Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/8 kab. 9 p. 25-28
  • Sino ang Umaakay Tungo sa Daan ng Kaligtasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Umaakay Tungo sa Daan ng Kaligtasan?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • ANG TUNAY NA MABUTING PASTOL
Gumising!—1986
g86 11/8 kab. 9 p. 25-28

Kabanata 9​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Sino ang Umaakay Tungo sa Daan ng Kaligtasan?

1. (a) Sa ano tayo dapat pasakop upang mailigtas sa “malaking kapighatian”? (b) Paano ito inilalarawan sa paraan ng paggamit ng Diyos kay Moises?

TANGING kung tatanggapin natin ang pangunguna ni Jesu-Kristo at magbibigay tayo ng kapani-paniwalang katibayan na tayo ay talagang nakikinig sa kaniya at lumalakad sa kaniyang mga yapak tayo ay maaaring iligtas mula sa balakyot na sanlibutang ito at ingatang buháy sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Gawa 4:12) Ito ay inilalarawang mainam ng mga pangyayaring naganap sa pagliligtas sa likas na Israel mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E. Makahimalang itinawid ni Jehova ang Israel na ligtas sa Dagat na Pula at pinuksa ang humahabol na hukbong Ehipsiyo. Sa lahat ng ito, ginamit ng Diyos si Moises upang akayin ang kaniyang bayan.​—Josue 24:5-7; Exodo 3:10.

2. (a) Sino ang “malaking haluang pulutong” na umalis sa Ehipto na kasama ng Israel? (b) Ano tiyak ang nakaakit sa marami sa kanila? (c) Hindi nagtagal sa anong bagay sila nasubok?

2 Nang ang mga Israelita ay lumabas ng Ehipto taglay ang pag-asang pumasok sa Lupang Pangako, ang iba ay sumama sa kanila. Gaya ng isinulat ni Moises nang dakong huli: “Isang malaking haluang pulutong ang sumama rin namang kasabay nila.” (Exodo 12:38) Sino ang mga ito? Sila’y mga Ehipsiyo o iba pang mga dayuhan na nakisama sa Israel. Nakita nila ang nakakatakot na mga salot na ipinadala ni Jehova sa mapang-aping bansa ng Ehipto upang ipakita na siya ang tanging tunay na Diyos at na ang mga diyos ng Ehipto ay huwad at hindi mailigtas yaong mga sumasamba sa kanila. Walang alinlangan, ang narinig din nila mula sa mga Israelita tungkol sa pag-asa ng buhay sa “isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot” ay mabuti sa kanilang pandinig. (Exodo 3:7, 8; 12:12) Subalit lubusan din ba nilang kinilala si Moises bilang ang isa na ibinangon ng Diyos upang maging pinuno at tagapagligtas ng Kaniyang bayan? Di nagtagal sila ay nalagay sa pagsubok.​—Gawa 7:34, 35.

3. (a) Bakit mahalaga na sundin ang mga tagubilin ni Moises? (b) Ano ang kahulugan ng ‘bautismo kay Moises’? (c) Bakit mahalaga iyan sa espirituwal na mga Israelita?

3 Habang ang Israel, kasama ang “malaking haluang pulutong,” ay papalapit sa mga baybayin ng Dagat na Pula, hinabol sila ng hari ng Ehipto at ng kaniyang mga hukbong militar upang pabalikin sila sa pagkaalipin. Upang mailigtas, dapat silang manatiling sama-sama at sundin ang mga tagubilin ni Moises, sapagkat ginagamit ni Jehova si Moises upang akayin sila. Sa pamamagitan ng isang sobrenatural na ulap hinadlangan ni Jehova ang paglusob ng kaaway habang hinahati niya ang mga tubig ng dagat at tinuyo ang pinaka-sapin ng dagat. Kabaligtaran ng kung ano ang nangyari sa mga Ehipsiyo nang dakong huli, lahat ng Israel at ang “malaking haluang pulutong” ay nakaligtas kasama ni Moises sa ibayo ng dagat. (Exodo 14:9, 19-31) Habang sila’y naglalakad sa tuyong dagat, ang mga pader ng tubig sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa at ang ulap ng pagkanaroroon ng Diyos sa ibabaw nila, isang mahalagang bagay ang naganap. Binabanggit ito ng Bibliya na bautismo​—hindi isang literal na bautismo sa tubig, kundi isang simbolikong bautismo kay Moises bilang ang propeta ni Jehova, ang isa na sinugo ng Diyos upang kanilang maging Tagapaglitas. (1 Corinto 10:1, 2) Gayundin naman, lahat ng espirituwal na mga Israelita na makaliligtas sa pagkapuksa ng balakyot na sanlibutang ito ay dapat dumanas ng kahawig na bautismo kay Kristo bilang tagapagligtas at magbigay ng kapani-paniwalang ebidensiya na sila ay sumusunod sa kaniyang pangunguna. Ang makabagong-panahong “haluang pulutong” ay dapat na makisama sa kanila.

