Ang Lumalaganap na mga Disyerto—Talaga Bang Mamumulaklak na Gaya ng Rosas?
BUHANGIN! Buhangin! Buhangin! Hanggang sa maaabot ng iyong paningin, wala kundi ang napakainit at tinatangay na buhangin. Sa kalayuan ang pagkalalaking piramideng mga burol ng buhangin, 700 piye (210 m) ang taas at anim na beses ang lapad sa puno, ay tumataas upang salubungin ang maaliwalas na langit. Ang walang-tigil na mga hangin ay umuukit ng tila mga alon sa buhangin. Ang araw ay napakatindi. Kahit ang mga ahas at mga palaka ay dapat manganlong dito sa ilalim ng buhangin. Ang panganganinag ng buhangin ay nakabubulag. Dinadaya ng kumikinang na init ang mga paningin—mga malikmata ng mga lawa ng tubig kung saan wala naman; mga bagay sa malayo na para bagang isang bagay subalit sa katunayan ay kakaibang bagay.
Pagkatapos ang hangin ay umiihip nang gaunos na lakas, tinatangay paitaas ang mga buhangin na gaya ng pagkalalaking mga ulap anupa’t maaari nilang gawing kadiliman ang liwanag sa araw. Maaari nitong tagusan ang pananamit at saktan ang balat na parang mga duro ng karayom. Maaari nitong alisin ang pintura sa mga kotse at ang salamin sa harapan na panangga-hangin ay maaaring maging frosted glass. Maaari nitong lilukin ang mga batong disyerto tungo sa hindi kapani-paniwalang mga hugis at ibaon ang mga poste ng telepono hanggang kalahati ng taas nito.
Sa katanghaliang-tapat ang temperatura ay maaaring maging nakapapasong 125 hanggang 130 digri Fahrenheit (52° hanggang 54° C.), na sa panahong iyon ang mga panauhin ay init na init. Sa gabi ang merkuryo ay maaaring bumaba sa nakapangingilig-buto na 40 digris (4° C.) o mababa pa, kung kailan maaari silang manigas sa lamig. Kung nakadamit nang patung-patong na damit na lana, sila ay mananatiling mas malamig; kung babahagyang nadaramtan sila ay mapapaso sa init. Kung mauupo ng isang piye sa ibabaw ng lupa, sila ay maaaring 30 digris (17° C.) na mas malamig kaysa kung sila ay mauupo sa lupa mismo. Idagdag pa rito ang nanunuyong lalamunan, ang paghahanap ng tubig, ang takot sa mga ahas, ang kagat ng mga alakdan, ang panganib ng biglang mga pagbaha, ang panganib na maligaw—lahat na ito ay gumagawa sa tahimik, tigang na daigdig ng disyertong ito na nakakatakot.
Waring walang sinuman ang nakakaalam nang tiyak kung gaano karaming mga disyerto, malaki o maliit, mayroon sa daigdig, sa isang maliwanag na dahilan—walang sinuman ang waring nakabilang sa mga ito. “Nasumpungan ko ang mahigit na 125,” sabi ng isang kilalang manggagalugad ng disyerto. “Marahil mayroong doble niyan.” Gayunman, may mga disyerto sa bawat kontinente sa lupa. Sinasakop nito ang halos sangkalima ng ibabaw ng lupa.
Ang pinakamalaking disyerto sa lahat, ang Sahara sa Hilagang Aprika, ay naglalaman ng kalahati sa mga disyerto ng daigdig—tatlo at kalahating milyong milya kuwadrado nito.a Ang Arabian Desert sa Arabian Peninsula at ang Kalahari Desert sa timog-kanlurang Aprika ay sumasakop ng 500,000 at 200,000 milya kuwadrado ng lupa ayon sa pagkakasunod. Ang Australian Desert, pangalawa sa laki sa Sahara, ay ipinagmamalaki ang lawak na 1.3 milyong milya kuwadrado—halos kalahati ng kontinente. Ang Gobi Desert sa Tsina, na halos dalawang ulit ang laki sa estado ng Texas sa Estados Unidos, ay sumasaklaw ng 500,000 milya kuwadrado.
