Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 12/22 p. 15-16
  • Maiiwasan Mo Ba ang “Generation Gap”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maiiwasan Mo Ba ang “Generation Gap”?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit ang Agwat?
  • Kung Paano Aalisin ang Agwat
  • Saan Maaaring Magmula ang Tulong?
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Mga Magulang at Anak—Mag-usap Nang May Pag-ibig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga Magulang—Tulungan ang Inyong mga Anak na Mahalin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 12/22 p. 15-16

Maiiwasan Mo Ba ang “Generation Gap”?

ANG mga magulang sa buong daigdig ay nababahala sa isang kausuhan na nakikita nila sa kanilang mga anak. Habang ang mga ito ay lumalaki kadalasan na sila ay lumalayo sa mga magulang. Nagkakaroon ng tinatawag na “generation gap” o agwat sa pagitan ng mga magulang at mga anak na mahirap​—at sa ilang mga kaso ay imposible​—na tulayin. Marahil nakita mo na ang problemang ito at ikaw ay nabahala hinggil dito.

Bakit ang Agwat?

Walang alinlangan na sasang-ayon ka na ang mga magulang at ang mga anak ay basta hindi gaanong nag-uusap sa isa’t isa. Bakit? Sa isang obserbasyon na ginawa ng pamahalaang Haponés ang dahilan ay na samantalang ang mga bata ay gumugugol ng dalawang oras sa panunood ng telebisyon araw-araw, sila ay gumugugol lamang ng 25 minuto sa pakikipag-usap sa kanilang mga ama at 40 minuto sa kanilang mga ina.

Ang isa pang dahilan ay na sa maraming pamilya, dahilan sa mga kagipitan sa buhay, kapuwa ang ama at ina ay kailangang magtrabaho upang makaraos sa buhay. Ito’y nangangahulugan ng mas kaunting panahon na gugugulin na kasama ng kanilang mga anak. Bunga nito, ang mga magulang at ang mga bata ay nagiging mga estranghero bagaman nakatira sa iisang bahay. Kung minsan, kahit na gumawa pa ng pagsisikap na makipagtalastasan, para bang ito ay nauuwi sa maling direksiyon dahilan sa kakulangan ng pang-unawa. Gaya ng sinabi ng editoryal ng isang pahayagan, ang mga magulang ay karaniwan nang basta nag-uutos, gaya ng, “Mag-aral kang mabuti” o, “Panatilihin mong maayos ang ibabaw ng iyong desk.” Subalit, ito sa ganang sarili, ay hindi nagpapatibay sa isang tao ni inaalis man nito ang agwat sa pagitan ng mga magulang at mga anak.

Kung Paano Aalisin ang Agwat

Sa Canada ganito ang payo ng isang lalaki na nakapagpayo na sa maraming naliligalig na mga tin-edyer: “Ang pinakamabuting pakikitungo sa [mahiyaing mga tin-edyer] ay isang magulang na handang makinig, makinig, makinig.” Kahit na ang Bibliya ay nagpapayo na maging “mabilis tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita, mabagal tungkol sa pagkagalit.” (Santiago 1:19) Kadalasan ang isang magulang ay nagkakamali sa pamamagitan ng hindi pagpansin sa kaniyang anak at payamot na sinasabi, “Tumahimik ka!” o, “Inaabala mo ako!” Kung inaakala ng bata na siya’y patatahimikin sa tuwing sisikapin niyang magsalita, unti-unting hindi na siya lalapit sa kaniyang mga magulang. Malamang na magkaroon ng agwat sa pakikipagtalastasan.

Sa kabilang dako, marahil may ilang proyekto na maaaring planuhin at gawin na sama-sama bilang isang pamilya, gaya ng mga pagkukumpuni sa bahay, pag-aayos ng isang silid, pagpintura sa isang napabayaang lugar, o pagbubungkal sa mga halaman sa bakuran. Hindi na kinakailangang maghintay hanggang sa mayroong napakalaking proyektong dapat gawin. Kadalasan maaaring ito’y isang bagay na kasinsimple ng pagluluto na kasama ng ina o pagkukumpuni ng isang sirang kagamitan na kasama ng ama. Ang mahalaga ay na kung ano ang ginagawa ay nagsasangkot kapuwa sa mga magulang at mga anak. Ito, sa gayon, ay lumilikha ng isang kapaligiran sa pag-uusap. Subalit mag-ingat na huwag labis na pintasan ang gawa ng iyong anak o umasa nang labis sa kanila.

