Okey Lang Bang Mandaya Para Makakuha ng Mataas na Grade?
ESTUDYANTE ka ba? Malamang na may kilala kang mga estudyante na nandaraya makakuha lang ng mataas na grade. Ang totoo, napakalaganap ng problemang ito. Noong 2008, sinurbey ng Josephson Institute ang halos 30,000 estudyante sa haiskul sa Estados Unidos, at 64 na porsiyento ang umaming nandaya sila sa exam noong taóng iyon. Pero may mga nagsasabing ang aktuwal na bilang ay mas mataas pa—mahigit 75 porsiyento.
Malaking problema rin sa Europa ang pandaraya, lalo na ang plagiarism. “Isang bago at lumulubhang problema sa ngayon ang mga Web site na nagbebenta ng mga essay at mga masteral at doctoral thesis,” ayon sa isang artikulo ng Digithum sa Internet.
Bakit malaking problema sa ngayon ang pandaraya sa klase? Talaga bang nakikinabang ang mga gumagawa nito? Ang katapatan ba—mangahulugan man ito ng mas mababang grade—ang siya pa ring pinakamahusay na patakaran?
Bakit Ginagawa ng Marami?
Pagbaba ng pamantayang moral. “Maraming edukador ang nagsasabing dumarami ang nandaraya dahil makasarili na ang mga tao ngayon anupat bumababa na ang pamantayang moral,” ang sabi ng American School Board Journal. Kahit ang mga estudyante sa haiskul na nasa honors class ay gumagawa nito. Ganito ang sinabi ng isa sa kanila: “Lahat kami . . . ay nandaya; kailangan kasi namin ng matataas na grade para makapasok sa magandang iskul. Mababait at matitino naman kami; hindi kami mga taong walang prinsipyo . . . Kailangan lang naming makapasok sa magandang unibersidad.” Maging ang ilang magulang ay “natuto” na ring mandaya. Sa kagustuhang “magtagumpay” ang kanilang mga anak, kinukunsinti nila ang pandaraya o kaya’y ipinagkikibit-balikat lang ito, kaya naman lalong bumababa ang moralidad ng kanilang mga anak.
Pressure na magtagumpay. Ayon kay Donald McCabe, nagtatag ng International Center for Academic Integrity, ang mga estudyanteng nandaraya sa klase ay naniniwala na kung magiging tapat sila, malalamangan sila ng mga nandaraya na di-nabibisto.
Tulong ng teknolohiya. Dahil sa makabagong teknolohiya, mas madali na at mas high-tech ang pandaraya ng mga estudyante. Nakakapag-download sila sa Internet ng mga term paper at sagot sa homework na naipapasa rin nila sa iba. Kadalasan, iilan lang ang nahuhuli kaya lumalakas ang loob ng iba na mandaya.
Impluwensiya ng iba. Marami ring adulto ang nandaraya—sa malalaking korporasyon, sa pulitika, sa isport, at kadalasa’y maging sa tahanan, kung saan ang mga magulang ay nandaraya sa pagbabayad ng buwis o sa pagkuha ng benepisyo sa insurance. “Kung ang mga taong may awtoridad o itinuturing na mga huwaran ay nandaraya,” ang sabi ni David Callahan, awtor ng The Cheating Culture, “sa palagay ko’y ipinahihiwatig nito sa mga kabataan na okey lang mandaya.” Pero okey lang ba talaga? Hindi na ba ito masama kung ang intensiyon mo ay makakuha ng mas mataas na grade?
Bakit Mas Mabuting Huwag Mandaya?
Tanungin ang sarili, ‘Ano ba ang layunin ng mahusay na edukasyon?’ Hindi ba’t para maihanda ang mga estudyante sa mga responsibilidad sa buhay, gaya ng pagsusuri at paglutas sa mga problema sa trabaho? Ang mga estudyanteng nahirating mandaya ay hindi natututo ng gayong mahahalagang kasanayan. Kaya kapag nasanay silang mandaya, tinatakpan lang nila ang kanilang kahinaan at pinaliliit ang kanilang tsansang magtagumpay sa maraming aspekto ng buhay.
Isa pa, “ang mga taong mahilig mag-shortcut—gaya ng pandaraya sa iskul—ay malamang na mag-shortcut din sa trabaho,” ang sabi ni Callahan. Sila ay parang imitasyon ng isang branded na damit o relo na mukhang maganda pero walang kalidad.
Siyempre pa, ang mga nandaraya ay nanganganib ding mahuli at maparusahan. Kahiya-hiya sila kapag nahuli at puwede pa silang mapatalsik sa iskul o patawan ng mas mabigat na parusa. Nagbababala ang Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Pero hindi ang takot na mahuli ang dapat na maging pangunahing dahilan para maging tapat. May mas magaganda pang dahilan.
Katapatan—Tunay na Susi sa Tagumpay
Ang marurunong na kabataan ay nagsisikap maglinang ng mga katangiang mapapakinabangan nila, hindi lang sa mga exam kundi sa buong buhay nila. Kaya nag-aaral silang mabuti sa iskul at pinasusulong ang mga katangiang magbubunga ng respeto sa sarili, magugustuhan ng magiging mga employer, at magdudulot ng tunay na kaligayahan.
Ang mga katangiang iyon ay mababasa sa Bibliya, at hindi lugi ang mga kabataang nagpapakita ng mga ito. Sa halip, gaya ng sinasabi sa 2 Timoteo 3:16, 17, sila ay magiging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” Sinabi ng kabataang si Jorge: “Nandaraya ang mga kaklase ko dahil gusto nilang makakuha ng mataas na grade nang walang kahirap-hirap. Pero gusto kong mapasaya ang Diyos. Sa Kawikaan 14:2, sinasabi ng Bibliya na ‘ang lumalakad sa kaniyang katuwiran ay natatakot kay Jehova, ngunit ang liko sa kaniyang mga lakad ay humahamak sa Kaniya.’ Alam kong wala tayong maitatago sa Diyos. Kaya hindi ako nandaraya, at hindi ko rin tinutulungan ang iba na mandaya.”
Ang mga estudyanteng nagsisikap mamuhay ayon sa simulain ng Bibliya ay maaaring hindi laging nakakakuha ng pinakamataas na grade. Pero sila ang maituturing na pinakamarunong dahil nagtatayo sila ng matibay na pundasyon para sa tunay na matagumpay na buhay. (Awit 1:1-3; Mateo 7:24, 25) Bukod diyan, tiyak na makakamit nila ang pagsang-ayon at suporta ng kanilang Maylalang.
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
MGA SIMULAING DAPAT PAG-ISIPAN
● “Ang labi ng katotohanan ang matibay na matatatag magpakailanman, ngunit ang dila ng kabulaanan ay magiging kasintagal lamang ng isang sandali.”—Kawikaan 12:19.
● “Ang taong may tapat na mga gawa ay tatanggap ng maraming pagpapala.”—Kawikaan 28:20.
● “Dadalhin ng tunay na Diyos sa kahatulan ang bawat uri ng gawa may kaugnayan sa bawat bagay na nakatago, kung ito ba ay mabuti o masama.”—Eclesiastes 12:14.
● “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
[Larawan sa pahina 26, 27]
Dahil sa makabagong teknolohiya, mas madali na at mas high-tech ang pandaraya ng mga estudyante
[Larawan sa pahina 28]
Ang mga estudyanteng nandaraya ay parang imitasyon ng isang branded na relo na maganda lang tingnan