4. Gaano kalaki ang kapangyarihang ibinigay ni Jehova kay Kristo?

4 Binigyan ni Jehova ng dakilang kapangyarihan ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Sa pamamagitan niya ginawang posible ng Diyos na tayo ay ‘mailigtas mula sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay,’ upang huwag tayong madamay sa malungkot na sasapitin nito. (Galacia 1:3-5; 1 Tesalonica 1:9, 10) Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay ni Jehova sa Israel ang mga batas na makakaapekto sa kagyat na mga pag-asa sa buhay ng mga tao. Kapag sinunod nila ang mga batas na iyon sila ay lubhang makikinabang. Subalit ang ilang mga batas ay nagdala rin ng hatol na kamatayan sa pagsuway. Nang dakong huli, si Jesus ay naging isang propeta na mas dakila kaysa kay Moises. Ang itinuro niya ay “mga salita ng buhay na walang hanggan,” at ang kusang pagsuway sa mga salitang ito ay aakay sa kamatayan na mula roon ay wala ng kaligtasan. Gaano kahalaga, kung gayon, na ating isapuso ang kaniyang sinasabi!​—Juan 6:66-69; 3:36; Gawa 3:19-23.

5. Ano ang gumagawa sa pagpapasakop kay Jesus na lubhang kaakit-akit?

5 Sa ibang tao, ang ideya ng pagpapasakop sa isang lider ay waring hindi kanais-nais. Nasaksihan nila ang labis na pag-abuso sa kapangyarihan. Subalit ang mga salita mismo ni Jesus ay nagpapabanaag ng isang espiritu na nakaaaliw. Magiliw na inaanyayahan niya tayo: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang-puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaang ang aking pasan.” (Mateo 11:28-30) Anong kaakit-akit na pag-asa! Yaong mga tumutugon sa magiliw na paanyayang iyon, inilalagak ang kanilang lubos na pagtitiwala sa kaniya, ay hindi mabibigo. (Roma 10:11) Mararanasan nila ang katiwasayan na gaya niyaong tupa sa kawan ng isang maibiging pastol.

ANG TUNAY NA MABUTING PASTOL

6. (a) Paanong ang bansang Israel ay gaya ng tupa sa isang kulungan? (b) Anong pangako ang ginawa ni Jehova may kaugnayan sa isang pastol para sa “mga tupa” na ito, at paano ito natupad?

6 Ang bansang Israel ay gaya ng isang kawan ng tupa na pag-aari ni Jehova. Inilaan niya ang tipang Kautusan na nagsilbing tulad ng nangangalagang mga pader ng isang kulungan ng tupa, binabakuran sila mula sa paraan ng pamumuhay ng masamang mga bansang Gentil. Inakay rin nito ang mga tumutugon sa Mesiyas. (Efeso 2:14-16; Galacia 3:24) Tungkol sa Mesianikong Pastol-Hari, inihula ni Jehova: “Ako’y maglalagay sa [aking tupa] ng isang pastol, at kaniyang pakakainin sila, samakatuwid nga’y ang aking lingkod na si David.” (Ezekiel 34:23, 31) Hindi ito nangangahulugan na si David, na patay na noon, ay muling magpupuno bilang hari sa bayan ng Diyos. Bagkus, mula sa makaharing linya ni David maglalagay si Jehova ng isang pastol-hari na sa pamamagitan niya ang Diyos ay maglalaan ng katiwasayan. (Jeremias 23:5, 6) Sa iba’t ibang mga panahon may mga taong huwad na nag-angking ang Mesianikong tagapagligtas, subalit noong 29 C.E., ginamit ni Jehova si Juan Bautista upang ipakilala si Jesu-Kristo sa “tupa” ng Israel bilang ang isa na talagang sinugo ng Diyos, ang Mesiyas na may kapani-paniwalang mga kredensiyal. Ito ang makalangit na Anak ng Diyos, na ang buhay ay inilipat sa bahay-bata ng isang birheng Judio upang siya’y ipanganak sa maharlikang linya ni David. Ang pangalang David ay nangangahulugang “sinisinta,” kaya, angkop nga, pagkaraan ng bautismo sa tubig ni Jesus, malakas na ipinahayag ni Jehova mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang sinisinta; akin kang sinasang-ayunan.”​—Marcos 1:11.