Mangyari pa, baka mas piliin ng isang bata ang makipaglaro sa kaniyang mga kaibigan na kaedad niya, subalit dito kinakailangang magsakripisyo ang bata upang maalis o maiwasan ang “generation gap.” Ang mga magulang din ay dapat na handang ibigay ang ilan sa kanilang panahon. Ito’y maaaring mangahulugan ng isang sakripisyo, gayunman ito ay mas mahalaga kaysa anumang materyal na bagay na maaaring ibigay ng isang magulang sa kaniyang anak.

Saan Maaaring Magmula ang Tulong?

Yamang ang maagang bahagi ng buhay ng bata ay halos ginugugol na lahat na kasama ng kaniyang mga magulang, tiyak na hindi mo nanaising sayangin ang mahalagang nahuhubog na mga taóng ito.

Gayunman, baka inaakala mo na hindi mo alam kung paano at kung ano ang ituturo sa iyong mga anak. Nasumpungan ng maraming mga magulang na ang Bibliya ang pinagmumulan ng pinakamahusay na instruksiyon na nakilala ng tao. Ginagamit ang Bibliya, maaari mong tulungan ang iyong anak na magkaroon ng mataas na mga simulaing moral, ng kasipagan, pagpipigil-sa-sarili, paggalang sa awtoridad, at marami pang ibang mabubuting katangian. Sa ngayon, natalos ng angaw-angaw na mga magulang sa buong lupa na sumusunod sa Bibliya sa pagsasanay ng kanilang mga anak ang katotohanan ng Kawikaan 22:6, na nagsasabi: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan ito.”

Subalit paano maipababatid ng mga magulang sa kanilang mga anak ang Bibliya? Samantalang ang mga anak ay bata pa, napakadaling bumasa ng mga bagay na sama-sama, gaya ng Bibliya. Ang panahong ginugugol sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang, sapagkat ang mga bata ay nagsisimulang magsalita nang malaya, sa gayo’y nagkakaroon ng pagtitiwala at kompiyansiya sa isa’t isa.

Naiibigan ng mga bata ang mga kuwento. Ang Bibliya ay punô nito. Isang ekselenteng publikasyon na maaaring tumulong sa mga magulang at mga bata na magkaroon ng kabatiran sa Bibliya ay Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society, New York, Inc. Taglay ang maraming malaki, makulay na mga ilustrasyon, sinasaklaw ng aklat ng ito sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod ang pangunahing mga pangyayaring iniulat sa Bibliya.

Isa pang mahusay na edukasyonal na pantulong na ipinamahagi ng mga Saksi ni Jehova ay ang aklat na pinamagatang Pakikinig sa Dakilang Guro. Ito ay mayroong 46 na maiikling kabanata na idinisenyo upang basahin na kasama ng mga bata, tinuturuan ang mga kabataan ng mahahalagang mga simulain na tutulong sa kanila sa buhay. Narito ang ilan lamang sa mga kabanata: “Isang Pag-iingat sa Iyo ang Pagsunod,” “Dalawang Tao na Nagsinungaling,” at “Higit na Kaligayahan sa Pagbibigay.” Ang pagtalakay sa materyal na ito kasama ng iyong mga anak ay tutulong sa iyo, gayundin sa iyong mga anak na maunawaan nang mas mabuti ang mga turo ng Bibliya.

Marahil ang iyong mga anak ay mga tin-edyer. Kung gayon, ang aklat na Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito ay maaaring maging isang kamangha-manghang tulong sa iyo bilang isang magulang na ipakipag-usap sa iyong mga anak na tin-edyer. Makatotohanang tinatalakay ng aklat na ito ang mga suliranin ng mga nagbibinata at nagdadalaga. Isaalang-alang ang mga kabanatang ito: “Ang Pagbibinata,” “Ang Pagdadalaga,” “Anong Uri ng mga Kaibigan ang Hinahangad Mo?” at “Ano ang Hangad Mo sa Buhay?”

Hindi namin sinasabi na ang basta pagbabasa ng gayong mga aklat ang kasagutan. Subalit ito ay isang pasimula sa tamang direksiyon. Makatitiyak ang mga magulang na sila ay gumagawa ng isang mabuting pagsisikap. (Efeso 6:4) Ang wakas na resulta ay isang pamilya na higit na nagkakaisa na may magandang pag-asa sa hinaharap kapuwa sa mga magulang at mga anak. Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tumulong sa inyo na simulan ang gayong programa sa inyong tahanan.​—Juan 17:3.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share