Nagpapasalamat sa Kung Ano ang Taglay Ko
Paano ba hinaharap ng isang tao ang buhay sakaling sumapit ang isang sakuna at iwan siyang walang kaya? Mahalaga ba ang matibay na pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga pangako? Ano ang reaksiyon ng pamilya? Posible ba para sa lahat na panatilihin ang isang positibong pangmalas? Ang sumusunod ay kuwento ng pagpupunyagi ng isang pamilya na harapin ang sakunang sumapit sa kanilang pamilya.
HUNYO 1, 1957, ang huling “normal” na araw sa buhay ko. Nagsimula ito gaya ng iba pang araw: Maaga akong gumising at nagtungo sa aking trabaho bilang isang magtotroso sa Deer Lake, Newfoundland. Ang lahat ay waring mabuti.
Walang anu-ano, ang malaking punungkahoy na kapuputol ko lamang, at pabagsak na, ay tinamaan ng ibang ihip ng hangin na di-inaasahang bumago sa direksiyon ng pagbagsak nito! Huli na ang lahat upang ako ay lumayo. Ang punungkahoy ay bumagsak sa aking mga balikat, bumagsak ako sa lupa at nawalan ng malay. Nang malaunan, nang ako’y magkamalay, hindi ako makakilos!
Dinala ako sa ospital sa Corner Brook. Ipinakita ng iba’t ibang pagsusuri na ang aking gulugod (spinal cord) ay bahagyang naputol, at kinailangang alisin ang tatlong buto sa gulugod. Ako’y naparalisa mula sa leeg pababa!
Nadadaig ng Pag-ibig ang Kawalang-kaya
Mahirap isipin ang lubos na kawalang-kaya at kabiguan na maaaring dalhin ng gayong kalamidad. Hindi ko man lamang masuklay ang buhok ko o mapakain ang aking sarili. Sa katunayan, hindi ko nga masabi kung nagugutom ako!
Ako’y malaking tao, malakas ay masigla. Ngayon ako’y naging isang walang kayang lumpo. Napakaraming mga pagbabago ang kinakailangan upang harapin ang buhay. Gaano kaya ang makakaya ng isang tao? Natuklasan ko ito sa sumunod na maraming taon.
Hinding-hindi ko ito magagawa kung wala ang maibiging pangangalaga ng aking asawa, si Hilda. Ang Bibliya, sa Kawikaan 18:22, ay nagtatanong: “Nakasumpong ba ang sinuman ng isang mabuting asawang-babae?” Kung gayon, sinasabi nito na “siya’y nakasumpong ng isang mabuting bagay.” Tunay ang aking asawa ay isang pagpapala sa akin at ang aming pamilya ng pitong mga anak.
Ang bunso sa aming mga anak ay 18 buwan lamang nang ako’y maaksidente, kaya hanggang nang panahong iyon ang karamihan ng panahon ni Hilda ay ginugol sa pangangalaga sa mga bata. Pagkatapos ay naging isa ako sa kanila, at masahol pa nga ako, yamang hindi ako maaaring ibaba upang tumakbo-takbo at maglaro pagkatapos na ako’y paliguan at bihisan. Hindi, kailangan pa akong ihiga sa kama.
Gayunman, may mga panahon na nakakasumpong kami ng mga bagay na mapagtatawanan. Halimbawa, ang aking asawa ang madalas na nag-aalis sa akin sa silyang de gulong. Minsan lagi akong bumabagsak sa isang panig ng silyang de gulong. Itutuwid niya ako, ngunit wari bang hindi ako maituwid nang araw na iyon. Sa katapusan ang sabi ni Hilda: “Lindsay, ano ba ang problema?” Nasumpungan namin ito pag-uwi namin ng bahay. Nang alisin niya ako sa aking silya, naroon sa inuupuan ko ang isang malaking lata ng pulbos! Yamang wala na akong pakiramdam, hindi ko alam ito. Dahil sa hindi timbang ang aking bigat, lagi akong tumatagilid sa isang panig.
Maibiging Tulong
Sa kabila ng aking mahirap na kalagayan, ang pag-ibig ng Diyos na Jehova ay nagbigay-lakas sa akin. Ang Kawikaan 3:5, 6 ay nagpapayo sa atin na ‘magtiwala kay Jehova nang ating buong puso, at siya ang magtutuwid ng ating mga landas.’ Anong laking pagpapala iyan, sapagkat kung hindi dahil sa pag-ibig ni Jehova at sa katotohanan ng Bibliya, hindi ako nakapagtiis. Subalit hindi ako laging nagtiwala kay Jehova. Sa katunayan, may panahon na hindi ko nga siya nakikilala.
