Pag-aninag sa Daigdig ng Artipisyal na mga Mata
HABANG ang saranggola ay pumapailanglang sa himpapawid, ito ay taás-babâ na parang maliit na bangka sa tubig. Walang anu-ano, tinangay ng isang bugsô ng hangin ang saranggola! Subalit sa halip na ihagis ito paitaas, pinabagsak ito ng bugsô ng hangin—tangay-tangay ang isang alambre doon mismo sa mata ng nagsasaranggola. Ang tagumpay ay nauwi sa isang malungkot na sakuna, at ang kaliwang mata ng walong-taóng-gulang na batang lalaki ay nabulag.
Isang 20-anyos na babae ang nakaupo at pinaglalabanan ang takot at nerbiyos samantalang pinakikinggan niya ang mahinahong paliwanag ng kaniyang doktor na ang isa sa kaniyang mga mata ay sirâ, dahil sa trauma o matinding emosyonal na kaigtingan, at na ang kapuwa mga mata ay maaaring mabulag kung hindi maaalis karakaraka ang sirang mata.
Isang batang babae ay bulag ang isang mata. Siya ay lumaki na mahiyain at walang-kibo. Alam niya na ang kaniyang mga mata ay hindi magkatugma na gaya ng mga mata ng halos lahat, at talos din niya na alam ito ng ibang mga bata.
Kapag ang Isang “Bintana” ay Nagsará
Ang mga mata ay tinatawag na mga bintana natin sa daigdig. Ang pagsasará ng kahit na isa sa pagkabulag ay isang traumatikong karanasan. Subalit para sa marami, ito ay nangangahulugan ng aktuwal na pagkawala pati na ng mata. Sa Estados Unidos lamang daan-daang libong mga tao ang gumagamit ng isang ocular prosthesis—isang artipisyal na mata.
Ang bawat indibiduwal na nabanggit sa itaas ay mayroong artipisyal na mata. Ang unang dalawang nabanggit ay sa wakas kapuwa nawalan ng isang mata. Ang ikatlo, bagaman mayroong dalawang mata, ngayon ay gumagamit ng isang napakanipis na artipisyal na mata na tinatawag na scleral shell. Ang uring ito ng artipisyal na mata ay pantanging ginawa sa kadahilanang kosmetiko at terapeutiko at inilalagay sa ibabaw ng bulag na mata bilang takip na pananggalang.
Artipisyal na mga mata—para sa karamihan sa atin ang mga ito ay isang misteryo. Naisip mo na ba kung ano ang hitsura nito, o kung paano ito napananatili sa lugar at kumikilos? Ang pagkakita ba sa pamamagitan ng isang mata ay katulad ng pagkakita sa pamamagitan ng dalawang mata? Para sa mga kasagutan, ating suriin ang bihirang-pag-usapang daigdig ng artipisyal na mga mata, simulan natin kapag ang isang mata ay mabulag.
Isang Mata para sa Isang Mata
Kapag ang isang mata ay inalis, ang laki, o puwang, na pinanggalingan nito ay kailangang punán. Kaya isang maliit na kahalili (implant) ay idinisenyo upang gawin ito. Sa ngayon, ang pamantayang uri ng kahalili na ginagamit ay isang bilog, buo o solidong plastik. Minsang maipasok sa hungkag na saket, ito ay tinatakpan ng himaymay ng laman na saket. Sa gayon ang kahalili ay gumaganap bilang isang huwad na mata, pinupunan ang bakanteng lugar kung saan inalis ang tunay na mata. Sa dakong huli, ang artipisyal na mata ay ilalagay sa ibabaw ng kahalili na parang isang contact lens sa ibabaw ng nakakakitang mata. At ang normal na pagkilos ng mata at ang mga kalamnan na nakatakip ang magpapakilos sa kahalili/mata.
Gayunman, ang mga kahalili ay naiiba o di-kilala ng katawan ng tao at samakatuwid ay may posibilidad na ito ay tanggihan. Ipagpalagay nang magtagumpay ang katawan—marahil pagkalipas ng mga ilang buwan o kahit na mga ilang taon—sa pagtanggi sa kahalili? Ano ngayon?
