Ang Alkohol at ang Pagmamaneho
IKAW ay naupo sa likod ng manibela, pinaandar ang makina, at tumakbo. Ang pagmamaneho ay maaaring gamay na gamay mo, lalo na kung ginagawa mo na ito sa loob ng maraming taon. Subalit hindi ito kasindali ng maaaring inaakala mo.
Tinatantiyang sa ilalim ng normal na mga kalagayan ikaw ay gumagawa ng mga 20 mahalagang mga disisyon sa bawat milya na ipinagmamaneho mo. Mga pasiya tungkol sa kung ano ang nakikita mo at naririnig mo may kaugnayan sa ibang mga kotse, mga hudyat sa trapiko, at ang mga tumatawid ay dapat na isalin sa pagkilos na kinasasangkutan ng preno, gasolinador, klats, at ang manibela. At wala kang gaanong panahon upang magpasiya—kalimitan ay kalahating segundo lamang.
Kaya ang pagmamaneho ay nangangailangan ng maingat na koordinasyon sa pagitan ng mga disisyon at mga pagkilos. Ginagawa ng alkohol ang atas na ito ng pagmamaneho na totoong mapanganib. Bakit? Sapagkat naaapektuhan ng alkohol ang nagmamaneho sa ilang paraan na lubhang sumisira sa kaniyang kakayahang magmaneho nang ligtas.—Tingnan ang kahon, “BAC at ang Paggawi,” sa pahina 8.
Alkohol at Paningin
Kapag ikaw ay nagmamaneho, tinatayang, 85 hanggang 90 porsiyento ng impormasyon na tinatanggap mo tungkol sa kalagayan ng trapiko ay tinatanggap ng iyong mga mata. Ang iyong paningin ay kinukontrol ng isang napakadelikadong sistema ng mga kalamnan na nagpapakilos at nagpupokus ng iyong mata. Pinababagal ng alkohol ang pagkilos na ito ng mga kalamnan at sa gayo’y sinisira ang paningin sa ilang paraan.
Sa isang bagay, binabawasan ng alkohol ang kakayahan ng mga mata na kontrolin ang dami ng liwanag na pumapasok sa retina. Iyan ay lalo nang mapanganib sa gabi. Bakit? Sapagkat dinaragdagan nito ang kinakailangang panahon upang ang mata ay makabawi sa nakasisilaw na liwanag ng kasalubong na mga ilaw sa unahan. Ganito ang paliwanag ng Alcohol, Vision & Driving, na ipinamamahagi ng American Automobile Association: “Karaniwan na, nangangailangan ng isang segundo upang ang balintataw ay lumiit at tumugon sa nakasisilaw na liwanag ng kasalubong na mga ilaw sa unahan. Nangangailangan ng pitong segundo pagkatapos malantad sa nakasisilaw na ilaw sa unahan upang ang balintataw ay muling makabagay sa madilim na mga kalagayan. Ang pagsasauling kilos na ito ay pinababagal ng alkohol.”
Isip-isipin ang potensiyal na panganib: Kalaliman na ng gabi. Ikaw ay nagmamaneho sa isang kurbada, makipot na haywey—isang daanan lamang sa bawat direksiyon. Ang matinding liwanag ng mga ilaw sa harapan ay nakasisilaw sa mga tsuper sa kapuwa panig ng daan. Sa palagay mo gaano ka kaligtas kung alam mo na ang tsuper sa kasalubong na kotse ay nakainom?
Binabawasan din ng alkohol ang panggilid na paningin—ang kakayahan, kapag tumitingin sa unahan, na mapansin ang mga bagay na nasa magkabilang panig mo. Ito ay lalo nang mapanganib kapag pinagsasama ang alkohol at ang matulin na pagmamaneho. Ganito ang paliwanag ng Alcohol, Vision & Driving: “Hindi natatalos ng karamihan sa mga nagmamaneho na sa bilis na 30 MPH [48 km/hr], nababawasan ng isang nagmamaneho ang kaniyang panggilid na paningin ng 25%. Sa bilis na 45 MPH [72 km/hr], nabawasan niya ang kaniyang panggilid na paningin ng 50%. At sa bilis na mahigit 60 MPH [97 km/hr], literal na ang nakikita niya lamang na malinaw ay ang nasa harap.”
Isip-isipin lamang ang posibleng mga kahihinatnan kung ang nagmamanehong nakainom ay nagpapatakbong mabilis sa mga interseksiyon o sa may mga nakaparadang kotse kung saan ang isang paslit na bata ay maaaring biglang sumibad.
