Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 5/8 p. 3-4
  • Ang Iyong Utak—Kamangha-mangha ang Pagkamasalimuot

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Iyong Utak—Kamangha-mangha ang Pagkamasalimuot
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsulyap sa Loob ng Iyong Ulo
  • Ang Iyong Utak—Paano Ito Gumagana?
    Gumising!—1999
  • Ang Utak—“Higit Pa sa Isang Computer”
    Gumising!—1988
  • Maaari Ba Nating Malaman Kung Mayroon Ngang Diyos?
    Gumising!—1986
  • Ang Paniniwala ng Isang Brain Pathologist
    Gumising!—2017
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 5/8 p. 3-4

Ang Iyong Utak​—Kamangha-mangha ang Pagkamasalimuot

“Ang utak ng tao ay naghaharap ng isang sukdulang palaisipan: paanong ang isang kumpol ng himaymay na sinlambot ng hilaw na itlog ang siyang may pananagutan sa iyong ‘isip,’ sa iyong mga kaisipan, sa iyong personalidad, sa iyong mga alaala at damdamin, at maging sa iyong aktuwal na kamalayan?”​—Propesor Susan A. Greenfield, The Human Mind Explained.

ANG iyong utak ang kumukontrol sa paraan ng pagkilos ng iyong katawan. Dahil dito ay natututo ka ng mga bagong ideya, maging ng bagong mga wika, at ito ang nag-iimbak at gumugunita sa mga alaala sa iyong buhay. Gayunman, inamin ng biyologo sa utak na si James Bower: “Talagang hindi natin alam kung anong uri ng makina ang utak.” Sumang-ayon naman ang siyentipiko sa utak na si Richard F. Thompson: “Napakarami pang dapat matutuhan kaysa sa nalalaman na natin ngayon.” Gayon na lamang kalaki ang interes na matuklasan ang mga hiwaga ng utak anupat idineklara ng Konggreso ng Estados Unidos ang dekada ’90 bilang ang Dekada ng Utak.

Pagsulyap sa Loob ng Iyong Ulo

Lubhang kapansin-pansin ang mabukong mga bahagi ng cerebral cortex, o panlabas na suson ng utak. (Tingnan ang drowing sa pahina 4 at ang kahon sa pahina 8.) Ang kulu-kulubot at kulay rosas-abuhin na suson, na mga ilang milimetro ang kapal, ang kinalalagyan ng mga 75 porsiyento ng 10 bilyon hanggang 100 bilyong neuron (selula ng nerbiyo) ng utak. Ngunit sinasabi ng ilang siyentipiko na kahit ang ganito karaming neuron ay hindi siyang paliwanag kung bakit masalimuot ang utak.

Maraming neuron ang may mahaba at tulad-buntot na kayarian na tinatawag na axon. Ang iba pang himaymay na nagmumula sa neuron ay mumunting dendrite, na kahawig ng mga sanga at maliliit na sanga ng isang murang punungkahoy. Pinaglalaanan nito ang isang karaniwang neuron ng libu-libong kawing sa iba pang neuron. Ang totoo, ang mga neuron ay hindi kailanman nadadaiti sa isa’t isa. Sa pagitan ng mga agwat, na tinatawag na synapse, dumadaloy ang kati-katiting na mga kemikal, anupat nagdaragdag ng bagong katangian sa pagiging masalimuot ng buong kayarian.

“Ang dami ng posibleng iba’t ibang kombinasyon ng mga koneksiyon ng synapse” sa iyong utak ay “mas marami pa sa kabuuang bilang ng mga piraso ng atomo na bumubuo sa nakikilalang sansinukob,” ang pagtantiya ng isang dalubhasa.

Bagaman ang cortex na puno ng neuron ang marahil pinakakilalang bahagi ng utak, kumusta naman ang mga bahagi na nasa ilalim ng cortex? Halimbawa, ang iyong corpus callosum ay naglalaan ng mahalagang kawing sa pagitan ng kaliwa at kanang bahagi ng utak. Malapit lamang dito ang iyong thalamus (mula sa Griego para sa panloob na silid), na dito dumaraan ang karamihan sa impormasyong natatanggap ng iyong utak; ang kaugnay na hypothalamus (Griego para sa ilalim ng panloob na silid), na tumutulong upang kontrolin ang iyong presyon ng dugo at temperatura ng katawan; at isang maliit na karagdagang bahagi na tinatawag na pituitary gland. Ang pangunahing glandulang ito ang kumukontrol sa iyong endocrine system sa pamamagitan ng paglalabas ng mga kemikal na tinatawag na mga hormone, na may epekto sa inilalabas ng lahat ng iba pang glandula sa katawan. Pagkatapos ay nariyan ang iyong pons, na nagpoproseso ng impormasyon tungkol sa iyong mga galaw, at ang medulla, na kumukontrol sa iyong paghinga, daloy ng dugo, tibok ng puso, at panunaw. Ginagawa nito ang lahat ng ito nang hindi mo man lamang namamalayan na naroroon ang mga ito!

Dahil sa gayong karaming bahagi, paano ba gumagana ang utak? At paano mo pinakamahusay na magagamit ang iyong utak? Naglalaan ng ilang posibleng sagot ang dalawang kasunod na mga artikulo.

[Kahon sa pahina 4]

Kung Bakit Hindi Natin Kailangan ang Mas Malaking Ulo

“Kung ang cerebral cortex ng utak ng tao ay makinis sa halip na kulubot, baka ang utak ay maging kasinlaki ng bola ng basketbol, sa halip na kasinlaki ng dalawang pinagsamang nakakuyom na kamao.”​—Propesor Susan A. Greenfield

[Dayagram sa pahina 4, 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ILANG BAHAGI NG UTAK

Inilarawan sa aktuwal na sukat

Cerebral cortex

Ang medyo manipis na panlabas na suson ng bawat bahagi ng utak

Cerebrum

Ang malaki at pabilog na kayarian ng utak. Sakop nito ang kalakhang bahagi ng cranium

Visual cortex

Cerebellum

Sa literal, ang “munting utak.” Isang kayarian na matatagpuan sa dulong bahagi ng buong utak

Pons

Medulla

PANLOOB NA BAHAGI

Corpus callosum

Isang talaksan ng himaymay ng nerbiyo na nag-uugnay sa mga bahagi ng utak

Thalamus

Hypothalamus

Kumukontrol ng ilang kusang galaw ng katawan

Pituitary gland

[Credit Line]

Batay sa The Human Mind Explained, ni Propesor Susan A. Greenfield, 1996

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share