Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/8 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapala ng Simbahan sa Cuba
  • Ang Kometang Halley sa Kamera
  • Mga Problemang Intsik
  • Mga Batang Ipinagbibili
  • Nalugi
  • Mukha ng Maninigarilyo
  • Mga Leksiyon sa Pagguho
  • Sumpa ni Faraon?
  • Paggalang sa mga Ama
  • “Pagkahibang” sa Larong Computer
  • Elixir mula sa Bulate
  • Mahalagang mga Patalastas
  • Pagkalalaking mga Tagapag-imprenta
  • Isang Selestiyal na Panauhin ay Nagbabalik
    Gumising!—1986
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1987
  • Ang Pagbangga ng Kometa!
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 11/8 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Pagpapala ng Simbahan sa Cuba

Sa Embahada ng Vaticano sa Havana noong Pebrero, kinamayan at niyakap ng emisaryo ng papa na si kardinal Eduardo Pironio ang bise presidente ng Cuba, si Carlos Rafael Rodriquez, bilang tanda ng muling pagkakasundo ng Iglesya Romano Katoliko at ng pamahalaan ng Cuba. Ang pahiwatig na pagpapala ng Simbahan sa pamahalaan ay ibinigay kapalit ng bagong kalayaan para sa gawaing Katoliko sa Cuba. “Nagbubukas ito ng isang bagong bahagi sa patakarang panlabas ng Vaticano sa mga bansang Komunista,” sabi ni Enrique Lopez Oliva, propesor ng kasaysayan ng simbahan sa University of Havana, sang-ayon sa The Miami Herald.

Ang Kometang Halley sa Kamera

Ang mga siyentipikong nagkatipon sa Soviet Institute of Space Research ay kinailangang maghintay ng mahigit siyam na minuto para ang unang mga larawan ng nagyeyelong kalagitnaan ng kometang Halley ay makapaglakbay ng 109 milyong milya (175 milyon km) pabalik sa lupa. Subalit nang lumitaw sa screen ang larawan, masigabong palakpakan ang narinig sa viewing room ng institute. Nang magdaan ang walang-taong sasakyang pangkalawakang Sobyet na Vega 1 sa kometa sa bilis na 47 milya (76 km) isang segundo, kumuha ito ng 500 “mga larawan” na pantelebisyon sa loob ng tatlong oras. Ang sasakyang pangkalawakan ay mga 5,500 milya (8,900 km) ang layo sa nukleo ng kometa. Itinulad ng isang physicist na Hungariano, isa sa mahigit na isang daang mga siyentipikong nagkatipon na kumakatawan sa 12 mga bansa, ang pambihirang pagkuha ng larawan sa pinakagitna ng kometa sa “pagmamasid sa Eiffel Tower sa isang bagyo ng mga buhangin sa Sahara.”

Mga Problemang Intsik

Bagaman ang Tsina ay nag-angkat ng mga ilang daang libong personal na mga computer kamakailan, tinatayang 70 porsiyento sa mga ito ang hindi pa nagagamit. Bakit? Sapagkat walang karaniwang tinatanggap na sistema, sa gitna ng mga 400 sistema na umiiral, sa pagpapasok ng mga karakter na Intsik. Ang mga pagsisikap na gawing gaya ng abakadang Romano ang wikang Intsik at alisin ang 6,000 karaniwang ginagamit na mga ideogram (larawan o sagisag na ginagamit sa pagsulat), gaya ng tawag sa mga karakter na Intsik, ay itinigil na. Samantala, ang mga awtoridad ay nagtakda ng isang tunguhin na papagsalitain ang populasyon nito na mahigit isang bilyon katao na magsalita ng iisang wika. Hindi isang madaling gawain, kung isasaalang-alang ang napakaraming mga diyalektong sinasalita. Bagaman ang Mandarin ang opisyal na wika ng Tsina, marami sa timog (gayundin sa Hong Kong) ang nagsasalita ng Cantonese. Mayroon ding Shanghaiese, Fukienese, at mga diyalekto ng 56 mga minoridad ng bansa.

