Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Nagtatrabaho ang Aking mga Magulang—Ano ang Magagawa Ko Kapag Nag-iisa sa Bahay?
“MAAARI itong maging kabagut-bagot.” Inilalarawan ng isang 15-taóng-gulang na nagngangalang Gary kung ano ang katulad ng pag-uwi sa isang bahay na walang tao. “Umuuwi ako ng bahay mga bandang alas tres. Nagmimerienda ako, marahil ay manonood ng TV o magpapatugtog ng aking stereo.” Ang kaniyang ama, isang nagsosolong magulang, ay nagtatrabaho sa maghapon.
Angaw-angaw na mga kabataan—mga anak ng kapuwa nagsosolong mga magulang at mag-asawang nagtatrabaho—ay may magkahawig na karanasan. At sasabihin nila mismo sa iyo na ang pagkakaroon ng mga magulang na nagtatrabaho ay hindi laging madali. Kagaya ni Gary, maaaring ang malaking bahagi ng bawat araw ay ginugugol nila na mag-isa.
Gayunman, isaalang-alang ang isang pag-aaral na iniulat kamakailan sa Psychology Today. Ikinatatakot ng mga dalubhasa sa pangangalaga ng mga bata na ang mga kabataan na pinababayaan sa kanilang sarili ay magkakaroon ng malubhang mga suliranin sa paggawi. Gayunman, 48 mga batang “latch-key” ay inihambing sa 48 mga kabataan na pinangangalagaan ng mga may sapat na gulang pagkatapos ng klase.a Ang mga resulta? “Salungat sa kung ano ang inaasahan, nasumpungan ng mga mananaliksik ang kaunting pagkakaiba sa pagitan ng dalawang grupo. Napansin ng mga guro na ang mga batang ‘latch-key’ ay mahusay ring makibagay sa sosyal na paraan na gaya ng ibang mga bata. Karagdagan pa, para bang ang mga batang ‘latch-key’ ay mayroon ding mataas na pagpapahalaga-sa-sarili at nasusupil ang kanilang mga buhay na gaya niyaong mga batang nasusubaybayan ng isang may sapat na gulang pagkatapos ng klase.”
Ano ang ipinahihiwatig nito? Na bagaman ang pagiging nag-iisa pagkatapos ng klase ay tiyak na hindi huwaran, hindi naman ito kinakailangang maging kapaha-pahamak. Kung paano mo pangangasiwaan ang kalagayan ay mahalaga.
Ang Pag-iisa—ang mga Panganib
“Karaniwan nang nag-aalala ang mga magulang tungkol sa kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak kapag sila ay nasa labas ng bahay sa gabi,” sabi ng manunulat na si Vance Packard. “Ngayon, kung ang kapuwa mga magulang ay nagtatrabaho, malamang na sila ay nag-aalala kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak sa hapon kapag ang napakaraming tahanan ay walang mga may sapat na gulang.” Sang-ayon kay Packard, ang isang bahay na walang tao ay kadalasang tanawin ng seksuwal na imoralidad.
Ang pag-iisa sa bahay ay maaari ring humantong sa iba pang anyo ng mga kapilyuhan. Nagugunita ni Gary: “Pagkatapos magdiborsiyo ng aking mga magulang, tumira akong sandali na kasama ng aking ina [na hindi isang Kristiyano]. Madalas niya akong iwan na mag-isa. Minsan nang siya’y wala, pinakialaman ko ang kaniyang mga sigarilyo.” Mabuti na lamang, hindi ito ang simula ng isang habang-buhay na pagkasugapa. “Humitit lamang ako ng isa o dalawa,” sabi ni Gary.
Mangyari pa, hinahatulan ng Bibliya kapuwa ang imoralidad sa sekso at ang maruming bisyo na gaya ng paninigarilyo. (1 Corinto 6:9; 2 Corinto 7:1) At samantalang hindi lahat ng mga anak ng nagtatrabahong mga magulang ay gumagawa ng masama, nasusumpungan ng marami na ang pag-iisa ay totoong nakababagot. Nasumpungan ng mga awtor ng Being Adolescent na ang mga kabataan ay karaniwan nang walang kibo, inaantok, nababagot, at walang pangganyak kapag nag-iisa. Ang panonood ng TV o ‘pag-istambay’ sa mga shopping malls at mga video arcade ang kanilang nagiging gawain. ‘Ano ba ang gagawin ko sa bahay?’ tanong nila.
