Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/22 p. 5-10
  • Na-Hijack Patungong Malta—Subalit Ako ay Nakaligtas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Na-Hijack Patungong Malta—Subalit Ako ay Nakaligtas
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Barilan sa Eruplano
  • Pagdating sa Malta
  • Nagsimula ang mga Pagpatay
  • “Napakahinahon Mo!”
  • Pagliligtas at Pagtakas
  • Sa Ospital
  • Ang Matinding Hirap Ko sa Flight 232
    Gumising!—1990
  • Nakaligtas Ako sa Flight 801
    Gumising!—1998
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
  • Sindak sa “Flight 811”
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 11/22 p. 5-10

Na-Hijack Patungong Malta​—Subalit Ako ay Nakaligtas

MGA alas 8 n.g. noong nakaraang Nobyembre 23, ako ay dumating sa Athens International Airport kasama ang isang kasamahan sa trabaho, si George Vendouris. Kami ay pupunta sa Dubai, sa United Arab Emirates, upang inspeksiyunin ang isa sa mga bapor ng kompaniya na pinagtatrabahuan ko. Sa loob ng mga ilang taon ako ang punong inhinyero ng kompaniya, at sa atas na ito si George ay tutulong sa akin.

Kami ay maglalakbay patungong Dubai na magdaraan sa Cairo sakay ng EgyptAir Flight 648. Pagkatapos magdaan sa iba’t ibang mga checkpoint, narating namin ang eruplano, isang Boeing 737. Yamang isa lamang ang aming dala-dalahan, maaga kaming nakapasok sa eruplano. Kung natatandaan ko pa nang wasto, kami ay nasa ikapitong hanay, mga upuang A at B.

Sa wakas, nang ang lahat ay makasakay na, ang aming eruplano ay lumipad ayon sa iskedyul mga ilang minuto pagkaraan ng alas 9:00 n.g. Ang eruplano ay hindi gaanong punô, wala pang isang daan ang mga pasahero. Hindi nagtagal ang mga flight attendants ay nagsimulang magsilbi ng mga inuming pampalamig. Mga 25 minuto pa lamang o higit pa sa aming paglalakbay nang isang lalaki ang lumitaw sa harap ng pintuan ng piloto. Mayroon siyang baril sa isang kamay at isang berdeng granada sa kabilang kamay, at siya’y nagsimulang sumigaw sa wikang Arabe. Ako ay Griego at hindi ako nakakaintindi ng Arabe, subalit naging maliwanag sa akin na ito ay isang pag-hijack.

Kaya’t sinunod namin ang pagkilos ng mga pasaherong Ehipsiyo at itinaas namin ang aming mga kamay. Samantalang nag-uutos, sinisikap din ng hijacker na hilahin ang isang bagay mula sa granada sa pamamagitan ng kaniyang ngipin. Gayunman, hindi siya nagtagumpay kaya ibinalik niya ang granada sa bulsa ng kaniyang tsaleko.

Inutusan ng hijacker, na, nagkataóng, may mga kasama, yaong mga nakaupo sa harapan na pumunta sa likuran at umupo kahit saan. Pagkatapos hiningi niya ang aming mga kurbata. Sumunod, isa-isang dinala ng mga hijacker ang mga tao sa harap, kinukuha ang kaniyang pasaporte, kinakapkapan siya, at pagkatapos pinauupo siya sa isa sa bakanteng mga upuan sa harapan.

Nang yaong mga nasa upuan sa harap ay lumipat sa likod, nakatabi ko ang isang lalaking Ehipsiyo. Nang malaunan napag-alaman ko na siya ang nangangasiwa sa mga security guard ng eruplano. Nang siya ay tawagin, kinuha ng hijacker ang kaniyang pasaporte, sapilitan siyang pinahiga, at iginapos ng mga kurbata. Bago pa nito, ang hepe ng mga flight attendant ng eruplano ay iginapos.

Pagdating sa akin, kasunod ng Ehipsiyong security guard, kinuha lamang ng hijacker ang aking pasaporte at hindi ako kinapkapan at ako’y sinabihan na maupo. Itinuro niya ang gawing kanan, sa ikatlong hanay.