7. (a) Bilang “ang mabuting pastol,” paano ipinakita ni Jesus ang tindi ng kaniyang maibiging pagkabahala sa “mga tupa”? (b) Paanong ang paggawing iyan ay naiiba sa mas nauna, huwad na mga mesiyas?

7 Kulang-kulang mga apat na buwan bago ang kaniyang kamatayan, sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol; ibinibigay ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.” (Juan 10:11) Inihambing niya ang kaniyang papel doon sa mga huwad na mesiyas na naunang dumating, na ang sabi: “Ang pumapasok sa hindi pinto ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw. Datapuwat ang pumapasok sa pinto ay siyang pastol ng mga tupa. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig, at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan at sila’y inihahatid sa labas. Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, siya’y nangunguna sa kanila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa, sapagkat nakikilala nila ang kaniyang tinig. At sa estranghero ay hindi sila susunod kundi tatakas sila sa kaniya, sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng estranghero.”​—Juan 10:1-5, 8.

8. (a) Sa anong bagong “kulungan ng tupa” inakay ni Jesus ang mga Judio na sumunod sa kaniya? (b) Gaano karami ang dinala niya sa kulungang ito?

8 Tinanggap niyaong nasa Judiong kulungan ng mga tupa na tumugon sa pag-akay ng tipang Kautusan si Jesus bilang ang Mesiyas nang ipakilala siya ni Juan Bautista na “bantay-pinto.” Sila ay napatunayang “sariling mga tupa” ni Jesus, at inakay niya sila sa isang bagong makasagisag na kulungan ng tupa, na pag-aari ni Jehova. Ang kulungang ito ay kumakatawan sa isang sinang-ayunang kaugnayan kay Jehova salig sa bagong tipan, na ipinakipagtipan sa espirituwal na Israel at binigyan-bisa ng sariling dugo ni Jesus. Sa pamamagitan ng tipang ito naging posible para sa kanila na tamuhin ang makalangit na buhay na kasama ni Jesus bilang ang “binhi” ni Abraham na sa pamamagitan niya ang mga pagpapala ay darating sa mga tao ng lahat ng bansa. (Hebreo 8:6; 9:24; 10:19-22; Genesis 22:18) Si Jesu-Kristo, na ibinangon ng Diyos mula sa mga patay at ibinalik sa makalangit na buhay, ang “pinto” ng bagong-tipan na ito ng kulungan ng mga tupa. Kasuwato ng layunin ng kaniyang Ama, dinala niya sa kulungang ito ang isang limitadong bilang lamang​—144,000 lamang​—una mula sa mga Judio, at nang dakong huli mula sa mga Samaritano at mga Gentil. Bilang ang Mabuting Pastol, nakikilala ni Jesus ang bawat isa sa kaniyang mga tupa sa pangalan at binibigyan sila ng maibiging personal na pangangalaga at pansin.​—Juan 10:7, 9; Apocalipsis 14:1-3.

9. Sino ang “ibang tupa” na tinutukoy ni Jesus, at kailan sila tinitipon?

9 Gayunman, hindi tinatakdaan ni Jesus ang kaniyang pagpapastol sa “munting kawan” na ito na magkakamit ng makalangit na Kaharian. (Lucas 12:32) Sinabi rin niya: “At mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.” (Juan 10:16) Sino ang mga ito? Sila ang mga tao na hindi kasama sa bagong tipan; sila ay hindi espirituwal na mga Israelita. Subalit sila ay dadalhin sa malapit na pakikisama sa mga membro ng espirituwal na Israel samantalang ang mga ito ay nasa lupa pa at nangangailangan ng uri ng pagpapastol na inilalarawan ni Jesus. Ang “ibang tupa” ay mga tao na, sa mga huling araw na ito, ay tinitipon sa loob ng paglalaan ni Jehova para sa buhay na walang hanggang sa lupa salig sa kanilang pananampalataya sa halaga ng inihandog na dugo ni Jesus. Sila rin ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9, 10, 14, at sa gayo’y may pag-asa na makaligtas sa dumarating na malaking kapighatian.

