Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Magagawang Maunawaan Ako ng mga Nakatatanda?
“ANG pamilyar na dating kaaway ng napakaraming mga magulang—ang ‘generation gap’—ay hindi siyang tunay na hadlang sa pagitan ng mga magulang at mga tin-edyer.” Gayon ang sabi ng mga may-akda ng aklat na The Private Life of the American Teenager. Subalit kung hindi ang “generation gap” (agwat sa pagitan ng mga magulang at mga anak), ano ang hadlang gaya ng nakikita nila? “Ang tunay na problema ay yaong nagaganap sa bawat kaugnayan ng tao—ang hindi pag-uusap, pakikinig, at pag-unawa sa palagay ng iba.”
Iyan ang problema ni Inge, isang dalagitang Aleman, at ng kaniyang mga magulang. “Mula sa simula, tinanggihan ko ang aking mga magulang at nagtayo ako ng isang hadlang sa pagitan namin,” sabi niya. Ngayon iba na ang paraan niya. “Sinisikap kong ilagay ang aking sarili sa kanilang katayuan,” sabi niya, “upang malaman ko kung ano ang kanilang iniisip.” Bakit ang pagbabagong ito ng saloobin? Sapagkat ngayon natatalos ni Inge na ang pinakamabuting paraan upang matulungan ng mga kabataan ang mga nakatatanda na maunawaan sila ay na sikapin nilang unawain ang mga nakatatanda. Subalit maaaring magtaka ka kung paano maaaring gawin ito.
Makipag-usap!
Ang pakikipagtalastasan ang susi sa pag-unawa sapagkat kung wala ito hindi mo malalaman kung ano ang iniisip ng iba. Mas mahalaga pa, hindi mo malalaman kung bakit sila nag-iisip nang gayon. Subalit ang pakikipagtalastasan ay isang dalawahang daan. Isang artikulo sa magasing Aleman na pinamagatang “Sometimes the Only Thing Lacking Is Just a Little Understanding” (Kung Minsan Kulang Lamang ng Kaunting Pag-unawa) ay nagsasabi na “dapat magtapat ang mga kabataan nang higit sa kanilang mga magulang.” Kasabay nito, ito ay nagpapayo sa mga magulang na “kilalanin nang mas mabuti ang kanilang mga anak.”
Ang pagtatapat sa iyong mga magulang ay nangangahulugan ng pagsasabi sa kanila ng iyong mga kaisipan sa isang prangka at tapatang paraan. Dapat kang maging espisipiko sa kung ano ang iniisip o palagay mo, nang hindi nagiging mataray o hindi mataktika. Sa pamamagitan ng pagtatanong, hindi sa paraang humahamon, kundi taglay ang tunay na interes, mapagsasalita mo sila. Halimbawa, naisip mo na bang tanungin sila—o ang iba pang nakatatanda—kung ano ang maimumungkahi nila sa pagtulong sa iyo na pumili ng karapat-dapat na mga kaibigan o ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin sa buhay? “Ang payo sa puso ng tao ay parang malalim na tubig,” sabi ng Kawikaan 20:5, “ngunit iigibin iyon ng taong may unawa.” Bakâ magtaka ka sa kung ano ang maaari mong matutuhan mula sa ibang tao—oo, kahit sa mga nakatatanda. Subalit una muna, dapat kang magsalita.
Hayaan mong ilarawan ito ng karanasan ni Amy. Sabi niya: “Hinding-hindi ko malilimot nang ako’y mga kinse anyos, sinabi ko sa aking ina na hindi ako naniniwala sa Diyos. Marahil lubhang nakasakit iyan sa kaniyang damdamin sapagkat siya’y napakarelihiyosong tao. Ngunit sa halip na hatulan ako, tinanong niya ako kung bakit at kami ay nag-usap sa loob halos ng isang oras.” Bagaman hindi pa rin isang Kristiyano, ganito ang sabi ngayon ni Amy: “Mula nang panahong iyon medyo nagbago ang aking mga saloobin, subalit talagang hinahangaan ko siya dahilan sa hindi siya agad nagalit at nagsisigaw. Marahil alam niya na magbabago rin ako.”