Higit pa riyan, ang alkohol ay maaari ring magpangyari ng dobleng paningin, kaya maaaring makita ng tsuper na nakainom ang dalawang kotseng dumarating sa halip na isa. Isa pa, maaari rin nitong maapektuhan ang kakayahan ng tao na tumantiya ng distansiya. Mula sa lahat ng ito, maliwanag na ang alkohol at ang pagmamaneho, gaya ng langis at tubig, ay hindi nga maaaring pagsamahin. Oo, ang Bibliya ay tama nang sabihin nito: “Sino ang may nanlalabong mata? Silang nagbababad sa alak.”—Kawikaan 23:29, 30.
Subalit ang may kawastuang pagkakita ng mga kalagayan sa trapiko sa paligid mo ay bahagi lamang ng kung ano ang nasasangkot sa ligtas na pagmamaneho ng isang kotse.
Alkohol at Pagpapasiya
Minsang maunawaan mo ang tanawin sa trapiko, dapat kang magpasiya, o magdisisyon, kung anong pagkilos ang gagawin mo. Halimbawa, ikaw ay naglalakbay sa isang dalawang-daang kalye, at ang kotse sa unahan mo ay tumatakbo nang napakabagal. Dapat kang magpasiya kung at kailan ligtas na lumampas.
Dito man din, ang alkohol ay maaaring maging nakamamatay. Papaano? Kadalasan, habang ang antas ng alkohol sa dugo ng umiinom ay tumataas, tumataas din ang kaniyang pagtitiwala sa sarili. Ganito ang paliwanag ng manwal na Alcohol and Alcohol Safety: “Ang isang tao sa yugtong ito [.04 hanggang .06 porsiyento ang alkohol sa dugo] ay malamang na ipalagay ang kaniyang sarili na mas alisto at may higit na kakayahan pa nga kaysa pangkaraniwan bagaman nagkaroon ng pagbaba sa kaniyang panahon ng reaksiyon, sa kaniyang pagpapasiya, at sa kaniyang kakahayan na tumugon sa mga biglang pangangailangan. Kaya, samantalang nababawasan ang kaniyang aktuwal na kakayahang kumilos, lumalaki naman ang kaniyang pagtitiwala sa kakayahang ito.—Ihambing ang Kawikaan 20:1; 23:29-35.
Bunga nito, ang tsuper na nakainom ay maaaring higit na magbakasakali sa paglampas o sa pagpapatulin. Aba, kung ang isang tao ay isang mahina o walang karanasang tsuper pa nga, kahit ang pinakamaliit na epekto sa kaniyang pagpapasiya ay maaaring maging mapanganib!
Alkohol at mga Replekso
Masama na nga na ang tsuper na nakainom ay nahihirapan sa kaniyang paningin at higit pang nagbabakasakali. Ang nagpapalubha pa sa problema ay na pinababagal ng alkohol ang kaniyang panahon ng pagtugon. Bunga nito, maaaring mangailangan lamang ng mahigit na kaunti sa isang segundo upang ilipat niya ang kaniyang paa mula sa gasolinador tungo sa preno.
Upang ilarawan kung gaano kapanganib iyan, binanggit ng report nina Malfetti at Winter na kung ikaw ay nakainom ng dalawang 12-onsa (355-cc) na lata ng beer sa loob ng isang oras, ang iyong oras ng pagtugon ay maaaring bumagal ng mga dalawang ikalima ng isang segundo. Ngayon, maaaring hindi iyan malaki. Subalit ang report ay nagsasabi: sa dalawang ikalima ng isang segundo, ang isang kotse na tumatakbo sa bilis na 55 milya por ora (90 km/hr) ay maglalakbay ng karagdagang 34 piye (10.4 m)! Aba, iyan ay maaaring mangahulugan ng kaibhan sa pagitan ng muntik-muntikan at isang nakamamatay na aksidente!
Kapag isinasaalang-alang mo kung paano nakakaapekto ang alkohol sa paningin, pagpapasiya at mga replekso ng isang tao, madaling maunawaan kung bakit ang pag-inom at pagmamaneho ay isang nakamamatay na kombinasyon. Subalit ano ang maaaring gawin tungkol sa problemang ito? Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya mula sa isang tsuper na labis-labis na nakainom?