10. Upang maging isa sa “mga ibang tupa” na iyon, ano ang kinakailangan?

10 Upang maging angkop sa paglalarawan ng Bibliya sa gayong “ibang tupa” na ililigtas at iingatang buháy ng Mabuting Pastol, ang isang tao ay dapat “makinig” sa Kaniyang tinig at patotohanan na siya ay talagang bahagi ng “isang kawan” na kasama ang tunay na mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian. Ginagawa mo ba iyan? Gaano kaingat mong pinakikinggan ang kaniyang tinig?

11. Ano ang magpapatunay na talagang tayo ay “nakikinig” sa sinasabi ni Jesus sa Juan 15:12?

11 Walang alinlangang alam mo na sinabi ni Jesus: “Ito ang aking utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa na gaya ng pag-ibig ko sa inyo.” (Juan 15:12) Paano naaapektuhan ng utos na iyan ang iyong buhay? Ang pag-ibig ba na ipinakikita mo ay katulad ng ipinakita ni Jesus? Ito ba ay talagang mapagsakripisyo-sa-sarili? Ang iyo bang mga pagkilos at mga damdamin ay nagpapakita ng gayong pag-ibig sa lahat sa kongregasyong Kristiyano at sa mga membro ng iyong sariling sambahayan?

12. (a) Kung talagang tayo ay ‘naturuan ni Jesus,’ gaano karaming pagbabago ang gagawin nito sa atin? (b) Kaya, ano ang dapat na ginagawa natin sa mga bagay na natututuhan natin mula sa Bibliya?

12 Binabanggit ni apostol Pablo na kung talagang ‘pinakikinggan’ natin si Jesus at “naturuan niya,” ang ating buong pagkatao ay magbabago. Aalisin natin ang pagkatao na kaayon ng ating dating paraan ng pamumuhay at isusuot natin ang “bagong pagkatao,” na nagpapabanaag ng mahuhusay na mga katangian ni Jehova. (Efeso 4:17-24; Colosas 3:8-14) Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, pinag-iisipan mo bang mabuti ang tungkol sa mga dakong personal na nangangailangan ng mga pagbabago upang makalugod sa Diyos? Masikap mo bang ginagawa ang gayong mga pagbabago? Binibigyan-pansin mo ba ang mahalagang gawain na ipinag-utos ni Jesus sa ating panahon​—ang pangangaral ng mabuting balita ng natatag na Kaharian ng Diyos​—at humahanap ka ba ng mga paraan upang makibahagi rito? Ang pagpapahalaga ba sa di-sana nararapat na kagandahang-loob ng Diyos sa iyo ay nag-uudyok sa iyo na buong pusong gawin iyon?​—Mateo 24:14.

13. (a) Kung hindi tayo maingat, paano tayo maaaring iligaw ng ating mga puso? (b) Kaya, sa anong lawak dapat nating sundin ang mga yapak ni Kristo?

13 Kinakailangan tayong maging maingat upang huwag paligaw sa ating mga puso. Angaw-angaw na mga tao ang nag-aangking naniniwala kay Jesu-Kristo, at marahil ay maaari pang sipiin ang ilang mga bagay na kaniyang itinuro, subalit ikinakapit lamang nila ang nasusumpungan nilang kumbinyente. Maaaring iniiwasan ng iba ang pagpapakalabis sa paggawi na itinuturing na napakasama. Ang pag-asa sa buhay sa isang Paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay maaaring mabuti sa kanila, at maaaring nasisiyahan sila sa pakikisama ngayon sa mga taimtim na nagsisikap na ikapit ang mga simulaing Kristiyano sa kanilang mga buhay. Subalit kung nais nating mapabilang sa mga makaliligtas tungo sa “bagong lupa,” dapat tayong atentibong makinig sa lahat ng sinasabi ni Jesus. Mahalaga na kilalanin natin na hindi natin matagumpay na mapapatnubayan ang ating sariling mga hakbang. Tapat tayong makinig sa Anak ng Diyos, ang isa na inatasan ni Jehova bilang Tagapagligtas ng Kaniyang bayan, at maingat na lumakad sa kaniyang mga yapak.​—Jeremias 10:23; Mateo 7:21-27; 1 Pedro 2:21.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share