Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/8 p. 7-9
  • “Nawa ang Lahat ay Maging Propeta!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Nawa ang Lahat ay Maging Propeta!”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Katolikong Gawaing Edukasyon sa Bibliya
  • Isang Imposibleng Kalagayan
  • Lahat ng Tunay na mga Kristiyano AY mga Propeta
  • Ang Bibliya o ang Tradisyon?—Isang Problema sa Taimtim na mga Katoliko
    Gumising!—1986
  • Ang Iglesya Katolika sa Aprika
    Gumising!—1994
  • Ang Pagdalaw ng Papa sa Mexico—Tutulong ba Ito sa Simbahan?
    Gumising!—1990
  • Hindi Na Ipinagbabawal na Aklat
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 11/8 p. 7-9

“Nawa ang Lahat ay Maging Propeta!”

IPINAHAYAG ni Papa John Paul II ang sumusunod na mensahe sa isang pagtitipon ng mga Katolikong maibigin sa Bibliya: “Ipinaaabot ko ang aking malugod na pagbati sa mga nakikibahagi sa Panlahat na Asamblea ng World Catholic Federation for the Biblical Apostolate at tinitiyak ko sa kanila na ako ay malapit sa kanila sa espiritu. Natutuwa akong malaman na ang asambleang ito ay nakasumpong ng inspirasyon para sa tema nito sa mga pananalita ni Moises na, ‘Nawa ang lahat ay maging propeta’ (Bil. 11:29), at na ikinapit nito ang pananalitang ito sa mga atas na isasagawa nito.”​—L’Osservatore Romano, Agosto 24, 1984.

Isang Katolikong Gawaing Edukasyon sa Bibliya

Ang Ikatlong Panlahat na Asamblea ng World Catholic Federation for the Biblical Apostolate ay ginanap sa Bangalore, India, noong Agosto 1984. Mga delegado mula sa 53 mga bansa ang nagtipon. Ang Pederasyon ay itinatag sa Roma noong 1969. Iyan ay tatlong taon pagkaraang atasan ni Papa Paul VI ang isang Alemang kardinal sa Roma upang pag-aralan ang mga pangangailangan ng Iglesya Katolika sa mga bagay na may kinalaman sa Bibliya. Sa kasalukuyan, si Msgr. Ablondi, obispo ng Leghorn, Italya, ang pangulo.

Pinapayuhan ang Pederasyon na repasuhin ang mga tunguhin nito, sinabi ni Papa John Paul sa kaniyang mensahe: “Ang gawain ng Pederasyon ay ang pagtulong sa mga Katoliko sa buong daigdig na madaling makuha ang Salita ng Diyos. . . . Lahat nga ng gawain at lahat ng pagpapatotoo sa Simbahan ay dapat na magmula sa nabubuhay na Salita . . . Ang ‘propetikong tanggapan’ ng Bayan ng Diyos ay dapat na may kabatirang isinasagawa bilang isang tunay na paglilingkod sa Salita. . . . Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawaing pagsasalin, paglalathala at pagpapalaganap ng Salita, ang isa ay nakikibahagi sa pagbibigay-kasiyahan sa mga pangangailangan niyaong nagugutom at nauuhaw sa Salita ng Diyos (ihambing ang Amos 8:11). Kumakapit din ito sa gawain na pagtatatag niyaong balang araw ay itatalaga ang kanilang mga sarili sa pagtuturo at pangangaral ng Banal na Kasulatan.”

Kasuwato ng tema nito, sa pangwakas na deklarasyon nito ay ganito ang sabi ng Katolikong asamblea sa Bibliya: “Nalalaman ng Pederasyon na kung ang lahat sa Bayan ng Diyos ay gagampanan ang kanilang propetikong bahagi, dapat silang magkaroon ng Salita ng Diyos (ang kanilang personal na kopya ng Bibliya sa kanila mismong wika). Karapatan nila na sila ay sanayin sa kaalaman ng Kasulatan . . . Muling-pinagtitibay ng Asambleang ito na ang gawaing pag-eebanghelyo ng Simbahan ay nakasentro sa Bibliya.”

Isang Imposibleng Kalagayan

Samakatuwid, ang mga Katoliko ngayon ay hinihimok hindi lamang upang basahin ang Bibliya kundi upang magkaroon ng aktibong bahagi sa gawaing pag-eebanghelyo na nakasentro sa Bibliya. Ito ay kapuri-puri. Subalit ito ay naglalagay sa kanila sa isang imposibleng kalagayan.

Sa isang bagay, ang Iglesya Katolika ay nagtuturo na ang tradisyon ay nakahihigit sa Bibliya. Papaano mo nga maaasahan ang isang Katoliko na maging masigasig na guro ng Bibliya at kasabay nito’y manatiling tapat sa kaniyang simbahan? Halimbawa, mababasa niya sa Bibliya: “Ang kaluluwang nagkakasala ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, 20, Revised Standard Version, Edisyong Katoliko; ihambing sa Douay Version.) Subalit itinuturo ng kaniyang simbahan na ang kaluluwa ay walang kamatayan at na ang lahat ng kaluluwa ay nasa impierno, limbo, purgatoryo, o langit. Ano ang ituturo niya​—ang doktrinang Katoliko o ang turo ng Bibliya?

