Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 8/22 p. 5-8
  • Ang Katotohanan Tungkol sa mga Kaugalian sa “Easter”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Katotohanan Tungkol sa mga Kaugalian sa “Easter”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Gawin Ninyo Ito sa Pag-alaala sa Akin’
  • Lumitaw ang Easter
  • Easter at ang mga Kaugalian Nito
  • “Kalugud-lugod”?
  • Ano ba ang Kahulugan sa Iyo ng Easter?
    Gumising!—1992
  • Ano ang Kahulugan ng Easter sa Diyos?
    Gumising!—1992
  • Ang Maraming Pitak ng “Easter”
    Gumising!—1986
  • “Easter” o Memoryal—Alin ang Dapat Mong Ipagdiwang?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 8/22 p. 5-8

Ang Katotohanan Tungkol sa mga Kaugalian sa “Easter”

Isang napakabigat na bato ang nagsasara sa libingan ni Jesus. At hindi alam ng tatlong babae na naglalakad sa kadiliman ng madaling-araw kung paano nila aalisin ito. Subalit ang kanilang pagnanais na isagawa ang isang kahuli-hulihang gawa ng pag-ibig para sa kanilang pinaslang na Panginoon ay masidhi. Sa may bato o walang bato, magiliw nilang papahirin ng langis ang katawan na buong lupit na ipinako sa tulos noong nakaraang tatlong araw! Ito’y isang maliit subalit lubhang maibiging pagkilos.

Papalapit sa libingang hardin, ang problema ng pag-aalis sa bato ay lalo pang lumalaki sa kanilang mga isipan. Subalit pagdating nila ay namangha sila na makita na ang bato ay naalis na at wala nang laman ang libingan! Isang anghel na nakadamit-puti ay nagpapaliwanag: “Huwag kayong magitla. Hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno, na ipinako. Siya’y ibinangon, wala siya rito.”​—Marcos 16:1-6; Juan 20:1, 2.

ANG pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo ay isa sa mga saligang paniniwala ng Kristiyanismo. Sabi ni apostol Pablo: “At kung si Kristo’y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, at wala rin namang kabuluhan ang aming pananampalataya.” (1 Corinto 15:14) Samakatuwid hindi nga ba waring makatuwiran para sa mga Kristiyano na alalahanin ang dakilang pangyayaring ito?

‘Gawin Ninyo Ito sa Pag-alaala sa Akin’

Ipinahayag ng Vaticano: “Tuwing linggo, sa araw na tinatawag na araw ng Panginoon [Linggo], inaalaala [ng simbahan] ang Kaniyang pagkabuhay-muli.” Karagdagan pa, “sa sukdulang solemneng seremonya ng Easter ang simbahan ay gumagawa rin ng isang taunang pag-alaala sa pagkabuhay-muli.”​—The Documents of Vatican II.

Gayunman, saanman sa Bibliya ay walang binabanggit na ipinagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano alinman sa lingguhan o taunang Easter upang alalahanin ang pagkabuhay-muli ni Kristo. Nang gabi bago siya mamatay, ipinag-utos ni Kristo ang lubhang kakaibang selebrasyon. Isinilbi niya sa kaniyang mga alagad ang isang simpleng hapunan ng alak at tinapay at ipinag-utos sa kanila, “Patuloy na gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”​—Lucas 22:19.

Samakatuwid ang kamatayan ni Kristo, hindi ang kaniyang pagkabuhay-muli, ang nais ni Jesus na alalahanin. At gaano kadalas? Isinilbi ni Jesus ang pagkaing ito sa gabi ng hapunang Paskua ng Judio​—isang taunang selebrasyon ng kaligtasan ng Israel mula sa Ehipto. (Mateo 26:19, 20, 26-28) Maliwanag, binalak ni Jesus na halinhan ang Paskua ng taunang pagsisilbi ng pang-alaalang hapunan na ito. Ang Easter o ano pang ibang selebrasyon ay hindi ipinag-utos ni Kristo. Ang ikalimang-siglong mananalaysay ng simbahan na si Socrates ay nagsabi: “Wala sa isip ng mga apostol ang pagtatakda ng mga araw ng kapistahan, kundi ang pagtataguyod ng isang buhay ng kawalang-kasalanan at kabanalan.”

