Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-asa Para sa mga May Sakit sa Isip
Ako’y nangyaring sumulat upang ipahayag ang aking pasasalamat sa inyong mga artikulo sa “Pag-asa para sa mga May Sakit sa Isip.” (Pebrero 8, 1987 sa Tagalog) Ako ngayon ay ginagamot dahilan sa sakit sa isip. Naproblema ako sa loob ng maraming taon, subalit hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, patuloy lamang na pinagtitiisan ko ito. Pagkatapos nitong nakaraang Setyembre lubhang sumamâ ang aking isip. Nagtungo ako sa ospital para sa isang pagsusuri at ako’y binigyan ng gamot. Ang aking kalagayan ay totoong bumuti. Ako’y naliligayahan na inyong idiniin na ang mga medisina ay hindi nakapagpapasugapa at na yaong mga umiinom ng gamot ay hindi mahihina. Sana ang kahihiyan na nauugnay sa pagtanggap ng paggagamot ay mawala na.
T. K., Hapón
Nasyonalismo
Hindi ko maintindihan ang inyong laging pagpuna sa nasyonalismo samantalang sinisikap ninyong panatilihin ang isang hindi makapulitikang saloobin o paninindigan. Ang relihiyon, kasaysayan, at ang pagkamakabayan ang pumapatnubay na mga simulain sa tadhana ng tao. Iginigiit ng maraming tao na si Kristo noong siya’y naririto sa lupa ay isang makabayang Judio na salansang sa pamamahalang Romano.
J. M., Scotland
Tungkol sa nasyonalismo, ang Britanong mananalaysay na si Arnold Toynbee ay nagsabi: “Ito’y isang kalagayan ng isip kung saan ating ibinibigay ang ating pinakamahalagang pulitikal na katapatan sa isang bahagi ng lahi ng tao . . . anuman ang maaaring kahinatnan nito sa iba pang karamihan ng lahi ng tao.” Ang awtor na si Ivo Duchacek ay nagsabi: “Hinahati ng nasyonalismo ang sangkatauhan sa mga bahaging hindi nagpaparaya sa isa’t isa.” Ang dating Kalihim-Panlahat ng UN U Thant ay nagsabi: “Napakaraming problemang nakakaharap natin sa ngayon ang dahilan sa, o bunga ng, maling mga saloobin . . . Kabilang dito ang ideya ng makitid na nasyonalismo—‘ang aking bansa, tama o mali.’” Ang kilalang manunulat na taga-Argentinang si Jorge Luis Borges ay nagsabi na ang nasyonalismo “ang pusakal na kontra bida sa lahat ng masama. Hinahati nito ang mga tao, sinisira nito ang mabuting panig ng kalikasan ng tao, humahantong ito sa di-pantay-pantay na pamamahagi ng kayamanan.” Kung tungkol kay Jesu-Kristo, ang kaniyang katayuan ay maliwanag na ipinahayag sa Juan 18:33 sa kaniyang sagot sa tanong ni Pilato na: “Ikaw baga ang hari ng mga Judio?” Sabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—ED.
Kakapusan ng Tubig
Pakisuyong padalhan ako ng 200 kopya ng inyong labas na “Are We Running Out of Water?” (Nobyembre 22, 1986 sa Ingles) Lubha ngang napapanahon ang paksang ito tungkol sa tubig, at anong pagkahala-halaga! Salamat sa pagiging gising sa pinakamapanganib na kalagayang ito.
W. J. K., Estados Unidos
Payak na Lunas sa Ulser?
Ginamit ko ang lunas na paggamot na tubig na nasa pahina 31 ng inyong labas noong Setyembre 22, 1983 (sa Ingles). Mga ilang buwan na akong umiinom ng Tagamet subalit hindi rin nalulutas nito ang aking sakit sa sikmura o nabawasan man nito ang kirot. Inihinto ko ang paggagamot at uminom ako ng 16 onsang tubig sa panahon na binabanggit sa inyong artikulo at gayundin anumang oras na nakadarama ako ng kirot. Kapag iniimon ko ang tubig, sa loob ng sampung minuto ay nawawala na ang kirot. Sa sandaling panahon lamang ay hindi ko na kinailangan ang mga antacid, at pagkalipas lamang ng mga dalawang buwan ay hindi ko na kailangang sundin ang paggamot na ito. Hindi ako makapaniwala na makabubuti ang gayong kapayak na lunas na hindi pa nagkakahalaga ng isang kusing!
C. G., Estados Unidos
Ang artikulong binanggit ay isang report tungkol sa isang panauhing editoryal ni Dr. F. Batmanghelidj na lumitaw sa labas ng Hunyo 19, 1983 ng “Journal of Clinical Gastroenterology.” Ang “Gumising!” ay hindi nagrirekomenda ng isang anyo ng paggamot na higit sa iba kundi inilalathala lamang nito ang mga artikulong gaya nito bilang impormasyon sa aming mga mambabasa. Hindi namin hinihimok ang lahat ng mga may sakit na ulser na talikdan ang kanilang iniresetang gamot para sa payak na lunas na ito sa ulser, kundi kami ay naliligayahang malaman na ang ilan ay nakinabang mula sa impormasyon.—ED.