Ang Halaga ng Pag-iisa
Ganito ang sabi ng aklat na Being Adolescent: “Ang dakilang mga gawa ng sining o siyentipikong mga tuklas ay karaniwang ginagawa ng isang taong nagpupunyaging mag-isa. Ang personal na mga kabatiran na nagbibigay ng kahulugan sa buhay ay kadalasang umuunlad sa pag-iisa. Gayunman, karamihan ng mga tao ay takot na takot sa pag-iisa, at gagawin nila ang lahat ng magagawa nila upang iwasan ang pag-iisa. Isa sa mahalagang pagkakataon sa paglaki sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga ay matutuhan kung paano gagamitin ang pag-iisa bilang isang paraan upang abutin ang mga tunguhin ng isa, sa halip na isang bagay na dapat takasan anuman ang mangyari.”
Ginamit na mabuti ni Jesu-Kristo ang pag-iisa. Bago simulan ang kaniyang ministeryo, si Jesus ay nagtungo sa ilang sa ganang sarili sa loob ng 40 araw at 40 gabi. (Mateo 4:1, 2) Walang alinlangan na ginamit niya ang panahong ito na nag-iisa upang manalangin at magbulaybulay sa malaking gawain na nasa unahan niya. Pagkatapos, palagiang hinahangad ni Jesus ang mga sandali ng pag-iisa. (Lucas 5:16; Marcos 1:35) Hindi sapagkat si Jesus ay isang ermitanyo. Ang kawikaan ay nagbababala: “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa.” (Kawikaan 18:1) Kaya tinitimbang niya ang mga sandali ng pag-iisa sa pakikisama sa mga tao.
Ikaw, man din, ay maaaring matuto na gamitin nang mabisa ang pag-iisa. Ang pagsisimula sa paggawa ng iyong araling-bahay ay mabuti. Gayunman, isang kabataan na nakikisama sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang nagsabi pa: “Ginagamit ko rin ang panahon sa pagbabasa ng [salig-Bibliya] na mga magasing Ang Bantayan at Gumising! Mabuting panahon din ito upang maghanda para sa ating mga pulong [Kristiyano].” Sa gayong mga pulong nakukuha niya ang kinakailangan at nakapagpapatibay na pakikisama na tumutulong upang makabawi sa kaniyang panahon ng pag-iisa.
Paggawa ng Iyong Bahagi sa Bahay
Isang babaing tin-edyer na nagngangalang Lecille ay nagsasabi: “Inaalagaan ko ang aking munting kapatid na babae at tinutulungan ko si inay na panatilihing maayos ang bahay. Sa ganitong paraan walang gaanong gagawin si Inay kung mga dulo ng sanlinggo.” Ipagpalagay na, maaaring hindi magtinging makatuwiran sa iyo na ikaw ay magtrabaho kung kailan gusto mong maglaro. Subalit ganito ang sabi ng sikologong si David Elkind tungkol sa pangangasiwa sa mga gawain sa bahay: “Tiyak ang mga kahilingang ito ay makatuwirang hilingin sa mga bata . . . Masasabi pa nga na makikinabang ang maraming mga anak sa mga tahanan na dalawang-magulang at isa lamang magulang ang nagtatrabaho kapag inaasahan na gagawa sila nang higit para sa kanilang sarili.” Sa gayon ang paggawa ng mga gawaing-bahay ay isang paraan upang paglabanan ang pagkainip—at makadama ng pananagutan.
Nagugunita ni Gary: “Mula nang ako ay bata, kailangan kong magtrabaho sa bahay, gaya ng pagliligpit ng aking higaan at paglalabas ng basura.” Sabi pa niya: “Hindi ako kailanman nagluto, bagaman marunong akong magtusta ng tinapay o gumawa ng sandwich!” Ang paggawa ng mga gawaing-bahay ay hindi nakasamâ sa kaniya; bagkus pa nga, ito ay nakatulong sa kaniyang emosyonal na paglaki.
