Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/22 p. 23-25
  • Nakaligtas Ako sa Flight 801

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakaligtas Ako sa Flight 801
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagbagsak at ang Tagpo Pagkatapos Nito
  • Nag-aalala Dahil sa Liyab
  • Nailigtas sa Wakas!
  • Sa Wakas, Nakita Ko ang Aking Asawa!
  • Pagsasaayos ng mga Priyoridad
  • Sindak sa “Flight 811”
    Gumising!—1989
  • Ang Matinding Hirap Ko sa Flight 232
    Gumising!—1990
  • Biglaang Paglapag!
    Gumising!—2004
  • Ang Takot sa Paglipad—Pinanatili Ka Ba Nito sa Isang Lugar?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/22 p. 23-25

Nakaligtas Ako sa Flight 801

DUMUNGAW ako sa bintana habang papalapag kami sa Guam. ‘Kakaiba ito,’ ang sabi ko. ‘Parang napakadilim.’ Totoo naman, lampas nang hating-gabi noon, at mahirap nang makita ang labas dahil napakalakas ng ulan. Subalit nasaan ang pamilyar na mga ilaw ng isla at ang nagniningning na runway ng paliparan? Ang nakikita ko lamang ay malamlam na mga ilaw mula sa pakpak ng aming jumbo jet.

Ang isa sa aming mga flight attendant ay nagbigay ng karaniwang patalastas bilang paghahanda sa paglapag, at narinig kong naikasa na ang mga mekanismo sa paglapag ng eroplano. Walang anu-ano, may narinig kaming napakalakas na ingay habang ang aming eroplano ay sumasadsad sa lupa. Hindi mapigilan ang pag-alog ng eroplano, at nangunyapit ang mga pasahero sa patungan ng kamay ng upuan at sumigaw, “Anong nangyayari?”

Ilang saglit lamang, bumangga ang aming Boeing 747 sa gilid ng burol, limang kilometro na lamang bago ang paliparan, maliwanag na dahil sa maling kalkulasyon ng aming piloto. Dahil sa kasakunaang iyon ng eroplano noong Agosto 6, 1997, may kabuuang 228 pasahero at mga tauhan ang namatay. Isa ako sa 26 lamang na nakaligtas.

Bago pa man ako lumulan sa eroplano sa Seoul, Korea, inilipat ng isang kinatawan ng airline ang aking itinakdang upuan, anupat ibinigay sa akin ang natitirang primera klaseng upuan. Tuwang-tuwa ako anupat tinawagan ko sa telepono ang aking maybahay, si Soon Duck, na sasalubong sa akin sa paliparan sa Guam. Hindi ko akalaing makabubuti sa akin ang gayong paglipat ng upuan.

Ang Pagbagsak at ang Tagpo Pagkatapos Nito

Dahil sa limitado ang nakikita, maaaring hindi napansin ng mga tauhan ng eroplano ang anumang nagbabantang panganib. Gayon na lamang kabilis na nangyari ang lahat! Sa isang saglit, inihahanda ko na ang aking sarili sa pinakamasamang mangyayari, at ang sumunod na nalaman ko’y nasa lupa na ako sa labas ng eroplano, na nakakabit pa rin sa aking upuan. Hindi ko tiyak kung ako’y nawalan ng ulirat o hindi.

‘Panaginip ba ito?’ ang tanong ko. Nang mabatid ko na ito’y hindi panaginip, ang unang naisip ko ay kung ano ang magiging reaksiyon ng aking maybahay kapag nabalitaan niya ang tungkol sa pagbagsak ng eroplano. Nang maglaon, sinabi niya sa akin na hindi siya kailanman nawalan ng pag-asa. Kahit naulinigan pa niya mula sa isang tao sa paliparan na pitong pasahero lamang ang nakaligtas, umasa siya na isa ako sa pito.