Isang Kahalili para sa Isang Kahalili
May mga ilang mapagpipilian. Maaaring subukan mo ang paglalagay ng isa pang kahalili o pabayaan na lamang hungkag ang saket. O maaari ka ring tumanggap ng isang mapagpipiliang uri ng operasyon na kilala bilang dermal fat graft. Sa Estados Unidos, karamihan ng mga dalubhasa sa larangan ng ocuplastic surgery ay sinanay upang gawin ang pamamaraang ito. Tinanong ng Awake! ang isa sa kanila, si Dr. Frank H. Christensen, upang ipaliwanag sa maikli ang higit pa tungkol sa pambihirang operasyon na ito.a
Ano ba ang isang dermal fat graft?
Ito ay isang bilog na pamasak na balat (dermis) at pati na ang taba ng katawan na tuwirang idinidikit sa balat na iyan. Ito ay hugis-kopa at halos kasinlaki ng isang tapon sa bote ng alak. Gayunman, sa ibang uri ng operasyong ito ang ginagamit ay kartilago o buto sa halip na taba ng katawan.
Bakit ang dermal fat graft ang ginagamit sa lugar ng isang kahalili?
Kung tinatanggihan ng katawan ang ibang materyal, waring makatuwiran na halinhan ito ng isa na likas na nakikilala ng katawan—ang sarili nitong buháy na himaymay. Ito ay mas malapit sa pisyolohikong pamamaraan.
Maaari bang tanggihan ng katawan ang dermal fat graft na gaya ng isang kahalili?
Ang mga kahalili ay waring tinatanggihan sapagkat ang mga ito ay hindi kilala ng katawan. Karaniwan na, ang dermal fat graft ay hindi tinatanggihan.
Bakit hindi unang ginamit ang paraang ito sa halip na ang pamantayang paraan?
Sapagkat nais naming isagawa ang operasyon na nasubok na sa loob ng 30 taon at na gumagana sa karamihan ng mga kaso. At ang pamantayang pamamaraan ay mayroon nang hindi kukulanging 80-porsiyentong tagumpay at sa 20 porsiyento na hindi matagumpay ay ang mapagpipilian na gaya ng dermal fat graft.
Anumang pamamaraan ang gamitin, mga apat hanggang anim na linggo pagkaraan ng operasyon, ang pasyente ay handa na sa isang artipisyal na mata. Kaya magtungo tayo sa tanggapan ng gumagawa ng mata at masdan natin siyang gumawa ng . . .
Katulad na Mata
Optalmólogó, optómetrá, óptikó, okulista—maaaring pamilyar ka sa mga terminong ito. Subalit kumusta naman ang okularista o ocularist? Ang isang okularista ay isang tao na gumagawa at nagsusukat ng pasadyang ocular prosthesis—artipisyal na mga mata.
Sa Estados Unidos ang kaniyang pagsasanay ay sa pamamagitan ng pag-aaprendis, pagtatrabaho na kasama ng isang dalubhasang okularista sa loob ng limang taon. Subalit upang maging karapat-dapat sa sertipikasyon ng National Examining Board of Ocularist, dapat din niyang sundin ang edukasyonal na sistema ng ASO (American Society of Ocularist). Kasama rito ang muling-sertipikasyon tuwing ikaanim na taon. Hanggang sa pagsulat na ito, sa humigit-kumulang na 200 mga okularista na nagsasagawa ng kanilang propesyon sa Estados Unidos, wala pang kalahati ang sertipikado ng Board.
Kasali sa ASO na sistema ng edukasyon ang sapilitang pagdalo sa mga lektyur na ibinibigay ng mga optalmologo (yaong mga espesyalista sa paggamot ng mga sakit sa mata) at mga okularista sa layunin na pagpapalitan ng mga impormasyon hinggil sa pinakabagong mga paraan at pamamaraan na ginagamit ng kapuwa mga propesyon. Papaano nakikinabang dito ang pasyente?
