Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/22 p. 3-5
  • Terorismo—Ligtas Ba ang Sinuman?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Terorismo—Ligtas Ba ang Sinuman?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Takot sa Kaligtasan
  • Ano ang Lunas?
    Gumising!—1986
  • Mawawala Pa Ba ang Terorismo?
    Iba Pang Paksa
  • May Bagong Anyo ang Terorismo
    Gumising!—2001
  • Terorismo—Malapit Nang Magwakas!
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 11/22 p. 3-5

Terorismo​—Ligtas Ba ang Sinuman?

MGA pagbomba, mga asasinasyon, mga pag-hijack​—ang mga ito ay halos naging pangkaraniwan na lamang. At maraming dako sa daigdig ang hindi na masasabing ligtas. “Ang terorismo,” sabi ni William J. Casey, direktor ng Central Intelligence Agency ng E.U., “ay naging isang walang-awang digmaan na hindi nakakakilala ng mga hangganan.”

Nito lamang 1971, wala pang dalawang dosenang mga tao isang taon ang namatay sa mga pagsalakay ng terorista. Noong 1983 ang bilang ng mga namamatay taun-taon ay lumukso sa mahigit sampung libo! “Ang terorismo ay mabilis na dumarami na halos kasimbilis ng AIDS,” sulat ng dating kinatawan ng UN, si Jeane Kirkpatrick.

At ang anyong ito ng karahasan ay nagpangyari ng isang malaking pagbabago sa kasaysayan. “Ang mga mananalaysay ay mahilig magbigay ng pangalan sa iba’t ibang panahon,” sabi ng The Wall Street Journal, “ang Panahon ng Pananampalataya o ang Panahon ng Katuwiran.” Subalit ito ay naghihinuha: “Ang ating panahon ay maaari lamang tawagin na Panahon ng Terorismo, sapagkat hindi na tayo nakikitungo sa ilang gawain ng mga bandido o ng baliw na mga mamamatay-tao; dati na iyan. Ang pinamumuhayan natin ngayon ay isang paghihimagsik laban sa lahat ng kaayusan ng lipunan, isang digmaan sa sibilisasyon mismo.”

Lalo na kapag naglalakbay ang marami ay nakadarama ng panganib​—at may mabuting dahilan. Noong Hunyo 23, isang pagsabog sa loob ng eruplano ang nagpabagsak sa Air-India Flight 182 sa dagat malapit sa Ireland. Lahat ng 329 na mga pasahero ay namatay, pati na ang 83 mga bata. Inaakalang ang mga terorista ay naglagay ng isang bomba sa eruplano sa Toronto, Canada, kung saan nagsimula ang paglipad.

Mga ilang araw lamang bago nito, ang TWA Flight 847 ay na-hijack samantalang lumilipad mula sa Atenas, Gresya, patungong Roma, Italya. Ito ang ikatlong pag-hijack sa rehiyong iyon sa loob lamang ng tatlong araw, at ang pinakamadula. Ang mga bihag na Amerikano ay lumabas sa kung ano ang tinawag ng magasing Time na “ang kauna-unahang ‘Terrorist Suspense Spectacular’ ng daigdig sa telebisyon.”

Kinikilabutan sa takot dahil sa malupit na pagpatay sa isa sa mga bihag ng Flight 847 at na baka ang iba pa ay patayin, ang Pangulong Reagan ng E.U. ay nagsabi: “Ako’y bigo na gaya ng sinuman. Kapag ako’y nag-iisa, wala akong maisip na paraan upang lunasan ito.”

Sa wakas, narating ang isang kasunduan, at ang mga bihag ay pinalaya. Subalit si direktor Casey ng CIA ay nagsabi: “Ang pag-hijack sa TWA ay pasimula lamang.”

At gayon nga. Kahit na bago pa man mapalaya ang mga bihag na Amerikano, isang bomba ang sumabog sa Alemanya sa international airport ng Frankfurt. Tatlong mga naroroon ang namatay, at marami pa ang napinsala.

Noong Oktubre 1985, sa isang pagliliwaliw na paglalayag sa Mediteraneo, ang Italyanong bapor na Achille Lauro ay na-hijack ng mga terorista. Apat na araw ng kabiguan at sindak ang sumunod. Bago ito matapos, pinatay ng mga terorista ang isang bihag na Amerikano.

