Pagharap sa mga Katotohanan: Ang Tabako Ngayon
NAGTATAKA na nagkaroon ng pangangailangan para sa mga sigarilyo, isang editor ng Harvard Medical School Health Letter ay nagtatanong: “Bakit ang isang humihinang bisyo, na dumanas [noong 1870’s] ng matinding paglait noong kalagitnaan ng panahong Victorian, ay biglang-biglang muling naitatag ang sarili nito?” Oo, gaya ng ipinangangalandakan ng isang anunsiyo kamakailan sa mga maninigarilyong kababaihan, “You’ve come a long way, baby” (Malayo na ang narating mo, iha). Ipinalalagay ng mga mananalaysay na ang pagkasugapa, pag-aanunsiyo, at mga digmaan ang dahilan ng pagtanggap ng publiko sa tabako. “Kasunod ng pagkasugapa, ang pag-aanunsiyo ang pinakamalakas na kakampi ng industriya sa pakikipagbaka nito sa mga puso at isipan ng maninigarilyo,” ulat ng isang imbestigador kamakailan. Oo, mayroon nga kayang higit pa kaysa kuwento o istorya?
Ang Kuwento sa Likuran ng Kuwento
Para sa mga estudyante ng Bibliya ang kahulugan ng panahon ng sigarilyo ay hindi maaaring basta pawalang-saysay. Bakit hindi? Sapagkat ang panahon—lalo na mula nang 1914—ay may katuparang hula. Una, noong 1914 ‘ang bansa ay tumindig laban sa bansa’ sa digmaang pandaigdig. Pagkatapos, gaya ng inihula pa ni Jesu-Kristo, ang lipunan ng tao ay ginulo ng ‘lumalagong katampalasanan.’ Yamang binigo ng digmaan ang pag-asa ng mga tao at winasak ang kanilang mataas na mga pagpapahalaga, binuksan nito ang daan para sa walang-katulad na pagtanggap na ito sa sigarilyo.—Mateo 24:7, 12.
Noong 1914 ang daigdig ay pumasok sa isang panahon ng kaligaligan, at ang industriya ng sigarilyo ay lumago. Maraming maninigarilyo ang bumaling sa bisyo upang sawatain ang mga kaigtingan ng tinatawag ng Bibliya na “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” Ang pang-akit ng pag-aanunsiyo at pagkasugapa sa nikotina ay tumulong upang ang pagpapalayaw-sa-sarili ang maging bagong saloobin ng lipunan. Tamang-tama, inihula ng Bibliya na ang mga tao sa mga huling araw ay magiging “maibigin sa kalayawan kaysa mga maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-5.
Lahat na ito ay dapat na tumulong sa atin na makita ang pagkaapurahan ng ating panahon. Sa halip na ‘huwag magbigay-pansin,’ gaya ng sinabi ni Jesus na ginawa ng ilang mga tao sa isang panahon ng krisis, maaari tayong matuto ng leksiyon mula sa kasaysayan. Hinihimok tayo ng Bibliya na umasa sa Kaharian ng Diyos, hindi sa bigong mga kampaniya upang baguhin ang daigdig—ni sa walang saysay na mga pangarap na balang araw ihihinto ng mga bansa ang kanilang masamang bisyo.—Mateo 24:14, 39.
Maihihinto kaya ng Daigdig ang Bisyo?
Tila walang pag-asa na ihihinto ng daigdig ang bisyo nito sa tabako. Noong 1962 ang British Royal College of Physicians ay unang nagbabala laban sa paninigarilyo, subalit noong 1981 nasumpungan na ang mga Britano ay bumibili ng 110 bilyong mga sigarilyo. Ang surgeon general ng Estados Unidos ay unang nagbabala tungkol sa mga panganib sa kalusugan noong 1964. Subalit nang sumunod na taon nagkaroon ng malakas na benta. Noong 1980 ang mga Amerikano ay bumibili ng 135 milyong higit na mga sigarilyo taun-taon kaysa noong 1964, sa kabila ng babala ng surgeon general na panganib sa kalusugan na lumilitaw sa bawat kaha! Ang totoo ay, ang daigdig ngayon ay bumibili ng apat na trilyong sigarilyo isang taon.
