Nagtatrabahong mga Babae—Isang Pangmalas Mula sa Third World
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Nigeria
Mula noong 1950, ang bilang ng mga babaing naghahanapbuhay ay totoong dumoble sa buong daigdig. Marami na ang naisulat tungkol sa mga epekto ng ganap na bagong hilig na ito sa pag-aasawa at buhay pampamilya. Gayunman, sa tinatawag na Third World, ito ay hindi isang bagong bagay. Sa maraming gayong bansa, ang mga lalaki at mga babae ay malaon nang nagtrabahong magkasama bilang magkasosyo o magkatuwang sa kabuhayan. Subalit paano nahahawig ang mga problema ng nagtatrabahong mga babae sa Third World doon sa mga katulad nila sa industriyalisadong mga bansa? Ano ang gumaganyak sa kanila na itaguyod ang gayong mabigat na pananagutan? Upang magkaroon ng ilang kabatiran tungkol sa kawili-wiling mga katanungang ito, inilalahad dito ng Gumising! ang isang panayam sa tatlong nagtatrabahong mga babae na taga-Nigeria: sina Elizabeth, Ulrike, at Lola, pati na ang asawa ni Lola, si ‘Shola.
Gumising!: Bakit ba nagtatrabaho ang mga babaing Aprikana?a
Elizabeth: Sa kalagitnaang-kanlurang mga rehiyon ng Nigeria, ang mga babae ay hindi lamang basta nagtatrabaho upang makaraos o maglaan ng mga ekstra. Sa maraming mga pamilya ang asawang babae ay inaasahan na kikita ng salapi. Siya—hindi ang asawang lalaki—ang kadalasang nangangalaga sa kaniyang karagdagang pamilya, yaon ay, mga pamangking babae, mga pamangking lalaki, mga pinsan, at iba pa.
Ulrike: Ako ay ipinanganak sa Alemanya subalit ngayon ay tinatanggap nang mamamayan ng Nigeria. Napansin ko na para sa mga babae rito, ang trabaho ay bahagi na ng kanilang kultura. Itinuturing ng isang lalaki ang kaniyang asawang babae na mahalaga tanging kung siya ay mabunga o produktibo, at iyan ay kadalasan nang nangangahulugan ng higit pa sa basta pagkakaroon ng mga anak at paglalaan ng pagkain. Sa maraming kaso, ang paglalaan ng materyal na mga pangangailangan ng mga bata sa kalakhang bahagi ay pananagutan pa rin ng ina.
Lola: Sa gitna ng mga Yoruba,b malaon nang kinikilala ng mga lalaki na ang kani-kanilang mga asawa ay may kaloob sa pangangalakal. Kaya, samantalang ang mga lalaki ay nagsasaka at nagbubungkal ng mga maipagbibili, ang mga asawang babae ang naglalako nito. Ito ay napatunayang isang mabisang paghahati ng trabaho. Itinuturing ng babae na kaniyang bahagi na suportahan ang kaniyang asawa na gawing matagumpay ang pinasimulan ng lalaki sa bukid. Isa pa, ipinalalagay na isang palatandaan ng kasipagan na pagsamahin ang pag-aasikaso sa bahay at pagninegosyo. Tulad ng may kakayahang asawang babae na inilalarawan sa Bibliya sa Kawikaan kabanatang 31, siya ay nagigising nang maaga, inaasikaso ang kaniyang tahanan, at pinakakain ang kaniyang pamilya. Ito ay nagpapahintulot sa kaniya na gamitin ang nalalabing oras ng kaniyang araw sa ibang mga bagay, gaya ng pagtatanim sa bukid, pananahi para sa mga negosyante, o pagpapatakbo ng isang maliit na negosyo.
Elizabeth: Isa pa, nadarama ng maraming babae ang pangangailangan na malantad sa daigdig sa labas ng pamilya. Kadalasan na ang kanilang tanging edukasyon ay nagmumula sa pangangalakal o iba pang anyo ng trabaho.
Gumising!: Bakit gayon?
Elizabeth: Bueno, napasusulong ng pangangalakal ang kanilang kaalaman sa aritmetika at wika. Ang negosyo ay nagtuturo sa kanila ng organisasyon, na tumutulong upang mas mabuting mapamahalaan nila ang kanilang mga tahanan at mga pamilya. Higit pa, ang pagtatrabaho ay nagbibigay sa mga babae ng pagtitiwala at paggalang-sa-sarili.
