magsalita ng iba’t ibang mga wika, narito ang isang nakapagtatakang pagpapamalas ng pagkakaisa sa pag-iisip, paggawi, at mga pagkilos, sa kabila ng suliranin ng linguwahe.—Genesis 11:1-9.
Ang pagkakaisang ito ng mga mananampalataya buhat sa iba’t ibang lahi ay hindi nakubli sa mga tagalabas. Ang lathalaing Sztandar Młodych ay nagsabi: “Ang tanging mga pasahero sa eruplano na hindi nalilito o nawawala sa karamihan ay ang mga Saksi ni Jehova. Naghanda ang mga magkakapananampalataya ng mga patalastas sa maraming mga wika, mga information desks, at mga karatula at naglaan ng transportasyon tungo sa lunsod.”
Ang mga pag-awit sa mga kombensiyon ay kapansin-pansin, habang sampu-sampung libo ang umawit nang nagkakaisa sa mahigit na 20 iba’t ibang wika, lahat ay nagpapahayag ng pare-parehong mga kaisipan sa isang espiritu ng pag-ibig at pagkakaisa. Higit pa, sa Warsaw ang mga bahagi ng palatuntunan ay isinalin sa 16 na mga wika (sa Poznan 13 at sa Katowice 15). Hindi pa ito kailanman nangyari sa Polandya.
Ang 16 na mga tagapagsalin ay tumayo sa harapan tuwirang kaharap ng kanilang partikular na grupo ng wika. Ang tagapagsalita ay nagpahayag mula sa plataporma, at isinalin ng bawat tagapagsalin ang pahayag sa wika ng mga tagapakinig sa seksiyong iyon ng istadyum. Dahil sa ang mga laud-ispiker ay tuwirang nakatapat sa mga tagapakinig ng partikular na wika ay posible ang pakikinig sa sariling wika nang walang paggambala mula sa mga pagsasaling inihaharap sa ibang mga wika sa ibang mga seksiyon.
Sa kabila ng malulubhang suliraning pangkabuhayan sa Polandya, libu-libong mga bisita ang pinaglaanan ng pribadong tuluyan na kanilang mga kapatid na taga-Polandya. Labing anim na libo ang pinatuloy ng mga kapatid sa Poznan, 21,000 sa Warsaw, at 30,000 sa Katowice. Ang isang pamilya ay nagpatira ng 18 katao at nagpakain ng 21 katao. At ang isang kongregasyon ng 146 na mga Saksi ay nagpatuloy ng 1,276 katao!
Mahusay na Pamamahayag ng Balita
Ang kalakhang bahagi ng mga ulat sa telebisyon, radyo, at pahayagan ay makatotohanan at walang-kinikilingan. Pinapansin sa kaniyang ulong balitang pinamagatang “Isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang Kanilang Relihiyon sa 212 mga Bansa,” ang lathalaing Sztandar Młodych ng Polandya ay pumuri sa kanila sa pamamagitan ng paggamit sa mga artikulo nito ng mga subtitulong gaya ng, “Palagian,” “Maayos,” “Mahinhin,” at “Masisipag.” Tungkol sa istadyum sa Warsaw, sinabi nito: “Wala ni isa mang upos ng sigarilyo o piraso ng papel ang itinapon ng isa mang malikot na bata. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naninigarilyo, at ang kanilang mga anak ay hindi malilikot.”
Ang pahayagang Życie Warszawy ay bumanggit na ang mga paghahanda para sa kombensiyon ay ginawa na nang isang buong taon at nagsabi: “Lakip ang iba pang mga bagay, ang mga istadyum kung saan ginanap ang mga kombensiyon ay muling isinaayos.”
