Kapag ang Lupain ay Naging Disyerto
SINASABING ang lupain sa halos 100 bansa ay unti-unti nang nagiging disyerto, anupat naaapektuhan ang buhay ng mahigit na 900 milyon katao at nagiging dahilan ng tinatayang $42 bilyong pagkalugi taun-taon sa kinikita sa buong daigdig. Bagaman ang mahihirap na lugar ang pinakaapektado (81 sa mga bansa ay nagpapaunlad na mga lupain), nanganganib sa disyertipikasyon ang mga bansa sa bawat kontinente.
Ang tawag ng United Nations Environment Programme (UNEP) sa disyertipikasyon ay “isa sa pinakamaselang na pandaigdig na problema sa kapaligiran.” Kasabay nito, sinasabi rin ng mga mananaliksik na “ang disyerto ay hindi lumalawak.” Paano nangyari ito?
Palaki’t Paliit ang mga Disyerto, at Pabagu-bago ang Pangangahulugan
Pagkatapos ng mahabang tagtuyot sa lugar ng Sahel sa Aprika (1968-73), napaukit sa isipan ng mga tao ang larawan ng disyerto na lumulukob sa sinasakang lupain. Gayunman, ang “mapanglaw at gunaw na senaryo” na iginuhit ng mga siyentipiko noon, sabi ni Donald A. Wilhite, direktor ng International Drought Information Center sa University of Nebraska (U.S.A.), ay “batay sa kapos na saligan sa nakalipas na maikling panahong iyon na dahilan ng maling pagsasalarawan.”
Ipinakikita ngayon ng mga larawang kuha ng mauunlad na satelayt na nakasisilip ng biomass (ang lawak ng nabubuhay na bagay) na ang lawak ng pananim ay nababago depende sa panahon ng tag-araw at tag-ulan. Ang mga pagbabagong ito, sabi ng mga dalubhasa, “ay nagpapahiwatig na ang disyerto ay lumalawak o lumiliit.” Kaya nga ang mga disyerto ay “palaki’t paliit” ngunit hindi palaging “palaki.” Magkagayunman, idiniin ni Dr. Wilhite na, “nagaganap ang disyertipikasyon.” Ngunit ano nga ba ang talagang kahulugan nito?
Disyertipikasyon
Ang “disyertipikasyon” ay madalas na napagkakamalan bilang ang paglawak at pagliit ng mga disyerto. Gayunman, ang disyertipikasyon, ayon sa paliwanag ng isang grupo ng mga mananaliksik, ay tumutukoy sa isang naiibang palatandaan. Habang nagkakaroon ng paglawak at pagliit sa pinakalaylayan ng kasalukuyang mga disyerto, ang disyertipikasyon ay nagaganap sa napakatuyong lugar, na ang ilan sa mga ito’y maaaring malayo sa alinmang disyerto. Ang malalawak na lugar ng gayong sinasakang tuyong lupain, na sumasakop sa 35 porsiyento ng lupa sa daigdig, ay unti-unting nagiging disyerto. Ang palatandaang iyan ay minamalas ngayon bilang disyertipikasyon.
Gayunman, sa kabila ng mas malawak na pangmalas na ito tungkol sa lugar na kinagaganapan ng disyertipikasyon, ang kalituhan tungkol sa dalawang pangyayaring ito ay nagpapatuloy. Bakit? Ang Panos, isang nakabase sa London na nagbibigay-impormasyong organisasyon na dalubhasa sa mga isyu ng pangyayari, ay tumukoy sa isang dahilan. Kung minsan, pinananatiling buháy ng mga gumagawa ng patakaran ang malinaw na larawan ng lumalawak na disyerto sapagkat ito’y “isang larawang mas madaling suportahan ng pulitika kaysa sa mas kumplikadong proseso ng ‘disyertipikasyon.’ ”
Ang “pabagu-bagong kaalaman,” sabi ng Panos, “ang naging dahilan ng napakaraming pagtatalo kung ano nga ba talaga ang ‘disyertipikasyon.’ ” Ang isyu? Mga tao laban sa klima. Una, iminungkahi ng UN na bigyang-kahulugan ang disyertipikasyon bilang “pagkapinsala ng lupa sa mga lugar na tigang, may kaunting ulan at tuyot na higit sa lahat ay dahil sa masamang gawa ng tao.” (Amin ang italiko.) Hindi nagustuhan ng maraming bansa ang pangangahulugang ito, sabi ni Camilla Toulmin, direktor ng Drylands Project sa International Institute for Environment and Development, sapagkat inilalagay nito sa tao ang pananagutan ng disyertipikasyon. Kaya nga, kamakailan lamang, ang huling bahagi ng kahulugan ay binago bilang “dahil sa pag-iiba-iba ng klima at mga gawa ng tao.” (Amin ang italiko.) Isinisisi ng bagong pangangahulugang ito ang disyertipikasyon kapuwa sa mga tao at sa klima, ngunit hindi pa rin natatapos ang pagtatalo. Bakit hindi?