[Chart sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BAC at ang Paggawi
Kung ang isang tao ay umiinom at pinaghahalo ang alkohol nang mas mabilis kaysa maaaring ioksidá, o “ikonsumo,” ng kaniyang katawan, ang antas ng alkohol sa kaniyang dugo ay dumarami. Tinutukoy ito ng mga mananaliksik bilang ang BAC (blood alcohol content o alkohol sa dugo). Halimbawa, ang BAC na 0.02 porsiyento ay nangangahulugan na 0.02 porsiyento ng dugo ng isa ay naglalaman ng alkohol. Mentras tumataas ang BAC, ang tao ay lalong nalalango, gaya ng inilalarawan ng sumusunod na tsart.a
BAC na 0.02 porsiyento: Ang “panlulumo ng mga sentro ng nerbiyos na kumukontrol sa mga sentro ng pagpipigil o pagpapasiya ay bahagyang nagsisimula kapag ang antas ng alkohol sa dugo ay umaabot ng .02%, na, para sa isang tao na may katamtamang timbang [154 libra (70 kg)], ay makakayanan lamang ang 1/2 onsa [15 cc] ng alkohol. Ang daming ito ay karaniwang nilalaman ng isang inumin ng beer, whiskey o alak.”—Alcohol and Alcohol Safety, isang manwal na inihanda para sa The National Highway Traffic Safety Administration at sa The National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism (E.U.A.).
BAC na 0.05 porsiyento: “Ang mga kasanayan sa pagmamaneho ay nasisira sa mga konsentrasyon ng alkohol sa dugo na (.04-.05 porsiyento) maaaring mapuna ng isa pagkaraang uminom lamang ng dalawa o tatlong inuming may alkohol nang walang laman ang tiyan.”—Fifth Special Report to the U.S. Congress on Alcohol and Health.
“Lumilitaw ang mga pagbabago sa kondisyon ng katawan at paggawi sa BAC na 0.05 porsiyento. Ang pagpapasiya, kaisipan at pagpipigil ay karaniwan nang naaapektuhan din sa antas na ito.”—Development of a Traffic Safety and Alcohol Program for Senior Adults, nina James L. Malfetti at Darlene J. Winter.
Sa ibang mga lugar ito ang antas kung kailan ang isang tao ay maaaring arestuhin dahilan sa pagmamaneho samantalang sira ang kakayahan (DWAI o driving while ability impaired).
BAC na 0.10 porsiyento: “Sa BAC na 0.10 porsiyento (limang inumin sa loob ng isang oras) ang kusang mga pagkilos—paglakad, mga kilos ng kamay, pananalita ay maaaring maging padaskul-daskol. Ang panlalabo at pagdoble ng paningin ay maaaring mangyari sa antas na ito. Maaari ring mangyari ang tinatawag na ‘tunnel vision’ o sa harapan lamang ang nakikitang malinaw: sa isang haywey, halimbawa, nakikita lamang ng isang tsuper o ng isang tumatawid kung ano ang nasa harapan mismo, hindi yaong mga panganib na maaaring nasa tabi o gilid.”—Senior Adults, Traffic Safety and Alcohol Program Leader’s Guide, ni Darlene J. Winter, Ph.D.
“Ang mga tsuper na ang konsentrasyon ng alkohol sa dugo ay mahigit 0.10 porsiyento ay tinataya na 3 hanggang 15 beses na mas malamang na magkaroon ng isang nakamamatay na aksidente kaysa mga tsuper na hindi umiinom.”—Fifth Special Report to the U.S. Congress on Alcohol and Health.
Sa maraming dako, ito ang antas kung kailan ang isang tao ay maaaring arestuhin dahilan sa pagmamaneho samantalang lasing (DWI o driving while intoxicated).
Ang isa ay hindi na kinakailangan pang maging pasuray-suray na lasing bago umunti ang kaniyang kakayahang magmaneho. Kaya bakit mo nga pagsasamahin ang pag-inom at pagmamaneho? Ang pinakaligtas na tuntunin na dapat sundin ay: Kung ikaw ay nagmamaneho, huwag kang uminom; kung ikaw ay uminom, huwag kang magmaneho.
[Mga talababa]
a Dapat pansinin na ang inilalahad dito ay nilayon bilang isang panlahat na paglalarawan ng mga antas ng alkohol sa dugo at paggawi. Ang gayunding dami ng alkohol ay maaaring gumawa ng bahagyang kakaibang BAC sa ibang tao, depende sa iba’t ibang salik na gaya ng edad, sekso, laman ng tiyan, at uri ng inuming may alkohol na nainom. At, ang gayunding BAC ay maaaring lumikha ng bahagyang kakaibang paggawi sa ibang tao dahilan sa mga salik na gaya ng kondisyon ng katawan, pagod, o ang magkasabay na paggamit ng ibang mga droga.
[Larawan sa pahina 6]
Gaano ka kaya kaligtas kung nalalaman mo na ang tsuper sa isang kasalubong na kotse ay nakainom?
[Larawan sa pahina 7]
Ang epekto ng alkohol sa iyong mga replekso ay maaaring mangahulugan ng kaibhan sa pagitan ng isang muntik-muntikan at isang nakamamatay na aksidente!
[Credit Line]
H. Armstrong Roberts