‘Shola: Ang poligamya ay isa pa ring malakas na dahilan kung bakit nagtatrabaho ang mga babae. Kakaunting mga asawang babae sa poligamong mga tahanan ang makakaasa na sasapatan ng kanilang mga asawa ang bawat pangangailangan nila. Kaya ang babae ay nangangatuwiran na kung hindi niya tutulungan ang kaniyang sarili, siya ay magkakaproblema. Totoo, ang kawalang katiyakan ng mga kaugnayang poligamo ang nagtulak sa maraming may kabataang mga asawang babae na umasa sa kanilang mga asawa para sa ikabubuhay. Gayundin, nais ng maraming babae ang pinakamabuting edukasyon para sa kanilang mga anak. Yamang ang kayamanan ng asawang lalaki ay maaari ring gamitin upang tustusan ang kaniyang mga anak sa iba pang mga babae, ang babae ay nagtatrabaho—at nagtatrabahong masikap—upang pag-aralin ang kaniyang mga anak at marahil ay iwanan ang mga ito ng isang mana.
Gumising!: Anong uri ng trabaho ang ginagawa ng mga babae?
Elizabeth: Karamihan na’y pangangalakal.
‘Shola: Ito’y iba-iba sa gitna ng sarisaring etnikong mga grupo. Ang ilan ay nagsasaka, ang iba naman ay nangangalakal.
Ulrike: Ang mga babae ay kadalasan nang handang gawin ang mga trabaho na ayaw gawin ng mga lalaki, gaya ng pag-iihaw ng mga tugi o mais sa tabing-daan, pagtitinda ng malamig na tubig, o pamamahala pa nga sa mga patahian. Gayunman ang mga ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang na maliit na mga negosyo!
Lola: Kapansin-pansin, kapag ang mga pamilya ay umalis sa rural na mga pamayanan, ang mga asawang babae ay kadalasang hindi mapalagay. Nasusumpugan nilang mahirap na basta maupo sa bahay na walang ginagawa. Ito’y nagpapakita na ang kanilang pagnanais na magtrabaho ay hindi lang basta sa kabuhayan. Sapagkat dati, ang mga pangangailangan ay kakaunti at mababa ang pangangailangan.
Gumising!: Sa anong lawak talagang mahalaga sa lalaki ang kita ng asawang babae?
Ulrike: Dahilan sa mabuway ang kalagayan ng kabuhayan sa Aprika, ang kita ng babae ay napakahalaga. Ang mga kompaniya ay regular na nag-aalis ng mga manggagawa. Aba, kahit na ang mga manggagawa sa gobyerno ay kadalasang kinakailangang maghintay ng mga ilang buwan upang tanggapin ang kanilang mga suweldo. At kadalasan na ang mga lalaking Kristiyano ay nawawalan ng trabaho sapagkat sila ay tumatangging sumuko sa makasanlibutang mga panggigipit at ikompromiso ang mga simulain ng Bibliya. Subalit ang isang babae na mangangalakal ay hindi basta-basta nawawalan ng trabaho kung siya ay may kasanayan. Kadalasan siya ay nagiging—sa paano man ay pansamantala—ang tanging naghahanapbuhay!
‘Shola: Yamang ang kayarian ng lipunan ay nagbago, ang mga pangangailangan ay naging higit na masalimuot, ang mga inaasahan ay tumindi, at dumami ang mga panggigipit sa kabuhayan. Kaya ang tulong ng asawang babae sa badyet ng pamilya ay higit at higit na naging mahalaga. Kaya maaaring piliin ng asawang lalaki na bayaran ang upa ng bahay, koryente, at isang takdang halaga para sa pagkain. Ang babae, naman, ay maaaring bumili ng ekstrang pagkain at pananamit, at bayaran ang mga kabayaran sa paaralan.
Gumising!: Ano ang ilan sa mga problemang nakakaharap ng nagtatrabahong mga babae?
