Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/22 p. 17-19
  • Bakit Wala Rito si Inay Pag-uwi Ko ng Bahay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Wala Rito si Inay Pag-uwi Ko ng Bahay?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nag-iisang mga Bata
  • Kung Bakit Siya Nagtatrabaho
  • Tumulong
  • Nagtatrabaho ang Aking mga Magulang—Ano ang Magagawa Ko Kapag Nag-iisa sa Bahay?
    Gumising!—1987
  • Mapayapa Na ang Kaugnayan Ko sa Diyos at kay Nanay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Ibinalik ng Katotohanan ang Aking Buhay
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 11/22 p. 17-19

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Wala Rito si Inay Pag-uwi Ko ng Bahay?

MGA bandang alas 3:30 n.h. tuwing araw ng pasukan, ang batang si Bruce ay dumarating sa bahay. Gayunman, ang kaniyang ina ay wala roon upang batiin siya. Siya ay nagtatrabaho sa isang pinansiyal na purok sa lunsod ng New York; ni naroon man ang kaniyang ama upang tanungin ang tungkol sa mga pangyayari nang araw na iyon. Siya ay may buong-panahong trabaho sa isang pahayagan. “Mayroon akong sariling susi,” paliwanag ni Bruce, “at pinatutuloy ko ang aking sarili at sinisimulan ang aking araling-bahay.”

Si Bruce ay isang “latchkey child,” isang katagang ginagamit sa Estados Unidos upang ilarawan ang isang bata na iniiwan upang pangalagaan ang kaniyang sarili hanggang sa dumating ng bahay ang kaniyang mga magulang. Mabuti na lamang kung para kay Bruce, sandali lamang ang kaniyang pag-iisa. Hindi nagtatagal at dumarating ang kaniyang lola kasama ang kaniyang nakababatang kapatid na babae. At isang palakaibigang kapitbahay ay laging naroroon kung mayroong bumangong kagipitan.

Dati-rati, ang mga batang latchkey ay bunga ng karalitaan. Sa ngayon sila ay masusumpungan, na may mga nakabiting susi sa kanilang mga leeg, kapuwa sa punô ng krimen na mga ghettos at sa mayamang mga arabal. Tinatantiya ng ilan na mayroong mula sa dalawa hanggang apat na milyong mga batang latchkey, na ang edad ay 7 hanggang 13, sa Estados Unidos lamang! Ang dahilan? Parami nang paraming mga babae ang pumapasok sa sekular na mga trabaho. Kadalasan nang hindi sila basta makasumpong ng sapat o makakayanang child care.

Nag-iisang mga Bata

Sabi ni Bruce: “Kung minsan gusto kong nag-iisa. Mas tahimik sa bahay.” Gayunman, hindi lahat ng kabataan ay maligaya na nag-iisa sa kanilang tahanan. Iniulat ng The Denver Post ang tungkol sa mga tuklas ng sikologong si Lynette Long. Pagkaraang kapanayamin ang 38 na mga batang latchkey, tinawag ni Dr. Long ang kaniyang mga tuklas na “nakapanlulumo, nakatatakot at, sa ilang mga kaso, ay nakasisindak.” Ang dahilan? Ang mga bata ay dumaranas ng matinding pangungulila. “Sila ay nasa ilalim ng mahigpit na utos na huwag lalabas at huwag magpapapasok ng sinuman,” paliwanag ni Long. Karagdagan pa, “halos isang-ikatlo ang takot na takot . . . sa mga taong nanloloob.”

Binabanggit ng dose anyos na si Gerald ang isa pang karaniwang takot. Nang tanungin kung ano ang palagay niya tungkol sa pag-uwi sa isang bahay na walang tao, sabi niya: “Oh, sa palagay ko ay hindi naman gaanong masama. Ito’y tahimik. Binubuksan ko ang TV. Iyan ang kasa-kasama ko.” Subalit nang tanungin kung hinahanap-hanap niya ang kaniyang ina o ang kaniyang ama, sabi niya: “Siempre. Oo, hinahanap-hanap ko sila. . . . Bueno, nakakainggit nga kapag pumunta ka sa bahay ng ibang bata at ang kaniyang ina ay naroon. Siguro’y mag-iisip ka kung mahal ka rin ng iyong ina. Subalit natitiyak kong mahal niya ako.”

