Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/8 p. 12-14
  • Mandaya—Bakit Huwag?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mandaya—Bakit Huwag?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Sila Nandaraya?
  • Ang Pinakamabuting Paraan?
  • Pandaraya​—O Pagnanakaw?
  • Ano ang Masama sa Pandaraya?
    Gumising!—2003
  • Okey Lang Bang Mandaya Para Makakuha ng Mataas na Grade?
    Gumising!—2012
  • Katapatan—Talaga Bang Ito ang Pinakamabuting Patakaran?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Kung Laging Mababa ang Grades Ko sa School?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 11/8 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Mandaya​—Bakit Huwag?

“AKO’Y naghahanda para sa tunay na daigdig. Ang negosyo ay walang tuntunin ng moralidad. Ang pandaraya . . . ay isa lamang mabuting pagsasanay. Mas mapangangasiwaan ko kung ano ang ibibigay sa akin pagtatapos ko.” Ganito binibigyan-matuwid ng isang kabataang nagngangalang Jeremy ang pagbibigay niya ng isang term paper na isinulat ng iba.

Ang kinse-anyos man na si Karen, ay may kaniyang mga kadahilanan sa pandaraya: “‘Oh, ngayon lang naman ito’ o ‘Ginagawa ito ng lahat, kaya bakit hindi ko rin gawin?’” Si Karen ay hindi nakapaghanda nang husto para sa kaniyang eksamen. Gayunman, hindi nakatulong ang pandaraya sapagkat siya ay nahuli ng kaniyang guro.

Madayang mga pagsulyap o pangungopya sa gawa ng katabi, isang bukás na aklat sa kandungan, o mataas-teknolohiyang mga pamamaraan pa nga​—marami at sarisari ang paraan ng pandaraya. Anumang mga pamamaraan, maraming gaya nina Karen at Jeremy. Halimbawa, sa Estados Unidos, ipinakikita ng mga surbey na mahigit sa kalahati ng lahat ng mga estudyante ay nandaraya o nandaya, sa panahon ng kanilang pag-aaral. Gayunman, ang pandaraya ay isang problema halos saanman at marahil ay nakababahala rin sa iyo, kung ikaw ay nag-aaral. Subalit bakit napakalaganap ng pandaraya? Kahit na kung ito ay isang paraan ng pagkuha ng mas mataas na mga marka sa paaralan, talaga bang ito’y sulit?

Bakit Sila Nandaraya?

Upang bigyan-matuwid ang gawaing pandaraya, sinasabi ng ibang mga estudyante na ang paaralan ay nakababagot at na mas gugustuhin pa nilang gugulin ang kanilang panahon sa mga bagay na talagang nakakainteres sa kanila sa halip na mag-aral. Sabi naman ng iba na sila’y talagang napipilitang mandaya. Isang 15-anyos na kabataan ay nagpapaliwanag: “Inaakala ng bawat guro na [siya] ang tanging [isa] na nagbibigay ng araling-bahay at mga pagsusulit . . . Subalit sa ngayon, hindi mo na makayang mag-aral para sa lahat ng mga pagsusulit.”

Gayunman, hindi lahat ay nakadarama ng pangangailangan na gumawa ng mga pagdadahilan, gaya ng ipinakikita ng isang surbey sa Senegal. Maraming mga kabataang tinanong ang umamin na ang isang pangunahing dahilan ng pandaraya ay basta katamaran. Inamin ng ilan sa kanila na hindi sila nandaraya kapag napag-aralan nila ang kanilang leksiyon. Kung ganito nga ang kalagayan, dapat isaalang-alang ng sinumang natutuksong mandaya ang babala ng Bibliya sa aklat ng Kawikaan: “Ang kamay ng tamad ay magdarahop.”​—Kawikaan 10:4.

“Ang tagumpay ay isa sa mga dahilan kung bakit ang mga tao ay nandaraya.” Sa mga pananalitang ito binabanggit ng Journal of Business Education ang isa pang salik na kadalasang binabanggit ng mga estudyante. Halimbawa, inilalarawan ng 17-anyos na si Alison kung ano ang nakaharap niya at ng kaniyang mga kaibigan: “Noon, ang mabuting mga marka ay kanais-nais. Ngayon, ito ay isang pangangailangan kung binabalak ng mga estudyante na matungo sa kolehiyo.” Sabi pa niya: “Ang pandaraya ay higit at higit na tinatanggap habang ang mga estudyante ay nagsisikap na makayanan ang akademikong mga panggigipit.”