Ako ay isinilang noong 1911 sa isang lugar na tinatawag na Little Catalina, Trinity Bay, Newfoundland. Sapagkat ako’y pinalaki ng relihiyosong mga magulang, mayroon akong paggalang sa Bibliya at binabasa ko ito paminsan-minsan. Habang binabasa ko ito, nagkaroon ako ng mga katanungan sa aking isipan, gaya ng: Talaga nga kayang mabubuhay magpakailanman ang tao sa lupa, gaya ng sinasabi sa Awit 37:29? Upang alamin, nagtungo ako sa aking klerigo at tinanong siya. Ang kaniyang tugon ay: “Maghintay ka hanggang sa ‘tawirin mo ang Jordan’ upang malaman mo.” Marami pang mga katanungan mula sa akin ay tila nakabagabag sa kaniya. Kaya sinabi niya sa akin: “Ang problema mo, Lindsay, ay masyado kang maraming tanong.”
Hindi ko nakuha ang mga kasagutan hanggang noong 1948 nang kami’y lumipat sa pamayanan ng Cormack. Doon ay nakilala ko si Gus Barnes at Jack Keats, na mga Saksi ni Jehova. Gayon na lamang ang kagalakan ko nang ipakita sa akin ng mga lalaking ito ang mga kasagutan mula sa Bibliya! Gayon na lamang ang kasiyahan ko anupa’t nang sumunod na taon ako ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.
Nang taon ding iyon ay lumipat kaming muli, sa gawing hilaga sa Goose Bay, Labrador, kung saan ako’y nagtrabaho sa malalaking kagamitan (heavy equipment). Hindi nagtagal natuklasan ng aking amo na ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Wala pang dalawang buwan ay nasisante ako at sinabihan na umalis ng bayan. Ako ay tumangging umalis ng bayan. Noong mga panahong iyon ang mga tao ay takot na makinig sa isang bagay na bago, bagaman ang mensaheng ito ay mas matanda pa sa kanila.
Pinag-initan din ang aking mga anak. Sila ay pinahirapan sa paaralan hanggang sa ang pulisya ay magtungo sa mga awtoridad ng paaralan at ipinaalaala sa kanila na ipinakipaglaban at naipanalo ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamahalagang mga kaso sa hukuman sa Canada tungkol sa kalayaan sa relihiyon. Ang resulta ay na ang aking mga anak, at mga anak niyaong kabilang sa iba pang relihiyon, ay binigyang-katiyakan ng kanilang kalayaan sa relihiyon.
Iba na ang bagay-bagay sa dakong iyan ngayon. Noong 1985 isang mabilis na itayong Kingdom Hall ay itinayo para sa isang sumusulong na kongregasyon ng bayan ni Jehova na kinabibilangan ng isa sa aking mga anak na babae.
Tulong Upang Mabata ang Kawalan
Noong 1951 kami ay lumipat sa bayan kung saan kami ay nakatira pa hanggang ngayon, sa Deer Lake. Mahalaga ang pagtitiis sa loob ng mahirap na mga taóng iyon. Subalit may nangyari na mangangailangan ng higit na pagtitiis.
Ang aking mahal na kasama sa habang-buhay, si Hilda, na nagkaroon ng sakit sa puso, ay namatay dahil sa isang atake sa puso noong 1963. Isang malamig na araw noong taglamig, habang ako’y nagmamasid mula sa aking silyang de gulong, siya’y ibinaba sa hukay. Ang kalungkutang nadama ko ay para bang hindi maaaring batahin! Ano na ang gagawin ko ngayon? Lubusang hindi ko mapangalagaan ang aking sarili, gaano pa nga ang pangalagaan ang aking pamilya.
Subalit si Jehova ay tapat, at lagi siyang gumagawa ng lunas para sa atin kung tayo ay magtitiwala sa kaniya. (1 Corinto 10:13) Ang kaniyang mga lingkod, ang aking Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae, ay nagbigay sa akin ng malaking kaaliwan, na nagpalakas sa akin na magpatuloy. Ang aking anak na si Yvonne ang nag-alaga sa akin. Anong laking pagpapala nga siya sa akin!
Bagaman si Yvonne ay may kaniyang sariling pamilyang pangangalagaan, inaasikaso pa rin niya ang aking mga pangangailangan. Ang pinakamalapit na ospital ay 30 milya (50 km) ang layo. Madalas akong dalhin ng aking anak na babae roon para sa paggagamot. Nang maging grabe ang aking mga suliranin sa kalusugan, ako’y naglakbay sakay ng eruplano patungo sa ospital sa St. John’s, mga 400 milya (640 km) ang layo. Lagi akong sinasamahan ni Yvonne.
Dahilan sa kawalang-kaya ng aking katawan na kumilos na gaya ng nararapat, nagkaroon ako ng malubhang mga karamdaman. Inalisan ako ng mga bató sa bató (kidney); ang mga impeksiyon ay kadalasang nangangailangan ng pag-oopera; tumagal ako ng mga ilang buwan sa ospital dahilan sa mga sugat sa kahihiga at higit pang mga sugat sa kahihiga sa kama sa bahay pagkalipas ng mga buwan, ang ilan sa mga sugat na ito ay kinailangang tapalan ng ibang balat; ang mga suliranin sa pagdumi ay nauwi sa colostomy; at pumasok din sa larawan ang diabetes.
