Ang Pagdalaw ng Papa sa Mexico—Tutulong ba Ito sa Simbahan?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Mexico
“ANG ‘Peregrino ng Pag-eebanghelyo’ ay Dumating sa Mexico” ang paulong-balita ng lingguhang babasahin Ingles sa Vaticano na L’Osservatore Romano ng Mayo 7, 1990. Ito ang ikalawang pagdalaw ni John Paul II sa Mexico sa loob lamang ng 11 taon. Anong mensahe ang dala ng papa? Ano ang inaasahan ng mga Mexicano at ng Iglesya Katolika sa Mexico? Anong mga pakinabang ang dadalhin nito sa mga Mexicano?
Sang-ayon sa ilang ulat ng press, ang angaw-angaw na mahihirap at api ay umaasang maaapektuhan ng papa ang budhi ng mga namamahala at magdala ng mas mabuting mga kalagayan para sa mga manggagawa. Isang artikulo sa pahayagang Mexicano na El Universal ay may pamagat: “Ang Kristiyanismo at ang Mahihirap ng Mexico.” Binanggit nito ang isang bukás na liham kay John Paul II mula sa isang malaki at sarisaring grupo ng mga Katolikong Mexicano. Binabanggit ng sulat sa bahagi: “Ang bayang ito, na palabuy-laboy at nasa proseso ng pag-oorganisa at pakikibahagi, ay naghihintay ng pampatibay-loob.” At ang samo nito sa kaniya: “Hinihiling po namin na kayo ay muling maging ‘ang tinig niyaong mga walang tinig.’ . . . Ipahayag po ninyo ang mensahe ng pag-asa at buhay at hilingin po ninyo ang katarungan, lalo na po sa mahihirap at api.”
Paano sinagot ng papa ang pagsamo? Sa isang malaking miting na ginanap sa bayan ng Chalco sa labas ng bayan ng Mexico City, kung saan mahigit sa dalawang milyon na ang karamihan ay mga napakadukhang mga tao ay sama-samang dumating upang pakinggan siya, ginawa ni John Paul II ang pagsamong ito: “Kaya nga inaanyayahan ko ang mga Kristiyano at ang lahat ng mga taong may mabuting-loob sa Mexico na gisingin ang kanilang sosyal na mga budhi sa pagkakaisa; hindi tayo maaaring mabuhay at matulog nang payapa samantalang ang libu-libo sa ating mga kapatid na lalaki at babae na napakalapit sa atin ay pinagkakaitan ng mga pangangailangan upang mamuhay ng karapat-dapat na buhay ng tao.”
Hindi lahat ng mediang Katoliko ay humanga sa mga pananalitang iyon. Ang National Catholic Reporter ng E.U. ay may ganitong paulong-balita: “Nilampasan ng Papa ang Mahihirap ng Mexico sa Bilis na 50 km. Isang Oras.” Sinabi nito na “maraming mahihirap . . . ang nagtiis ng mga ilang oras sa ulan para masulyapan lamang ang sasakyan ng papa na dumaan sa bilis na 50 kilometro isang oras.” Isang pahayagang Mexicano, ang La Jornada, ay nagsabi: “Sa loob ng basilica? Magagarang kasuotan at mga damit. Sa labas? Libu-libong mahihirap ang nakaluhod sa ulan.” Ang iba ay nagreklamo na siya’y nakikipag-usap sa mga pulitiko at mga negosyante, subalit hindi siya tuwirang nakipag-usap sa mga manggagawa at sa ang mga campesino.
Malaking Isyu—Ang Pagsasauli ng Kapangyarihan ng Simbahan
Gayunman, ang pangunahing pinagkakaabalahan ng Iglesya Katolika sa Mexico ay ang sikaping makuha ang ilang kapangyarihan at prestihiyong naiwala nito halos 150 taon na ang nakalipas nang si Benito Juárez, isang edukadong Zapotec na Indyan na nang maglao’y naging presidente ng Mexico, ay nanguna sa isang liberal na kilusan para sa reporma. Ang simbahan ay nayamot din sa ilang batas mula noong panahong iyon, ang “Mga Batas ng Reporma,” na pinagtibay sa Konstitusyon at ipinatupad noong 1917, na ipinalalagay ng klero na nakakahadlang sa mga pagkilos ng Iglesya Katolika.
