Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 9/8 p. 12-14
  • 1995—Ano Kaya ang Ating Kinabukasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 1995—Ano Kaya ang Ating Kinabukasan?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang Nag-uudyok sa mga Tao na Mapoot?
  • Isang Naiibang Kinabukasan na Ipinangako
  • Ang Ipinangako ng Diyos na Tiyak na Pagkilos
  • Papaanong ang Kapayapaan ay Magiging Isang Katunayan?
    Gumising!—1986
  • Kung Paano ang Daigdig ay Mapagkakaisa
    Gumising!—1993
  • Hanapin ang Tunay na Kapayapaan at Itaguyod Ito!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Pamamaalam sa Digmaan
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 9/8 p. 12-14

1995​—Ano Kaya ang Ating Kinabukasan?

“Ang daigdig ay nangangailangan ng isang giya na mas maigi kaysa yakapin na lamang ang demokrasya at ekonomiya ng malayang pamilihan​—subalit wala namang gayon.”​—Will Hutton, Guardian Weekly.

MULA sa pangmalas ng tao, ang pangungusap na iyan ay maaaring totoo. Ang daigdig ay para bang walang maaasahang kompas upang ituro ang direksiyon tungo sa kapayapaan, katiwasayan, katarungan, pagkamakatao, at mabuting pamahalaan. Sinubok na ng tao ang halos lahat ng sistema ng pamahalaan, mula sa mga monarkiya hanggang sa mga republika, mula sa mga diktadura hanggang sa mga demokrasya, gayunman ay hindi pa rin niya halos mapamahalaan ang kaniyang daigdig. Saan siya dapat bumaling?

Tila may mapagpipilian​—ang landas pababa tungo sa isang daigdig ng higit na karahasan, krimen, katiwalian, kawalan ng katarungan, relihiyoso at pulitikal na pagpapaimbabaw, nasyonalistikong pagkapoot, at pagsasamantala sa mahihirap. Iyan ang landas na sinasabi ng ilan ay patungo sa anarkiya.

O yaong daang matarik, mapagsakripisyo-sa-sariling pag-akyat tungo sa isang mas mabuting daigdig na salig sa lunas ng Diyos para sa pamahalaan, na masusumpungan sa Bibliya. Matarik ito sapagkat ito’y humihiling ng moral na tibay ng loob, personal na sakripisyo, isang espirituwal na pangmalas sa buhay, at paniniwala sa isang Diyos na may layunin. Ngunit upang maging matagumpay ang pag-akyat na iyon kailangan ding maging mapagpakumbaba ang tao​—magpakumbaba sa kaniyang Maylikha. Dapat siyang bumaling sa Diyos para sa matuwid na pamamahala. Ang Kristiyanong apostol na si Pedro ay nagpayo: “Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:6, 7; Apocalipsis 4:11.

Sino ang Nag-uudyok sa mga Tao na Mapoot?

Hindi permanenteng mababago ng tao sa ganang sarili ang daigdig na ito sa ikabubuti​—ang masakim, masamang mga elemento ay napakarami at napakalakas. Ang propeta Jeremias ay tama nang isulat niya: “Talastas ko, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Kung wala ang Diyos, hindi maaaring ituwid ng tao ang kaniyang mga hakbang nang matagumpay para sa kapakinabangan ng buong sambahayan ng tao. Bakit gayon? Sapagkat bukod pa sa ating minanang di-kasakdalan ay nariyan sa tuwina ang di-nakikitang kaaway na si Satanas, na handang udyukan tayo, gaya ng ginawa niya sa Rwanda, upang ang mga tao’y masangkot sa madugong labanan.​—Genesis 8:21; Mateo 4:1-11.

Upang udyukan ang pagtatangi, pagkapoot, at pagpatay sa mga puso’t isipan ng mga tao, itinimo ni Satanas sa mga bansa ang mga kaisipan tungkol sa pagiging nakahihigit ng bansa, ng tribo, at ng relihiyon. Ang tumimong turo na ito sa pagkapoot ay naitanim mula sa pagkasanggol ng mga magulang na ang mga kaisipan ay nakapako na rito, kadalasan ay dahil sa mga dantaon ng tradisyon. Ang tradisyong ito ay saka pinagtibay ng mga sistema ng paaralan at ng relihiyosong mga turo. Kaya naman milyun-milyong tao ang pinalaki na taglay ang pagkapoot at pagtatangi sa kanilang mga puso. Sila at ang kanilang isipan ay nakondisyon na mula sa pagkasanggol, na lumaban sa kanilang kapuwa-tao sa kahilingan ng walang-konsensiyang pulitikal at relihiyosong lider. Ang pagdagsa ng di-makatuwirang mga sawikain at mga paghamak ay maaaring magsulsol, mabilis na magpalaki sa sunog, na nagwawakas sa sadyang paglipol ng isang tribo o pogrom.