Ipagpalagay nang inaakala ng seruhano na kusang iwawasto ng artipisyal na mata ang ilang suliraning kosmetiko o pangkagandahan, gaya ng luyloy na mga talukap ng mata. Gayunman, baka ang suliraning ito ay kailangang iwasto sa pamamagitan ng operasyon sa halip na ng isang okularista, na magsusukat ng artipisyal na mata sa dakong huli. Maaaring tiyakin ito ng pagsangguni sa pagitan ng dalawang propesyonal sa larangang ito at lutasin ang iba pang problema. Ang tunguhin ng ASO ay na sa pamamagitan ng pag-unawa sa kanilang mga bahaging ginagampanan may kaugnayan sa isa’t isa, ang mas malapit na pakikipagtulungan ng seruhano/okularista ay maaaring magbigay sa pasyente ng mas mabuting kosmetikong resulta.
Subalit ang ilan na gumagamit ng artipisyal na mata ay hindi kailanman nagtungo sa isang okularista. Paano nangyari iyon? Ang ibang óptikó (gumagawa o nagbibili ng mga produkto para sa mata) at mga optómetrá (sumusuri sa mga mata at nagririseta ng mga lente) ay maaaring magsukat sa isang tao ng isang “stock” na mata—isang maramihang-gawa, yari nang mata. Hindi sila maaaring gumawa ng isang artipisyal na mata subalit mayroon silang limitadong kurso sa pagsusukat ng yari nang mga mata.
Ikaw ba, gaya ng karamihan, ay nag-aakala na lahat ng artipisyal na mata ay yari sa salamin? Totoo iyan noong minsan. Ang mga ito ay yari na lahat sa isang pantanging malambot na salamin na ginagawa lamang sa Lauscha/Thüringen, Alemanya. Subalit noong Digmaang Pandaigdig II, ang panustos na iyan ng salamin ay naputol. Bunga nito, isang mapagpipiliang materyal sa paggawa ng mata ang nagawa—isang plastik (methyl methacrylate). Ang akrilikong plastik ay napatunayang matagumpay anupa’t sa ngayon wala pang 1 porsiyento ng lahat ng mga pasyente ang gumagamit ng mga matang salamin.
Subalit nais mong malaman kung paano ginagawa ang katulad na mga mata. Sumama ka sa amin samantalang sinasagot ni Mr. Edwin R. Johnston, isang sertipikado ng Board na okularista, ang ilang mga katanungan. (Tingnan din ang kahon sa pahina 16 para sa maikling paglalarawan ng kung paano ginagawa ang isang artipisyal na mata.)
Ano ang napansin mo na kapuna-puna sa iyong mga pasyente nang una silang dumating?
Kadalasan nang sila’y takot na takot. Inaakala nila na ooperahin na naman sila at na ito ay magiging masakit. Ipinakikita namin sa kanila kung ano ang hitsura ng isang artipisyal na mata at ipinaaalam namin sa kanila na hindi sila masasaktan. Sinisikap naming ikintal sa kanilang isipan na ang anumang nangyari—ang aksidente, ang pinsala, ang sakit, ang tumor—ay wala na. Ibabalik namin sa kanila ang kanilang natural na hitsura.
Ang pagkawala ba ng isang mata ay itinuturing na isang pagkainutil?
Ang pagkawala ng isang mata ay isang pagkainutil, subalit hindi ito ganap na pagkainutil. Kung talagang nais ng isang tao, magagawa pa rin niya ang halos lahat ng bagay na ginagawa niya noon.
Bakit ang isang artipisyal na mata ay mas madaling mahalata sa ilang kaso kaysa sa iba?
Una sa lahat, ito ay may kaugnayan sa dahilan ng pag-alis sa mata. Ito ba’y dahilan sa isang pinsala, at gaano ito kagrabe? Maaari ring may kaugnayan ito sa kung sino ang gumamot na doktor. Maaari ring may kaugnayan ito sa kung sino ang sumukat ng mata o kung sino ang okularista.
