Maaari Ba Nating Malaman Kung Mayroon Ngang Diyos?
MAY isang natatanging himaton sa pag-iral ng isang Maylikha na taglay nating lahat. Di-gaano o lubha nating ginagamit ito sa araw-araw gayunman para bang binabale-wala natin ito. Ito ay tumitimbang ng halos tatlong libra (1.4 kg), at halos kasinlaki ng isang kahel o lukban, na para bang isang binalatang nuwes de nogal, at iniingatan sa loob ng bao ng ulo. Oo, ito ang utak ng tao.
Gayunman ang payak na paglalarawang iyan ay hindi sapat sa kamangha-manghang disenyong ito. Ganito ang pagkakalarawan dito ng Pranses na neurobiyologong si Dr. Jean-Pierre Changeux: “Ang utak ng tao ay nagpapangyari sa isa na isipin ang isang dambuhalang kalipunan ng sampu-sampung bilyong sala-salabid na neuronal na parang mga sapot ng gagamba, kung saan mabilis na dumaraan ang laksa-laksang elektrikal na mga impulso, na inihahatid sa pana-panahon ng saganang pagtatanghal ng kemikal na mga hudyat. Ang anatomikal at kemikal na organisasyon ng makinang ito ay kagila-gilalas na masalimuot.”—Neuronal Man.
Sang-ayon sa neurologong si Dr. Richard Restak, bawat isa sa mga 100 bilyong neurona, o mga selula ng nerbiyos ng utak, “ay maaaring may mahigit sa isang libong synapses—na naglalapat-lapat sa mga selula ng nerbiyos. Kung isasama pa ang ilang mga selula sa loob ng cerebral cortex, ang bilang ay maaaring umabot ng dalawang daang libong mga koneksiyon.”
Tinataya ni Dr. Changeux na mayroong “mga 600 milyong [synapses] sa bawat milimetro kúbikó.” Ang isang milimetro kúbikó ay halos kasinlaki ng isang ulo ng maliit na aspili! Kaya gaano karaming synapses, o pinag-ugnay na mga puwang, mayroon sa isang utak? Si Dr. Restak ay sumasagot: “Maaaring mayroong mula sampung trilyon hanggang isang daang trilyong mga synapses sa utak, at ang bawat isa ay kumikilos na parang isang munting calculator na itinatala ang mga hudyat na dumarating bilang elektrikal na mga impulso.” Ano ang ibig sabihin niyan? Gaya ng sabi ni Restak: “Ang kabuuang bilang ng mga koneksiyon sa loob ng napakalawak na network ng sistema neuronal ng utak ay totoong napakalaking bilang.”
Papaano Inihahatid ang Impormasyon?
Subalit hindi ito ang wakas na kuwento. Ang mga neurona ng utak ay gumagawa ng mga koneksiyon sa pamamagitan ng pagsasanga ng mga hibla na tinatawag na mga dendrites. Ganito ang sabi ni Dr. Restak: “Tinatayang ang kabuuang haba ng mga dendrite sa loob ng utak ng tao ay mahigit mga ilang daang libong milya.” At lahat ng iyan ay sa loob ng siksik na kimpal ng utak na nasa loob ng iyong bungô!
Subalit paano inihahatid ang impormasyon sa loob ng kabigha-bighaning sansinukob ng utak? Papaanong ang synaptic cleft, na isang ikasangmilyon ng isang pulgada (0.000025 mm) ang lapad, ay nagkakadugtung-dugtong sa selula at selula? Sa pamamagitan ng “payak” na pagbabago ng isang elektrikal na impulso tungo sa kemikal na hudyat na nagdudugtong sa puwang gaya ng isang neurotransmitter. Napakaraming iba’t ibang mga kemikal na kumikilos bilang mga neurotransmitter, ang ilan ay “gumaganap din ng iba’t ibang bahagi saanman sa organismo.”—Neuronal Man.
Huminto at pag-isipan kung ano ang kababasa mo lamang. Ang gayon bang malawak na kasalimuotan na isiniksik sa napakaliit na lugar sa bao ng ulo ay bunga nga kaya ng bulag na kalikasan o ng isang walang patnubay na pamamaraan ng mga pagsubok? O ito kaya sa halip ay matalinong disenyo ng isang Maylikha?