Nag-ulat ang pahayagang Express Wieczorny: “Ang ikinagulat ng mga tagapagmasid ay ang umiiral na kaayusan sa istadyum. Ang pagliligpit ng basura sa itinakdang mga lugar, ang pansamantala subalit malilinis na mga palikuran, ang maraming mga puwesto ng impormasyon—lahat ng iyon ay kagila-gilalas.” Upang magawa ito, mahigit na 3,500 mga Saksi ang gumugol ng panahon sa paghahanda at pagpapalamuti sa istadyum ng Warsaw.
Kinapanayam rin ng pahayagang ito ang ilan sa mga kinatawan, at itinanong sa kanila: “Ano ang naging kahulugan sa iyo ng kombensiyon sa Warsaw?” Isang Saksing taga-Polandya ang nagsabi: “Ako’y naantig ng katotohanang maaari kong makilala ang aming mga kapatid mula sa Czechoslovakia at U.S.S.R., mga bansang kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay hindi opisyal na kinikilala bilang isang relihiyosong samahan.”
Sinipi ang sinabi ng isang Saksi mula sa Unyong Sobyet: “Sa palagay ko’y ito ang pinakadakilang karanasan ng aking buhay. . . . Sa unang pagkakataon sa aking buhay nakilala ko ang napakarami sa aking mga kapatid mula sa buong daigdig. Karagdagan pa, ang pagtitipong ito ay napakahusay ang pagkaorganisa; ang mga pahayag ay isinalin sa 16 na mga wika, ang aming mga kapatid na taga-Polandya ang aming mga punong-abala—tunay na lahat ay kahanga-hanga.”
Sinabi ng Życie Warszawy: “Ang pandaigdig na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Warsaw ay nagwakas ngayon. . . . Ang pagtitipon sa gayong kombensiyon ay naging posible, gaya ng maaalala natin, matapos na ang Relihiyosong Samahan ng mga Saksi ni Jehova sa Polandya—ngayo’y mahigit nang 80 libong mga mananampalatayaa—ay maparehistro mga ilang buwan ang nakaraan. Mula noong Mayo 12 ang dati’y ilegal na grupong relihiyosong ito ay legal na ang katayuan.”
Tinatawag ang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova bilang “isang pagpapamalas ng pagkakaisa,” ang pahayagang ito ay nagsabi na “kung tungkol sa kaayusan, kapayapaan, at kalinisan, ang mga nakikibahagi sa kombensiyon ay mga huwarang dapat tularan.”
Ang Bautismo
Lahat, maging sila’y nakapagsasalita o hindi ng Polako, ay lubusang napukaw ang damdamin nang mapanood ang bautismo. Sa Warsaw isang malaking bilang ng mga upuan ang inilagay sa larangang palaruan na kaharap ng plataporma upang maging upuan ng mga kandidato sa bautismo. Subalit nang palatuntunan noong umaga, nakawiwiling pagmasdan ang mga attendant na nagmamadaling naglilipat ng mga karagdagang upuan sa larangan habang ang grupo ng mga kandidato ay patuloy na lumalaki. Pagkatapos, nang magsisimula na ang pahayag sa bautismo, nanahimik ang napakaraming mga tagapakinig. Mga ilang saglit pa at mararanasan nila ang isang bagay na hindi nila malilimutan. Habang tinatanggap ng tagapagsalita ang mga kandidato sa bautismo, sa buong istadyum ay naghumugong ang pagpapalakpakan. At pagkatapos, animo’y kusang inihanda, subalit sa katunayan ay udyok ng nag-uumapaw na mga pusong naantig ng espiritu ng Diyos, ang mga kandidato ay tumugon sa pamamagitan ng buong-siglang pagkaway bilang pagbati sa napakaraming nanonood na nakapalibot sa kanila.
