Gawing Matagumpay ang Pagpapasuso sa Iyong Sanggol!
Lubhang nasisiraan ng loob—ganiyan ang nadarama ng ilang mga ina pagkatapos subuking pasusuhin ang kanilang mga sanggol sa simulang mga araw at mga linggo pagkapanganak. Gayunman, nasumpungan ko na sa pamamagitan ng kaunting kaalaman at pagtitiyaga, ang pagpapasuso ay maaaring maging matagumpay at kasiya-siya. Kaya, ipahintulot mo na ibahagi ko kung ano ang natutuhan ko sa pamamagitan ng pagbabasa, pakikipag-usap sa ibang mga ina, at personal na karanasan.
“Kailan ko dapat pasimulang pasusuhin ang aking sanggol?”
Karakaraka pagkasilang. Sa maraming kaso maaari mong simulan doon mismo sa mesang pinag-anakan. Maaaring hilingin mo sa iyong doktor kung ito ay maaaring isaayos. Ang isa sa mga bentaha ng likas na panganganak, yaon ay, panganganak nang walang medikasyon o paggamot, ay na ang sanggol ay ipinanganganak na mas alisto at sa gayo’y karakarakang nagsisimulang sumuso.
“Wala akong sapat na gatas!”
Iyan ang sabi ng ilang bagong mga ina. Oo, kung minsan ang isang bagong ina ay lubhang nababalisa sa paglabas ng gatas anupa’t hindi ito lumalabas. Nangyayari ito sapagkat ang mga kalamnan na kumukontrol sa mga daluyan ng gatas ay tumitigas, hinahadlangan ang malayang pagdaloy ng gatas. Kaya kinakailangan mong magrelaks. Tandaan, din, na ang paglalabas mo ng gatas ay pinasisigla ng pagpapasuso mo sa iyong sanggol. Mentras mas madalas kang magpasuso, mas maraming gatas ang lalabas. Kaya pasusuhin mo nang paunti-unti ngunit madalas ang iyong sanggol sa halip na minsan o makalawa na marami. Sa loob ng tatlo o apat na araw, ang produksiyon mo ng gatas ay karaniwang dadami nang sapat. Aba, napasuso pa nga ng mga lola ang mga apo sa isang biglang pangangailangan! At kahit na ang ilang mga ina na nag-ampon ng sanggol ay nagkaroon ng gatas sa pamamagitan lamang ng pagpapasuso sa kanilang sanggol.
“Nais ng aking sanggol na sumuso tuwing ikalawang oras!”
Isa pa itong reklamo ng bagong mga ina. Ikinatatakot nila na ang kanilang sanggol ay hindi nasisiyahan o nabubusog sa kanilang gatas. Subalit ito ay normal para sa isang bagong silang na pasusuhin tuwing ikalawang oras. Ang ibang mga sanggol ay pinasususo hanggang 10 beses sa loob ng 24 oras! Kapag ang sanggol ay dalawa o tatlong buwang gulang na, malamang na oobra na rito ang tatlo- o apat-oras na iskedyul ng pagpapasuso.
“Ano ang dapat kong gawin kung magkaroon ng impeksiyon sa suso?”
Huwag mong awatin ang iyong sanggol. Sa halip, pasusuhin mo siya nang mas madalas kaysa karaniwan sa parteng namamaga upang ang suso ay mawalan ng laman o umimpis. Alam mo, ang impeksiyon ay malamang na sa daluyan ng gatas at hindi sa gatas mismo. Maaaring ireseta sa iyo ng iyong doktor ang isang mahina o suwabeng antibiotic at irekomenda ang mainit na pomento (hot compress) at pamamahinga. Ako mismo ay uminom ng 1,000 miligramo ng bitamina C tuwing ikalawa o ikatlong oras nang una kong mapansin ang impeksiyon, at nang ikalawang araw ito ay wala na.
“Ano kung maubusan ako ng gatas?”
Imposible. Ang suso ay isang pagawaan na nagtatrabaho 24 oras isang araw. Gayunman, ang produksiyon ay maaaring mapabagal dahilan sa kaigtingan, lagnat, o mga damdamin. Ang lunas ay magrelaks, alisin ang mga problema sa iyong isipan, at ituon ang isip sa iyong sanggol. Magpasuso ka nang mas madalas hanggang sa ang panustos na gatas ay muling dumami.
“Mayroon bang magagawa ang aking asawa upang makatulong?”
Ang pinakamalaking bagay na magagawa ng asawang lalaki ay ibigay ang kaniyang pag-ibig at pagsuporta. Dapat niyang isaisip na ang panganganak ay isang lubhang kabiglaanan sa katawan ng babae. Nangangailangan ng ilang panahon upang gumaling. Kaya’t dapat niyang ipaalaala sa babae na ang kaniyang pahinga at ang kapakanan ng sanggol ang mas mahalaga kaysa sa isang maayos na bahay. Maaaring tumulong na pansamantala ang lalaki sa pamimili at paghuhugas ng pinggan.
Gaano katagal dapat akong magpasuso?
Iyan ay depende sa iyo at sa iyong sanggol. Ang gatas ng ina ay isang kompletong pagkain, at ang sanggol ay hindi nangangailangan ng ano pa man hanggang sa pagtatapos ng limang buwan. Ang personal kong tunguhin sa pagpapasuso ng aking mga anak ay isang taon. Gayunman, si Sara ay naghintay hanggang si Isaac ay limang taon bago niya inawat!—Genesis 21:7, 8.
Ang pagpapasuso ay naglalaan ng isang kahanga-hangang pagkakataon para sa isang babae na makilala ang kaniyang sanggol at ipahayag dito ang kaniyang pag-ibig. Tandaan, hindi magtatagal at ang sanggol ay hindi na sanggol. Kaya samantalahin mo ang mahalagang mga buwan na iyon samantalang ang sanggol ay maliit pa.—Isinulat.