Paano mo nalalaman kung ano ang laki ng matang gagawin?
Sa karamihan ng mga kaso isang impresyon o bakas ang kinukuha sa saket ng mata sa pamamagitan ng kahalili nito at pagkatapos ay isang molde ang inihahanda.
Kahawig ba ito sa kinukuhang impresyon o bakas ng isang dentista sa iyong mga gilagid sa paggawa ng pustiso?
Oo. At may ilang mahusay na mga paraan sa pagkuha ng bakas upang magkaroon ka ng higit na pagkilos ng mata.
Kaya sa pamamagitan ng modernong mga pagsulong, ang pasyente ay nagtitinging buo na naman paglabas niya sa tanggapan ng okularista. Subalit mayroon pa siyang mga hamon na haharapin bago siya maaaring kumilos na gaya ng dati. Kaya, kung gayon, ano ba ang katulad ng pagkakita sa daigdig . . .
Mula sa Paningin ng Isang Mata?
Sa isang salita—patag o plat. Ngunit bakit gayon yamang nakakakita pa naman ang isang mata? Ang pagkawala ng isang mata ay nangangahulugan din ng pagkawala ng kabatiran ng lalim (depth)—ang kakayahan na hatulan ang laki ng mga bagay at ang kanilang layo sa iyo. Ang kabatiran ng lalim ay normal na natatamo sa pamamagitan ng dalawang mata na nakakakita sa iisang bagay mula sa dalawang bahagyang magkaibang anggulo. Sa ganitong paraan nakikita ng mga tao ang mga bagay sa tatlong dimensiyon. Nakikita pa rin ng isang tao na isang mata lamang ang gumagana ang bagay subalit sa dalawang dimensiyon lamang. Sa gayon, angkop na inilalarawan ng aklat na A Singular View na nakikita ng taong isang mata lamang ang gumagana ang mga bagay na gaya ng “isang patag na tanawin, gaya ng isang ordinaryong larawan.”
Gayunman, ang tatlong-dimensiyonal na paningin ay maaaring matamo-muli. Ang kabatiran ng lalim ay maaaring gawin sa pamamagitan ng marahang pagkilos ng nakakakitang mata, ng ulo, o ng posisyon ng katawan upang masdan ang isang bagay mula sa dalawang magkaibang anggulo. Subalit ito ay nangangailangan ng panahon, pagsasanay, at pagtitiyagang matuto.
Sa kaso ng batang lalaki na nabanggit sa simula, siya ay napakabata pa anupa’t kaagad siyang nakabagay at lumaki siyang talagang hindi nalalaman kung ano ang pagkakaroon ng normal na kabatiran ng lalim. At paglipas ng mga taon, ang pagkatutong magmaneho ng isang kotse ay hindi problema sa kaniya.
Subalit para sa 20-anyos na babae, ang kawalan ng kabatiran ng lalim ay isang malaking hamon. Halimbawa, siya ay nagmamaneho na ng kotse sa loob ng maraming taon nang biglang kailanganin niya na pag-aralang muli ang kasanayang ito, gumagamit ng isang bagong set ng “mga alituntunin.”
Bagaman ang pagkatuto na makakita sa pamamagitan ng isang mata ay maaaring matagumpay na makamit sa paglipas ng panahon, paano maaaring gawing mas madali ang pakikibagay na iyan?
Ang Pagtawa ay Maaaring Maging Tagapagligtas-Buhay
Ang kakayanang tawanan ang iyong sarili at huwag maging labis na seryoso ay tutulong sa pasyente na makayanan ang maraming nakahihiyang mga sandali. Hindi ito sinasabi upang ang problema ay gawing isang bagay na magaang, katawa-tawa. Hindi, ang pasyente ay nangangailangan ng pakikiramay. Subalit ang awa—mula sa kaniyang sarili o sa sinuman—ay maaaring maging higit na nakapipinsala sa kaniya sa saykolohikal na paraan kaysa pagkawala ng mata.
