Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 7/8 p. 4-6
  • “Lumikas Na Ngayon!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Lumikas Na Ngayon!”
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Lindol at Pagputok
  • ‘Isang Kabuting Ulap na Gaya ng Pagsabog ng Isang Bomba Atomika’
  • Utos na Paglikas para sa Buong Isla
  • Walang Tahanan—Subalit Buháy!
    Gumising!—1987
  • Habu—Isang Ahas na Dapat Igalang
    Gumising!—1996
  • Isang Di-malilimutang Pagbisita sa Ngorongoro Crater
    Gumising!—2005
  • Mula sa Isang Mabagsik na Bulkan Tungo sa Isang Mapayapang Isla
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 7/8 p. 4-6

“Lumikas Na Ngayon!”

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón

Pag-alis ng Sampung Libo Katao sa Magdamag

“LUMIKAS na ngayon! Ngayon din!” Ang matatandang lalaki at babae sa Oshima Home for Senior Citizens ay sinabihang manganlong sa isang mababang paaralan dahilan sa pagputok ng Bundok Mihara noong Nobyembre 21, 1986. Bagaman ang mga kawani sa tahanan ng mga matatandang tao ay handa na upang lumikas yamang ang bulkan ay naging aktibo mga ilang araw na ang nakalipas, ang kabiglaan ng marahas na pagsabog nang hapong iyon ay hindi gumawa rito na madali para sa kanila na tumakas.

“Hindi nga namin naisip ang tungkol sa mga strechers na inihanda namin,” paliwanag ni Kazuko, isang membro ng kawani sa tahanan. “Kinarga namin o ipinasan namin sa aming mga likod ang mga matatanda tungo sa dalawang bus na ipinadala ng tanggapang bayan sa tahanan. Ang mga ito ay kaagad napunô, at ang ibang tao ay kinailangang isakay sa trak tungo sa isang kanlungan.”

Mayámayâ dumating na ang mga matatandang tao sa daungan at isinakay sa isang bapor ng Maritime Safety Agency upang lisanin ang isla. Kabilang sila sa kauna-unahan na nagsialis. Ang paglilikas ng mahigit na sampung libong mga tagapulô at mga turista ang sumunod.

Mga Lindol at Pagputok

Ang Bundok Mihara sa isla ng Izu-Oshima, na karaniwang tinatawag na Oshima, ay isa sa apat na aktibong bulkan sa Hapón na mahigpit na binabantayan. Kilala na ito sa katamtamang mga pagyanig nito. Gayunman, noong Nobyembre 15, 1986, ang bundok ay pumutok dalawang linggo lamang pagkaraang ipahayag ng Volcano Eruption Predicting Liaison Conference na ang bundok ay ligtas. Ang mga pagputok mula sa bunganga ng bulkan numero uno ay patuloy na dumarami. (Tingnan ang mapa sa pahina 6.) Ang lava ay umagos mula sa panloob na labi ng bungangang ito ng bulkan tungo sa caldera ng bulkan. Pagkatapos, noong ika-21, isang di-inaasahang pagputok ang yumanig sa mga tagapulô. Isang bagong bunganga ng bulkan ang nag-anyo. Ito ay sinundan ng mga pagputok mula sa mga biták sa ibaba na naghahagis ng mga paunten ng apoy na mahigit 330 piye (100 m). Bagong mga paunten ng apoy ang bumugá paitaas habang ang mga biták ay patuloy na lumalaki sa gilid ng bundok.

Niyanig ng mga lindol ang mga taong takot na takot na dahil sa mga pagputok. Sa loob ng isang oras, 80 mga lindol lahat-lahat ang yumanig sa isla. Umaapaw na mga lava mula sa panlabas na labi ng bunganga ng bulkan ang umagos pababa ng bundok at patungo sa pinakamataong dako ng Oshima, ang Motomachi. Ang agos patungo sa Motomachi ay nagpangyari kay Hidemasa Uemura, ang alkalde, na ipag-utos ang paglikas ng mga tagapulo mula sa Motomachi. Nang panahong ito, ang timugang bahagi ng isla, ang lugar ng Habu, ay ipinalalagay na ligtas.

‘Isang Kabuting Ulap na Gaya ng Pagsabog ng Isang Bomba Atomika’

“Nagmimirienda kami,” gunita ni Jiro Nishimura, ang tanging hinirang na matanda sa Izu-Oshima Congregation ng mga Saksi ni Jehova. “Pagkatapos, isang malakas na pagputok ang pumailanglang sa himpapawid. Nang ako’y matungo sa labas, may isang kabuting ulap sa ibabaw ng Bundok Mihara na gaya ng pagsabog ng isang bomba atomika. Batid ko na hindi ito isang maliit na pagputok lamang. Mayroon akong naririnig na patalastas mula sa laud ispiker ng tanggapang bayan, subalit hindi ko gaanong marinig ang patalastas, kaya tumawag ako sa tanggapang bayan. Sinabi nila na ang mga naninirahan sa lugar ng Motomachi ay hindi pa pinapayuhang lumikas. Batid ko na kailangan naming magluto ng makakain, kaya hiniling ko ang aking maybahay na magsaing at gumawa ng mga bolang kanin. Subalit hindi ko pa nga nauubos kainin ang aking unang bolang kanin, ang paglikas ay ipinag-utos.