Mga Batang Ipinagbibili

Tinatayang sampung libong mga batang babae at lalaki, 8 hanggang 14 taóng gulang, ay ipinagbibili ang kanilang mga sarili bilang mga patutot sa Maynila, sabi ng pahayagang Aleman na Stern. Gaya ng iniulat sa World Press Review, ang kawalan ng trabaho at karalitaan ay nagtulak sa higit at higit na mga tao sa lunsod, kung saan maraming mga bata ang nasasangkot sa krimen at pagpapatutot o prostitusyon. Subalit ito ay nangyayari rin sa ibang lugar. Tinataya ng pahayagan ng Belgrade na Politika na sampung libong mga batang taga-Yugoslavia na ang mga edad ay nasa pagitan ng 7 at 13 ang ipinagbili mula noong 1975 sa propesyonal na mga magnanakaw sa Italya. Doon sila ay sinasanay na mang-agaw ng mga bag, mandukot, o magnakaw sa mga bahay at mga kotse. Kung hindi sila makapagdadala ng sapat na ninakaw na mga bagay, sila ay minamaltrato. Kapag nahuli, sa ilalim ng batas Italyano ang isang kriminal na wala pang 14 anyos ay hindi maaaring ipagsakdal.

Nalugi

Pagkaraan ng 40 mga taóng paglalathala, ang edisyon sa wikang Haponés ng Reader’s Digest ay hindi na ililimbag. Ang magasin, na nagsimula noong 1946, ay ipinagmamalaki ang dating sirkulasyon na mahigit 1.4 milyon. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II tinugunan ng publikasyon ang isang pangangailangan sa Hapón para sa mga babasahin at nagsilbing pinaka-bintana sa daigdig sa labas. Subalit ang benta ay bumaba at bumagsak sa katamtamang 450,000 mga kopya lamang sa isang buwan. Ang mababang sirkulasyon, mataas na bayad sa koreo, at ang paraan ng pagpapatakbo ng kompaniya ay kabilang sa mga dahilan ng nasabing pagkalugi.

Mukha ng Maninigarilyo

Sinasabi ng isang pag-aaral ng internist na si Dr. Douglas Model na kung ikaw ay isang maninigarilyo, ang bagay na iyan ay nasusulat sa iyong mukha. Inilarawan niya ang mukha ng isang maninigarilyo na kulubot, pagod, at nangangalumata. Gaya ng iniulat sa isang pahatid ng Associated Press, “mga kulubot sa gilid ng mga mata, o kulubot sa gilid ng mga labi, o malalim na mga guhit sa pisngi at gawing ibaba ng panga” ang katangian ng “mukha ng maninigarilyo,” gayundin isang hapis o animo’y katad na anyo at “maabo, kulay dalandan, murado o pulang kutis.” Si Model ay naniniwala na ito ay dahilan sa “isang nakalalasong pamamaraan” dahil sa nababawasang sirkulasyon ng dugo sa balat. Sa mga boluntaryo sa pag-aaral, ang “mukha ng maninigarilyo” ay makikita sa 19 sa 41 na kasalukuyang naninigarilyo. Gayunman wala nito ang 38 na mga hindi nagsisigarilyo. Ang kaniyang pag-aaral ay iniulat sa British Medical Journal.