Barilan sa Eruplano

Pagkalipas ng mga ilang minuto, may mga putok ng baril sa likuran ko lamang. Karakaraka, lahat kami ay yumukong bigla. Maliwanag na na-depressurized ng mga bala ang eruplano, sapagkat nagbagsakan ang mga maskara ng oksiheno mula sa itaas. Isinuot ito ng maraming pasahero, subalit hindi ako nakadama ng pangangailangan ng oksiheno. Naniniwala ako na kaagad ibinaba ng kapitan ang eruplano sa mas mababang altitud.

Nang matapos ang barilan, tumingin ako sa likod at nakita kong nakabulagtâ ang hijacker na waring siyang namumuno sa grupo. Patay na yata siya. Isa pang lalaki ang nakahandusay sa sahig, at dalawang flight attendant at isang pasahero ang nasugatan.

Hiniling yata ng hijacker sa isang lalaki ang kaniyang pasaporte. Nagkataon na ang lalaki ay isa sa mga security guard, at sa halip na kunin ang kaniyang pasaporte, hinugot niya ang kaniyang baril at binaril ang hijacker. Subalit ang security guard mismo ay binaril ng isa pang hijacker na nasa likuran ng eruplano.

Ang baril ng tinamaang security guard ay bumagsak sa aking paanan, at sa isang sandali ay naisip kong damputin ito. Subalit may katalinuhang iniwaksi ko ang ideyang iyon​—tutal hindi naman ako marunong gumamit nito.

Bumukas ang pintuan ng piloto at isang matangkad at nakamaskarang lalaki ang lumitaw na may hawak na granada at baril. Kinausap niya ang hijacker na nasa likod ko, at saka tinitigan ako sa mata, ikinukumpas sa pamamagitan ng baril na ako ay tumayo. Mayroon siyang sinasabi, at nauunawaan ko lamang mula sa kaniyang kumpas na nais niyang kaladkarin ko ang nakabulagtang hijacker tungo sa silid ng piloto.

Nang gawin ko iyon, sumenyas ang hijacker na itihaya ko ang lalaki. Yamang hindi ko makayang mag-isa, ang hijacker ay tumawag ng isa pa upang tumulong, at si Demetris Voulgaris ang dumating. Matagal ko nang kilala si Demetris sapagkat siya ay nagtatrabaho sa aming kompaniya. Hinawakan ni Demetris ang mga paa ng lalaki; hinawakan ko naman ang balikat, at itinihaya namin siya. Nais nilang gawin namin ito upang makuha nila ang granada na nasa bulsa ng kaniyang tsaleko.

Nang makuha ng isa sa mga hijacker ang granada, humingi kami ng pahintulot na painumin ng tubig ang nakabulagtang hijacker, subalit kami ay sinenyasan na huwag. Marahil inaakala nila na siya ay wala nang pag-asa. Kaya pinaupo namin siya sa may pinto, at kami ay sinabihan na kaladkarin ang security guard. Sa puntong ito, nakita ng isang hijacker ang mga baril sa sahig at dinampot ang mga ito.

Habang dinadala namin ang security guard sa unahan, naisip namin na alisin ang damit niya at bigyan siya ng pangunang lunas. Subalit nang ang kaniyang ulo ay malapit na sa unang hanay ng mga silya, kami ay sinabihan ng hijacker na huminto. Ako ay pinag-utusan na alisan ng laman ang dalawang trey ng pagkain​—itapon ang pagkain sa sahig. Sinabi ng hijacker na ilagay ko ang mga trey sa unang upuan at sumenyas na hawakan ko ang ulo ng guwardiya doon mismo sa mga trey.

Naisip ko na balak niyang patayin ang sugatang lalaki, kaya’t ako ay sumigaw, “Huwag!” At itinatakip ang aking mga kamay sa aking mukha, humarap ako sa mga pasahero, na sinasabi, “Nais niyang patayin ang lalaki!” Nakapagtataka, hindi ako inano ng hijacker. Hinawakan niya ang ulo ng security guard, subalit hindi niya ito binaril. Pagkatapos siya ay naupo sa unang hanay sa tabi ko.