Ikaw man ay personal na naninigarilyo o hindi, ang salapi sa negosyo ng tabako sa mga panahong ito ay dapat na magsabi sa iyo na ang mga pamahalaan at ang mga pulitiko ay malamang na hindi wakasan ang negosyo ng tabako. Sa Estados Unidos, halimbawa, bagaman 350,000 katao ang namamatay taun-taon dahilan sa paninigarilyo, ang tabako ay nagbibigay ng $21 bilyong sa mga buwis. Ito rin ay naglalaan ng mga trabaho, tuwiran o di-tuwiran, para sa dalawang milyon katao. At ang mga kompanya ng tabako ay mga malakas gumastos. Sa buong daigdig, sila ay gumagastos ng $2 bilyong (U.S.) isang taon sa pag-aanunsiyo—ginagawang napakaliit ang pinagsamang $7 milyong na ginugugol ng American Cancer Society at ng American Lung Association sa edukasyon laban sa paninigarilyo.
O isaalang-alang ang dalawang mga ahensiya ng United Nations sa kanilang nakahihiyang pagkakahati tungkol sa patakaran ng tabako: Ipinahayag kamakailan ng WHO (World Health Organization) na ang paghinto sa “epidemya ng paninigarilyo” sa mga bansa sa Third World “ay malaki ang magagawa upang pasulungin ang kalusugan at pahabain ang buhay . . . kaysa anumang isahang pagkilos sa buong larangan ng pangontrang medisina.” Subalit ang FAO (Food and Agriculture Organization) ay naniniwala na “ang pagtatanim ng tabako ay lumilikha ng malawakang rural na empleo” sa Third World. Inilalarawan ng FAO ang tabako na “isang napakahalaga at madaling pagkunan ng buwis” na naglalaan ng “malakas na pangganyak” sa mga magsasaka “na magtanim ng tabako” at ang mga pamahalaan “na himukin ang paglilinang at paggawa nito.”
Pagharap sa mga Katotohanan
Oo, ang kababalaghan ng sigarilyo, lalo na sapol noong 1914, ay humihiling ng pagharap sa ilang masakit na katotohanan. Ang iba ay nagsasabi, ‘Kung ito’y nakabubuti, gawin mo ito.’ Subalit kinalilimutan ng gayong pangmadaliang palagay ang mga katotohanan na nag-uugnay sa paninigarilyo sa sakit sa bagà at sa puso. Sa Inglatera, ang paninigarilyo ay sinasabing pumapatay ng walong ulit na dami ng tao kaysa mga taong namamatay sa mga aksidente sa kotse. Sa buong daigdig, ang bisyo “ay sumawi ng higit na mga tao kaysa lahat ng mga digmaan sa siglong ito,” sabi ng report sa Manchester Guardian Weekly.
Kumusta naman ang pagkasugapa? Ang masakit na katotohanan ay na ang nikotina ay lumilikha ng isang katayuan ng pagkagumon sa droga. At inaakala ng maraming nag-iisip na tao na hindi nila maaaring waling-bahala ang moral at espirituwal na pinsala na nauugnay rito.
Moral na mga Pagtutol
Nasusumpungan ng mga Kristiyano ang moral at maka-Kasulatang mga pagtutol sa paggamit ng tabako na mas matimbang kaysa mga babalang pangmedisina o pangkalusugan. Ang paggamit ng tabako ay nagmula sa animismo (paniniwala sa pag-iral ng mga espiritu na hiwalay sa katawan), espiritismo, at pagsamba sa gawang-taong mga diyos—lahat ay hinahatulan ng Bibliya na masamang mga gawain na naglalayo sa isa sa Maylikha. (Tingnan ang kahon, “Ang Sagradong Dahon na Napabantog,” pahina 4.) (Roma 1:23-25) Ang paninigarilyo ay marumi, mapanganib, at salungat sa mga pamantayang Kristiyano. (2 Corinto 7:1) Higit na mahalaga, ang pagiging sugapa ay nagdadala sa bisyo sa saklaw ng “pagdudroga” (druggery)—isang hinahatulang kataga na ginagamit sa Bibliya sa espirituwal na nakapipinsala at mapamahiing mga gawain.—Tingnan ang talababa ng Reference Bible sa Apocalipsis 21:8; 22:15.