Halimbawa, yamang wala siyang kabatiran ng lalim maaaring magkaroon siya ng nakasisiphayong karanasan sa paghawak ng isang bote ng gatas, pagtingin mismo sa baso, pagbubuhos, hindi sa baso at natapon na lahat! Subalit hindi maaaring gugulin ng pasyente ang natitirang bahagi ng buhay niya sa kaiiyak sa mga bagay na hindi niya magawa, kaya natututo siyang tawanan ito. At hanggang magkaroon ng pagsulong, naibubuhos na niya ito sa sisidlan sa pamamagitan ng paghipo sa bibig ng baso.
Nagkakaroon din ng problema kapag nakikipagkamay ang pasyente o inaabot ang sukli sa isang bagay na binili. Hindi natitiyak ng bagong pasyente kung saan naroon ang bagay! Ang problemang ito ay maaaring mapagtagumpayan kung ilalahad na una ng pasyente ang kaniyang kamay at hahayaang ilagay dito ng ibang tao ang bagay. Kung pera ang pinag-uusapan ang paraang iyan ay maaaring magtinging sakim, subalit ito ay mas mabuti kaysa paghablot sa pera ng ilang ulit, sumasala ka, at sa wakas ay nilalamukos ito at ang kamay ng tao!
‘Kung Nalaman Ko sana Noon ang Nalalaman Ko Ngayon!’
Nasabi mo na ba iyan tungkol sa isang bagay pagkatapos na matutuhan mo ito sa mahirap na paraan? Para sa isang bagong pasyente na isang mata lamang ang nakakakita, maraming mga katanungan at mga pangamba. Subalit sino ang pumapayapa sa mga pangambang iyon o nagpapaliwanag kung paano matututuhang muli ang paggawa ng pang-araw-araw na mga bagay sa buhay? Kadalasan na, wala. Maraming pasyente ang natututo sa mahirap na paraan.
Sa kaso ng batang lalaki na nakilala natin kanina, ang kaniyang kalagayan ay nakaapekto sa kaniya sa isang paraan. Nagugunita niya: “Yamang napakabata ko pa noon, hindi ko talaga pinag-isipan nang husto ang tungkol sa kinabukasan. Nag-aalala lamang ako kung gaano kahusay ang magagawa ko.”
Sa kabaligtaran, natatandaan ng 20-anyos na babae ang kaniyang mga pangamba. “Naglitawan ang mga katanungan sa aking isipan: ‘Ano kaya ang magiging hitsura ko? Makapagmamaneho pa kaya ako ng kotse? Magiging aktibo pa kaya ako sa pisikal na paraan? Mapapansin kaya ng sinuman na ako ay gumagamit ng isang artipisyal na mata? Mayroon kayang magkakagustong pakasalan ako?’”
Sa kapuwa mga kaso, walang nagpaliwanag sa kanila kung ano ang aasahan o kung paano ito pakikitunguhan. Gayunman, sa kabutihang palad, ang mga pangamba at pakikibagay ng mga pasyenteng isang mata lamang ang nakakakita ay iba pang mga pitak na pinakikitunguhan ng ASO sa nakalipas na mga taon. Ang mga membro ng samahan ay hindi lamang nakaririnig ng mga lektyur hinggil sa pagpapabuti ng medikal at kosmetikong mga pamamaraan kundi tumatanggap din ng praktikal na mga impormasyon tungkol sa kanilang bahagi sa paghahanda sa pasyente sa bagong kalagayan.
Kapag Nagbukas na Muli ang “mga Bintana”
Bagaman kahanga-hangang mga pagsulong ang nagawa na sa pagpapabuti ng buhay para sa mga pasyenteng isang mata lamang ang nakakakita, walang sinuman ang nakaalis sa pagkabulag. Gayunman iyan mismo ang sinasabi ng Bibliya na mangyayari sa malapit na hinaharap. Itinatala nito ang mga ulat tungkol sa mga bulag na pinagaling. (Mateo 15:30, 31; Juan 9:1-6) Pinatutunayan ng mga ulat na iyon na ang pangako ng Diyos na Jehova na isauli ang paningin sa lahat ng bulag na mga mata ay kapani-paniwala. Nariyan ang mga katotohanan upang patunayan ang kaniyang mga salita. (Isaias 55:10, 11) Tinutukoy ang araw na iyan kapag ang “mga bintana” ay magbukas na muli, ang Isaias 35:5 ay nagsasabi: “Sa panahong iyon madidilat ang mata ng bulag.”