Hindi nagustuhan ng klero ang Artikulo 3, na nagbabawal sa lahat ng relihiyon, pati na sa Katolisismo, sa sistema ng paaralan ng Estado. Ipinagbabawal ng Artikulo 5 ang pagtatatag ng monastikong mga orden. Hindi ipinahihintulot ng Artikulo 27 sa anumang relihiyon na magkaroon ng pag-aari o lupa’t bahay; lahat ng simbahan ay pag-aari ng Estado. Binabanggit ng Artikulo 130 na hindi kinikilala ng batas ang anumang relihiyosong grupo, at ang mga ministro ng relihiyon ay walang pantanging katayuan sa ilalim ng batas. Hindi sila pinahihintulutang pintasan sa publiko o sa pribado ang pundamental na mga batas ng bansa.
Dahil sa mga pagbabawal na ito, nais ng Iglesya Katolika na baguhin ang Konstitusyon upang bigyan ng higit na kapangyarihan at makikilusan ang simbahan. Ang pagdalaw ng papa ay isang tagapaghatid ng mga mithiing ito. Sa kanilang dako naman may paghihinalang pinagmamasdan ng ibang relihiyon ang panunuyong ito ng Katoliko sa gobyerno, tinatanong ang kanilang sarili kung baga ang higit na kalayaan para sa Iglesya Katolika ay mangangahulugan ng higit na kalayaan sa lahat ng relihiyon sa bansa. Gayunman, noong Marso 1990, maliwanag na binanggit ng isang opisyal ng gobyerno, si Fernando Gutiérrez Barrios, na ang hindi pagsasama ng Iglesya at ng Estado ay magpapatuloy, gayundin sa paggalang sa lahat ng paniniwala at paraan ng pag-iisip.
Gayunman, ang bagay na ang papa ay sinalubong sa paliparan ng presidente ng Mexico, si Carlos Salinas de Gortari, at inanyayahan sa kaniyang palasyo ay minamalas ng maraming Katoliko bilang isang paborableng tanda. Inaakala nilang ang pagkanaroroon mismo ng papa gayundin ang pagkalaki-laking relihiyosong mga miting sa publiko na ipinahintulot ay waring nagpapahiwatig na kinikilala ng mga autoridad ang pangangailangan para sa pagbabago. Ang L’Osservatore Romano ay nagkomento na ang pagkanaroroon ng presidente ng Mexico sa paliparan ay “malinaw na [nagpapahayag] sa pagpapabuti ng mga kaugnayang Iglesya-Estado sa Mexico.”
Sinasamantala ng klero at ng mga propagandistang Katoliko ang pagsuportang ito ng publiko sa pagdalaw ng papa. Si G. Alamilla Arteaga, tagapamanihala ng Episcopal Commission for Social Communications, ay nagsabi: “Ang pangyayaring ito, ang pagdalaw ng papa, ay isang pambansang plebisito. At ang pambansang plebisito ay nangangahulugan ng malaki, kusang pagpapakilos sa maraming tao upang suportahan ang isang hangarin . . . , ang hangarin ng buong bayan, sapagkat alam namin na ang pamayanang Katoliko ang pinakamalaking grupo sa bansa.”
Pag-eebanghelyo at ang Takot sa mga Sekta
Sa panahon ng pagtigil niya sa Mexico, idiniin ng papa ang paksa tungkol sa pag-eebanghelyo. Sa katunayan, isa sa mga layunin ng kaniyang pagdalaw ay upang bigyan ng binagong pampasigla ang simbahang Mexicano, “isang pagyanig sa espirituwal na antas,” gaya ng pagkakasabi rito ng apostolikong delegado, si Girolamo Prigione. Noong araw ng kaniyang pagdating, Mayo 6, sinabi ni John Paul II sa kaniyang talumpati: “Nais ng Panginoon . . . na ang aking pagkapapa ay maging ang peregrinong Papa ng pag-eebanghelyo, lumalakad sa mga daan ng daigdig na nagdadala sa lahat ng dako ng mensahe ng kaligtasan. . . . Sumasamo ako sa lahat ng Simbahan sa ‘kontinenteng [ito] ng pag-asa’ na magsagawa ng isang Bagong Pag-eebanghelyo.”
