Kanser—Paano Ka Makapagpapatibay-Loob?
“Sa paggagamot ng doktor kailangang magpakita siya ng empatiya at tulungan ang pasyente na maunawaan ang kaniyang karamdaman.”—Holistic Medicine.
ANG pag-aalaga sa mga pasyenteng may kanser ay isang malaking hamon, lalo na sa medikal na mga kawani na tuwirang nakikitungo sa pasyente. Para ba silang naiipit sa dalawang mahirap na mapagpipilian—ang pangangailangan na magpakita ng empatiya at magbigay ng pag-asa at kasabay nito’y ang pangangailangang iwasan ang makatuwiran at sentimental na paglapit sa maysakit. Ano ang ibig sabihin nito?
Hindi maaaring ipahintulot ng mga doktor at mga narses na laging nakikitungo sa mga pasyenteng may kanser ang kanilang mga sarili na magdusa sa bawat pasyente, kung hindi magkakaroon ng maraming emosyonal na patáng-patâ. Tinanong ng Gumising! ang isang dating parmaseutiko sa ospital tungkol sa salik na ito. Sabi niya: “Kailangan kong makitungo sa lahat ng uri ng mga doktor at mga espesyalista sa ospital. Yaong mga laging para bang nalulumbay o nanlulumo ay ang mga espesyalista sa kanser.”
Kasabay nito, ang medikal na mga kawani ay hindi maaaring basta walang damdamin at malayo, sapagkat ang mga pasyente ay tumitingin sa kanila para sa pag-asa. Gaya ng isinulat ni Maurice Finkel sa Fresh Hope in Cancer: “Higit sa lahat, ang kinakailangan ng pasyenteng may kanser ay pag-asa. Ang pag-asa ay nagbibigay sa kaniya ng lakas na paglabanan ang kaniyang karamdaman—kahit na kung ang kaniyang mga pagpupunyagi ay mabigo. . . . Ang humihinto ay laging namamatay, ang nakikipagbaka ay may tsansa na mabuhay.”
Ang bahaging ginagampanan ng doktor ay delikado, parang lumalakad sa alambre. Kailangan niyang sukatin kung gaano karaming impormasyon tungkol sa karamdaman ang tutulong sa pasyente na paglabanan ito. Kung labis-labis ang sasabihin niya, ang pasyente kaya ay mahulog na muli sa pagkatalo? Ang mga salik na ito ay iba-iba sa bawat kultura.
Kinapanayam ng Gumising! si Tomoyoshi Hirano mula sa Hapón na kamakailan ay namatayan ng kaniyang mga biyenan dahilan sa kanser. Paliwanag niya: “Ang aming kulturang Haponés ay wari bang hindi ipinahahayag ang di-kaaya-ayang mga bagay. Hindi sasabihin ng doktor sa aking biyenang lalaki na mayroon siyang kanser. Sa katunayan, hindi pa nga niya sasabihin sa mga anak na babae. Sa akin niya lamang sasabihin, isang ‘tagalabas,’ ang masakit na mga katotohanan tungkol sa karamdaman. Ako ang ipinalalagay na gagawa ng lahat ng mga disisyon nang hindi ipinaaalam sa aking asawa o sa kaniyang ama. Gayunman, inaakala ko na bilang isang Kristiyano, tungkulin ko na sabihin ang katotohanan sa isang mataktikang paraan at huwag itago ang mga katotohanan.”
Sa kabilang dako, sa kulturang Kanluranin, kung hindi nililinaw ng doktor ang kalagayan, sisisihin ba siya sa dakong huli sapagkat ang pasyente ay gumawa ng mga pasiya na may di-sapat na impormasyon? Sa katunayan, ang kalakhang bahagi ay depende sa kung ano ang nais malaman ng pasyente at kung kailan niya nais malaman ito. Gaya ng pagkakasabi rito ni Dr. Charles F. McKhann: “Natanto ko na kung maitatanong ng mga tao ang mahirap na mga katanungan, sa paano man sila ay karapat-dapat sa pagkukusa at kakayahan ng kanilang doktor na magbigay ng makatuwirang mga kasagutan.”—The Facts About Cancer.