Lumitaw ang Easter

Inihula kapuwa ni Jesu-Kristo at ni apostol Pablo na ang Kristiyanismo ay papasukan ng huwad na mga turo. (Mateo 13:24, 25, 36-40; 2 Timoteo 4:3) Pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, nagkaroon ng ideya na nararapat magsagawa ng pag-aayuno (ngayo’y kilala bilang Kuwaresma), na susundan ng isang kapistahan, sa panahon ng Paskua. Sa paano man ito ay inakala na isang paraan upang alalahanin ang pagkabuhay-muli ni Kristo.

Easter at ang mga Kaugalian Nito

Sa gayon ang paglitaw ng Easter bilang isang kapistahan ay hindi salig sa Bibliya. Sa katunayan, sinasabi ng mga iskolar na ang mismong salitang Easter ay nagmula sa Anglo-Saxon, tumutukoy sa tagsibol. Sa panahong iyan, inaakala ng mga tao noong una na ang araw ay muling isinilang pagkaraan ng mga ilang buwan ng kamatayan sa taglamig.a Ang iba pang termino para sa kapistahan, gaya ng pâques o pasqua, ay hinango mula sa sinaunang salitang Hebreo na peʹsach, o “passover o paskua.” Ikinakatuwiran ng Sangkakristiyanuhan na hinahalinhan ng Easter ang kapistahang Judio na ito. Subalit winawalang-bahala nito ang katotohanan na hinalinhan ni Jesus ang Paskua, hindi ng Easter, kundi ng kaniyang alaalang hapunan.

Sa gayon ang mananalaysay na si Socrates ay naghinuha: “Para sa akin wari bang ang kapistahan ng Easter ay ipinakilala sa simbahan mula sa ilang dating kaugalian, gaya ng maraming iba pang mga kaugalian na naitatag.” Ang maraming mga tradisyon ng Easter ay mula nga sa “ilang dating kaugalian”​—ang kaugalian ng mga bansang sumasamba sa diyus-diyusan! Ang Katolikong pari na si Francis X. Weiser ay umamin: “Ang ilan sa popular na mga tradisyon sa Kuwaresma at Easter ay nanggaling pa sa sinaunang mga ritwal o seremonyang pangkalikasan.” Ang mga seremonyang ito ng tagsibol ay orihinal na idinisenyo upang “takutin at itaboy ang mga demonyo ng taglamig.”

Subalit hindi ba nilipol na ng simbahan ang gayong paganismo sa kaniyang mga mananampalataya? Ang Curiosities of Popular Customs ay nagpapaliwanag: “Isang hindi nagbabagong patakaran ng sinaunang Iglesya na bigyan ng Kristiyanong kahulugan ang gayong paganong mga seremonya na hindi na maaaring alisin. Sa kaso ng Easter ang pagsasa-Kristiyano ay totoong madali. Ang kagalakan sa paglitaw ng likas na araw, at ang pagkagising ng kalikasan mula sa kamatayan ng taglamig, ay naging kagalakan sa paglitaw ng Araw (Sun) ng katuwiran, at ng pagkabuhay-muli ni Kristo mula sa libingan.”

“Kalugud-lugod”?

Sa The Easter Book, binibigyan-matuwid ni Weiser ang lahat ng ito sa pagsasabi na ‘itinaas [ng simbahan] ang bago-Kristiyanong simbolismo ng kalikasan tungo sa sakramentong Kristiyano.’ Ang mga gawaing hindi Kristiyano, sabi niya, “ay nagkaroon ng karagdagang kalugud-lugod na katangian sa sobrenatural na mga kahulugan ng panahon ng [Easter].”