“Naniniwala ang ibang dalubhasa,” sabi ng Panos, “na ang pagdami ng kahulugan at ang kasunod nitong kontrobersiya ay tunay na isang pagtatangka na makakuha ng ekstrang pondo yamang mas maraming bansa ang ipinalalagay na nanganganib.” Ang naging resulta ng patuloy na kontrobersiya ay na “ang termino mismo ay halos di-nabigyan ng kahulugan.” Ang iba’y naniniwala pa nga na dapat nang lubusang kalimutan ang terminong “disyertipikasyon.” Ngunit, ang pagpapalit ng salita, mangyari pa, ay hindi makalulutas sa suliranin o makapag-aalis ng mga dahilan nito. Ano ba ang mga dahilan ng disyertipikasyon?
Mga Ugat at Resulta
Ang aklat na Desertification, ni Alan Grainger, ay nagsasabi na ang mga ugat na dahilan ay ang sobrang pag-aararo, sobrang panginginain sa damuhan, pagkalbo sa gubat, at maling paraan ng pagpapatubig. Kapag sabay na nangyari ang dalawa o higit pa sa mga dahilang ito, karaniwan nang nagkakaroon ng disyertipikasyon. Isa pa, ang mga salik na dahilan—gaya ng pagbabago ng populasyon, klima, at sosyoekonomikong mga kalagayan—ang nagpapatindi sa problema.
Ang isang malinaw na resulta ng disyertipikasyon ay ang pagkasira ng kakayahan ng tuyong lupa na magluwal ng makakain. Ito’y nangyayari sa buong daigdig lalo na sa Aprika, na ang 66 na porsiyento ng kontinente ay disyerto o tuyong lupa. Bukod dito, mayroon pang mapapait na bunga ang disyertipikasyon. Ito’y humahantong sa digmaan. “Sa buhul-buhol na mga dahilang umaakay sa pagiging mabuway ng lipunan at pulitika, sa pagdanak ng dugo at sa digmaan,” ang sabi ng aklat na Greenwar—Environment and Conflict, “ang pagkapinsala ng kapaligiran ay gumaganap ng higit at higit na papel.”
Maging ang pagsisikap na hadlangan ang mga digmaan ay nagdulot ng pinsala sa kapaligiran, anupat tumindi ang pagdarahop. Paano? “Palibhasa’y nagiging mabuway ang pulitika dahil sa pag-aagawan sa umuunting yaman na bunga ng pagkapinsala ng lupa,” paliwanag ng Panos, “karaniwan nang gumagamit ang pamahalaan ng pamamaraang militar upang pigilin ang karahasan. Kaya nga, inilalaan ng mga pamahalaan ang salapi para sa badyet ng militar sa halip na para mabawasan ang pagdarahop.” Gayunman, sa halip na sugpuin ang mga nagiging bunga ng disyertipikasyon, ano kaya ang maaaring gawin upang sugpuin ang pinagmumulan nito?
Walang Madaliang Remedyo
Matapos pakaisipin ang tanong na iyan sa loob ng 13 buwan, pinagtibay ng mga kinatawan ng mahigit na 100 bansa ang “UN Kombensiyon sa Pagsugpo sa Disyertipikasyon,” isang plano na sang-ayon sa UN ay “isang mahalagang hakbang pasulong” sa paglaban sa disyertipikasyon. Kinailangan ng kombensiyon, bukod sa iba pang bagay, ang paglilipat ng mga teknolohiyang panlaban sa disyertipikasyon mula sa mauunlad tungo sa nagpapaunlad na mga bansa, mga programa sa pagsasaliksik at pagsasanay at, higit sa lahat, mas mabuting paggamit ng kaalaman ng lokal na mga mamamayan. (UN Chronicle) Makapipigil ba ang bagong kasunduang ito sa pagkapinsala ng tuyong lupa?