Kaya, nakapagpapatibay-loob kapag ang medikal na mga kawani ay totoong nakikiramay sa kanilang mga pasyente. Idiniriin nito ang kahalagahan ng pagpili ng isang doktor na maaari kang magkaroon ng isang mabuting kaugnayan. Sabi pa ni Dr. McKhann: “Maaaring gawin ng isang doktor na mapagkakatiwalaan mo ang lahat ng bagay na higit na mababata. Ang iyong doktor ay kinakailangang maging madamayin, maunawain, at interesado sa iyo bilang isang persona gayundin bilang isang pasyente.”
Ipinahihiwatig na hindi lahat ng medikal na mga kawani ay laging sensitibo sa mga pangangailangan ng pasyente, isang nars ng mga pasyenteng may kanser ang sumulat sa The New York Times: “Ang pinagtatakhan kong labis ay ang mga pasyente at mga pamilya na naligtasan, hindi ang kanser, kundi ang mga propesyonal na nangangalaga sa kalusugan at ang mga pasilidad, na ang organisasyon at kayarian ay waring idinisenyo upang biguin, panlumuhin at pagkaitan sila ng mga mapagkukunan at alalay na mahalaga sa kanilang kalagayan.” Winakasan niya ang kaniyang liham sa pagmumungkahi na “dapat nating tandaang mainam na ang pagiging sensitibo, karaniwang paggalang, pagtawa at makataong pangangalaga ay ‘mga sandata’ rin sa pakikipagbaka laban sa kanser.”
Ang iba pa, gaya ng malapit na mga kamag-anak at mga kaibigan, ay gumaganap din ng mahalagang bahagi sa pagpapatibay-loob sa maysakit. Ito ay totoo lalo na sa kaso ng asawang lalaki, asawang babae, o mga anak ng isang pasyente. Upang ilarawan ang uri ng alalay na maibibigay ng iba, kinapanayam ng Gumising! ang ilang nakapagpapatibay-loob na mga asawa at ang ilang mga nakaligtas sa kanser.
“Kailangan Kong Baguhin ang Pangunahing mga Bagay sa Aking Buhay”
Ang mahalagang bahagi ng nakapagpapatibay-loob na pamilya ay inilalarawan sa kaso ni Terry. Siya ay 28 nang matuklasan niya noong huling araw ng 1982 na siya ay mayroong “agresibong” kanser anupa’t tinaningan na ang kaniyang buhay. Siya ay tinaningan ng mga doktor ng mula 6 hanggang 12 buwan upang mabuhay. Paano niya hinarap at ng kaniyang asawang si Paul ang kalagayan?
Ganito ang paliwanag ni Paul sa Gumising!: “Inaakala ko na dapat naming harapin ang katotohanan. Mga ilang buwan na lamang ang itatagal ng kaniyang buhay, at sinikap kong gawing marangal hangga’t maaari ang kaniyang kamatayan. Alam mo, ang chemotherapy na paggagamot ay maaaring maging totoong nakapanghihina, nariyan ang pagkawala ng buhok at ang madalas na pagduduwal at pagsusuka.”
Gumising!: Paano naapektuhan nito ang iyong buhay bilang isang asawang lalaki?
“Nangahulugan ito na kailangan kong baguhin ang pangunahing mga bagay sa aking buhay. Ang mga ari-arian at salapi ay naging hindi gaanong mahalaga. Natalos ko na ako ay kinakailangang maging halos isang buong-panahong nars upang pangalagaan siya. Natutuhan ko ring maging matiisin at huwag intindihin ang pagkapahiya kapag siya ay nagkakasakit sa publiko o nagkaroon ng mga sumpong. Sa kabutihang palad, napakamakatotohanan niya at hindi niya hinahayaan na daigin siya ng pagkaawa-sa-sarili. Nakatulong iyan upang gawing mas madali ang aking bahagi.”
Gumising!: Anong iba pang mga mungkahi ang maibibigay mo sa mga kamag-anak at mga kaibigan ng mga biktima ng kanser?
“Huwag ninyong ipadama sa inyong mahal sa buhay na siya ay isang pabigat sa inyo. Magpakita ng empatiya. Matutong makibagay sa kanilang mga damdamin upang malaman ninyo kung ano ang inyong pag-uusapan at kailan. Kung minsan nais nilang ihinga ang kanilang mga sama ng loob o kalungkutan, at sa ibang panahon naman ay ayaw nilang pag-usapan ang tungkol dito.”
Gumising!: Ano ang nakatulong kay Terry na mapagtiisan ang kaniyang pagsubok?