Pagkaraan ng mga ilang sandali hindi ko na matiis ang maupo roon, kaya itinaas ko ang aking mga kamay at nagtungo ako sa likod, nakasumpong ng isang upuan sa ikalima o ikaanim na hanay. Ang aking nakababatang katulong, si George Vendouris, ay lumapit at naupo sa likod ko.

Ang hepe ng mga flight attendant, na nakalag niya mismo ang pagkakatali sa kaniya, ay tinawag ang isa sa mga flight attendant na ginamit upang tipunin ang mga pasaporte. Malapit na kaming lumapag. Subalit bago kami lumapag, ang mga flight attendant ay sinabihan na alalayan at hawakan ang hijacker, na alin sa patay na o agaw-buhay.

Pagdating sa Malta

Ito man ang binalak na paroroonan o hindi ng mga hijacker, kami ay lumapag sa Malta pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad. Pagkaraang lumapag ng eruplano, ang pinto ay binuksan at isang doktor ang umakyat sa eruplano. Ipinakita sa kaniya ang walang-buhay na hijacker at siya ay sinabihan na suriin ito. Gayon ang ginawa ng doktor, tumango siya, at sumenyas na pupuntahan naman niya ang bangkay ng security guard. Subalit hinadlangan siya ng hijacker.

Lahat ng mga Griego ay sinabihang maupo sa gawing kanan ng eruplano kung saan ako nakaupo. Mayroong 17 mga Griego, na 5 lamang sa wakas ang nakaligtas.

Ipinatalastas ng attendant sa laudispiker na lahat ng mga Pilipina na nakasakay sa eruplano ay magtungo sa harapan. Ang ibang mga babae ay inanyayahan din na magtungo sa unahan, at lahat-lahat 11 mga babae ang pinahintulutang umalis sa eruplano na kasama ng doktor.

Nagsimula ang mga Pagpatay

Tinanong ng flight attendant kung saan naroon ang mga babaing Israeli. Inaakala na sila ay palalayain din, isang kabataang babae ang kaagad na tumugon. Subalit pagdating niya sa unahan, sinunggaban siya ng nakamaskarang hijacker. Itinulak siya sa labas ng pinto tungo sa hagdan, kaya’t hindi ko nakita kung ano ang nangyari. Subalit narinig namin ang isang putok, na nagpangyari sa aming lahat na yumukong bigla, at pagkatapos ay narinig namin ang isang kalabog. Ang babae, nabalitaan namin nang dakong huli, ay ipinihit ang kaniyang ulo sa huling sandali, anupa’t nadaplisan lamang siya ng bala. Nahulog siya sa hagdan, at nagtago sa ilalim ng eruplano, at sa wakas ay tumakas.

Nang malaunan, napag-alaman namin na ang mga hijacker ay nagbantang ipagpapatuloy ang pagpatay sa mga pasahero malibang paglaanan ng gatong. Pagkaraan ng ilang minuto, ang ikalawang babaing Israeli ay tinawag, subalit hindi siya tumayo. Lumapit ang flight attendant na hawak-hawak ang pasaporte ng babae, kinilala ito, at sinabihan siyang tumayo, subalit ayaw tumayo ng babae. Kaya sinugo ng hijacker ang dalawang pasahero na ginamit niya bilang mga katulong sapagkat ang mga ito ay nagsasalita ng Arabe, at pinilit nilang dalhin ang babae sa unahan. Noon namin naramdaman na lahat ang panginginig sa takot.

Ang babae ay umiiyak. Siya ay bumagsak at nanatili sa sahig. Nang lumabas ang hijacker mula sa pakikipag-usap sa piloto, sinipa niya ang babae at itinulak siya sa labas. Muli naming narinig ang isang putok, at isang kalabog nang ito ay mahulog nang tamaan ng baril. Lagpas na ng hatinggabi.

Pagkatapos niyan, tatlo pang mga tao ang tinawag, isang binata at dalawang babae. Mula sa kanilang mga pangalan, nahinuha kong wasto na sila ay mga Amerikano. Dinala sila ng hijacker sa unahan at ipinagapos ang kanilang mga kamay sa likod ng mga kurbata sa dalawa niyang mga katulong. Sila ay sinabihan na maupo sa unang hanay.