Ang Hilagang Amerika ay mayroon ding mga disyerto—25 porsiyento sa estado ng California ay disyerto. Mga disyerto sa Arizona, Oregon, Utah, Nevada, at Mexico ay gayundin katigang at gayundin kainit. Ang Death Valley ng California ay iniuulat na siyang ikalawang pinakamainit na disyerto sa daigdig. Ang Timog Amerika ay kilala rin sa pagkakaroon ng pinakatigang na disyerto sa lupa—ang Atacama—umaabot ng 600 milya (970 km) timog mula sa hangganan ng Peru hanggang sa hilagang bahagi ng Chile. Lahat ay mga disyerto, pawang may iisang katangian—mainit at tigang.
Halimbawa, may mga lugar sa Atacama Desert sa Chile kung saan ang ulan ay napakadalang anupa’t isang mamamayan sa dakong iyon ang naghinagpis, “Tuwing mga ilang taon nagkakaroon kami ng mga pag-ambon—subalit ang mga patak ay napakaliliit.” Sa ibang mga dako sa disyerto ring iyon, ipinakikita ng opisyal na mga report na walang ulan o niyebe sa loob ng isang yugto ng 14-taon. Sa ibang lugar sa Atacama, ipinakikita ng hindi opisyal na mga report na walang ulan sa loob ng 50 mga taon, at sa mas tigang pang mga dako, walang naiulat na pag-ulan. Sa Namib Desert sa Timog-Kanlurang Aprika, ang taunang patak ng ulan ay paiba-iba mula sa wala pang sangkawalo ng isang pulgada hanggang anim na pulgada (0.3 cm hanggang 15 cm). Sa ilang mga dako sa Sahara, sa isang yugto ng dalawang taon ang patak ng ulan ay sero. Ang patak ng ulan ay maaaring pabagu-bago. “Noong minsan ang mga tupa sa Gobi Desert,” sabi ng isang beteranong manggagalugad sa disyerto, “ay namatay dahilan sa kakulangan ng tubig. Kinabukasan nilunod ng isang napakalakas na pag-ulan ang mga hayop at mga tao.”
Lumalaganap na mga Disyerto
Sa ngayon, walang katapusang mga pitak ng babasahin ang inilalaan sa pagkabahala ng daigdig tungkol sa mga disyerto ng lupa. Bakit, pagkaraan ng mga milenyo ng pag-iral, napapabalita ngayon ang mga disyerto? Ang ating malalaking mga lawa at mga sapa ay dinudumhan ng tao. Ang mga isda rito ay punô ng nakalalasong mga kemikal na walang pananagutang itinatambak ng tao sa mga ilog. Kahit na ang kalangitan sa itaas ay tanawin ng nag-oorbitang “junk” o basura na pinaimbulog doon ng tao. Subalit ang mga disyerto, bagaman napagtagumpayan ng tao ang ilang bahagi nito, ay napananatili pa rin ang karamihan ng kanilang pisikal na katangian at ang buhay halaman at hayop na nakilala nito sa loob ng libu-libong taon.
Gayunman, halos linggu-linggo ang mga paulong-balita ay nagsasaysay—“Ang Lumalaganap na mga Disyerto ay Nakikita Bilang Isang Malaking Sakuna na Pinagbabatayan ng Taggutom,” ulat ng The New York Times. “Ang nakapipinsalang tagtuyot sa ibayo ng Aprika ay gumagawa sa Sahel na isa pang Sahara,” ulong-balita ng The Atlanta Journal and Constitution. “Ang mga disyerto ay patuloy na lumalaganap,” The Boston Globe. “Ang masasakang lupa ng daigdig ay napipinsala,” The Toronto Star. “Sa Loob ng Isang Taon, Nilamon ng Sahara ang Malaking Bahagi ng Chad,” ang sabi pa ng isa. Resma-resma ang naisulat tungkol sa panganib ng lumalaganap na mga disyerto.
Ngayon basahin mo ang nasa ilalim ng paulong-balita. “Pinalalaganap ng Sahara ang mga disyerto nito patimog sa bilis na 6 hanggang 12 milya [10 hanggang 20 km] isang taon sa loob ng mahigit na isang dekada, unti-unting sinasakop ang Sahel, ang medyo tigang na bahagi sa gawing timog ng hangganan nito,” sabi ng The New York Times ng Enero 2, 1985.