Binabalaan din niya ang kaniyang mga obispo: “At dapat ninyong bigyan ng pansin ang problema ng ‘bagong mga grupo ng relihiyon,’ na naghahasik ng kaguluhan sa gitna ng mga tapat . . . Ang kanilang mga pamamaraan, ang pinagmumulan ng kanilang kabuhayan, at ang pagpipilit ng kanilang gawaing pagkumberte ay may epekto sa lahat niyaong nandayuhan mula sa lalawigan tungo sa lungsod. Gayunman, hindi namin malilimutan na maraming beses ang kanilang tagumpay ay dahil sa pagiging malahininga at hindi pag-iintindi ng mga anak na lalaki at mga babae ng Simbahan na hindi nakaaabot sa pamantayan ng misyon ng pag-eebanghelyo, taglay ang mahinang patotoo nila na kaayon ng Kristiyanong pamumuhay.”
Paano sinikap ng papa na pabalikin yaong mga umalis sa simbahan? Ito ba’y sa pamamagitan ng pagpapalakas-loob sa kanila na mag-aral ng Bibliya? Sa kaniyang pahayag sa Villahermosa, sabi niya: “Manumbalik kayo sa puso ng Simbahan, ang inyong Ina! Ang Birhen ng Guadalupe, taglay ang kaniyang ‘mahabaging sulyap’, ay nananabik na iharap kayo sa kaniyang Anak.” Kaya sa halip na gamitin ang pang-akit ng Salita ng Diyos, ginamit niya ang sentimental na relihiyosong damdamin sa pagsisikap na mabawi ang nawawalang mga Katoliko.
Sa gayon, sa lahat halos ng kaniyang paglalakbay, si John Paul II ay nanumbalik sa kaniyang salig-Trinidad na ideya—ang pagsamba kay Maria, ang “Ina ng Diyos.” Binanggit niya sa kaniyang panimulang talumpati: “Ang Papa ay naparito upang magpatirapa sa harap ng makapangyarihang imahen ng Birhen ng Guadalupe upang hingin ang makainang tulong at proteksiyon niya sa ministeryo mismo ng papa . . . at upang ilagay sa kaniyang mga kamay ang kinabukasan ng pag-eebanghelyo sa Latin Amerika.”
Gayunman, tinanong ng ilan ang kanilang sarili kung baga ang mga mensahe ring ito na binigkas ng papa ay talagang nakapokus sa pag-eebanghelyo. Totoo, ang ibang tao ay nadala ng pagkanaroroon at mga salita ng papa, subalit ang iba ay nakadama na ang pinakamataas na autoridad ng simbahan ay higit na nagsalita tungkol sa kabuhayan, pulitika, at karapatang pantao at kakaunti lamang tungkol sa Salita ng Diyos. Marahil iyan ang dahilan kung bakit sinabi ng pang-araw-araw na pahayagang El Universal ng Mayo 8, 1990: “Ang nag-iisip na mga tao ay nagtatanong kung aanihin kaya ng Katolisismo sa Mexico ang napakayamang pakinabang na maaaring matamo sa ikalawang pagdalaw na ito ng papa” o kung, gaya ng kaniyang unang pagdalaw, hindi ito makaaapekto sa landasin ng buhay Katoliko sa anumang kapansin-pansing antas.
Masapatan kaya ang espirituwal na pangangailangan ng mga tao? Ngayon pa daan-daang libong taimtim na mga Mexicano ang nakasusumpong ng espirituwal na kasiyahan sa pamamagitan ng gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova. Upang gamitin ang mga salita ng papa, ang “pagkauhaw sa Diyos” ng mga tao ay nasasapatan sa pamamagitan ng pagtatamo nila buhat sa Bibliya ng tumpak na kaalaman tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Kristo Jesus. Sa pakikisama sa mahigit na 8,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico, sila’y naglalagak ng kanilang tiwala, hindi sa palsong mga pangako ng tao, kundi sa pangako ng Diyos na pamamahala ng kaniyang Kaharian sa sangkatauhan sa isang paraisong lupa.—Mateo 6:9, 10; Juan 17:3; Apocalipsis 21:1-4.
[Mga larawan sa pahina 15]
Si Papa John Paul II na sinasalubong ng presidente ng Mexico, si Carlos Salinas de Gortari
Mga tinderong nagtitinda ng “Papa John Paul II” na mga subenir