Mga Leksiyon sa Pagguho

Iginigiit ng mga inhinyerong Mexicano na totoo na ang kapaha-pahamak na lindol na yumanig sa Mexico City noong nakaraang Setyembre ay “dapat na pumatag sa lahat halos ng gusali” sa sentro ng lunsod, ulat ng Science News. Bagaman pinananatili ng Mexico City ang “isa sa pinakamahigpit na mga kodigo sa pagtatayo sa daigdig” sa panahon ng lindol, isang awtoridad ang nagsasabi na ang lakas ng lindol, sa ilang mga dako, ay mas matindi kaysa kung ano ang idinisenyong makakaya ng mga gusali. Ang pangunahing problema ay ang “pagkilos ng malambot na lupang luwad” sa panahon ng lindol. Mas malakas na pagyanig ang inihatid ng “mahinang” lupa kaysa kung ano ang dati nang inaasahan ng mga inhinyero at mga tagaplano. Isa pa, ang pagyanig ay tumagal nang mas mahabang yugto ng panahon kaysa kung ano ang idinisenyong matatagalan ng mga gusali. Itinatampok ang pagka hindi mahuhulaan ng mga lindol at ang mga epekto nito sa kabila ng pinakamagaling na kaalamang makukuha, ganito ang sinabi ng isang inhinyerong dalubhasa sa lindol: “Ipinakikita nito na kung ang isa ay hindi mag-iingat, ang anumang materyales ay mahina sa isang lindol.”

Sumpa ni Faraon?

Noong 1920’s mga dalawang dosenang Ehiptologo ang namatay pagkaraang pumasok sa libingan ni Faraon Tutankhamen. Sila ba’y mga biktima ng isang sumpa, gaya ng sinasabi? Nasumpungan ng Pranses na manggagamot na si Caroline Stenger-Philipp ang isang posibleng paliwanag sa misteryosong mga kamatayan, ulat ng International Herald Tribune. Ang mga himaton ay tumuturo sa organikong mga sustansiya na naiwan sa libingan, gaya ng prutas at mga gulay, bilang ang maysala. Sa loob ng mga tandaon ang mga bagay na ito​—orihinal na nilayong ipakain sa Faraon sa panahon ng kaniyang “paglalakbay tungo sa walang hanggan”​—ay nabulok, na lumikha ng mga amag, at nag-anyo ng organikong mga alikabok na may malakas na allergenic. Ang mga siyentipiko ay naging biktima ng isang allergic shock reaction pagkatapos langhapin ang mga alikabok, sabi ng doktor na Pranses.

Paggalang sa mga Ama

Ang mga amang Haponés ay malaon nang pinararatangan na nakatali sa kanilang mga trabaho at walang gaanong panahon sa kanilang mga pamilya. Ito ba ay nagpangyari sa mga bata na mawalan ng paggalang sa kanilang mga ama? Ganito ang naging paulong-balita ng pahayagan sa Tokyo na Asahi Shimbun “Ang mga Ama ay Mas Mabuti Kaysa Ating Inaakala,” na may subtitulong “Isa sa Dalawang Bata ang Nagsasabi na ‘Maaari Nilang Igalang’ ang [Kanilang mga Ama].” Ipinakikita ng surbey sa mga estudyanteng nasa ika-7 hanggang ika-12 grado na 46.8 porsiyento ng mga estudyante ang palagay ang loob kapag nakikipag-usap sa kanilang mga ama. Gayunman, maaari pang mapasulong ang mga bagay-bagay, yamang 95.3 porsiyento ang nakadama ng gayon kapag nakikipag-usap sa mga kaibigan na kasekso. 17 porsiyento lamang ang nagsabi na idinudulog nila sa kanilang ama ang kanilang mga problema.

“Pagkahibang” sa Larong Computer

Mayroong mga 20 milyong manlalaro ng elektronikong laro sa Hapón, at karamihan sa mga ito ay mga batang nag-aaral, sabi sa mga guro sa isang komperensiya sa Osaka kamakailan. Gaya ng iniulat sa Asahi Evening News, “ang pambihirang larong elektroniko ay nagbunga ng hindi gaanong aktibong mga estudyante na pinipili pang manatili sa loob ng bahay at maglaro sa telebisyon o computer.” Ipinakikita ng isang surbey sa isang silid aralan ng 38 mga estudyante sa ikaapat na baitang sa isang mababang paaralan sa Wakayama na 34 sa kanila ang naglalaro araw-araw ng gayong mga laro. Sa mga ito, 8 ang naglalaro ng apat na oras isang araw, samantalang 19 ang karaniwang naglalaro ng computer ng isang oras o wala pa araw-araw.