“Lima sa amin, pati na ang ina ng aking maybahay, na 90 anyos, ay tumakas tungo sa paradahan sa Daungan ng Motomachi. Ang mga tao ay nakapila upang sumakay sa bapor sa pag-alis sa isla. Napakahaba ng pila, datapuwat yamang ang ina ng aking maybahay ay matanda na at hindi na makalakad na mag-isa, kami ay pinayagang sumakay sa isang mas maagang bapor na patungo sa Atami.”

Para sa iba, hindi madaling iwan ang isla na napamahal na sa kanila. Si Kichijiro Okamura, 84 anyos, isang acupuncturist sa Oshima Home for Senior Citizens, ay nanirahan na sa Oshima ng 40 taon. Ganito isinasaysay ni Okamura ang kaniyang mga damdamin: “Ang mga lindol ay napakalakas, subalit inaakala ko na ayos naman ito at nais kong makita kung ano ang kalalabasan ng mga bagay pagkaraan ng mga ilang araw. Sanay na ako sa mga pagputok at mga lindol. Hindi ako gaanong nag-aalala sapagkat alam ko na huhupa rin ito sa dakong huli. Subalit sapilitang kinuha ako ng mga bombero at ako’y pinaalis. Kailangan kong sumuko.” Siya’y lumisan kasama ng kaniyang asawang si Yoshie, ng kanilang dalawang anak na babae, at apat na mga apo.

Utos na Paglikas para sa Buong Isla

Sa simula, isinasapanganib ng agos ng lava ang hilagang bahagi lamang ng isla. Ang iba na nakatira sa lugar ng Motomachi ay inihatid sa lugar ng Habu. Ang mga naninirahan sa timugang bahagi ng isla ay sinabihan lamang na magtipon sa mga himnasyo o sa mga paaralan.

“Mayroon lamang akong dalawang kumot at ang bag na ito,” sabi ni Kaoko Hirakawa, na nanganlong sa himnasyo sa Nomashi noong ika-5:00 n.h. “Akala ko’y tatagal lamang ito ng magdamag.” Naalaala ng kaniyang asawang si Rinzo ang tungkol sa kaniyang maysakit na mga magulang, na nakatira malapit sa bagong bunganga ng bulkan. Nag-aalala, sila’y sumakay ng kotse upang sunduin ang kaniyang mga magulang. “Ang mga lindol ay napakalakas,” sabi ni Rinzo. “Para bang ikaw ay nasa bapor. Pagkatapos kong maisakay ang aking mga magulang sa kotse, ang lupa mga ilang kilometro lamang mula sa tahanan ng aking mga magulang ay pumutok.” Nakarating din sila sa himnasyo sa Nomashi, subalit nang dakong huli sila ay sinabihan na lumipat sa Habu.

Noong ika-10:50 n.g. ipinag-utos ng alkalde ng bayan na lisanin ang buong isla. “Kami’y nanganlong sa Third Junior High School sa Habu,” sabi ni Gng. Tamaoki. “Pagkatapos kami ay sinabihang magtungo sa daungan. Datapuwat ang Daungan sa Habu ay napakababa para sa mas malaking mga bapor, kaya sa wakas kami ay sumakay ng bus patungo sa Motomachi, kung saan kami ay sumakay ng bapor patungo sa Tokyo.”

Ang pag-alis ng mahigit na sampung libong mga tagapulô at mga turista ay natapos noong ika-5:55 n.u., Nobyembre 22, na ang alkalde at ang mga opisyal ng bayan ay sakay ng pinakahuling bapor para sa mga nagsilikas. Ang paglikas ng Izu-Oshima ay natapos sa loob ng limang oras pagkaraan ng malaking pagputok. Ito ay madali at maayos sa kalakhang bahagi, sa kapurihan ng mga opisyal ng bayan, ng kompaniya ng mga bapor na nagpadala ng mga sasakyan sa Oshima para sa paglilikas, at ng kusang pakikipagtulungan ng mga tagapulô. Maliban sa iilan-ilang mga eksepsiyon, sila ay karakarakang sumunod sa utos na lumikas. Ilang daan lamang mga pulis, mga bombero, at iba pang mga tauhan ang nanatili sa isla, gayundin ang maliit na bilang ng mga tumangging lumikas.

Subalit saan tumira ang mga inilikas? Sino ang mangangalaga sa kanila? Kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova na mula sa pulong iyon?

[Larawan sa pahina 4]

“Sapilitan akong kinuha ng mga bombero at ako’y kanilang pinaalis”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share