Halos isang oras ang lumipas. Pagkatapos tinawag ng hijacker ang batang Amerikano. Hinangaan ko ang pagiging mahimahon ng batang lalaki. Siya ay tumayo at lumapit sa hijacker na para bang kukunin niya ang isang gantimpala o isang bagay​—napakahinahon. Narinig naming muli ang putok, ang kalabog, at ang pinto ay nagsara. Bagaman hindi ko ito nakita, ang batang lalaki ay nahulog din sa hagdan pababa. At, nakapagtataka, katulad din ng unang babaing Israeli, siya man, ay dinaplisan lamang ng bala at nakaligtas.

Isa pang oras o mahigit pa ang lumipas, at tinawag ng hijacker ang isa sa mga Amerikana. Siya ay tumayo, at gayundin ang nangyari​—ang putok at ang kalabog pagbagsak niya. Ngayon ay halos alas tres o alas kuwatro na ng umaga. Bumubuhos ang ulan, na nakadaragdag pa sa nakatatakot na kapaligiran ng gabi. Ang mga pasahero ay hindi makakilos sa kanilang mga upuan sa takot.

Tahimik​—walang umiiyak, sumisigaw, o iba pang ingay. Subalit naririnig ko ang pabulong na mga komento: “Tingnan ninyo, pinatay niya ang babaing Israeli,” “Kawawang babae,” o, “Ngayon ay pinatay naman niya ang Amerikano.” Gayundin, ang mga tanong na pabulong: “Ano ba ito?” “Paano nila maipahihintulot na ito ay magpatuloy?” “Ano kaya ang gagawin niya ngayon?”

Kung tungkol sa akin, sa bawat pagpatay ay nanalangin ako kay Jehova. Hiniling ko na, kung ito’y kaniyang kalooban, alalahanin sana niya ang taong iyon sa pagkabuhay na mag-uli, upang ang tao ay magkaroon ng pagkakataon sa buhay sa bagong sistema ng Diyos.

Samantala, ang araw ay nagsisimulang sumikat. Bumukas ang pinto, at dalawa na tumutulong sa mga hijacker ay lumabas at nagdala ng mga tinapay. Ang iba ay kumain, ang iba ay hindi. Binigyan din nila kami ng tubig.

Habang nagaganap ang mga pagpatay, inaakala namin na ang mga kahilingan ng mga hijacker ay napataas upang ito ay tanggapin niyaong mga nasa labas. At kami ay nag-iisip na ang sinuman sa amin ay maaaring maging ang susunod na papatayin. Subalit paglipas ng mga oras pagkatapos mapatay ang batang Amerikana, inaakala namin na ang mga bagay-bagay ay inaayos.

Pagsapit ng katanghalian, ang pinto ng eruplano ay bumukas, at ang isa pang batang Amerikana ay tinawag at binaril. Nang mangyari ito, muli na namang natakot ang bawat isa sa amin na baka kami ang susunod na pipiliin upang patayin. Subalit lumipas ang maghapon at dumating ang gabi, gayunman ay walang isa man na tinatawag, naisip namin na baka naayos na ang mga bagay-bagay.

“Napakahinahon Mo!”

Nang araw na iyon naisip ko sa aking sarili, ‘Linggo ngayon at may pahayag pangmadla sa aming kongregasyon sa Piraeus.’ Ako ay tahimik na nanalangin na para bang ako’y nasa pulong. Nang malaunan, nang ang pahayag ay malamang na tapos na, inilabas ko ang aking magasing Watchtower at inisip ko na ako ay nasa aming pag-aaral sa kongregasyon. Sumaisip ko ang Awit 118:6. Sabi nito na kung si Jehova ay nasa ating panig, bakit natin katatakutan ang mga tao?

Ang aking nakababatang katulong na si George Vendouris, na nakaupo sa aking likuran, ay nagsabi: “Boss, batid kong ikaw ay mahinahon, subalit napakahinahon mo!”

“Alam mo, iho,” sagot ko, “simple lamang ang ating problema. Alin sa tayo ay mabuhay o tayo ay mamatay. Ang problema ay hindi atin. Magtiwala ka sa Diyos, at kung ipahintulot niya na tayo ay mamatay, ipahihintulot niya ito. Kaya huwag kang mag-alala.”

