Ang Maraming Pitak ng “Easter”
Ang munting nayong Griego ay madilim nang biglang mamatay ang mga ilaw sa simbahan. Nananatiling gayon hanggang sa hatinggabi kapag isang may balbas na pari ay lumalabas, na tangan-tangan ang isang maysinding kandila. “Halikayo,” sabi niya, “at tanggapin ninyo ang liwanag mula sa di-humihinang liwanag at luwalhatiin ninyo si Kristo, na bumangon mula sa mga patay.” Ang mga mananamba ay magsisiksikan sa paligid niya upang sindihan ang kanilang mga kandila mula sa ningas at saka nila ito dadalhin pauwi ng bahay. Nagkakaroon ng malaking katuwaan sa nayon. Ang “Easter” ay nagsimula na.
SA LAHAT ng mga pistang pangilin ng Sangkakristiyanuhan, wala nang ipinalalagay na higit na mahalaga kaysa kapistahan ng tagsibol na tinatawag na “Easter” o Pasko ng Pagkabuhay. Sa ibang mga wika ang kapistahan ay tinatawag na pâques (Pranses), pasqua (Italyano), påske (Danes), paasch (Olandes), at pasg (Welsh). Anuman ang tawag mo rito, ito ay isang pistang pangilin na paborito ng marami. Tinatawag ng Arsobispo Anglicano ng Australia na si John Grindrod ang Easter na “ang sentro ng pananampalataya ng isang Kristiyano at ang pinakamahalagang pangyayari ng buong kabihasnan sa paligid natin.”
Sa sinaunang lunsod ng Jerusalem, isang serye ng mga prosisyon ang nagsimula na. Kapag Biyernes Santo, tinutunton-muli ng libu-libong mga mananamba ang huling mga hakbang ni Jesus. Isang babae ang naglalakad nang paluhod ng kalahating milya. Pagkatapos dadalawin ng mga peregrino ang Banal na Libingan—ang tradisyonal na dakong pinaglibingan kay Jesus. Pinapahiran ng langis ng mga babaing nakasuot ng itim ang batong libingan at nananangis dito at hinahagkan ito. Subalit walang kapayapaan sa lunsod na ito, na ang pangalan ay nangangahulugang “nagtataglay ng dobleng kapayapaan.” Isang libong mga pulis ang naroroon upang panatilihin ang kaayusan.
Ang Easter ay may iba’t ibang pitak sa iba’t ibang panig ng daigdig. Para sa marami, ang Easter ay isang kapita-pitagang okasyon, isang panahon para sa pananalangin, mga misa, at peregrinasyon sa mga dakong banal.
Para sa ilang lalaking Pilipino, ang Semana Santa (tinatawag na Mahal na Araw) ay isang panahon ng pagpapahirap sa sarili. Bagaman hindi sinasang-ayunan ng simbahan ang gawaing ito, ang pagpipinitensiya ay isinasagawa pa rin ng ilan na nagnanais ipahayag sa madla ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Ang ibang mga kababaihan ay gumagawa ng peregrinasyon sa iba’t ibang mga dambana at pinapahiran ang mga imahen ni Kristo ng isang panyo. Pagkatapos ay kanilang gagamitin ang panyong ito upang pagalingin ang kanilang sarili.
Sa Guatemala, ang isang Quiche Indian ay lumuluhod at nananalangin para sa mga mais. Ang mais ang pangunahing pagkain ng kaniyang bayan, at ang tradisyonal na mga ritwal sa pagiging mabunga ay kasabay ng Semana Santa ng Easter. Inaasahan niya na ang Easter ay magdadala sa kaniya ng isang saganang ani.
Sa Vatican City, halos sangkapat ng isang milyon katao ang nagsisiksikan sa St. Peter’s Square upang pagmasdan ang pangangasiwa ng papa sa isang panlabas ng Misa. Sa madalang na tugtog ng kampana sa katanghalian, ang papa ay lalabas sa balkonahe sa basilica upang ibigay ang kaniyang taunang pahayag sa Easter—isang paghatol sa mga paglabag sa karapatan ng tao at sa paligsahan sa armas.
Sa isang tahimik na burol sa Timog Aprika na tinatawag na Moria, nagaganap ang isang pagtitipon na nakahihigit sa pagtitipon sa Vaticano. Dumating ang mahigit sa isang milyong mga membro ng Zionist Christian Church (isang indipendiyenteng relihiyon ng mga itim). Ito ay tinawag na “malamang ang pinakamalaking asamblea ng mga mananamba sa Sangkakristiyanuhan.”