Ang mga kabataan ay naapektuhan ng mga panggigipit na ito, gaya ng ipinakikita ng isang surbey na inorganisa sa gitna ng 160,000 mga kabataang Amerikano. Animnapung porsiyento sa kanila ang nagsabi na sila ay nag-aaral upang maipasa ang mga pagsusulit at 40 porsiyento lamang ang nag-aaral upang talagang matuto. Kaya si Randy Herbertson, pangulo ng lupon ng mga estudyante sa Colorado University, ay nagsasabi na ang “mahigpit na kompetisyon” ang nagtutulak sa mga estudyante sa “mapanganib na mga pagkilos,” gaya ng pandaraya.

Ang Pinakamabuting Paraan?

Ipagpalagay na, ang mga panggigipit upang magkaroon ng mabuting mga marka ay matindi. ‘Kaya kung ang pandaraya ay tutulong sa akin upang magtagumpay,’ maaaring ikatuwiran mo, ‘kung gayon bakit hindi ko gawin ito?’ Sa ilang mga kadahilanan. Isa na ang panganib na nasasangkot. Oo, ang mga resulta ay maaaring malayo ang nararating kapag ang isang estudyante ay nagkaroon ng permanenteng rekord na nandaya. Gaya ng ipinaliliwanag ng isang direktor ng campus Judicial programs: “Sinumang estudyanteng gumagawa ng akademikong pandaraya ay magkakaroon ng malubhang panganib na mapinsala ang hinaharap na mga pagkakataon sa pag-aaral at trabaho.” Ganito ang naranasan ni Linda. Paliwanag niya: “Ako ay nahuling namamanlahiyo (plagiarizing) sa simula ng aking ikatlong taon sa high school, at talagang hindi ko magawang malimutan ito ng aking guro sa Ingles.” Gaya ng nangyari, hindi siya nakapasok sa ibang paaralan kung saan nais niyang mag-aral.

Subalit kahit na hindi ka matuklasan o ang panganib na maparusahan ay kaunti, ang pandaraya ay may iba pang, pangmatagalang mga resulta. Isa pang kabataang babae, halimbawa, ay nandaya sa matematika. Nakatulong ba ito sa kaniya? Sabi niya: “Bumagsak pa rin ako sa pagsusulit. Wala akong natutuhan dito.” Ang kaniyang kabiguan ay maaaring nagbukas sa kaniyang mga mata. Subalit mayroon ba siyang anumang matututuhan kung gumana ang pandaraya? Wala, ang mandaraya ang lugi sa paano man sa isang dako: ang pakinabang ng pagkatuto samantalang nasa paaralan. Ang sinumang kumikilos na gaya nito ay nanganganib na magkaroon ng malubhang problema sa dakong huli ng buhay. Kung siya ay nagtamo ng isang diploma sa pamamagitan ng pandaraya, at pagkatapos ang diplomang ito ay nagbigay sa kaniya ng isang trabaho, ano ang kaniyang gagawin kung susubukin ang kaniyang mga kakayahan?

Higit pa riyan, nakakaligtaan ng mandaraya na ang mga taóng ginugol sa paaralan ay nagsisilbi hindi lamang upang itayo ang intelektuwal na mga kakayahan ng isa kundi gayundin hubugin ang mabuting mga katangian. Ang aklat na Teenagers Themselves ay nagbibigay ng isang dahilan kung bakit kung minsan maaaring nakakaliligtaan ng mga kabataan ang aspektong ito ng problema: “Ang mga tin-edyer . . . ay karaniwan nang nag-iisip para lamang sa maikling panahon. . . . Handang ipagpapalit ng nagbibinata o nagdadalagang isipan ang hinaharap na katangian o personalidad para sa kagyat na pagtakas sa parusa.”

Marahil ay hindi ganito ang iyong kalagayan, subalit hindi ba totoo ito sa isa na nandaraya? Hindi ba mas mabuti para sa kaniya na alamin niya kung paano haharapin ang mga problema samantalang nag-aaral pa? Ang aklat ng Kawikaan ay tahasan nang sabihin nito: “Ang mga balak ng masipag ay tiyak na pakikinabangan, ngunit ang sinumang padalus-dalos ay sa pangangailangan lamang.”​—Kawikaan 21:5.