Ang aming eroplano ay nahati sa apat na bahagi, na nangalat sa kahabaan ng magubat na bulubundukin. Nagkalat ang mga bangkay. Nasunog ang ilang bahagi ng eroplano, at nakarinig ako ng mga pagsabog kasama ng nakapanghihilakbot na ungol at iyakan. “Tulungan ninyo ako!” “Tulungan ninyo ako!” ang sigaw ng mga nagmamakaawang tinig. Bumagsak ang aking upuan sa talahiban na 1.8 kilometro ang taas, at sa nakatatakot na liyab ng apoy, nakita ko ang isang matarik na burol sa malapit. Halos 2:00 n.u. noon, at patuloy ang pag-ulan.

Ako’y totoong nagitla anupat hindi ko naisip na ako’y maaaring napinsala, hanggang sa mapansin ko ang isang batang babae na natuklap ang kaniyang anit anupat ito’y nakalaylay na sa kaniyang batok. Agad kong kinapa ang aking ulo at natuklasan ko na ako pala’y nagdurugo dahil sa sugat sa itaas ng aking kaliwang mata. Saka ko sinuri ang iba pang bahagi ng aking katawan at natuklasan ko na marami akong maliliit na sugat. Subalit nagpapasalamat ako na wala namang grabe sa mga ito. Gayunman, nakaramdam ako ng nakapaparalisang kirot sa aking mga binti, anupat naging imposible sa akin ang kumilos. Pareho itong nabali.

Nang maglaon, nang ako’y makarating sa ospital, sinabi ng mga doktor na ang aking sugat ay “hindi malala.” At hindi nga malala ang mga ito, kung ihahambing sa iba pang mga nakaligtas. Isang lalaki na kinuha mula sa nawasak na eroplano ang wala nang mga binti. Ang iba ay malubhang nasunog, kasali na ang tatlong naisalba pagkaraang bumagsak ang eroplano subalit namatay naman pagkatapos, pagkalipas ng mga linggo ng matinding kirot.

Nag-aalala Dahil sa Liyab

Sa halip na mabahala ako sa aking mga pinsala, nag-alala ako kung aabutin pa ako ng mga tagapagligtas sa tamang panahon. Ang gitnang bahagi ng eroplano, kung saan galing ang aking upuan, ay halos lubusang nawasak. Ang natirang bahagi ay nasusunog naman, at ang nakulong na mga pasahero ay nakaranas ng napakasakit na kamatayan. Hinding-hindi ko malilimutan ang kanilang mga pagsigaw upang humingi ng saklolo.

Sumadlak ang aking upuan malapit sa pinakanguso ng eroplano. Ako’y malapit lamang sa nawasak na eroplano. Sa pamamagitan ng paunat na paglingon, nakita ko ang liyab. Natakot ako na baka abutan ako ng apoy, subalit salamat na lamang at hindi nangyari iyon.

Nailigtas sa Wakas!

Napakabagal ng paglipas ng mga sandali. Mahigit na isang oras na ang nakalipas. Sa wakas, natagpuan ng ilang tagapagligtas ang bumagsak na eroplano nang mga 3:00 n.u. Narinig ko silang nag-uusap-usap sa tuktok ng burol, gulat na gulat sa kanilang nakita. Isa sa kanila ang sumigaw: “May nakaligtas ba riyan?”

“Narito ako,” ang sigaw ko. “Tulungan ninyo ako!” Sumagot rin ang iba pang pasahero. Tinawag ng isang tagapagligtas ang isang kasamahan na “Ted.” Kaya sumigaw ako ng, “Ted, narito ako!” at, “Ted, tulungan mo kami rito!”

“Pababa na kami! Maghintay lamang kayo,” ang tugon sa amin.

Ang pagbuhos ng ulan, na siya marahil nagligtas sa marami mula sa mga liyab, ang nagpahirap naman sa pagbaba sa madulas na burol. Dahil dito, isa pang mahabang oras ang lumipas bago nakarating ang mga tagapagligtas sa mga natirang buháy. Tila ba walang-hanggan ang panahong lumipas bago nila ako nasumpungan.