“Halos 52 milyong acres [21 milyong ha] ng lupa ang nagiging disyerto taun-taon . . . Ang problema ay pangunahin nang nangyayari sa Aprika, India at Timog Amerika,” ulat ng The Boston Globe ng Hunyo 11, 1984.
“Isinasapanganib ng lumalawak na disyerto ang pag-iral mismo ng ilang mga bansa, pati na ang Mauritania, kung saan ang mga opisyal ng pamahalaan ay nagsasabi na ang Sahara Desert ay kumikilos patimog sa bilis na apat na milya [6 km] isang taon. Binabanggit ng mga taga-Mauritania ang tungkol sa mga araw nang ang mga leon ay naninirahan sa makahoy na mga lugar sa bansa, ang lugar ding iyon ngayon ay wala kundi isang tigang na lupain ng patay na mga punungkahoy at inililipad na mga buhangin,” ulat ng The Atlanta Journal and Constitution ng Enero 20, 1985.
Ang pangglobong kababalaghang ito ng lumalawak na mga disyerto ay hindi bago. Gayunman, isang bagong salita ang nalikha upang ilarawan ang mapaminsalang pamamaraang ito—“desertification.” Ito ay mabilis na nagiging isang bukang-bibig sa ilang bahagi ng daigdig. Sa kasalukuyan ang desertification o paglaganap ng disyerto ay nakakaapekto sa halos isang daang mga bansa, lalo na sa hindi maunlad na mga bansa sa Aprika na literal na napaliligiran ng mga disyerto.
Isa itong problema na sinisikap lutasin ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. “Dapat nating malasin ito bilang isang pagkalaki-laking problema,” sabi ni Gaafar Karrar, pinuno ng sangay ng desertification ng UNEP (United Nations Environmental Program). “Maaaring maiwala natin ang sangkatlo ng umiiral na masasakang lupa ng daigdig sa pagtatapos ng dantaon,” sabi niya. Sang-ayon sa isang report ng UN, isinasapanganib ng desertification ang 35 porsiyento ng pang-ibabaw na lupa ng mundo, o mga 45 milyong milya kuwadrado, at 20 porsiyento ng populasyon nito—halos 850 milyon katao. “Sa katunayan wala saan man sa daigdig ang hindi tinatablan ng desertification,” sabi ni Karrar.
Noong 1977, 94 na mga bansa ang nagtagpo sa Nairobi, Kenya, at sumang-ayon sa isang “plano ng pagkilos” upang sawatain ang paglaganap ng mga disyerto sa pagtatapos ng dantaon. Subalit dahilan sa pangkalahatang kawalan ng interes sa bahagi ng mga bansa at kakulangan ng salapi, ang plano ay itinigil at sinasabing hindi na maisasagawa. Noong 1980 kinalkula ng UNEP na magkakahalaga ng mga 90 bilyong dolyar (U.S.) sa mahigit 20 mga taon, o mga 4.5 bilyong dolyar sa bawat taon, upang ihinto ang paglaganap ng mga disyerto sa taóng 2000. Gaano kagrabe ipinalalagay ng mga dalubhasa ang lumalaganap na daigdig na ito ng buhangin? “Kung ang kasalukuyang paglaganap ng disyerto ay magpapatuloy,” sabi ng isang kinatawan ng UNEP, “sa taóng 2000 ang kalagayan ay magiging isang pangglobong kapahamakan.”
Kapag isinasaalang-alang ng isa ang kalikasan mismo ng paglaganap ng disyerto, bumabangon ang ilang interesanteng mga katanungan: Anong plano ng pagkilos ang maaaring simulan ng UN na mabisang makasasawata sa waring walang tigil na paglawak na ito ng mga disyerto? Magagamit kaya ng UN ang pag-iisip ng tao at lubusan itong ihanay doon sa malayo-pananaw, mabuting intensiyon ng mga tao na nakikita ang pangglobong kasakunaan na maaaring dalhin ng patuloy na paglawak ng disyerto? Ang salitang “desertification,” sabi ng isang manunulat, ay isang “termino na nangangahulugan ng paglawak ng mga disyerto bunga ng gawain ng tao.” Binibigyan-diin ang ugat na dahilan ng desertification, si Dr. Mostafa K. Tolba, executive director ng UNEP, ay nagsabi: “Ang pangunahing dahilan ay hindi ang tagtuyot gaya ng pinaniniwalaan pa rin ng marami kundi ang labis na paggamit ng tao sa lupa sa pamamagitan ng labis na pagbubungkal, labis na panginginain sa damuhan, hindi mabuting patubig at pagkalbo sa mga kagubatan.”