Gayunding mga pagkabalisa ang ipinahayag ng isang tin-edyer na nagngangalang Tonya: “Si Inay ay laging naroroon nang ako ay mas bata pa. Umuuwi ako ng bahay mula sa paaralan at kami’y kakain ng biskuwit at iinom ng gatas at mag-uusap tungkol sa aming maghapon. Mula nang magtrabaho siya, umuuwi ako ng bahay at kumakain ng mga biskuwit at umiinom ng gatas sa isang bahay na walang tao. Pagdating ni Inay mula sa trabaho, lubha siyang abala at wala nang panahon sa akin. At pagkatapos ng hapunan, pagod na pagod na siya.”

Kung ikaw ay isang mas matanda, marahil mas responsableng tin-edyer, marahil ay hindi mo nagugustuhan ang pagtatrabaho ng iyong ina sa lubhang kakaibang dahilan: ang karagdagang mga pananagutan na iniaatang sa iyo. Baka kinaiinisan mo ang pangangalaga sa iyong mas nakababatang mga kapatid na lalaki o babae kapag nais mong maging kasa-kasama ng iyong mga kaibigan, o ang pagluluto sa halip na maglaro ng bola.

‘Bakit ba hindi puedeng nasa bahay na si Inay pagdating ko mula sa eskuwela?’ maaaring itanong mo.

Kung Bakit Siya Nagtatrabaho

Si Diane ay isang nagsosolong magulang na nagtatrabaho sapol nang ang kaniyang anak na lalaki ay dalawang buwan pa lamang. Ang pagtataguyod ng isang karera o pagiging isang “malayang” babae ay malayo sa kaniyang motibo ng pagpasok sa trabaho, ni ginagawa man niya ito dahilan sa hindi niya mahal ang kaniyang anak. Ang kaniyang dahilan? “Upang makaraos,” paliwanag ni Diane. Oo, upang mapaglaanan ang kaniyang anak, sabi ni Diane kadalasan ay tinatanggap niya ang mga trabahong mababa ang suweldo na talagang kinaiinisan niya.

Karaniwan, ang mga inang pumapasok sa sekular na trabaho ay ginawa ang gayon sa mga kadahilanang pangkabuhayan. Tutal, ang mga magulang ay may bigay-Diyos na pananagutan na paglaanan ang kanilang mga anak. (1 Timoteo 5:8) At maging noong kapanahunan ng Bibliya, “ang isang may kakayahang asawang babae” ay gumagawa ng mga bagay na maipagbibili at nangangalakal upang magdala ng kinakailangang kita. (Kawikaan 31:10, 24) Oo, noon pa man, ang trabaho ay nakasentro sa paligid ng tahanan, at sa gayo’y mas madali para sa mga magulang na magtrabaho at kasabay nito’y pangalagaan ang kanilang mga anak.

Gayunman, hindi laging nauunawaan ng mga kabataan ang malaking panggigipit sa kabuhayan na nadarama ngayon ng mga magulang. Sa mayamang Estados Unidos, halimbawa, karaniwan nang hinihiling ng mga kabataan ang maluhong mga sapatos na pantakbo, mga personal na computer, at mga kagamitang stereo na para bang ang mga ito ay kanilang karapatan, na para bang ang kanilang mga magulang ay mga may-ari ng bangko. Subalit dahilan sa tayo ay nabubuhay sa “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan,” ang basta paglalaan ng mga pangangailangan sa buhay ay karaniwan nang isang pagkalaki-laking pagpupunyagi para sa mga magulang.​—2 Timoteo 3:1.

Sa Estados Unidos, sa pagitan ng mga taóng 1970 at 1983 ang halaga ng pananamit ay halos dumoble. Ang halaga ng pagkain, pabahay, at transportasyon ay totoong triple ang itinaas! (Statistical Abstract of the United States 1984) Maraming ama ang basta hindi kumikita ng sapat na salapi upang masabayan ang tumataas na halaga. Ang resulta? Maraming babae ang pumasok sa sekular na trabaho. Isang report ng isang organisasyon sa pananaliksik na tinatawag na Worldwatch Institute ay nagsasabi na, sa buong daigdig, ang bilang ng mga babaing sekular na nagtatrabaho ay “tumaas mula 344 milyon tungo sa 576 milyon sa pagitan ng 1950 at 1975”!