‘Mabuti,’ maaaring sabihin mo, ‘kung ang aking mga magulang ay magpapakita ng gayong uri ng pag-unawa, hindi magkakaroon ng problema.’ Gayunman, tandaan na ang mga nakatatanda ay mayroon ding kanilang mga limitasyon. Ganito ang matapat na inamin ni Larry, isang nababahalang ama: “Lubha akong nahihirapang magpakita ng pag-ibig at pag-unawa sa aking mga anak na alam kong dapat kong ipakita, sapagkat hindi ko naranasan ito nang ako ay nagbibinata. Talagang hindi ko alam kung paano ito ipakikita.”
Kaya kung totoo ito sa inyong pamilya, sikaping gawing mas madali ito para sa iyong mga magulang. Simulan mo. Pagpakitaan mo sila ng pag-ibig at pag-unawa, at sa karamihan ng mga kaso sila sa malao’t madali ay magpapakita ng higit na pag-ibig at pag-unawa sa iyo. Ito’y dahilan sa ang pag-ibig ay nakakahawa. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol sa Diyos: “Tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19.
Nalaman ni Karen, 17, na ito ay totoo. Sabi niya: “Sa palagay ko hindi inuunawa ng karamihan sa mga kabataan ang kanilang mga magulang. Napakahirap maging isang magulang at kung minsan kailangan nating tumulong.” Ito’y nangangahulugan ng paggawa ng pagsisikap na makipagtalastasan, isang bagay na hindi laging madaling gawin. “Nangailangan ito ng pagtitiyaga sa aking bahagi,” sabi niya. Subalit para sa kaniya ito ay sulit; maaari rin itong maging sulit sa iyo.
Makinig at Matuto!
Ang pakikipag-usap ay mahalaga, ang pakikinig ay lalo pang mahalaga. Ang Kristiyanong alagad na si Santiago ay nagpapayo sa bawat isa na “maging mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Mangyari pa, ang “pakikinig,” ay nangangahulugan ng higit sa basta pagdinig sa mga salita; ito’y nangangahulugan ng pag-unawa sa mga kaisipan.
Kaya kung nais mong ibahagi ang iyong mga damdamin at mga opinyon sa mga nakatatanda, gawin mo ang gayon, hindi sa layuning makipagtalo kundi sa layuning makinig at matuto. Kapag ang mga opinyon ay nagkakaiba, tanungin ang iyong sarili kung bakit. ‘Ang tao bang kausap ko ay may mga karanasan na hindi ko naranasan? Mayroon ba siyang mga bagay na nalalaman na hindi ko alam? Kung gayon, ano? Ang kaniya bang kapaligiran, edukasyon, o pinagmulan ay kakaiba sa akin? Sa anong mga bagay?’ Maaaring tumulong ito sa iyo na maging higit na handang tumanggap upang matuto sa iba.
Tutal, ang buhay ay dapat ngang maging ganiyan—isang patuloy na paraan ng pagkatuto. Nagsasangkot ito ng patuloy na pagbabago ng mga palagay, mga opinyon, at mga ideya, gayundin ang pagpapanatili ng isang bukas na isip. Kung ikaw ay nasa edad 20’s, alam mong ito’y totoo, at malamang na sasang-ayon ka na ang ilan sa iyong mga palagay bilang isang tin-edyer ay lubhang nagbago ngayon na ikaw ay mas may edad na. Napansin na ang isang tao na hindi nagbabago ay malamang na “patay” na at basta hindi niya ito napapansin. Kaya huwag “mamatay” maaga sa iyong panahon.
Sumulong!