Ang pangmadlang pagpapahayag ng mga kandidato ng kanilang pananampalataya bilang sagot sa dalawang tanong na karaniwang itinatanong sa mga kandidato ay malinaw at buo-ang-loob—at tunay na marami sa kanila ang umabot sa ganitong hakbangin ng pag-aalay pagkatapos ng malaking paghihirap at pagsubok. Pagkatapos ng isang panalangin, ang mga kandidato ay nagdalawang grupo at naglakad mula sa istadyum habang ang mga nanonood ay umaawit ng “Sa Diyos Tayo’y Naaalay.” Ang mga kapatid na lalaki ay lumabas mula sa larangan tungo sa isang tunel sa kanilang mga silid-bihisan, habang ang mga kapatid na babae ay nagtungo naman sa isa pang tunel sa kanilang silid-bihisan. Ang mga attendant at mga babautismuhan, pawang nakaputi, ay lumagay sa kanilang mga dako, at mabilis na ang mga kandidato, nadaramtan ng mahihinhing mga kasuotang pambasa, ay bumalik sa larangan, kung saan 12 mga pools sa bautismo ang inilagay, 6 sa kabilang dulo ng larangan para sa mga kapatid na babae, at 6 sa kabilang dulo ng larangan para sa mga kapatid na lalaki.
Nagpatuloy ang masigabong palakpakan sa loob ng 45 minuto ng pagbabautismo ng 1,905 katao sa Warsaw. (Nang naunang linggo, 1,525 ang nabautismuhan sa Poznan at 2,663 sa Katowice, para sa kabuuang bilang na 6,093, o 3.7 porsiyento ng pinakamataas na bilang ng dumalo.) Dalawang pilay na mga kapatid na lalaki ang maibiging binuhat mula sa kanilang mga silyang de-gulong bago binautismuhan, kasama ang isa na dinala sa larangan sa isang stretcher upang pakinggan ang pahayag sa bautismo.
“Ang Lubusang Kasukdulan”
‘Iyan ay tila masyadong emosyonal,’ marahil ay sasabihin mo. Bueno, totoo! Subalit hindi ito ang uri ng damdaming makikita mo sa relihiyosong mga revival ng Sangkakristiyanuhan. Ang damdamin ng mga kombensiyonista sa Polandya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, kaya yaong mga nagsidalo ay magiging mas mahusay sa paglilingkod sa Diyos pagkaraan. Iyon ay damdaming pinukaw ng kaalaman na matapos ang mga dekada ng pagsalangsang, ang mga Saksi sa Polandya ay sa wakas maaari nang magtipun-tipon nang malaya kapiling ang kapuwa mga kapananampalataya mula sa kalapit na mga bansa. Iyon ay damdaming bunga ng kaligayahang malaman na ang kinatawang katabi mo ay marahil hindi pa nakadalo ni minsan sa isang kombensiyon at tiyak na hindi isa na ganitong kalaki. Iyo’y isang damdaming nagmumula sa isang nakababagbag-loob, nakikitang patotoo na ang mga Saksi ni Jehova ay isang nagkakaisa, pandaigdig na pagkakapatiran na naglilingkod sa buháy na Diyos ng katotohanan.
Ang isang kinatawan mula sa Kanluraning Europa ang naghinuha nito sa pagsasabing: “Sa kabila ng pagdalo sa bawat kombensiyon sapol pa noong 1952, kung tungkol sa espiritung umiiral, sigasig, tuwa, pag-ibig, pagpapahalaga, at pagpapasalamat, ito ang lubusang kasukdulan.”
Walang alinlangang ang gayong damdamin ay umabot sa sukdulan sa Warsaw noong Linggo sa pansarang panalangin. Bagama’t hindi maunawaan ng libu-libo ang mga salita nito, nadama ng bawat isa ang espiritu, ang pag-ibig, ang pag-aalay, ang kagalakan, ang taos-pusong pagkilala sa Soberanong Panginoong Jehova, at ang tibay-loob na magpatuloy sa gawain ni Jehova na ipinahayag nito. Ang nakapupukaw-pitagang katahimikan habang nakayuko ang mga 60,000 ulo sa panalangin sa kanilang Diyos ay ginambala lamang ng di-magkakamaling masayang paghikbi ng pagpapahalaga. Nang magwakas ang panalangin, lahat ay kusang sumambit ng “Amen” nang taos sa puso. Sumunod ang kusang-loob na palakpakan sa loob ng 11 minuto na umilanlang sa napakaraming nagtitipong iyon.