“Ang Pinakapambihirang Kababalaghan”
Ang utak ng tao ang siyang dahilan ng malaking agwat na umiiral sa pagitan ng pinakamatalinong hayop at ng isang karaniwang tao. Gaya ng isinulat ng mga propesor sa biyologo ng tao na sina Dr. Ornstein at Thompson sa The Amazing Brain: “Ang kakayahan ng isip ng tao na matuto—mag-imbak at alalahanin ang impormasyon—ang pinakapambihirang kababalaghan sa biyolohikal na sansinukob. Ang lahat ng bagay na gumagawa sa atin na tao—wika, pag-iisip, kaalaman, kultura—ay bunga ng kahanga-hangang kakayahang ito.”
Ngayon, kung ang kaalamang ito tungkol sa utak ay totoong nagpahanga sa iyo, hindi mo ba isasaalang-alang sa paanuman ang posibilidad na isang matalinong Disenyador at Maylikha ang siyang may pananagutan sa masalimuot na sangkap na ito? Ganito ang pangangatuwiran ng manunulat ng Bibliya at abogadong si Pablo: “Sapagkat lahat ng maaaring malaman ng tao tungkol sa Diyos ay maliwanag na nahahayag sa kanilang mga mata . . . Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya.”—Roma 1:19, 20, The New English Bible.
Ang Himala sa Bahay-bata
Isaalang-alang natin ang marahil ay higit pang nakatatawag-pansin na katanungan: Paano lumaki ang masalimuot na utak mula sa isang pertilisadong selula sa bahay-bata ng ina? Ang ebolusyunistang si Dr. Restak ay nagkukomento: “Ang iba ay walang galang na sumasagot na lahat ng ito ay genetikong ipinograma, nakakaligtaan sumandali na ang isang programa ay walang saysay kung walang isang tagaprograma.” Gayunman, yamang karaniwan nang hindi naniniwala ang mga ebolusyunista sa pag-iral ng isang nakatataas na “tagaprograma,” sila ay humahanap ng isang mapagpipiliang paliwanag. Bueno, ano ang masusumpungan natin kung pag-aaralan natin ang paglaki ng utak mula sa napakaliit na pertilisadong selulang itlog na nasa bahay-bata ng ina?
Ganito ang sabi ni Dr. Restak: “Walang masusumpungan na anuman na katulad ng utak sa bilíg ng tao hanggang mga tatlong linggo ang gulang. [Sa puntong iyon ang bilíg ay sumusukat ng wala pang isang ikaapat ng isang pulgada (6 mm).] Pagkatapos niyan, ang utak, pati na ang lahat ng sentrong sistema nerbiyosa, ay nagsisimulang lumaki mula sa isang piraso ng mga selula na nakapalibot sa bilíg.” Iyan ay madaling sabihin, ngunit tandaan, tayo ay nagsimula sa iisa lamang pertilisadong selula. Pagkatapos ang selulang iyon ay napakabilis na dumarami sa loob ng siyam na buwan sa bilis na 250,000 bagong mga neurona sa bawat minuto hanggang sa lubusang magawa ang isang utak ng tao na binubuo ng hanggang 100 bilyong mga selula!
Hindi kataka-taka na ang ibang mga siyentipiko ay magkaroon ng mapakumbabang saloobin kapag pinag-aaralan nila ang utak! Si Dr. Miles Herkenham, isang neurosiyentipiko, ay nagsasabi: “Lagi nang may magpapamanghang lubha sa atin, magpapahanga sa atin, magpapanatili sa ating mapakumbaba . . . Ang utak ng tao ang siyang kahanga-hangang sangkap sa nakikilalang sansinukob.”
Dapat tayong akayin ng gayong kapakumbabaan na kilalanin ang sukdulan ng talino na nasa likuran ng utak ng tao, ang di mapapantayang kaisipan sa likuran ng isip ng tao. Gaya ng sinasabi mismo ng Maylikha: “Sapagkat ang mga pag-iisip ninyo na mga tao ay hindi aking mga pag-iisip, ni ang akin mang mga lakad ay inyong mga lakad . . . Sapagkat kung paanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.”—Isaias 55:8, 9.
Libu-libong mga Himaton
Mayroon pang hindi mabilang na mga himaton upang ipakita na mayroong nakahihigit kaysa bulag na pagkakataon na siyang may pananagutan sa napakaraming pagkakasarisari at kasalimuotan ng buhay sa lupa. Halimbawa, ang likas na pandarayuhan na katutubong ugali ng mga ibon at mga isda ay nakalilito sa mga siyentipiko. Paano nagsimula ang katutubong kakayahang iyon?
