Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwbq artikulo 149
  • Ano ang Ibig Sabihin ng “Mata Para sa Mata”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Ibig Sabihin ng “Mata Para sa Mata”?
  • Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang sagot ng Bibliya
  • Para saan ang utos na “mata para sa mata”?
  • Dapat bang sundin ng mga Kristiyano ang “mata para sa mata”?
  • Mga maling akala tungkol sa utos na “mata para sa mata”
  • Ang Mata Mo Ba ay “Simple”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Matalinong Payo Para sa Mata
    Gumising!—2012
  • Mata, Paningin
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pag-aninag sa Daigdig ng Artipisyal na mga Mata
    Gumising!—1987
Iba Pa
Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
ijwbq artikulo 149
Mata ng isang lalaki

Ano ang Ibig Sabihin ng “Mata Para sa Mata”?

Ang sagot ng Bibliya

Ang utos na “mata para sa mata” ay bahagi ng Kautusan ng Diyos na ibinigay ni Moises sa Israel noon, na sinipi naman ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mateo 5:38; Exodo 21:24, 25; Deuteronomio 19:21) Ibig sabihin, kapag nagpaparusa sa mga nakagawa ng kasalanan, ang parusa ay dapat na katumbas ng krimeng ginawa.a

Ang utos na ito ay para sa sadyang pananakit o pamiminsala sa ibang tao. May kinalaman sa nagkasala nang sinasadya, ganito ang sinasabi ng Kautusang Mosaiko: “Bali para sa bali, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin; ang katulad na uri ng kapintasan na pinangyari niya sa taong iyon, gayundin ang pangyayarihin sa kaniya.”—Levitico 24:20.

  • Para saan ang utos na “mata para sa mata”?

  • Dapat bang sundin ng mga Kristiyano ang “mata para sa mata”?

  • Mga maling akala tungkol sa utos na “mata para sa mata”

  • Itinuwid ni Jesus ang isang maling ideya

Para saan ang utos na “mata para sa mata”?

Ang utos na “mata para sa mata” ay hindi nagpapahintulot sa isa na maghiganti. Sa halip, tinulungan nito ang inatasang mga hukom noon na magpataw ng angkop na parusa—hindi napakalupit at hindi rin napakaluwag.

Hinahadlangan din ng utos na ito ang sinuman na sadyain o planuhing saktan ang iba. Ayon sa Kautusan, ang mga nakasaksi sa paglalapat ng katarungan ng Diyos ay “matatakot, at hindi na sila muling gagawa ng anumang kasamaang tulad nito sa gitna mo.”—Deuteronomio 19:20.

Dapat bang sundin ng mga Kristiyano ang “mata para sa mata”?

Hindi, wala nang bisa ang utos na ito sa mga Kristiyano. Bahagi ito ng Kautusang Mosaiko, na pinawalang-bisa ng sakripisyong kamatayan ni Jesus.—Roma 10:4.

Pero makikita sa utos na ito kung paano mag-isip ang Diyos. Halimbawa, ipinapakita nito na pinapahalagahan ng Diyos ang katarungan. (Awit 89:14) Ipinapakita rin nito ang pamantayan niya ng katarungan—na ang mga nagkakasala ay dapat parusahan sa “wastong antas.”—Jeremias 30:11.

Mga maling akala tungkol sa utos na “mata para sa mata”

Maling akala: Ang utos na “mata para sa mata” ay masyadong malupit.

Ang totoo: Hindi pinahihintulutan ng utos ang malupit na paglalapat ng katarungan. Sa halip, kung susundin nang tama, magpapataw lang ang mga hukom ng parusa para sa isang kasalanan pagkatapos nilang isaalang-alang ang mga kalagayang nasasangkot at kung sinasadya ba ito o hindi. (Exodo 21:28-30; Bilang 35:22-25) Kaya ang utos na “mata para sa mata” ay nagsilbing pamigil sa labis na pagpaparusa.

Maling akala: Ang utos na “mata para sa mata” ay nagpapahintulot sa walang-katapusang gantihan.

Ang totoo: Sinabi mismo ng Kautusang Mosaiko: “Huwag kang maghihiganti ni magkikimkim ng sama ng loob laban sa mga anak ng iyong bayan.” (Levitico 19:18) Sa halip na himukin ang mga tao na maghiganti, tinulungan ng Kautusan ang bayan na magtiwala sa Diyos at sa sistema ng batas na ginawa niya para magtuwid ng anumang mali.—Deuteronomio 32:35.

Itinuwid ni Jesus ang isang maling ideya

Alam ni Jesus na mali ang intindi ng iba sa utos na “mata para sa mata.” Itinuwid niya sila nang sabihin niya: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Huwag mong labanan siya na balakyot; kundi sinumang sumampal sa iyo sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila.”—Mateo 5:38, 39.

Pansining sinabi ni Jesus na “narinig ninyo na sinabi.” Maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang sinasabi ng ilang Judiong lider ng relihiyon na nagtuturong gumanti. Ganito ang sabi ng iskolar ng Bibliya na si Adam Clarke: “Lumilitaw na ginamit ng mga Judio ang batas na ito [mata para sa mata, ngipin para sa ngipin] bilang basehan para pahintulutan ang pagkikimkim ng galit at paggawa ng anumang kalabisan sa layuning maghiganti.” Dahil sa pagtuturong maghiganti, pinilipit ng mga relihiyosong lider na iyon ang layunin ng Kautusan ng Diyos.—Marcos 7:13.

Sa kabaligtaran, idiniin ni Jesus na pag-ibig ang pinakadiwa ng Kautusan ng Diyos. Sinabi niya: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos . . .’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan.” (Mateo 22:37-40) Itinuro ni Jesus na pag-ibig, hindi paghihiganti, ang magiging pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na mga tagasunod.—Juan 13:34, 35.

a Ang simulaing ito, na minsan ay tinutukoy gamit ang terminong Latin na lex talionis, ay makikita rin sa sistema ng batas ng ibang sinaunang lipunan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share