Tunay, ang tanawin ng mga batang nag-aagawan ng mga itlog na may matingkad na kulay ay tila “kalugud-lugod.” Gayundin ang maaaring masabi sa maraming kaugalian sa Easter. Subalit ang mga ito ba ay basta hindi nakásasamáng katuwaan? Sabi ng isang Griego na may-ari ng restauran: “Alam ko na ang itlog​—ay walang saysay; at ang kuneho​—lalo pang walang saysay; at na dapat daw tayong mag-ayuno ng 40 araw bago ang Easter​—ito man ay walang saysay. Subalit ito’y nakadaragdag ng kulay sa ating buhay.”

Marahil. Subalit ang taimtim na mga Kristiyano ay nababahala sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya: “Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? . . . ‘“Kaya nga, magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” sabi ni Jehova, “at huwag nang humipo ng maruming bagay.”’” (2 Corinto 6:14-17) Tiyak na kasama riyan ang mga kaugalian na malinaw na mula sa​—o hindi mapag-aalinlanganang katulad​—ng huwad na mga gawaing relihiyoso. Totoo, ikinakatuwiran ng mga klerigo na ang gayong mga gawain ay naging kalugud-lugod nang ito’y ilakip sa simbahan. Gayunman, ganito ring pangangatuwiran ang noong minsa’y halos umakay sa mga Israelita sa kapahamakan!

Bilang pagsuway sa utos ng Diyos, sila ay gumawa ng isang ginintuang baka. (Exodo 20:4) Walang alinlangan na ito ay itinulad sa mga idolo na nakita nila sa Ehipto. Pagkatapos ginamit nila ang idolo sa isang seremonya na tinawag nilang “isang kapistahan kay Jehova.” Subalit inaakala ba ng Diyos na Jehova na ito ay nakaragdag ng “kaluguran” sa kaniyang pagsamba? Tunay na hindi! Tanging sa pamamagitan lamang ni Moises ang mga Israelita ay nakaligtas mula sa pagkalipol!​—Exodo 32:1-5, 9-14.

Ang mga kaugalian sa Easter​—ang mga itlog, mga kuneho, at mga pagsisigà​—ay samakatuwid hindi nalinis dahilan sa pagsasagawa ng mga Kristiyano. Bagkus, dinudumhan nito ang sinumang nagsasagawa nito.​—Ihambing ang Hagai 2:12, 13.

Gayunman, kapansin-pansing binanggit ng isang artikulo sa magasing Australiano na The Bulletin: “Kinakansela ng mga Saksi ni Jehova ang Easter bilang isang pagsasama ng mga seremonyang Kristiyano at pagano.” Oo, hindi sila nakikibahagi sa idolatrosong mga seremonya. Gayunman sila ay nagpaparangal sa binuhay-muling si Kristo. Ang artikulo ay nagpapatuloy: “Ang mga Saksi ay nagtitipon . . . [minsang isang taon] upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus.” Ito ay ginagawa sa paraan na iniutos ni Kristo​—sa pagsisilbi ng tinapay na walang lebadura at alak.

Ang hamon ngayon sa mga nakakaalam ng katotohanan tungkol sa Easter ay kung baga sila ay kikilos o hindi ayon sa kung ano ang kanilang nalalaman.

[Talababa]

a Sinasabi ng ikawalong-siglong iskolar na Katoliko na si Venerable Bede na ang salita ay hinango mula sa pangalan ng isang Anglo-Saxon na diyosa ng tagsibol, si “Eostre.” Sa kaniyang aklat na The Two Babylons, binanggit ni Alexander Hislop ang kaugnayan sa pagitan ng Easter o Pasko ng Pagkabuhay at ng diyosa ng taga-Babilonya na si Astarte.