Noong Nobyembre, ang pag-hijack sa EgyptAir Flight 648 ay nagwakas sa isang walang katulad na sakuna. Walang-awang binaril ng mga hijacker nang isa-isa ang mga pasahero at nagbanta na ipagpapatuloy ang mga pagpatay malibang ang kanilang mga kahilingan para sa muling paglalagay ng gatong (refuel) ay matugunan. Nang mahigpit na salakayin ng Ehipsiyong mga komando ang eruplano, karamihan sa mga pasahero ay namatay. Lahat-lahat, 60 ang namatay at 27 ang napinsala. Pasimula sa susunod na pahina, mababasa ninyo ang pag-uulat ng isang nakaligtas.

Pagkatapos, pagkaraan lamang ng Pasko, sa isang masamang pagsalakay sa mga paliparan sa Roma at Vienna, walang-awang pinagpapatay ng mga terorista ang 19 at sinugatan ang iba pa na mahigit 110. At ito ay nagpapatuloy. Kapag ang isang insidente ay nawawala sa balita, isang pangyayari naman ang magaganap. Halos araw-araw, ang mga terorista ay sumasalakay saanman.

Pagkatapos iulat ang isang pagbomba sa Pransiya, ang The New York Times ng Pebrero 6 ay nagsabi: “Ito ang pangatlong insidente sa isang mataong dako sa Paris, at maliwanag na ang lunsod na ito ay ibinulusok sa isang kampaniya ng walang pinipiling terorismo na nakatuon sa pinakakilala at pinakamataong komersiyal na mga dako.”

Takot sa Kaligtasan

Ang takot na gawa ng terorismo ay mailalarawan ng kung ano ang nangyari nang ang Achille Lauro ay tumanggap ng isang banta ng bomba sa isang paglalayag kamakailan. Sa nerbiyos, inihagis ng tripulante sa dagat ang malalaking kahon na naglalaman ng bagong mga kagamitan sa pagsusugal na nagkakahalaga ng isang milyong dolyar, ikinatatakot na isa sa mga ito ay maaaring kinaroroonan ng isang bomba! Kalokohan lamang ang balita.

Maraming paliparan ang naging mistulang nasasandatahang mga kampo. Ang mga bagahe ay isa-isang tinitingnan sa mga lugar na gaya ng Ben Gurion Airport ng Israel. Nang may paghihinalang nasalat ng isang inspektor doon ang isang tubo ng toothpaste, isang manlalakbay ang pabiróng nagsabi: “Kapag pinisil mo ito, mahihirapan kang ibalik ito.” Walang anumang paraan ang makagagarantiya ng 100-porsiyentong kaligtasan.

“Sa puntong ito, para bang walang anumang paliparan ang talagang ligtas,” sabi ni Michael Barron, katulong na manedyer sa paglalakbay ng isang ahensiya sa paglalakbay sa E.U. “Nagbabayad ka at nakikipagsapalaran.”

Libu-libo ang nagbago ng kanilang mga plano sa paglalakbay dahilan sa takot sa terorismo. Mga 850,000 Amerikano ang iniulat na maaaring kinansela ang kanilang mga paglalakbay sa ibang bansa noong nakaraang tag-init pagkatapos ng isang malaking pag-hijack. Ganito ang sabi kamakailan ng isang ahente sa paglalakbay sa New York: “Kahit na ang mga ahente sa paglalakbay rito ay ayaw na ngayong magtungo sa Europa,” sabi pa niya, “at maaari kaming umalis nang walang bayad.”

Ang kalagayan ay malubha. Nagtatagubilin sa isang komite ng Senado sa E.U., si direktor Casey ng CIA ay nagsabi: “Tayo ay nasa gitna ng isang hindi ipinahayag na digmaan.” Subalit ang problema ay ang pagkilala sa kaaway. Ito’y maaaring ang pasahero na katabi mo sa eruplano.

Nais mo bang alamin kung ano ang katulad ng ikaw ay mapasakamay ng desesperadong mga hijacker? Kung gayon basahin mo ang sumusunod na kuwento ni Elias Rousseas, na nakaligtas sa pag-hijack ng EgyptAir Flight 648.

[Larawan sa pahina 4]

Ang walang-awang pagpatay sa paliparan sa Roma

[Pinagmulan]

AGI photo, Roma, Italya

[Pinagmulan ng Larawan sa pahina 3]

Reuters/Bettmann Newsphotos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share