Hindi pa dumarating ang “panahong iyon,” kaya kinakailangan ang ‘mga mata ng pananampalataya’ upang makita iyan ngayon. Subalit yamang ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling, ang “paningin” na iyan ay hindi salig sa bulag na pananampalataya.—Tito 1:2.
[Talababa]
a Ang Gumising! ay hindi nagmumungkahi ng anumang paggamot o nagbibigay ng medikal na payo sa bagay na ito. Ang aming layunin ay basta iulat ang kilalang propesyonal na mga pamamaraan.
[Kahon/Dayagram sa pahina 16]
Kung Paano Ginagawa ang Isang Artipisyal na Mata
(Ang mga paraan ay maaaring iba-iba sa isang okularista sa iba pa)
(1) Isang impresyon o bakas sa ibabaw ng kahalili (o graft) ay kinukuha. Una, isang malinaw na plastic shell na gaya ng isang malaking contact lens ang inilalagay sa ibabaw ng kahalili. Susunod, isang puti, madikit na bagay na tinatawag na alginate ay iniiniksiyon sa likuran ng plastic shell, binabakas ang hugis ng kahalili (A). Isang moldeng bato ang ginagawa mula sa bakas na ito. Pagkatapos isang madilim na bilog na sinlaki ng iris ng mata ay inilalagay sa gitna ng bagong mata, ipinakikita ang puwesto ng iris. Ang molde at ang bakas ay inilalagay sa isang metal flask at niluluto (iniinit sa ilalim ng matinding presyon) (B). Ang mata ay lumilitaw na isang maputi, malukong na plastic shell (C). Ngayong ang pasyente ay nakaupo roon mismo, nagsisimula ang pagpinta sa mata.
(2) Ang sclera, o puti ng mata, ay kinukulayan, yamang ang tunay na sclera ay tila maasul-asul o manilaw-nilaw. Ang iris ay pinipintahan—pati na ng maliliit na batik, mga marka, o iba pang mga detalye—upang matumbasan ang tunay na mata (D).
(3) Ang “mga ugat” ay napakaliit, pulang sedang mga sinulid. Ang mga ito ay inihuhulog sa puti ng mata at pinipili-pilipit sa palibot hanggang sa magkaroon ng halos magkasindami at magkatulad na mga ugat sa tunay na mata (E).
(4) Ang balintataw ay isang maitim na dultok na ginupit mula sa isang piraso ng polyvinyl chloride sa pamamagitan ng isang kagamitan na kahawig ng isang pambutas ng papel. Ang laki ay ayon sa edad ng pasyente at kung paano tumutugon sa liwanag ang tunay na balintataw. Pagkatapos ang mata ay iniinit, pinakikintab, at minsan pang isinusukat.
Mula sa pagkuha ng bakas hanggang sa matapos, ang paggawa ng mata ay kumukuha ng mga walong oras. Paano nananatili ang mata sa saket? Ito ay ipinapasok, gaya ng isang contact lens sa ibabaw ng mata, at saka marahang idiniriin, upang kumapit ito nang mahigpit. Kumakapit ito nang mahigpit; hindi ito natatanggal ng pisikal na gawain o pagkilos. Gayunman madali at hindi masakit na maaalis ito sa pamamagitan ng dalawang daliri.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
A
Plastic Shell
Alginate
Kahalili
B
Metal Flask
Moldeng Bato
Cutaway view ng mata na iniinit sa metal flask
C D E
Harap
Likod
[Dayagram sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang artipisyal na mata na nakalagay sa ibabaw ng kahalili
Mata
Laman
Kahalili