Mahigit 166,000 katao ang mga nakasaksi sa teokratikong kasaysayang ginawa sa Polandya. Bago tuluyang bumulusok ang masamang sistema ni Satanas tungo sa pagkapuksa, higit pang kasaysayan ang gagawin—nakapupukaw, nakapipigil-hininga, nakasisindak na kasaysayan na magkakaroon ng kasukdulan sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova. At kung pipiliin mo, maaari kang maligtas bilang bahagi ng kasaysayang iyon. Gagawin mo ba?
[Talababa]
a Pagtaya ng pahayagan.
[Kahon sa pahina 21]
MAKASAYSAYANG MGA PANGYAYARI
1928 Ang 300 mga Saksi sa Polandya ay nagdaos ng kanilang unang maliliit na mga asamblea.
1939 Habang nagsisimula ang Digmaan Pandaigdig II, 1,100 mga Saksi ang nangangaral; marami ang ibinilanggo, at ang ilan ay namatay sa mga kampong piitan sa Alemanya.
1945 Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, ang bilang ng mga Saksi ay mahigit na naging doble at naging 2,500.
1946 Noong Hunyo, 1,500 ang dumalo sa asamblea malapit sa Lublin; 298 ang nagbautismuhan. Noong Setyembre 5,600 ang dumalo sa asamblea sa Katowice.
1947 Ang kombensiyon sa Kraków ay dinaluhan ng 7,000; 476 ang nabautismuhan. Dalawang nagtapos sa Gilead ang dumating upang tumulong na isaayos ang gawaing pangangaral.
1950 Isang peak na 18,000 mga Saksi ang naabot noong Marso. Ang Memoryal ay dinaluhan ng 24,000. Noong Hulyo ang gawain ay ipinagbawal, kailangang idaos ang maliliit na mga pagpupulong sa pribadong mga tahanan.
1968 Ang isang-araw na mga pandistritong kombensiyon ay unang ginanap sa mga kagubatan na may dumalong 100 o 200; sa bandang huli, sindami ng 1,000 ang dumadalo.
1980 Halos 2,000 mga Saksi mula sa Polandya ang naglakbay tungong Vienna, Austria, para sa pandistritong kombensiyon.
1981 Isang lalong malaking kombensiyon kaysa yaong naganap noong 1980 ang ginanap sa Vienna para sa mga kapatid na taga-Polandya.
1982 Nagkaloob ang pamahalaan ng Polandya sa mga Saksi ng pahintulot na umupa ng mga bulwagan at istadyum para sa mga isang-araw na asamblea.
1985 Ang tatlong-araw na mga kombensiyon na dinaluhan ng mahigit 94,000 katao ay ginanap sa Polandya. Mayroong daan-daang mga bisita mula sa 16 na mga bansa, lakip ang apat na membro ng Lupong Tagapamahala.
1989 Ang “Maka-Diyos na Debosyon” mga Pandistritong Kombensiyon ay nag-uumapaw na tatlong istadyum kasama ang limang membro ng Lupong Tagapamahala na dumalo; kabuuang bilang ng dumalo ay 166,518, at 6,093 ang nabautismuhan. Dalawang tracts ang inilabas sa wikang Polako, Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova? at Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya, maging ang 32-pahinang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang mga kandidato sa bautismo sa Warsaw na nakaupo sa harapan ng plataporma, at ang mga karamihang nanonood sa kanilang bautismo
[Mga larawan sa pahina 25]
Bahagi ng seksiyon na reserbado sa Katowice para sa mga kinatawan mula sa Unyong Sobyet, at ilang mga bus na nagdala ng mga Rusong Saksi sa Poznan