Ipinahihiwatig kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, si Martin van Creveld, isang militar na mananalaysay sa Israel, ay sumulat sa The Transformation of War: “Mula sa kasalukuyang pangmalas, waring may lahat na dahilan na umasa na ang relihiyosong . . . mga pagkapanatiko ay gaganap ng mas malaking bahagi sa pag-udyok ng sandatahang labanan” sa Kanluran kaysa anumang panahon “sa nakalipas na 300 taon.” Kaya nga ang relihiyon, sa halip na maging isang puwersa para sa kapayapaan at para sa pag-angat ng espirituwalidad ng sangkatauhan, ay nananatili sa makasaysayang bahagi nito ng pag-uudyok ng pagkapoot, labanan, at patayan.

Isang Naiibang Kinabukasan na Ipinangako

Kung ang sangkatauhan ay magiging marapat para sa buhay sa isang matuwid na bagong sanlibutan, kung gayon sila ay dapat makibahagi sa pagtupad sa hula ni Isaias: “Kaniyang [si Jehova] tuturuan tayo sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas. . . . At tiyak na hahatol siya sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay tungkol sa maraming bayan. At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:3, 4.

Sino sa ngayon ang sumusunod sa kahanga-hangang hulang ito sa buong daigdig? Sino yaong mga minabuti pang mamatay sa Rwanda kaysa pumatay ng kanilang kapuwa mananampalataya ng kakaibang tribo? Sino ang mga namatay sa mga kampong piitan ng Nazi sa halip na maglingkod sa mga hukbo ni Hitler? Sino ang gumugol ng panahon sa mga bilangguan ng maraming bansa sa halip na mag-aral na makipagdigma? Sila yaong nagtatamasa ng katuparan ng Isaias 54:13: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.”

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagtataglay ng kapayapaang iyon sa ngayon sapagkat tinanggap nila ang mga turo ni Jehova mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Sinusunod nila ang mga turo at halimbawa ni Kristo Jesus. At ano ba ang sinabi niya? “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang pag-ibig na ito sa gayong antas anupat, bagaman dating mga Katoliko at mga Protestante, sila ngayo’y magkakasuwatong gumagawang magkakasama sa Hilagang Ireland. Bagaman dating magkakaaway sa relihiyon, sila ngayo’y nagtutulungan gaya ng mga Kristiyano sa Israel, Lebanon, at sa iba pang mga lupain. Hindi na sila nag-aaral pa ng pakikidigma. Kay laking pagkakaiba nga kung sinusunod ng lahat ng tao sa daigdig ang mga salita ni Jesus at ikinakapit ito sa kanilang mga buhay!

Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos ay malapit na, isang daigdig na pamamahalaan ng isang makalangit na pamahalaan. Anong saligan mayroon sila para sa gayong positibong pag-asa?

Ang Ipinangako ng Diyos na Tiyak na Pagkilos

Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ang Diyos ay nangako ng isang matuwid na pamamahala para sa lahat ng masunuring sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Daniel, inihula niya na sa panahon ng kawakasan ng kasalukuyang sistemang ito, siya’y magtatayo ng isang permanente at matuwid na pamahalaan. “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Ito rin ang pamamahala ng Kaharian na itinuro ni Kristo na hilingin ng mga mananampalataya sa kaniyang bantog na panalangin: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:9, 10.

Sa panalanging iyon tayo ay humihiling sa Diyos na tuparin niya ang kaniyang mga pangako tungkol sa kaniyang matuwid na pamamahala. At nalalaman natin na ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling. Binanggit ni Pablo ang tungkol sa “buhay na walang-hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.” (Tito 1:2; Hebreo 6:17, 18) At ano ba ang ipinangako ng Diyos? Ang apostol Pedro ay sumasagot: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”​—2 Pedro 3:13; Isaias 65:17; Apocalipsis 21:1-4.

Bago lubusang matamasa ang matuwid na pamamahalang iyon dito sa lupa, isang malaking paglilinis ang kailangang mangyari. Ang mga hula sa Bibliya ay nagsasama-sama upang ipakita na ang pagkilos na ito upang linisin ang sanlibutan ni Satanas at ng kaniyang balakyot na mga hukbo ay malapit nang mangyari. (Tingnan ang Mateo, kabanata 24; Lucas, kabanata 21; at Marcos, kabanata 13.) Ang pangwakas na kilos na ito ng paglilinis ay tinatawag na ang digmaan ng Armagedon, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Apocalipsis 16:14, 16.

Sa kabila ng kung ano ang maaaring isipin ng marami, ang taóng 2000 ay hindi mahalaga. Sa paano man, ang petsang iyan ay may-bisa lamang sa Sangkakristiyanuhan. Ang ibang kultura ay may kanilang sariling mga sistema ng pagpepetsa. Ang mahalaga ay na ngayon na ang panahon upang bumaling sa Diyos at sa kaniyang Salita upang patunayan sa iyong sarili kung ano “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:1, 2) Ang mahalaga ay na ngayon na ang panahon upang ikaw ay pumili​—alin sa lumakad sa isang kinabukasan na pinagpala ng Diyos o magpatuloy sa landas ng kabiguan na iniaalok ng sanlibutan ni Satanas. Hinihimok ka naming piliin ang daan ng Diyos. Piliin ang buhay!​—Deuteronomio 30:15, 16.

[Blurb sa pahina 14]

“May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako.”​—2 Pedro 3: 13

[Larawan sa pahina 13]

Talagang maaaring pandayin ng mga bansa ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod sa ilalim lamang ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share