“Narito na kami,” ang sabi ng dalawang tagapagligtas na may mga flashlight. “Huwag kang mag-alala.” Di-nagtagal at dalawa pang tagapagligtas ang tumulong sa kanila, at sama-sama nilang tinangkang dalhin ako. Dalawa ang tumangan sa aking mga braso, at ang dalawa naman ang bumitbit sa aking mga binti. Napakasakit na ikaw ay buhatin sa gayong paraan, lalo na yamang sila’y palaging nadudulas sa putik. Sa di-kalayuan, ibinaba nila ako. Isa sa kanila ang kumuha ng stretcher, at ako’y dinala kung saan maaari akong kunin ng helikopter na pangmilitar para madala sa isang ambulansiya na nasa tuktok ng burol.

Sa Wakas, Nakita Ko ang Aking Asawa!

Halos 5:30 n.u. nang ako’y makarating sa emergency room. Dahil sa kalubhaan ng aking pinsala, hindi ako pinahintulutan ng mga doktor na tumawag sa telepono. Kaya hindi nalaman ng aking maybahay na ako’y nakaligtas sa pagbagsak na iyon hanggang noong 10:30 n.u., halos siyam na oras pagkatapos na bumagsak ang eroplano. Siya’y sinabihan ng isang kaibigan na nakakita ng aking pangalan sa talaan ng mga nakaligtas.

Nang sa wakas ay pahintulutan ang aking asawa na makita ako, mga 4:00 n.h., hindi ko siya agad namukhaan. Malabo pa ang aking diwa dahil sa gamot para sa kirot. “Salamat at buhay ka,” ang unang mga salitang binigkas niya. Hindi ko na matandaan ang aming pinag-usapan, subalit sinabi sa akin nang maglaon na sumagot ako nang: “Huwag kang magpasalamat sa akin. Magpasalamat ka kay Jehova.”

Pagsasaayos ng mga Priyoridad

Habang ako’y nagpapagaling sa ospital, pamilyar sa akin ang kirot na aking nadarama. Noong 1987, wala pang isang taon mula nang kami’y umalis sa Korea patungong Guam, ako’y nahulog mula sa andamyo sa ikaapat na palapag sa isang aksidente sa konstruksiyon at nabali ang aking mga binti. Doon naganap ang malaking pagbabago sa aking buhay. Matagal na akong hinihimok ng aking ate, isa sa mga Saksi ni Jehova, na mag-aral ng Bibliya. Nagbigay ng pagkakataon sa akin ang aking anim na buwang pagpapagaling para gawin ito. Bunga nito, nang taon ding iyon ay aking inialay ang aking buhay sa Diyos na Jehova at sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Sapol nang bumagsak ang eroplano, lagi kong iniisip ang paborito kong kasulatan, na nagsasabi: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian [ng Diyos] at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Habang nagpapagaling ako mula sa pagbagsak ng eroplano, nagkaroon ako ng pagkakataong suriing muli ang aking buhay.

Sa isang mapuwersang paraan, ang pagbagsak ng Flight 801 ay nagkintal sa akin kung gaano kahalaga ang buhay. Napakadali ko sanang namatay! (Eclesiastes 9:11) Gaya ng inaasahan, kinailangan akong maopera nang ilang ulit upang magamot ang aking katawan, at gumugol ako ng mahigit na isang buwan sa ospital para magpagaling.

Ngayo’y ibig kong ipakita sa ating Dakilang Maylalang na totoong pinahahalagahan ko ang kaniyang kamangha-manghang kaloob na buhay, kalakip na ang kaniyang paglalaan sa mga tao ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. (Awit 37:9-11, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Natanto ko na ang pinakamabuting paraan upang maipakita ang gayong pagpapahalaga ay sa pamamagitan ng patuloy na pag-una sa mga kapakanan ng Kaharian sa aking buhay.​—Isinulat.

[Picture Credit Line sa pahina 23]

U.S Navy/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share