[Blurb sa pahina 6]

Ang mga serbisyo sa pagsikat ng araw kung Easter ay nagmula sa mga sumasamba sa araw

[Kahon sa pahina 7]

Mga Gawaing Pagano na “Ginawang Kristiyano”

“Easter Eggs”: Yamang ang pagkain ng mga itlog ay dating ipinagbabawal kung panahon ng Kuwaresma, “ang mga itlog na may dekorasyon,” sabi ng The Encyclopedia Americana, “ay maaaring sumagisag sa wakas ng panahon ng pagsisisi at ng pasimula ng maligayang selebrasyon.” At, ang mga reperensiyang aklat ay sumasang-ayon na ang itlog ay isang simbolo ng buhay at pertilidad o pagkapalaanakin sa gitna ng mga sumasamba sa diyus-diyusan. Sabi ng aklat na Celebrations: “Ang mga itlog ay sinasabing kinukulayan at kinakain sa mga kapistahan ng tagsibol sa sinaunang Ehipto, Persia, Gresya, at Roma. Sa panahong iyon ang mga Persiano ay nagbibigay ng mga itlog bilang regalo sa panahon ng vernal equinox.”

Ang mga Malaking Rabit at Kuneho ng Easter: Sa Europa, ang malaking rabit (hare) ay malaon nang isang tradisyonal na sagisag o simbolo ng Easter. (Sa Hilagang Amerika, ang hayop ay isang kuneho​—isang malapit na kamag-anak ng malaking rabit.) Gayunman ipinaliliwanag ng The New Encyclopædia Britannica na ang malaking rabit ay “simbolo ng pagkapalaanakin sa sinaunang Ehipto.” Sa gayon kapag ang mga bata ay naghahanap ng mga Easter eggs, na sinasabing dala ng kuneho kung Easter, “ito ay hindi lamang basta isang larong bata, kundi bakas ng isang seremonya sa pagkapalaanakin.”​—Funk & Wagnalls Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend, tomo 1, pahina 335.

Mga Serbisyo sa Pagsikat ng Araw: Sabi ng The Book of Festivals and Holidays the World Over: “Isang karaniwang paniniwala sa gitna ng sinaunang mga Kristiyano na kung Domingo de Gloria o umaga ng Easter ang araw (sun) ay sumasayaw sa karangalan ng Pagkabuhay-muli at ang mga tao ay maagang nagigising bago pa sumikat ang araw upang makita ang dakilang pangyayaring ito. Marahil ang sinaunang paniniwalang ito ang inspirasyon para sa maraming mga serbisyo sa pagsikat ng araw na nagaganap kung Domingo de Gloria sa lahat ng bahagi ng Estados Unidos at Europa.”

Subalit ang Curiosities of Popular Customs ni Walsh ay nagsasabi: “Ang ideyang ito ng pagsasayaw ng araw kung Domingo de Gloria ay madaling matutunton sa mga kaugaliang pagano, kung saan ang mga nanonood mismo ay nagsasayaw sa isang kapistahan sa karangalan ng araw, pagkatapos ng vernal equinox.”

Ganito pa ang sabi ng aklat na Celebrations: “Ang mga serbisyo sa pagsikat ng araw ay nauugnay sa mga apoy ng Easter na ginaganap sa mga tuktok ng burol bilang pagpapatuloy ng mga apoy ng Bagong Taon, isang pambuong-daigdig na pagdiriwang noong unang panahon. Ang mga seremonya ay isinasagawa kung vernal equinox bilang pagsalubong sa araw at sa dakilang kapangyarihan nito na magdala ng bagong buhay sa lahat ng bagay na sumisibol.”

Mga Seremonya ng Tubig: Ang paniniwala na ang umaagos na tubig kung Domingo de Gloria ay lubhang pinagpala ay karaniwan. Gayunman, ang Encyclopædia of Religion and Ethics ni Hasting ay nagpapaalaala sa atin: “Yamang ang tubig ay isa sa mahalagang salik sa pagpapanatili ng buhay at paglago ng mga ani, natural na ito ay gumaganap ng isang lantad na bahagi sa mga seremonya ng pagpapaulan at iba pang mga seremonyang pampanahon sa gitna ng sinaunang mga tao.”