Sang-ayon sa Bibliya, ang pagiging tapat ay nagdadala ng iba pang mga pakinabang bukod sa isang mabuting pagkatao o personalidad. Kabilang dito ang isang mabuting budhi, kapayapaan ng isip, at lalo na ang pagkakataon na magkaroon ng isang mabuting kaugnayan sa Maylikha ng sansinukob. Siya ang Diyos ng katotohanan, at iginigiit niya na yaong mga sasamba sa kaniya ay linangin ang katangian ding ito.​—Awit 31:5; Juan 4:24.

Pandaraya​—O Pagnanakaw?

Ang pandaraya ay hindi rin makatarungan sa mga hindi nandaraya. Gaya ng paliwanag ng tin-edyer na si Kelly: “Ang ibang tao ay maaaring nagsikap ng kanilang pinakamabuti at natandaan kung ano ang kanilang dapat gawin sa pagsusulit sa halip na isulat ito sa kanilang desk.” Paano minamalas ng mga hindi nandaraya yaong mga nandaraya? Si Gng. Lesser, isang guro sa Ingles sa isang paaralan sa New York City, ay sumasagot: “Ang magagaling na mga estudyante ay naghihinanakit kapag nakita nilang ang iba ay nangunguna sa kanila dahilan sa pandaraya.” Oo, ano ang iisipin mo kung pagkatapos ng lahat mong pagpapagal ay makita mong ang isang mandaraya na nakakuha ng mas mataas na marka o mas nauna pa sa iyong matanggap sa isang trabaho?

Gayundin, hindi ba totoo na nais mong ikaw ay igalang? Subalit igagalang ka ba ng iyong mga kaibigan kung masumpungan nila na ikaw ay nandaraya at sila ay maaaring nagdusa o naapektuhan ng iyong pandaraya? Malamang, masusumpungan mong mahirap matamong-muli ang kanilang paggalang. Hindi ba dapat isaalang-alang ang potensiyal na kalugihang ito bago mandaya?

Kaya, huwag mong isipin na ang pandaraya ay hindi nakapipinsala. Sapagkat kung maaari kang mandaya, maaari ka ring dayain ng iba. Ipagpalagay na balang ikaw ay mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Ang isa sa iyong mga anak ay nagkasakit, at dinala mo sa doktor. Ngayon, ano ang madarama mo kung malaman mo na ang doktor ay hindi naman kuwalipikado​—na siya ay nandaya upang makuha ang kaniyang diploma? Pipintasan mo ba ang doktor dahil sa paggawa ng isang bagay na ginawa mo?

Ang pagnanakaw ay nangangahulugan ng pagkuha ng isang bagay na hindi sa iyo. Ang pandaraya sa gayon ay isang anyo ng pagnanakaw, yamang sa pamamagitan nito ang nandaraya ay kumukuha ng isang marka o isang diploma na hindi karapat-dapat sa kaniya, o maging ng isang posisyon na dapat sana’y napunta sa iba. Kaya, ang payo ng Bibliya sa magnanakaw ay kumakapit din sa mandaraya: “Ang magnanakaw [o, mandaraya] ay huwag nang magnakaw pa, kundi bagkus magpagal, na iginagawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay.”​—Efeso 4:28.

Ang isa na nagpapagal at nag-aaral ay nagtatamo ng kasiyahan ng tunay na pagkakamit ng kaniyang mga marka. Kahit na hindi niya gamitin ang bawat detalye na natutuhan niya samantalang nasa paaralan sa dakong huli ng buhay, pag-alis niya ng paaralan taglay niya ang kaalaman o mga kasanayan na kapaki-pakinabang na magagamit niya sa tanang buhay niya. Higit pa riyan, ang kaniyang isipan ay lumalawak, at siya ay tumatanggap ng mabuting pagsasanay sa paglinang ng matibay na personalidad.

Ang mandaraya? Hindi nagtatagal at natutuklasan niya na ang talagang nadaya niya ay ang kaniyang sarili.

[Larawan sa pahina 13]

Pinipinsala ng mandaraya ang kaniyang sarili gayundin ang iba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share