Ang The New York Times ay nag-ulat kamakailan: “Tuwing tagsibol at taglagas angaw-angaw na mga tagák, pelicano, busardo, agila at iba pang malalaking ibon ay lumilipad sa Israel habang sila ay nandarayuhan sa pagitan ng Europa at Kanluraning Asia at Aprika, humahanap ng pinakamaikling ruta sa Mediteraneo.” Bakit hindi sila basta lumipad sa ibayo ng dagat na iyan? Ang ulat ay nagpapatuloy: “Di-gaya ng mas maliit na mga ibon na maaaring liparin ang ibayo ng tubig sa loob ng isang araw, ang mas malaki at mas mabigat na mga ibon ay dapat pumailanglang at sumalimbay sa mga hanay ng mainit na hangin na mula sa lupain. . . . Ang mga ibon ay sumasalimbay pababa mula sa itaas ng isang mainit na hanay ng hangin tungo sa ibaba ng susunod na hangin at uulitin ang pamamaraan hanggang sa Aprika at pabalik.” At ito ay walang anumang mapa o kompas at, sa maraming kaso, walang dating karanasan!
Ang pagsasaoras ng pandarayuhan ay kahanga-hanga rin. Ang babasahin ding iyon ay nagsabi: “Ang bawat uri ay dumarating sa halos iisang panahon at sa iisang daanan ng hangin taun-taon. Halimbawa, noong Set. 4, 1984, at noong Set. 4, 1985, sinimulan ng mga honey buzzard ang kanilang parada sa Israel, tinatayang 220,000 sa kanila sa loob ng dalawang araw.” Sino ang nagprograma ng katutubong kakayahang ito sa genes ng mga ibong ito? Wala? O ito ba’y ang matalinong Maylikha?a
Isang Malaking Hadlang sa Paniniwala sa Diyos
Sa harap ng sirkumstansiyal na katibayang ito sa pag-iral ng isang matalinong Maylikha, bakit nga napakaraming taimtim at edukadong mga tao ang hindi pa rin naniniwala sa Diyos? Maraming salik ang maaaring nakaimpluwensiya sa kanilang kaisipan.
Halimbawa, inilarawan ng relihiyon sa nilakad-lakad ng panahon ang Diyos bilang isang mahiwagang tatlo-sa-isa na Trinidad na itinatadhana ang mga kaluluwa sa walang hanggang pagpapahirap sa isang impiernong apoy. Isa pa, inilarawan ng relihiyon ang isang mapag-imbot na Diyos na ipinahihintulot ang kamatayan ng mga mahal sa buhay upang magkaroon ng tao sa kaniyang langit. Napansin naman ng iba kung paanong kadalasan ay ipinangangaral ng relihiyon ang isang bagay subalit ginagawa naman ang ibang bagay. Hindi kataka-taka kung gayon na maraming tao ang lumayo sa Diyos.
Isa pang dahilan kung bakit marami ang nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos ay ang paghihirap ng tao. Papaano maipahihintulot ng isang makatarungang Diyos ang labis na paghihirap sa buong iniulat na kasaysayan ng tao? Kung siya ay Makapangyarihan-sa-lahat, bakit hindi niya wakasan ang digmaan at paghihirap?
[Talababa]
a Para sa higit pang detalyadong impormasyon tungkol sa pinagmulan ng buhay, tingnan ang Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, isang 256-pahina, may larawang aklat na inilathala noong 1985 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Dayagram/Larawan sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang utak ay mayroong hanggang 100 bilyon na mga neuronang gaya nito, na may libu-libong milya ng mga dendrite at trilyun-trilyong mga synapses
—Dendrite
—Synapse
—Axon
“Ang kakayahan ng isip ng tao na matuto . . . ang pinakapambihirang kababalaghan sa biyolohikal na sansinukob.”—The Amazing Brain
[Larawan sa pahina 6]
Sa loob ng siyam na buwan ang isang pertilisadong selula ay nagiging isang sanggol na taglay ang isang utak na may hanggang 100 bilyong mga selula
[Larawan sa pahina 7]
Ang katutubong ugali ng pandarayuhan ay isa pang katibayan ng isang mas mataas na talino na nasa likuran ng paglalang
[Pinagmulan]
Europeong puting tagák