“Ang aming kapananampalatayang mga Saksi ay totoong nakapagpapatibay-loob sa kanilang mga pagdalaw at sa pagtulong sa amin sa mga pagkain. Mula sa isang mas permanenteng punto de-vista, ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya ay nagbigay sa kaniya ng isang malinaw na pangitain tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli at tungkol sa panahon kapag nawala na ang kamatayan o sakit sa lupa.”
Gaya ng inihula ng mga doktor, bago natapos ang taon, si Terry ay namatay, noong Oktubre 1983.
Kalidad ng Buhay at mga Tunguhin
Kapag ang isa ay dinapuan ng isang nakamamatay na sakit, ang tanong ay bumabangon, Gaano pa ang itatagal ko? Mga linggo? Mga buwan? Mga taon? Sa puntong iyan, ang kalidad ng buhay ay nagiging mas mahalaga. Ang mga tagumpay, kahit na yaong maliliit na tagumpay, gaya ng pagsulat ng mga liham at pagbabasa ng mga aklat, ay nagiging mahalaga at ginagawang mas kasiya-siya ang buhay. Sa antas na posible ang gawain, ito ay isang terapi o paggagamot.
Ang pangmalas na ito ay itinataguyod ng 46-anyos na si Barbara mula sa Inglatera. Noong 1980 ay natuklasan niya na mayroon siyang kanser sa suso. Mula noon ito ay kumalat sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan. Gayunman, ang chemotherapy at paggagamot sa pamamagitan ng radyasyon ay nakatulong sa kaniya. Paano siya nakapagpapatuloy? “Nasumpungan ko na ang pagkakaroon ng maikling-panahong mga tunguhin ay nakabuti sa akin. Ako ay nagpaplano lamang na patiuna para sa madaling abuting mga tunguhin para sa malapit na hinaharap. Pagkatapos ay nasusumpungan ko na maaari akong maging maligaya at kontento.
“Ang pag-iisip sa iba at pagkabahala sa kanila ay tiyak na nakatulong sa akin. Kaya naging abala ako sa pagpapadala ng mga card upang aliwin ang iba na hindi mabuti ang pakiramdam. Nagkaroon din ako ng kasiyahan sa pagsulat sa iba.”
At paano siya pinatibay-loob ng kaniyang asawang si Stephen? “Ang pagkakaroon ko ng tunay na interes sa kalagayan ni Barbara ay nakatulong din sa kaniya. Magkasama naming ginagawa ang lahat ng bagay. Halimbawa, bagaman kapuwa kami nasisiyahan sa pagbabasa, nasumpungan naming mabuti na magbasa nang malakas sa isa’t isa at sa gayo’y pagsaluhan ang karanasan.”
Isang Atake sa Puso, Pagkatapos ay Kanser
Ang asawa ni Dode na si Charles, isang matipunong lalaki na mga edad 60’s, ay nagkaroon ng isang atake sa puso noong 1985. Siya ay nasa masinsinang pangangalaga sa loob ng siyam na araw subalit nakaraos naman siya taglay ang gayon na lamang determinasyon anupa’t sa loob lamang ng anim na linggo siya ay balik na naman sa trabaho. Pagkatapos noong Setyembre nang taóng iyon, di-mapigil ang kaniyang mga pagsinok habang kumakain. Pagkatapos ng pagsusuri ang hinala ay na mayroon siyang kanser sa sikmura. Siya ay inoperahan noong Disyembre. Pagkalipas ng apat na linggo siya ay balik na naman sa trabaho!
Paano pinatibay-loob ni Dode ang kaniyang asawa sa mahirap na mga buwang ito? Sagot niya: “Wala kaming inaksayang panahon at lakas sa negatibong mga pag-iisip. Hinintay naming makuha ang mga katotohanan tungkol sa kalagayan bago namin pag-usapan ito o tiyakin ang aming landasin.
“Tinatanggap ang rekomendasyon ng aming mga doktor at seruhano tungkol sa kinakailangang paggamot, kami ay sumang-ayon taglay ang buong pagtitiwala. Pinanatili naming positibo ang aming mga pag-uusap at pinag-isipan namin ang tungkol sa paggaling. Ang aking asawa ay mayroong positibong espiritu, at ako naman ay determinadong tulungan siya.”