Ang gayong labis na paggamit ay pinalulubha pa ng dumaraming populasyon at ang mga bagong lupain ay pinaninirahan na hindi kayang dalhin ang pagdami ng populasyon. Upang malinang ang lupa nang mapakain ang dumaraming tao, upang magtayo ng mga tahanan, at gamitin ang kahoy para panggatong, ang bawat punungkahoy ay pinuputol. “Mayroon din ngayong kakapusan sa panggatong at uling,” sabi ng direktor ng Protection of Nature sa Mauritania, Aprika. “Gayunman putol pa rin nang putol ang mga tao. Inaakala nila na si Allah ay maglalaan ng ulan, ng mga punungkahoy.” Ang kanilang mga baka, upang manatiling buháy, ay kinakain ang bawat dahon ng pananim na kanilang manginginain. Ang resulta ay na ang nakalantad na lupa ay pinatitigas ng walang-habag na araw, pinapatay ang mga mikroorganisamo na kinakailangan para sa pagsibol ng halaman. Habang umuunti ang pananim, lumalawak ang disyerto.
Susunod naman ang umiihip na hangin. Ang buhangin mula sa nakapaligid na mga lupaing tigang ay dinadala ng hangin at ipinapadpad sa ibayo ng nakalantad na lupa, at dahilan sa walang sumasawata sa pagtangay nito, nilalamon nito ang lupain, tumatambak sa mga lansangan at pumapadpad sa mga tahanan, pilit na pinaaalis ang mga tao tungo sa bagong mga teritoryo na para bang walang katapusang siklo.
Kung saan dati’y may sapat na patak ng ulan, ipinababanaag ng bagong nakalantad na lupa ang init ng araw, binabago ang thermal dynamics ng atmospera sa ilang paraan, sabi ng mga dalubhasa, na sumusugpo sa patak ng ulan, pinabibilis ang paglawak ng tulad-disyertong mga kalagayan, pinabibilis ito. Ang mga tao ay humuhukay sa tuyong lupa upang itanim ang kanilang binhi, subalit, sa aba, walang tumutubo. Ang taggutom ay unti-unting lumalaganap sa lupain. Kailan ito magwawakas?
Talaga bang Mamumulaklak ang mga Disyerto na gaya ng Rosas?
Mahigit nang dalawang milenyo ang nakalipas, ang propeta Isaias ay kinasihang sumulat tungkol sa kinabukasan ng mga disyerto sa lupang ito at ang kanilang makahimalang pagbabago—hindi sa pamamagitan ng ilang “plano ng pagkilos” ng United Nations kundi sa ilalim lamang ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo Jesus. At dito sa dakilang hulang ito, na napakalapit nang matupad, ay mga salita, hindi ng pagkasiphayo, kundi ng pag-asa. “Kahit ang ilang at ang disyerto ay magagalak sa araw na iyon; ang disyerto ay mamumulaklak. Oo, magkakaroon ng saganang bulaklak at ng awitan at kagalakan! Ang disyerto ay magiging luntian na gaya ng mga bundok ng Lebanon, gaya ng karilagan ng mga pastulan ng Bundok Carmel at ng kaparangan ng Sharon; sapagkat ipakikita ng Panginoon ang kaniyang kaluwalhatian doon, ang karilagan ng ating Diyos . . . Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa disyerto. At ang tigang na lupa ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay magiging bukal ng tubig. Sa disyerto na tinatahanan ng mga chakal, magkakaroon ng damo pati ng mga tambo at mga yantok!”—Isaias 35:1-6, The Living Bible.
Ito ang kinasihang pangakong kinabukasan ng tinatangay at nakakapasong buhangin ng mga disyerto ng lupa.
[Talababa]
a Isang sq mi = 2.6 sq km.
[Blurb sa pahina 10]
“Tuwing mga ilang taon nagkakaroon ng pag-ambon—subalit ang mga patak ay napakaliit”
[Mapa sa pahina 11]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang disyertong mga dako sa daigdig ay yaong puti