Kaya, may seryosong moral na implikasyon sa isang bisyo na nakalulugod sa pandamdam ng isa subalit nakapipinsala sa kalusugan ng isa, dinudumhan ang hangin na nilalanghap ng kaniyang kapuwa, at nakaiimpluwensiya sa madaling maimpluwensiyang mga kabataan na gawin din ang gayon. Pagkaraan ng ilang pag-iisip at marahil masakit na muling-pagtatasa, maraming maninigarilyo ang nagpapasiya na dapat silang huminto—para sa kanilang sariling kapakanan at para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Pagbaligtad sa Pamamaraan
Upang ihinto ang pagkasugapa sa tabako, nakakaharap mo ang panggigipit mula sa iyong sariling katawan at mula sa iyong mga kapaligiran. Bilang isang maninigarilyo, ang iyong katawan ay dumidepende sa nikotina. Nadarama mo ang gayunding matinding pagnanais na nadarama ng mga maninigarilyo sa loob ng isang siglo simula nang ang usok ng sigarilyo ay naging nalalanghap. Ang mga karatula at mga magasin tungkol sa bisyo ng paninigarilyo ay laging naglalaro sa iyong kaisipan, laging iniuugnay ito sa kasiyahan, kalayaan, pakikipagsapalaran, kagandahan, luho. Waring ipinalalagay ng iyong kapuwa maninigarilyo ang paninigarilyo na normal, ligtas, walang-sala, kasiya-siya, makabago, sopistikado. Binigyan mo ng lugar ang ideya ng paninigarilyo.
Sa maikli, upang ihinto mo ang bisyo, personal na dapat mong baligtarin ang pamamaraan na nagpagumon sa daigdig. Ang praktikal na mga mungkahi gaya niyaong masusumpungan sa pahinang ito ay maaaring makatulong sa iyo na labanan ang hilig ng daigdig, at ang unang hakbang ang pinakamahalaga: Alamin mo kung bakit nais mong huminto. “Ang disisyon ay kailangang gawin sa kalooban mo mismo,” sabi ni Dr. C. F. Tate sa American Medical News. “Minsang magawa ang disisyon, ang pinakamalaking bahagi ng pakikipagbaka ay tapos na.”
At kumusta naman ang daigdig na waring hindi kaya at ayaw gumawa ng mga pagbabago na personal na magagawa mo? Hindi, ang lipunan ng tao ay malamang na hindi wakasan sa pamamagitan ng sarili nitong mga pagsisikap ang mga gawaing sumisira-sa-sarili na gaya ng matinding interes nito sa sigarilyo. Subalit makatitiyak ka na ang Diyos ay nangangakong “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) At ang paraan ng Diyos sa pagsasagawa nito—ang kaniyang makalangit na gobyerno ng Kaharian—ang iyong tanging matibay na pag-asa na balang araw ay makita mo ang espirituwal, moral, at pisikal na kalusugan na isasauli saanman sa lupang ito.—Isaias 33:24.
[Graph/Larawan sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Edukasyon Laban sa Paninigarilyo
7 Milyon
Pag-aanunsiyo ng Sigarilyo
2 Bilyon
(bawat parisukat ay katumbas ng isang milyong dolyar)
[Larawan sa pahina 9]
Ang taunang badyet ng pag-aanunsiyo ng sigarilyo na $2 bilyong ay gumagawang napakaliit sa $7 milyong na badyet ng edukasyon laban sa paninigarilyo