Kaya, bakit hindi subuking pasanin ang iyong sariling pasan pagdating sa mga gawaing-bahay? (Ihambing ang Galacia 6:5.) Sabihin pa, gaya ng sabi ni Dr. Elkind, ang ‘mga kahilingan at mga inaasahan ng mga magulang ay maaaring mawala sa lugar.’ Kaya kung inaakala mong napakaraming iniaatang sa iyo, isaalang-alang kung ano ang iminungkahi ng isang artikulo sa magasing ’Teen: “Maupo ka na kasama ng iyong mga magulang at gumawa kayo ng isang iskedyul na mag-iiwan sa iyo ng ilang malayang panahon para sa iyong mga kaibigan, gawain sa paaralan . . . at kasabay nito, gawing mas madali ang mga bagay para sa iyong abala nang ina at ama.”
‘Ako’y Napababayaan’
Isang babaing tin-edyer na nagngangalang Melissa ay nagrireklamo: “Kung minsan ako’y napababayaan. Si Itay ay hindi umuuwi ng bahay hanggang mga alas siete. At pagkatapos ang gusto na lamang niyang gawin ay kumain at matulog. Gayundin si Inay. Umuuwi siya ng bahay at nagluluto. Hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap.” Sabi pa ng isang kabataan: “Nang ako ay mas bata pa at isa lamang sa aking mga magulang ang nagtatrabaho, ang aming pamilya ay mas malapit sa isa’t isa. Ngayon na sila kapuwa ay nagtatrabaho, ang aming kaugnayan ay hindi malapit na gaya ng dati.”
Kaya baka wala kang mapagpipilian kundi samantalahin ang karapat-dapat na panahon upang tamasahin ang pakikisama ng iyong mga magulang. (Ihambing ang Efeso 5:16.) Nangangahulugan iyan ng pagsamantala sa kung anong panahon na mayroon kayo na magkasama. Halimbawa, maaaring tumulong ka sa paggawa ng mga gawaing-bahay na kasama ng iyong mga magulang. Sabi ng isang ina na nagtatrabaho: “Ito ang nagpapalapit sa inyo na higit kapag kayo ay nagtatrabahong magkasama.” Si Gary at ang kaniyang itay ay nakasumpong pa ng isang karapat-dapat na panahon upang masiyahan sa isa’t isa: “Lagi kaming namimili na magkasama.”
Ang pagkain na sama-sama ay isa pang paraan upang itaguyod ang mabuting mga kaugnayan sa iyong mga magulang. Iwasan ang pagsalakay sa refrigerator pagdating na pagdating mo sa bahay; sikaping hintayin hanggang kayo ay makakain na sama-sama bilang isang pamilya. Maaari pa ngang mag-aral kang magluto, at sa pana-panahon ay sorpresahin ang iyong inay o itay ng isang nilutong pagkain! (Kawikaan 15:17) Ang ilang masiglang sandali sa hapag kainan ay maaaring makabawi sa mga ilang oras na iyon na kayo ay magkalayo.
Sa wakas, kung ang iyong mga magulang ay mga Kristiyano, sikaping magkaroon ng isang regular na ‘pagpapalitan ng pampatibay-loob’ sa kanila. (Roma 1:12) Sabi ni Gary: “Kami ni itay ay nag-aaral ng Bibliya isa o dalawang oras tuwing Huwebes ng gabi.” Maaari mo bang hilingin sa iyong mga magulang ang gayunding kaayusan? Ang interes nila sa isa’t isa sa espirituwal na mga bagay ay tumulong kay Gary at sa kaniyang ama na manatiling malapit sa isa’t isa.
Kung ang iyong mga magulang ay kapuwa nagtatrabaho, malamang na wala sila sa bahay pagdating mo araw-araw. Subalit huwag kang mawalan ng pag-asa. At huwag kang maging isang ermitanyo. Gamitin mo nang may katalinuhan at mabunga ang iyong panahon. Matututuhan mo hindi lamang kung papaano mo pakikitunguhan kundi gayundin maibigan ang maikling mga sandali ng pag-iisa.
[Talababa]
a Ang “latch-key children” ay isang terminong nilikha upang ilarawan ang mga bata na pinangangalagaan ang kanilang mga sarili pagkatapos ng klase samantalang ang kanilang mga magulang ay nagtatrabaho. Tingnan ang, “Bakit Wala Rito si Inay Pag-uwi Ko ng Bahay?” sa labas ng Nobyembre 22, 1986 ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 15]
Maraming mapanlikhang mga proyekto ang nangangailangan ng pagbubuhos ng isip na posbile kapag ikaw ay nag-iisa