Gumising!: Ano pa ang ginawa mo upang panatilihin siya sa isang positibong kaisipan?
Dode: “Hindi ko pinatibay o tinakdaan ko ang mga pagdalaw noong siya’y nasa ospital. Ang mga pagdalaw ay kinakailangan na sa pamamagitan ng appointment at kailangang ito’y maging madali. Sa gayong paraan nasasala ko ang may mabuting-intensiyong mga tao na nakapapagod sa kaniya. Sa katunayan, mas mabuti kaysa mga pagdalaw ang daan-daang mga card na natanggap niya na nagsasabing sana’y gumaling siya.”
Gumising!: Alam namin na ikaw ay isang dating registradong nars at nakapagtrabaho na kasama ng maraming doktor. Subalit ngayon, bilang asawa ng pasyente, paano sa palagay mo makapagpapatibay-loob ang mga doktor?
Dode: “Gaya ng ginawa ng doktor sa aming kaso, naniniwala ako na dapat siyang makipag-usap sa pasyente taglay ang isang positibong pangmalas. Dapat lamang niyang sabihin ang nais malaman ng pasyente at ayon sa kaniyang mga tanong. Mangyari pa, inaasahan ko na ang mga doktor ay magiging prangka sa akin. Subalit sa aking asawa, nais kong bigyan nila siya ng pag-asa, hindi kalungkutan. Kaya malibang hilingin ng isang pasyente ang isang kasagutan, inaakala kong hindi mo dapat sabihin sa isa na siya ay mayroong na lamang ilang buwan upang mabuhay. Ipaubaya mo iyan sa kalagayan at determinasyon ng pasyente.”
Gumising!: Ano ang tumutulong sa iyo na makaraos sa araw-araw?
Dode: “Simpatiya! Ang nakapagpapatibay-loob na asawa ay laging maigting sa pagsisikap na magpamalas ng katapangan o tibay-loob. Kaya nakabubuti kapag may nagtatanong, ‘Kumusta ka na, Dode?’ Kung gayon nalalaman ko na nauunawaan din nila ang aking pagsubok.
“Nasumpungan ko rin na nakatutulong sa amin ang pagkakaroon ng ugaling mapagpatawa. Yamang kami kapuwa ay mahilig sa golf at malaki ang ipinayat niya, isang araw ay sinabi ko sa kaniya, ‘Hindi ko alam kung ang iyong mga binti ngayon ay numero tres na mga kahoy o numero kuwatrong mga bakal!’ Siya ay natawa. At alam mo ba, sa loob lamang ng anim na linggo pagkaraan ng operasyon, siya ay nakipaglaro sa akin ng 18 holes sa golf!”
Anong mga salik ang inaakala ni Charles na lubhang nakapagpapatibay-loob sa kaniya bilang isang pasyente?
“Maitatala ko ang tatlo—ang aking asawa, ang mga kawani sa ospital, at lahat ng aming mga kaibigan. Kahanga-hanga ang pag-alalay sa amin ng medikal na mga kawani. Ipinaliwanag nila sa amin nang patiuna ang bawat hakbang sa pag-oopera at pinakitunguhan kami bilang mga indibiduwal, hindi bilang mga walang-halaga. Bunga nito, nagkaroon kami ng buong pagtitiwala sa kanila, at iyan ang nakatulong sa amin na maging optimistiko.
“Mangyari pa, ang pinakamagaling na alalay ko ay ang aking asawa. At ang kaniyang pagiging isang dating nars ay lalo pang nakabuti sa akin. Ang panalangin ay isa ring malaking kaaliwan at lakas sa akin. Ako’y nanalangin na sana’y patuloy pa akong makapagtrabaho . . . at heto’t nakikita ninyo ako sa aking opisina!”
Pagharap sa Katotohanan, Pamumuhay na May Pag-asa
Kinapanayam ng Gumising! si Ethel, na ang asawang si Stan ay namatay kamakailan dahil sa kanser sa edad na 65.
Gumising!: Anong uri ng paggamot ang tinanggap ni Stan?