“Bakit hindi mo ako bigyan ng mababasa?” tanong niya, at ibinigay ko sa kaniya ang The Watchtower.

Nang ang pag-aaral ay malamang na tapos na sa Piraeus, kung saan ako naglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda, muli akong nanalangin, ipinauubaya ang aking sarili sa mga kamay ni Jehova at sinabi ko sa kaniya na handa kong tanggapin ang anumang ipahintulot niyang maganap.

Naisip kong sumulat ng maikling sulat sa aking asawa: ‘Katie at mga bata, magkita tayo sa Kaharian.’ Subalit nang ilabas ko ang aking pluma, naisip ko, ‘Ano ba ang ginagawa mo? Nagpapanggap ka bang hukom? Hindi ba sinabi mo na ang bagay ay nasa mga kamay ni Jehova?’ Naisip ko na wala akong karapatang mag-iwan ng sulat na nagsasabing ako ay mamamatay. Kaya ibinalik ko ang aking pluma nang hindi sumusulat ng anumang bagay.

Pagliligtas at Pagtakas

Biglang-bigla, nang bandang alas 8:30 n.g. umalingawngaw ang mga putok ng machine gun, na mula sa labas. Subalit mayroon ding mga putok ng baril sa likod ng eruplano, malamang mula sa mga hijacker. Kami ay dumapa sa sahig. Isang pagsabog ang sumunod, at lahat ng ilaw ay namatay.

‘Yamang namatay ang mga ilaw,’ sabi ko sa aking sarili, ‘maaari na akong kumilos ngayon.’ Tumayo ako, subalit pagtayo ko, nadama kong para ba akong nasusunog. Ito’y isang uri ng gas, kaya pinigil ko ang paghinga. Narinig ko si George na nagsabi, “Aba, susunugin nila tayo.” Hindi ako makapagsalita, at hindi ako gaanong humihinga upang ako ay makaligtas.

Sa direksiyon na aking tinatanaw, ang lahat ay pawang kadiliman. Subalit mayroon akong narinig na isang tinig, “Sa kabila.” Bumaling ako at nakita ko ang isang silahis ng liwanag at tinungo ko ang direksiyon na iyon. Pagkaraan ng ilang sandali, nasumpungan ko ang aking sarili sa isang labasan. Maaaring ito ay isang emergency exit sa may gawing pakpak ng eruplano. Kung ako baga ay tumalon mula sa pakpak o dumausos, hindi ko matandaan.

Ang susunod na bagay na natatandaan ko ay ang aking paghiga at may nakatayo sa uluhan ko, na hawak-hawak ang aking ulo. Natanto ko na ako ay nasa labas ng eruplano at na malamang ang mga ito ang aming mga tagapagpalaya.

Sinimulan kong humingang muli. Subalit bagaman may sariwang hangin, para bang lumalanghap pa rin ako ng gas. At gayon ang nadama ko sa loob ng mga ilang araw pagkaraan niyaon. Ang iba ay natumba sa likuran ko, at sinikap naming ibangon sila, subalit kami ay hindi pinahintulutan. Kaya’t kami ay gumapang sa likuran ng ilang mga kahon. Samantalang naroroon, kami ay kinapkapan. Pagkatapos kami ay isinakay sa isang kotse at dinala sa ospital.

Nang malaunan ay napag-alaman namin na karamihan sa halos 60 mga tao na namatay sa pagliligtas ay namatay dahilan sa usok na likha ng mga ekplosibo na ginamit ng ehipsiyong mga komando na mahigpit na sumalakay sa eruplano. Nakalulungkot sabihin, ang kasamahan ko sa trabaho na si George Vendouris ay kabilang doon sa mga namatay.