Ang Pagpapala ng Bagong Apoy: Isang seremonyang Katoliko, bilang paghahanda sa bisperas ng Easter, kung saan nagpaparingas ng apoy mula sa isang bato. Ang Encyclopædia of Religion and Ethics ni Hasting ay nagsasabi: “Ang bagong apoy ay malamang na nagmula sa isang paganong kaugalian na, nang tanggapin ng mga Kristiyano, ay nagkaroon ng simbolismo ng ebanghelyo.”

[Kahon sa pahina 8]

Mga Kakatuwang Bagay sa Easter

Hamón sa Hapunan: Ang hamón kung Easter ay isang malaon nang kaugalian sa gitna ng maraming Katoliko. Gayunman, ang kaugalian ay isang relikya ng pagkapanatikong Ingles. Ang The American Book of Days ay nagsasabi na naging ugali ng mga Ingles “ang pagkain ng hamón sa araw na iyon upang ipakita ang kanilang paghamak sa kaugaliang Judio na hindi pagkain ng karne ng baboy.” Si William the Conqueror, sang-ayon sa aklat na Celebrations, ay binago ang inihahandang tusinong baboy at ginawang hamón upang sundin ang kaniyang kagustuhan.

Ang Easter sa America: Dahilan sa ang relihiyosong tanawin sa Amerika ay malaon nang pinangingibabawan ng puritanikal na pag-iisip (hinahamak ng mga Puritan ang ritwal), ang Easter sa pasimula ay medyo isang maliit na pangyayari. Gayunman, waring ang pistang pangilin ay naging popular noong panahon ng Giyera Sibil sa E.U. Napakaraming pamilya ang nawalan ng mga mahal sa buhay sa panahon ng pagbabakang ito anupa’t ang pistang pangilin ay itinaguyod bilang isang paraan ng pagdadala ng kaaliwan sa mga naulila.

Mga Sigâ kung Easter: Ang mga sigâ kung Easter ay dating ipinagbawal ng simbahan bilang isang simbolismong pagano, sabi ni Weiser. (Synod of Mainz, 742 C.E.) Gayunman, ipinakilala ni “San” Patricio ang gawaing ito sa Ireland “upang halinhan ang Druidikong paganong mga apoy ng tagsibol ng isang Kristiyano at relihiyosong simbolo ng apoy ni Kristo . . . Ang ipinahintulot na kaugaliang ito ay naging napakapopular anupa’t sa wakas isinama ito ng mga papa sa liturhiya ng Kanluraning Iglesya sa dakong huli ng ikasiyam na siglo.”​—The Easter Book, ni Francis Weiser, S.J.

Ang Easter sa Hapón: Tinanong ng isang babaing Katoliko ang isang madreng Haponés kung bakit hindi sila gumagamit ng mga kuneho sa kanilang selebrasyon ng Easter (tinatawag na Fukkatsu-sai, o kapistahan ng pagkabuhay-muli). Ang tugon niya: “Ano ba ang mga ito? Mayroon ba itong anumang pantanging kahulugan sa Easter?”

Sabi ng isang dating Katoliko: ‘Ang Easter sa Hapón ay isang okasyon na mas seryoso kaysa sa mga bansang Kanluranin. Pagkatapos ng Misa, kami ay tumatanggap ng mga kinulayang itlog, subalit kami ay hindi sinasabihan ng kanilang kahulugan. Gayundin, ang mga krus at iba pang mga imahen sa simbahan ay tinatakpan ng kulay lilang tela kung panahon ng Kuwaresma. Subalit sa Domingo de Gloria, ang mga takip ay aalisin upang sumagisag sa kagalakan ng pagkabuhay-muli.’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share