Madalas bumangon ang isyu tungkol sa pagsasalin ng dugo. Ngunit sa wakas ang mga doktor ay sumang-ayon na mag-opera nang walang pagsasalin ng dugo. Dahilan sa kanilang kasanayan at pagkabahala, nakaraos naman ako nang walang pagsasalin ng dugo.—Gawa 15:29.
Ang aking anak na babae at ang kaniyang asawa at pamilya ang nag-alaga sa akin sa lahat ng aking mga kahirapan, bumabangon sa gabi upang alagaan ako, pinakakain ako, pinaliliguan ako, binibihisan ako, dinadala ako sa Kristiyanong mga pulong at mga asamblea, kung saan ako ay higit pang napatitibay sa espirituwal na paraan. Kung minsan ay mayroon pa nga akong bahagi sa isang programa sa asamblea. Ang maibiging mga anak ay tunay na isang mayamang pagpapala mula kay Jehova!—Awit 127:3.
Napakaraming Dapat Pagpasalamatan
Oo, napakarami kong dapat pagpasalamatan. Bagaman ang aking pisikal na katawan ay hindi makakilos, ang aking utak ay alisto, at ako’y nakapagsasalita. Ginamit ko ang kakayahang ito upang ipakilala ang pangalan at mga layunin ni Jehova sa mga nakikinig sa mga ospital—sa mga doktor, narses, mga pasyente, mga klerong dumadalaw sa mga ospital, at sa mga kaibigang dumadalaw sa akin.
Karagdagan pa, nagkaroon ako ng isang silya de gulong na pinatatakbo ng dalawang 12-boltaheng mga batirya, na pinaaandar ko mula sa isang suwits na nasa patungan ng kamay. Kung minsan kapag ako’y nasa labas sakay ng aking silya, nakakatagpo ko ang mga kaibigan at mga kapitbahay at nagkakaroon ako ng higit na pagkakataon na ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa mga layunin ng Diyos. Ako’y nagpapasalamat na nagagawa ko ito.
Ang ilan sa aking mga anak ay nag-alay na ng kanilang mga buhay kay Jehova, at sila rin naman ay nagsasanay sa kanilang mga anak na maglingkod sa Diyos. Iyan ay nagdadala sa akin ng labis na kaligayahan. Ang aking asawa ay isang bautismadong mananamba ni Jehova, at ang aking ina, na nabautismuhan sa gulang na 75, ay naglingkod kay Jehova hanggang noong kaniyang kamatayan.
Inaasam-asam ko ang araw kapag ‘ang Diyos mismo ay sasa-kaniyang bayan at papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man,’ at kapag “ang pilay ay lulukso na parang usa.”—Apocalipsis 21:3, 4; Isaias 35:5, 6.
Sa panahong iyon ang ganap na kapayapaan ay tatakip sa lupa, at yaong mga pasasakop sa pamamahala ng Diyos ay aani ng mga pakinabang. Ang Bibliya ay nangangako: “Ang mga maaamo ang siya mismong magmamay-ari ng lupa, at tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Gaano katagal? “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:11, 29; 72:7.
Yaon ay kamangha-manghang mga bagay na kay sarap asam-asamin. At ang aking kaligayahan ay magiging ganap kapag, sa bagong sistema ni Jehova, kahit na ‘yaong mga patay sa alaalang libingan ay magsisilabas.’—Juan 5:28, 29.
Habang ako’y nakahiga rito araw-araw, mayroon akong pagkakataon na gunitain ang aking buhay at tingnan kung ako ba ay nakinabang sa paano man. Masasabi ko nang walang pag-aatubili na ako’y nakinabang nang malaki. Ang aking espirituwalidad ay lubhang sumulong. Natutuhan kong magtiwala nang labis kay Jehova. Sa halip na magreklamo tungkol sa sinapit ko sa buhay o kung ano ang maaaring wala ako sa buhay, natutuhan kong pahalagahan kung ano ang taglay ko. At ang pagpapahalaga ko sa aking maibiging pamilya ay talagang lumaki.
Kaya’t ako’y totoong nagpapasalamat sa kung ano ang taglay ko ngayon, at tumitingin ako sa katuparan ng kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap—buhay sa bagong sistema ng Diyos. Sa panahong iyon ako ay magkakaroon ng sakdal na kalusugan. Anong pagkaliga-ligayang araw nga iyon!—Isinalaysay ni Lindsay Stead.
[Blurb sa pahina 11]
Ang kamatayan ng aking mahal na asawa ay nangailangan ng higit na pagtitiis
[Blurb sa pahina 12]
Ang maibiging mga anak ay tunay na isang pagpapala mula kay Jehova
[Larawan ni Lindsay Stead sa pahina 10]