“Ikaw ay maging halimbawa,” payo ng isang nakatatandang lalaki sa isang batang kaibigan halos 2,000 taon na ang nakalipas, “sa pananalita, sa ugali, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-puri.” Ang nakatatandang ito, ang Kristiyanong si apostol Pablo, ay interesado sa kapakanan ni Timoteo. Sa pagiging isang mabuting halimbawa at sa paglayo sa “masasamang pita ng kabataan,” si Timoteo ay magiging isang tao na madaling unawain at tanggapin ng iba.—1 Timoteo 4:12; 2 Timoteo 2:22.
Lahat tayo—bata at matanda—ay maaaring matuto mula rito. Kung nais nating tayo’y tanggapin at unawain, hindi natin dapat hilingin ito batay sa “dapat mong tanggapin kung ano ako.” Dapat tayong handang gumawa ng positibong mga pagbabago sa personalidad at paggawi upang tayo ay tanggapin ng mga tao.
Kaya kung may mga pitak sa iyong buhay na laging pinagmumulan ng di-pagkakaunawaan sa mga nakatatanda—ang iyong pananamit o pag-aayos, ang iyong pinipiling mga kaibigan o paglilibang—sa paano man tapatang maging handang isaalang-alang ang mga mungkahi para sa pagbabago mula sa mga taong nakatatanda at may higit na karanasan kaysa sa iyo. Tutulong ito sa iyo na “pakinisin ang magaspang na mga dulo,” wika nga, at gagawin ka nitong isang tao na hindi mahirap mahalin at hangaan ng mga nakatatanda.
Pagkasumpong ng Tunay na Pag-unawa
Tiyak na may mga nakatatanda na nagmamalasakit sa iyo. Tanungin mo si Robert, isang binatilyo mula sa Pederal na Republika ng Alemanya. Sa isang liham sa Samahang Watchtower, isinulat noong siya ay isa pang tin-edyer, sabi niya: “Lumaki ako na nagkakaproblema sa lahat halos ng bagay na gawin ko. Ang tagal-tagal kong makatapos sa aking araling-bahay. Hindi ako makapagtuon ng isip. Wala akong mga kaibigan at wala akong tiwala sa aking mga magulang. Ako ay masuwayin at magulo. Minsan ay binalak kong magpakamatay. Pagkatapos ay nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova. Anong laking pagpapala! Natutuhan kong suriin ang aking sarili at ang iba nang may katapatan. Natuklasan ko ang pinakamagandang bagay—ang pag-ibig.
Sa iyong paghahanap ng pag-ibig at pag-unawa, maaaring maranasan mo ang mga kabiguan. Subalit huwag kang susuko. Ipagpatuloy mo ito, at makakasumpong ka ng tunay na mga kaibigan, oo, kahit sa gitna ng mga nakatatanda, lalo na sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Masusumpungan mo sila na tulad ng mga natatagong kayamanan na, bagaman sa simula’y hindi nakikita, ay numiningning nang numiningning minsang sila’y iyong makilala.
At gaya ng natuklasan ni Robert, ang pagkatuto tungkol sa Diyos na Jehova at ang pagpupunyaging mapanatili ang malapit na kaugnayan sa kaniya ay tunay na kapaki-pakinabang sa iyo. Kung ikaw ay hindi maunawaan ng mga tao, hindi ka mag-aatubiling “ilagak kay Jehova ang iyong pasanin” sa panalangin. Siya ay isang kaibigan na sa tuwina’y nakakaunawa. Di-gaya ng ibang mga tao na maaaring nakikilala mo, hinding-hindi siya lubhang abala upang pakinggan ang iyong mga suliranin, gaano man ito kaliit. Hindi niya ibibigay sa iyo ang nababahaging pansin. Hindi siya sasabad na may mahabang sermon. Higit sa lahat, siya ay tutugon. Ang kaniyang nakaaaliw na pangako ay na “siya mismo ang aalalay sa iyo.”—Awit 55:22.
[Mga larawan sa pahina 18, 19]
Maging handang makipag-usap . . . at mabilis makinig