Elixir mula sa Bulate

Ang “earthworm fluid” ay malaon nang ipinalalagay ng tradisyonal na mga doktor na Intsik na kapaki-pakinabang sa paggamot ng almoranas, sakit sa bato, ulser, lagnat, hika, pamamaga, fluid retention, at alta presyon. Gayunman, natuklasan ngayon ni Ji Heli, isang titser sa chemistry sa Shanghai Light Industry College, ang isang pamamaraan ng pagpapakulo sa mga likido ng katawan ng mga bulate “na wala ang dating amoy at latak,” ulat ng New Scientist. Ang mga direktor ng pagawaan at mga negosyante ay interesado sa bagong pamamaraang ito. Bakit? Sapagkat maaaring mapalawak nito ang industriya ng Tsina na pagpaparami ng bulate. “Ang likido ng bulate ay masustansiya ring inumin,” sabi ni Ji Heli, “at maaaring ihalo sa mga inuming de alkohol, inuming de bote at maaari ring ilagay sa mga cake.”

Mahalagang mga Patalastas

Dalawang mga Saksi ni Jehova ang nakatayo sa pinto ng apartment ni Mr. Gunter R. sa Frankfurt na nais makipag-usap sa kaniya tungkol sa Bibliya. “Nayayamot, magalang subalit matatag na pinaalis niya sila, at isinara ang pinto,” sang-ayon sa pahayagang Aleman na Frankfurter Rundschau. Gayunman, pagkalipas ng limang minuto sila ay muling nakatayo sa kaniyang pinto. Sa pagkakataong ito sila ay hindi naparoon upang ipahayag ang mabuting balita mula sa Bibliya kundi isang masamang balita tungkol sa amoy ng gas sa itaas ng apartment. Ang dalawang Saksi at si Gunter ay sumugod sa itaas. Nang pipindutin na lamang ni Gunter ang door bell, “pinigilin siya” ng mga Saksi. Nang malaunan, puwersahang binuksan ng mga bombero ang apartment at natuklasan ang isang malaking pagtagas ng gas. “Isang bagay ang tiyak; ang pagtunog ng door bell ay maaaring magpangyari ng isang pagsabog,” sabi ng pahayagan, sabi pa: “Ang ilang ‘patalastas’ ay maliwanag na mahalaga.”

Pagkalalaking mga Tagapag-imprenta

Ang cylinder printing ay gumawa ng isang “dambuhalang” pagsulong sa bagong Full-Colour Jumbo Facsimile na imprentang Haponés. Tumitimbang ng 14 tonelada, ito ay idinisenyo upang mag-imprenta sa mga pilyego ng papel na 52 por 23 piye (16 por 7 m). Ang mga paskilan na dati’y kumukuha ng mga dalawang linggo upang manu-manong makompleto ay maaari na ngayong gawin sa loob lamang ng isa at kalahating oras. Paano ginagawa ito? Ang mga larawan o iginuhit, na ang mga orihinal ay marahil kasinliit ng isang pahina ng isang magasin, ay optikal na ini-scan at iniimbak bilang isang digital code sa alaala ng isang computer. Maaaring palakihin ng opereytor ang larawan, baguhin ang kulay, at gumawa ng iba pang mga pagbabago. Pagkatapos apat na spray jets ang aandar habang ang 8-piye-diyametro (2.5 m) na dram ay umiikot. Ang Asiaweek ay nag-uulat na ang lahat ng mga pantakip sa dingding at mga pansabit ay maaari ring iimprenta sa ganitong pamamaraan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share