Ethel: “Ang kaniyang kanser sa balakang ay unang narikonosi noong Enero 1985. Pagkatapos niyan, natuklasan namin na mayroon din siyang mga tumor sa bagà, sa isang mata, at sa utak. Siya ay binigyan ng chemotherapy para sa bagà at mga sesyon ng radyasyon sa iba pang mga lugar sa kaniyang katawan. Sa loob ng ilang panahon wari bang siya ay bumubuti at nagpaplano para sa isang paglalakbay. Pagkatapos isang araw siya ay sumuka nang grabe, at nalaman namin na ito ay isang pagkabinat. Humigit-kumulang mula sa puntong iyon, kami kapuwa ay nakababatid na hindi na siya magtatagal.”
Gumising!: Ano kung gayon ang naging reaksiyon ninyong dalawa sa katotohanang iyon?
Ethel: “Malaya naming pinag-usapan ang tungkol sa aming kalagayan, at hinarap ni Stan ang katotohanan. Sa katunayan, sa pamamagitan ng kaniyang saloobin tinulungan niya ako na harapin ang katotohanan ng kalagayan.
“Hindi ako ang uring iyakin, at sinikap kong huwag umiyak sa harap niya. Subalit natatandaan ko pa isang araw ay natagpuan ko siyang umiiyak, at iyon ang nakabagbag sa akin. Sabi ko sa kaniya, ‘Kung gusto mong umiyak, marahil mabuti pang umiyak tayong dalawa nang maihinga natin ang ating kalungkutan.’ Kaya’t umiyak kaming dalawa, at inaakala kong ito ay nakaginhawa sa amin. Siya ay nangingiming ngumiti pagkatapos, at alam kong ito ay nakabuti sa amin.
“Isa pang mahalagang salik ay ang aming pag-asa tungkol sa isang pagkabuhay na muli na salig sa Bibliya. Madalas naming pag-usapan ang tungkol diyan. Sasabihin niya: ‘Matutulog lamang akong sandali. At pagkatapos ako’y babalik kapag humalili na ang bagong sistema sa lupang ito.’ Malaki ang naitulong ng aming pananampalataya.”
Kanser at Pananampalataya
Yamang ang kanser ay isang napakapersonal na pakikipagbaka, makatutulong ang matibay na pananampalataya. Ang panalangin, na siyang pakikipagtalastasan sa Diyos, ay maaaring magkaroon ng lubhang nakapagpapakalmang impluwensiya. Gaya ng binabanggit ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
Sang-ayon sa natupad na hula ng Bibliya, malapit na ang panahon kapag “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Oo, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang kanser, pati na ang lahat ng iba pang mga pahirap, ay mawawala na. Ang panahong iyan ay malapit na.—Apocalipsis 21:3, 4; Lucas 21:29-33.
[Kahon sa pahina 17]
Positibong Tulong-sa-Sarili Para sa mga Pasyenteng May Kanser
1. Huwag hayaang daigin ka ng pagkakaila. Maging makatotohanan at harapin ang suliranin. Sa ganiyang paraan magagawa mo ang pinakamarami sa natitirang panahon.
2. Magkaroon ng maaaring gawing mga plano o mga tunguhin ng mga bagay na nais mong gawin. Magkaroon ng layunin sa iyong buhay. Ang buhay na walang kabuluhan ay hungkag. Hindi kinakailangang magkagayon—ito’y depende sa iyo.
3. Hangga’t maaari, manatiling aktibo. Kahit na kung pisikal na natatakdaan, ang iyong intelektuwal na buhay ay hindi pa natatapos. Kaya bakit maaga mo itong isasara? Panatilihing aktibo ang iyong isipan—bumasa, sumulat, gumuhit, mag-aral. Isama pa nga ang bagong mga proyekto.
4. Linangin ang isang positibong saloobin upang matalino mong magamit ang iyong mga talino. Ang pagkaawa-sa-sarili ay malasarili at nakasisira-sa-sarili. Mag-isip ng mga bagay na magagawa mo para sa iba. Ang iyong mga kaibigan at mga kamag-anak ay maaaring mapatibay-loob ng iyong positibong saloobin.
5. Sikapin mong panatilihin ang ugaling mapagpatawa at ang kakayahang tawanan ang iyong sarili. Masdan mo ang mga rosas, hindi lamang ang mga tinik. Pahalagahan mo ang bagay na ikaw ay nabubuhay, hindi lamang ang ideya na, gaya ng sino pa man, ikaw ay mamamatay.
[Larawan sa pahina 16]
Ang medikal na mga kawani, mga mahal sa buhay, at mga kaibigan ay maaaring maging nakapagpapatibay-loob na lahat