Para mapaiba naman, sabi ng Panos, ang mga salita gayundin ang aktuwal na pagsuporta ay kailangan. Si Hama Arba Diallo, isa sa nag-organisa ng kombensiyon, ay nag-ulat na sa pagitan ng 1977 at 1988, mga $1 bilyon bawat taon ang ginugol para sa antidisyertipikasyon. Gayunman, upang sumulong talaga, ayon sa UNEP, ang 81 nagpapaunlad na bansa ay kailangang gumugol ng mga apat hanggang walong ulit na laki ng halagang iyan.
Ngunit sino ang sasagot sa bayaring iyan? “Kakaunting salapi lamang mula sa industriyalisadong mga bansa ang idaragdag para sa gawaing anti-disyertipikasyon,” babala ng Panos, at sinabi ring “di-makatotohanan para sa mahihirap na bansang dumaranas ng disyertipikasyon na umasa sa magaan o madaliang remedyo mula sa kombensiyon.” Magkagayunman, may pagkapositibong pagtatapos ng Panos, ang bagay na tinatalakay na ngayon sa buong daigdig ang disyertipikasyon ay nangangahulugang nakikita na ang problema, “na ito’y isa na ring tagumpay sa ganang sarili.”
‘Ang Ilang ay Magbubunyi’
Oo, sa nakalipas na dekada, maraming lalaki at babae ang nagtagumpay sa pagpapangyari sa sangkatauhan na maging palaisip sa malaking kapahamakang idudulot ng patuluyang disyertipikasyon. Ang mga salawikaing gaya ng “Gubat muna bago tao, ang kasunod ay disyerto” ay humamon sa mga tao na baligtarin ang pagkakasunud-sunod na ito.
Gayunman, nakikita rin ng nakaaalam na mga tao na kumplikado ang problema ng disyertipikasyon. Makatotohanan na rin sila sa pagkilala na ang tao, gaano man kabuti ang intensiyon, ay may mga limitasyon sa pakikiharap sa mga dahilan ng pandaigdig na mga suliranin sa ngayon.
Gayunman, kasabay nito, nabubuhayan ng loob ang mga taong nababahala may kinalaman sa kinabukasan ng ating planeta na malamang nangako ang Maylalang ng lupa na buong-bisa niyang haharapin ito at ang iba pang suliranin sa kapaligiran. At yamang ang mga pangako ng Diyos, na nakaulat sa Bibliya, ay palaging nagkakatotoo, makatotohanan lamang na masabik sa katuparan ng ipinasulat ni Jehova sa propetang si Isaias sa ilalim ng pagkasi hinggil sa mangyayari sa mga disyerto at napinsalang lupa: “Ang ilang at ang walang-tubig na pook ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron. . . . Sapagkat sa ilang ang katubigan ay bubulwak na, at ang mga hugusan sa disyertong kapatagan. At ang lupang tigang sa init ay magiging gaya na ng isang matambong lawa, at ang uhaw na lupa gaya ng mga balong ng tubig.” (Isaias 35:1-7; 42:8, 9; 46:8-10) Anong laking kagalakan na makita, sa malapit na hinaharap, na napipigil at nababaligtad ang nagaganap na disyertipikasyon!
[Kahon sa pahina 16]
Porsiyento ng Lupang Disyerto o Tuyong Lupa
Aprika 66%
Asia 46%
Australia 75%
Europa 32%
Hilagang Amerika 34%
Timog Amerika 31%
Daigdig 41%
[Kahon sa pahina 17]
Nagiging Disyerto ba ang Lupain Dahil sa Patubig?
Ang patubig ba—pagdidilig sa lupa—ay nagpapangyaring maging disyerto ang lupain? Oo, kapag mali ang paraan ng patubig. Nangyayari ito kapag hindi wastong napatutuyo ang lupa. Una, nabababad ang lupa sa tubig; pagkatapos ito’y umaalat; at pagkaraan, namumuo ang asin sa ibabaw. Dahil sa “maling patubig,” sabi ng Panos, “mabilis na nagiging disyerto ang lupain na kasimbilis ng pagbubukas ng mga bagong sistema ng patubig.”
[Mapa sa mga pahina 16, 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
DISYERTO
NANGANGANIB
[Credit Line]
Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan sa pahina 15]
Unti-unting nagiging disyerto ang sinasakang lupa