Sa Ospital

Pagdating namin sa ospital​—sa St. Luke’s Hospital​—narinig ko ang salitang “Emergency!” Kami ay inilagay sa mga stretcher, at isang doktor ang dumating upang suriin kung ano ang nangyari. Ako ay inalisan ng damit at shorts lamang ang itinira. Pagkatapos ako ay dinala sa isa sa mga silid. Makirot ang buo kong katawan, at ang aking mga mata ay nakakaabala sa akin. Hindi nagtagal wala na akong makita, kaya ako ay nagsisigaw at isang doktor ang dumating. May inilagay siya sa aking mga mata.

Benendahan nila ako at nilagyan ako ng suwero. Ako ay pinunasan at binigyan ng mga iniksiyon para sa kirot. Sa aking limitadong Ingles, sinabi ko sa kanila na ayaw ko ng pagsasalin ng dugo sapagkat isa ako sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos may nagsabi sa akin na isang Saksi ang nagtatrabaho sa ambulansiya na sumugod sa paliparan, isang Saksing taga-Malta. Nang makipag-usap siya sa akin nang dakong huli, sinabi niya, “Huwag kayong mag-alala, hindi sila gagamit ng dugo.”

Sa wakas, dumating ang isang doktor na babae. Hindi ko siya makita, subalit natatandaan ko ang kaniyang tinig. Hiniling ko sa kaniya na kung maaari ay tumawag siya sa aming tahanan at pakisabi sa aking pamilya na ako ay buháy. Ako’y nag-aalala sa kanila.

May pumasok na, kung natatandaan ko pa nang wasto, ay nagsabi na siya ang direktor ng ospital. Hinawakan niya ang aking kamay at tinanong ako, “Ano ang pangalan mo?” At sinabi ko sa kaniya. Nang malaunan napag-alaman ko na ang mga Saksi mula sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Gresya ay tumawag sa telepono at nasa linya. Ang direktor ng ospital ay nakipagkita sa akin upang tiyakin na ako ay buháy upang masabi niya sa kanila. Ito ay nangyari noong madaling araw ng Lunes.

Noong Martes ang aking asawa at anak na lalaki ay dumating sa Malta. Nang madama ko ang kamay niya sa mga kamay ko, alam kong ito ang aking asawa. Niyapos ko siya at nagpasalamat kay Jehova. Dumating din ang aking anak na lalaki, gayundin ang manedyer ng kompaniyang pinagtatrabahuan ko.

Sa lahat ng panahong ito ako ay binibigyan ng oksiheno upang ako’y makahinga. Gayundin, isang nars ang dumarating, patataubin ako, at hahampasin ako nang marahan upang ilabas ko ang plema. Nang ako ay muling makakita, nakita ko na ang plema ay maitim. Marahil dahilan ito sa gas. Noong Miyerkules tinanggal ang aking mga benda, subalit nasisilaw ako sa liwanag.

Nang maraming reporter ang dumalaw ng araw na iyon, pinagsabihan sila ng doktor na lumabas. Samantala, dumating ang mga pulis at sinabi sa akin na kailangang gumawa ako ng isang ulat o pahayag. Nang dakong huli sinabi nila sa akin, “Napakaraming detalye ang nalalaman mo, maaari ka nang sumulat ng isang aklat.” Pagkaraan niyan, isang kinatawan mula sa konsulado at isang piskal ang dumating na may dalang tape recorder at kinuha ang aking ulat, minsan pa ay gumagamit ng isang tagasalin.

Pagkatapos nito, ang aking asawa at anak na lalaki ay umalis sa ospital. Sila ay tumuloy sa ilang mga Saksing taga-Malta hanggang sa ako’y magaling na upang makapaglakbay at kami ay sama-samang umalis ng Malta. Labis akong nagpapasalamat na maging isa sa ilang mga nakaligtas sa kasindak-sindak na pag-hijack sa EgyptAir Flight 648.​—Gaya ng isinaysay ni Elias Rousseas.

[Blurb sa pahina 6]

Hinugot niya ang kaniyang baril at binaril ang hijacker

[Blurb sa pahina 8]

Ang isa pang batang Amerikana ay tinawag at binaril

[Larawan sa pahina 9]

Ako ay nabulag at makirot ang buo kong katawan

[Pinagmulan]

Reuters

[Larawan sa pahina 10]

Ang aking asawa at anak na lalaki na dumalaw sa akin sa ospital

[Pinagmulan]

Reuters

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share