Kaya’t kung ang iyong ina ay nagtatrabaho, malamang na inaakala niyang wala siyang mapagpipilian. Walang dahilang maghinuha na ang kaniyang pag-ibig sa iyo ay nanlamig. Oo, ang bagay na iniiwan ka niyang mag-isa​—o ipinagkakatiwala sa iyo ang pangangalaga sa iyong mas nakababatang mga kapatid​—ay maaaring magpakita kung gaano ka pinagtitiwalaan ng iyong mga magulang.

Tumulong

Mangyari pa, ang pag-unawa kung bakit ang ina ay nagtatrabaho ay hindi nangangahulugan na naiibigan mo ito. Walang alinlangan na ang pagkakaroon niya ng trabaho ay nagdudulot sa iyo ng maraming problema: atrasadong mga pagkain, paminsan-minsan na mga pakikipagbaka sa kalungkutan, pagkabalisa. Madali kang maging miserable sa pamamagitan ng pag-iisip sa gayong mga problema. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay nagsasabi: “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.” (Gawa 20:35) Oo, ang tiyak na paraan upang mapagtagumpayan ang pagkaawa-sa-sarili ay maging abala sa pagbibigay ng suporta sa iyong mga magulang at pagtulong sa kanila.

Halimbawa, isaalang-alang kung ano ang sabi ng isang pahayagan sa Nigeria na tinatawag na Sunday Sketch: “Ipinakikita ng mga estadistika ng UN na ang mga babae ay gumagawa ng dalawang-ikatlo ng mga gawain sa daigdig samantalang ginagawa naman ng mga lalaki ang isang-ikatlo. . . . Napaghinuha rin . . . na ang mga babae ay lagi nang pagod at patang-pata dahilan sa labis na trabaho na nakakaapekto sa kanilang kalusugan.” Bagaman ito ay totoo lalo na sa mga bansa sa Third World, ang mga babae sa mayamang Kanluran ay kadalasan nang pagod din sa pagsisikap na gampanan ang papel kapuwa ng tagapaglaan ng pamilya at ina.

Napapansin mo ba ang bagay na ito? Ikaw ba’y nagbibitiw ng salitang nakapagpapasigla at nagpapahalaga kapag napansin mo na ang iyong ina ay pagod mula sa maghapong trabaho? (Kawikaan 25:11) Nasubukan mo na bang tumulong sa bahay? O pagalit mo bang ginagawa ang mga gawain sa bahay? (Ihambing ang 2 Corinto 9:7.) Sabi ng isang inang nagtatrabaho: “Kapag hindi nakikipagtulungan ang aking anak na lalaki, ito ay nakasisiphayo sa akin. At pagdating ko ng bahay at ang mga bagay-bagay ay hindi pa nagawa, sirang-sira ang loob ko. Nawawala ang kagalakan ko sa mga bagay na nais kong gawin, gaya ng pagluluto ng isang masarap na hapunan para sa kaniya.”

Ganito pa ang sabi ng aklat na Working Couples: “Karamihan sa mga nagtatrabahong mga magulang ay binabati, pagbukas na pagbukas nila ng pinto, ng isang katutak na mga katanungan, mga kahilingan, at mga pagtawag ng pansin ng kanilang mga anak. . . . Ang ginintuang oras na iyon sa pagtatapos ng araw ay kadalasang nagiging isang panahon ng pagod, pagmamadali, at magulong mga disposisyon.” Ano kaya kung ipagpaliban mo muna ang iyong mga katanungan at mga kahilingan at hayaan mo munang makapagpahinga ng mga ilang minuto ang iyong ina o ama?

Ipagpalagay na, ang pag-uwi sa isang bahay na walang tao ay hindi uliran. Subalit kung iyong ‘titingnan, hindi lamang ang iyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iyong mga magulang,’ magagawa mo ang pinakamabuti mula sa kalagayan na iyon. Ipakikita ng isang artikulo sa hinaharap kung paano nagawa ito ng ilang mga kabataan.​—Filipos 2:4.

[Blurb sa pahina 18]

Kung ang iyong ina ay nagtatrabaho, malamang na inaakala niyang wala siyang mapagpipilian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share