Elizabeth: Ang pagtatrabaho ay maliwanag na nakapapagod, at kadalasan ang isang nagtatrabahong babae ay umuuwi ng bahay na maigting at nayayamot. Maaari itong pagmulan ng di pagkakaunawaan ng mag-asawa. Hindi pinapansin ng mga lalaki na ang kanilang mga asawang babae ay matagumpay. Subalit kung ang babae ay lubhang matagumpay, ang asawang lalaki ay maaaring managhili at makadama na pinagbabantaan.
Lola: Maaaring masumpungan ng asawang babae ang kaniyang sarili na nakakaligtaan ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa—na nagpapangyari sa lalaki na managhili at maghinanakit.
‘Shola: Gayunman, ang pinakamalaking panganib para sa isang asawang babaing Kristiyano ay na maaaring maapektuhan ang kaniyang espirituwalidad.
Lola: Oo, kadalasa’y napakaraming panahon ang ginugugol sa pagiging matagumpay anupa’t ang espirituwal na mga gawain, gaya ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ay maaaring maging pangalawahin. Ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano ay maaari ring maapektuhan, at wala nang gaanong panahong natitira para sa personal na pag-aaral ng Bibliya. At nakikita ng kaniyang mga anak na inilalagay sa harapan nila ang isang halimbawa ng pagsusumikap upang maging matagumpay sa negosyo. Maaaring magpasiya sila na gawin din iyon na kanilang tunguhin sa buhay.
Gumising!: Paano iyan maiiwasan ng nagtatrabahong Kristiyanong asawang babae?
Lola: Dapat niyang panatilihin ang kaniyang pagkakatimbang sa lahat ng mga bagay upang ang kaniyang pamilya at ang kaniyang espirituwal na buhay ay hindi maapektuhan.
‘Shola: Magagawa ito. Maraming mga babaing Kristiyano na mahusay na mga halimbawa sa gayong pagkakatimbang.
Bagaman ang pangkabuhayan at kultural na mga puwersa na gumagana sa Aprika ay naiiba kaysa roon sa mga bansang industriyalisado, ipinahahayag ng nagtatrabahong mga babae na sinipi rito ang mga pangangailangan at mga ambisyon na pansansinukob.
Totoo, ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay maaaring makapagpaginhawa sa gayong mga babae sa mga panggigipit na sekular na magtrabaho. Gayunman, nasusumpungan ng maraming mga mag-asawang Kristiyano na kinakailangang magtrabaho silang dalawa. Dapat tayahin ng gayong mga mag-asawa ang halaga ng sekular na trabaho. (Tingnan ang Lucas 14:28.) Kung saan mayroong pangangailangan sa kabuhayan, “ang isang may kakayahang asawang babae” ay maaaring magmapuri na siya ay gumagawa ng materyal na kontribusyon sa kapakanan ng pamilya.—Ihambing ang Kawikaan 31:10, 13, 16, 24.
Sa kabilang dako, dapat tandaan ng mga pamilya sa Third World—gaya ng iba pang mga pamilya—na ang pagkakasundo ng mag-asawa at ang espirituwal na mga gawain ay mas mahalaga kaysa materyal na mga kaginhawahan. (Kawikaan 15:17; Mateo 6:19-21) At kung ang isang asawang babae ay basta nakadarama ng pangangailangan sa higit na nakasisiyang gawain bukod sa gawaing-bahay, makabubuting tandaan niya ang paghimok ng Bibliya na ‘maging magawain sa gawain ng Panginoon.’ (1 Corinto 15:58) Ang ilan, gaya ni Lola, ay maaaring magsaayos na makibahagi sa buong-panahong gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, sa kalakhang bahagi dapat harapin ng mga asawang babaing Kristiyano sa Aprikanong Third World na mga bansa ang hamon ng pagiging maybahay at tagapaghanapbuhay. Ang pagiging timbang ang susi. At gaya ng ipinaaalaala sa atin ng asawa ni Lola na si ‘Shola: “Magagawa ito!”
[Mga talababa]
a Sa katagang “trabaho” ibig naming tukuyin ang binabayarang trabaho. Ito’y hindi nangangahulugan na ang mga maybahay ay hindi mga manggagawa.
b Isang etnikong grupo sa Nigeria.
[Larawan sa pahina 9]
Elizabeth
[Larawan sa pahina 10]
Ulrike
[Larawan sa pahina 11]
Lola