Gayunman, sa maraming lupain ang Easter ay nangangahulugan ng kapistahan, pagsasaya, at katuwaan!
Sa Estados Unidos at sa Alemanya, ang mga bata ay sabik na natutulog, sa pag-asang masusulyapan nila ang malaking rabit (hare) o kuneho ng Easter. Sa umaga hahanapin nila ang maganda at kinulayang mga itlog na sinasabing iniwan ng misteryosong kuneho. Popular sa Estados Unidos ang bantog na White House Egg Roll kung Lunes de Gloria (Easter Monday). Libu-libong mga bata ang nagpapagulong ng mga itlog sa magandang damuhan sa tahanan ng presidente. Ang pagpapagulong ay ipinalalagay na kumakatawan sa pagpapagulong ng bato mula sa libingan ni Kristo. Subalit tila hindi ito alintana ng mga bata. Ang nalalaman lamang nila ay na ang pagpapagulong ng itlog ay nakatutuwa.
Sa ibang mga lupain, ang Easter ay mayroon pang isang pitak—isang panahon para sa mapamahiing mga gawain.
Ang Sabado de Gloria sa Finland ay isang gabi para sa mga magsasaka na maging mapagbantay sa mga trolls o mga halimaw—tulad-mangkukulam na mga nilikha na nagdadala ng lahat ng uri ng kapinsalaan sa kanilang mga kawan at pag-aari. Gayunman, sa katunayan ang mga halimaw ay ipinalalagay na selosang mga matatandang babae na nasisiyahan sa pagdadala ng kasawian sa maunlad na mga kapitbahay. Ang linggo ng Easter ang tamang panahon para sa kanilang bandalismo. Naniniwala ang mapamahiing mga taga-Finland na ang masamang mga espiritu ay nananagana kung Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
Ang mga lalaki at babaing taga-Austria ay sinabihan na ang umaagos na tubig ay lalo nang pinagpala kung Easter. Kaya itinatago nila ang tubig na ito para sa araw ng kanilang kasal. Bago magtungo sa simbahan, wiwisikan nila ang isa’t isa nito. Inaasahan nila na ito ay magdadala ng suwerte sa kanilang pag-aasawa.
Sa madalang na tugtog ng mga kampana sa simbahan kung umaga ng Easter, hahawakan ng mga magulang na Pilipino ang kanilang mga munting anak sa ulo at ibibitin sila. Naniniwala sila na ito ay magpapatangkad sa kanilang mga anak.
Oo, ang Easter ay nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa mga tao. Sabi ng isang manedyer sa isang pagawaan ng tsokolate sa Timog Aprika: “Ang Easter ay nagbibigay ng pagkakataon upang gumawa ng higit na pakinabang.” (Noong 1985 na panahon ng Easter, ang kaniyang kompanya ay gumawa ng mahigit limang milyon na mga kending itlog!) Kahit na ang mga negosyanteng Judio, Muslim, at Hindu sa dakong iyon ay nakisama sa karamihan sa Easter. Ganito ang paliwanag ng isang negosyanteng Indian na nakatira sa Timog Aprika: “Ang mga Muslim at mga Hindu ay hindi naniniwala kay Jesus, gayunman itinataguyod ng ilan sa kanila ang Easter at magtitinda ng mga hot cross buns o tinapay at mga Easter eggs (kinulayang mga itlog).” Oo, ganito ang inamin ng isang Hindung may-ari ng tindahan: “Ang mga Muslim at mga Hindu ay bumibili rin ng mga Easter egg.”
Kamakailan, ang Easter ay nagkaroon ng isang pulitikal na aspekto, bilang isang pagkakataon para sa pulitikal na protesta.
Nasumpungan ng mga taga-Brazil ang isang bagong biktima na bubugbugin kung Easter. Noong nakalipas na panahon, isang larawan o imahen ni Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Kristo, ang binubugbog, sa ngayon binubugbog ng mga kabataan ang mga imahen o larawan na binansagang “Mr. Inflation.”
Gayunman, hindi kapani-paniwala na ang lahat ng iba-ibang mga kaugalian, mga tradisyon, at mga gawaing ito ay pinaniniwalaan na nagsisilbi sa isang karaniwang layunin—yaong pagluwalhati sa binuhay-muling si Kristo Jesus. Subalit gayon nga kaya? At unang-una na’y saan nga ba nanggaling ang gayong mga kaugalian?
[Larawan sa pahina 4]
Ang pagdiriwang sa Moria
[Pinagmulan]
The Star, Johannesburg, S.A.