Higit pa riyan, sinasang-ayunan ng Iglesya Katolika ang paglalathala ng mga edisyon ng Bibliya na naglalaman ng mga nota at mga komento na nagpapahina lamang sa pagtitiwala ng mambabasa sa Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos. Halimbawa, sa introduksiyon nito, “Kung Paano Babasahin ang Inyong Bibliya,” ang The New American Bible, na naglalaman ng isang paunang-salitang pagbasbas ni Papa Paul VI, ay nagsasabi: “Paano nalalaman ng isa kung baga siya ay nagbabasa ng kasaysayan o ng ilang anyo ng makasagisag na pananalita? . . . Karamihan ng mga siyentipiko ay naniniwala na ang tao ay nagmula sa mas mababang uri ng buhay. Ang kaalamang ito ay tumutulong sa mga Kristiyano na isiping-muli ang ‘paraan’ ng paglalang ng Diyos at unawain na ang Genesis 2 at 3 ay hindi isang leksiyon sa Antropolohiya, kundi isang alegorya o talinghaga, tinuturuan tayo ng leksiyon na ang kasalanan ang ugat ng lahat ng kasamaan.”

Kaya, bago pa man marating ang unang mga pahina ng Genesis, ang mga mambabasa ng Bibliyang Katoliko na ito ay sinasabihan na sila ay hindi magbabasa ng kasaysayan kundi ng isa lamang talinghaga. Katulad na rin ito ng pagsasabi na ginamit ni Jesus ang isang alegorya o talinghaga bilang saligan ng Kristiyanong turo na monogamya o isang nabubuhay na asawa lamang nang gamitin niya ang halimbawa ni Adan at ni Eva. (Mateo 19:3-9; Genesis 1:27; 2:24) Isa pa, kung ang tao ay hindi nagmula sa iisang ninuno, ang saligang doktrinang Kristiyano ng haing pantubos ni Kristo ay babagsak.​—Mateo 20:28; Roma 5:12, 17-19; 1 Corinto 15:45.

Pinag-aalinlanganan pa nga ng Bibliyang Katoliko na ito ang pagiging totoo ng mga salita ni Jesus na gaya ng iniulat sa Bibliya. Sa ilalim ng “Kung Paano Babasahin ang Inyong Bibliya,” sabi nito: “Dapat nating isaisip na ang mga manunulat ng Ebanghelyo ay walang intensiyong sumulat ng kasaysayan sa makasiyentipikong diwa . . . Kasangkot ba si Jesus sa mga pag-uusap na ito? Sumagot ba Siya na gaya ng isinasaysay sa Bibliya? Ito ay hindi tiyak.”

Paano mo maaasahan ang taimtim na mga Katoliko na basahin ang Bibliya taglay ang pananampalataya at “italaga ang kanilang sarili sa pagtuturo at pangangaral ng Banal na Kasulatan” sa iba kung sinasang-ayunan ng kanilang simbahan ang paglalathala ng gayong mga pangungusap na sumisira-pananampalataya? At kahawig na mga komento na nakapagpapahina-pananampalataya sa Bibliya ay masusumpungan sa The Jerusalem Bible, at sa iba pang mga Bibliya at ensayklopediang Katoliko. Sa kabutihan ng lahat dapat ding sabihin na maraming Protestanteng mga komentaryo sa Bibliya ang gayunding mapangwasak ng pananampalataya sa Bibliya.

Lahat ng Tunay na mga Kristiyano AY mga Propeta

Wastong binabanggit ng The New American Bible: “Ang propeta ay nangangahulugan ng ‘isa na nagsasalita para sa iba,’ lalo na para sa Diyos. Hindi ito kinakailangang mangahulugan na hinuhulaan niya ang hinaharap!” Si Papa John Paul II ay nagsabi: “Ang ‘propetikong tanggapan’ ng Bayan ng Diyos ay dapat na may kabatirang isinasagawa bilang isang tunay na paglilingkod sa Salita.” Subalit gaya ng nakita na natin, imposible para sa isang Katoliko na maging isang tunay na propeta, o saksi, para sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, nang hindi nagtataksil sa doktrina ng Iglesya Katolika, na pangunahin nang nasasalig sa tradisyon.

Sa pangwakas na deklarasyon nito, binanggit ng World Catholic Federation for the Biblical Apostolate ang pangangailangan ng edukasyon sa Bibliya, lalo na sa gitna ng mga kabataan at ng mga mahihirap, ng hindi mamahaling mga Bibliya at mga literatura sa pagtuturo ng Bibliya, ng mga salin ng Bibliya at ng mga tagapagsalin ng Bibliya, at ng buong-panahong mga manggagawa. Sabi pa nito na ang lahat ng mga Kristiyano ay dapat na mangaral at magturo, mamuhay ayon sa Bibliya, at “unawain ang mga tanda ng panahon.”

Magiging interesado kang malaman na ang Diyos ay may isang bayan sa lupa, na ang lahat ay mga propeta, o mga saksi ng Diyos. Sa katunayan, sila ay kilala sa buong daigdig bilang mga Saksi ni Jehova. Dala ng pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita, isinasagawa nila ang isang pansansinukob na gawaing pagtuturo ng Bibliya sa mga matatanda at bata, mayaman at mahirap. Mayroon silang daan-daang libong buong-panahong boluntaryong mga manggagawa, ang ilan ay nagsasalin at naglilimbag ng mga Bibliya at mga literatura sa pagtuturo ng Bibliya na ipinamamahagi sa mababang halaga, o ibinibigay pa nga na walang bayad. Ang mga ito ay tinutulungan ng angaw-angaw na bahaging-panahong mga manggagawa. Alinman sa kanila ay magagalak na tumulong sa iyo na “unawain ang mga tanda ng panahon” at tanggapin ang kahanga-hangang pag-asa na nilalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

[Blurb sa pahina 8]

“Ang mga manunulat ng Ebanghelyo ay walang intensiyong sumulat ng kasaysayan,” sabi ng The New American Bible

[Larawan sa pahina 9]

Ang tunay na mga Kristiyano ay mga propeta dahilan sa itinuturo nila sa iba ang Salita ng Diyos

[Pinagmulan ng Larawan sa pahina 7]

UPI/Bettmann Newsphotos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share