Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/8 p. 9-11
  • Habu—Isang Ahas na Dapat Igalang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Habu—Isang Ahas na Dapat Igalang
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kakila-kilabot na Disenyo
  • Pag-iwas sa Pag-atake Nito
  • Ano Kung Ikaw ay Matuklaw?
  • Ipinagbibiling Habu
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • “Lumikas Na Ngayon!”
    Gumising!—1987
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Kamandag
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/8 p. 9-11

Habu​—Isang Ahas na Dapat Igalang

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA OKINAWA

ISANG maalinsangang gabi noon na wala man lamang kahangin-hangin. Katatapos lamang ng ulan, at ang lahat ay mahinay na nagpapaypay, upang mapreskuhan. Walang anu-ano, narinig namin ang mga sigaw: “Habu!” “May habu!” Ang mga sigaw ay nakatakot sa mga taganayon. Kumuha ng mga patpat ang mga adulto at tumakbo; humabol naman ang mausisang mga bata. Nasaan na ito? Ang lahat ay nababahala. Ang tuklaw ng ahas na ito na mga dalawang metro ang haba ay maaaring makamatay. Nakahinga nang maluwag ang mga taganayon yamang nabambo ng matatanda ang ulo ng ahas ng mahahabang patpat hanggang sa ito’y hindi na gumalaw. Agad-agad itong inilagay sa bag upang ipagbili nang buháy.

Sa Ryukyu Islands, na matatagpuan sa Dagat Silangang Tsina, iginagalang ng lahat mula sa bata hanggang sa nuno ang habu​—ang may batik na dilaw, may ulong hugis-sibat​—isang pit viper na likas na matatagpuan sa ilan, subalit hindi sa lahat, sa mga islang ito. Suriin natin ngayong mabuti ang kakila-kilabot na ahas na ito. Subalit tandaan na igalang ito at palaging lumayo rito!

Kakila-kilabot na Disenyo

May iba’t ibang uri ng habu. Ang isang uri ay may maitim, luntian-kayumangging batik na nagbibigay rito ng kahanga-hangang pagbabalatkayo sa damuhan at nabubulok na mga dahon. Ang ilan ay may mas maitim na hitsura na angkop na angkop sa panggabing mga gawain ng habu at hilig nito na magtago sa madidilim na lugar.

Ang nilikhang ito ay may mga kakayahan na wala tayo, bagaman ito’y medyo mas malinaw ang tingin sa malapitan. Ito’y pinagkalooban ng tinatawag na mga pit organ (tulad hukay na mga sangkap), isa sa magkabilang bahagi ng ulo nito. Ito’y malalalim na uka sa pagitan ng mga butas ng ilong at mga mata nito na napakasensitibo sa init. Ang dalawang tulad hukay na sangkap ay tumutulong dito na “makita” ang radyasyong infrared na nararamdaman naman ng mga tao bilang init. Sa pamamagitan ng mga ito, natutudla nang husto ng habu ang maliit na mainit na daga, maging sa pusikit na kadiliman.

Maaaring nakakita ka na ng ahas na dumidila-dila. Ang dila nito ay nagsisilbing pantanging ikalawang ilong. Sa pamamagitan ng gayong pagdila-dila natitipon ng habu ang mga kemikal na nasa hangin at idinidiit ang dila nito sa isang sangkap na sensitibo sa kemikal sa ngalangala nito. Dahil sa ginagawa ng ikalawang ilong na ito, nakukuha ng habu ang pagkarami-raming kemikal na impormasyon mula sa hangin.

“Napananatili ng habu ang maraming ulit ng pagdidila-dila sa magkakasunod na yugto pagkatapos umatake,” sabi ng mga mananaliksik na sina R. M. Waters at G. M. Burghardt ng University of Tennessee. Bakit nito hinahanap pa ang pinagmumulan ng kemikal pagkatapos na sumalakay? Dahil sa laging may panganib na lumaban ang biktimang nasa mapanganib na kalagayan, ang habu, pagkatapos na umatake at magturok ng kamandag nito, ay kalimitang pinakakawalan ang biktima nito. Pagkatapos, habang tumatalab ang kamandag, tinutunton ng ahas ang biktima sa pamamagitan ng “pag-amoy” sa dila nito.

Dahil sa natunton na ngayon ang kaawa-awang biktima nito, ito ma’y daga, sisiw, o ibon, buung-buo nang lululunin ito ng habu​—ulo, paa, buntot, balahibo, at lahat na. Ang ibabang panga nito ay nabubuksan sa pinakalikuran, na nagpapangyari sa panga na maghiwalay upang malulon ang ubod laking nasila. Isang buong pusa ang nasumpungan sa tiyan ng habu na makikita sa isa sa sentro ng pananaliksik tungkol sa habu sa Okinawa.

Ano kung maiwala ng habu ang tulad-heringgilyang pangil nito sa isang pagsalakay nito? May bagong papalit dito. Aba, ang ilan ay nakitaan ng dalawang pangil sa magkabilang panig ng bibig nito! Bukod sa rito, kahit na maiwala ng habu ang mga pangil nito, hindi ito magugutom. Ang isang habu na naitala ay nakapanatiling buhay sa loob ng tatlong taon na tubig lamang ang pinakapagkain.

Pag-iwas sa Pag-atake Nito

Samantalang ang kobra ng Timog-silangang Asia at ang black mamba ng Aprika ay nagtuturok ng kamandag sa nerbiyo, itinuturok naman ng habu ang mabagsik na kamandag na nakapamumuo ng dugo sa loob (hemorrhagenic venom). Tinatawag itong hemorrhagenic sapagkat ito’y nagdudulot ng pagdurugo sa pamamagitan ng pagsira sa mga daluyan ng dugo. Ang kamandag ay nagdudulot ng ubod nang sakit na kirot at pamamagâ, at ito’y maaaring makamatay.

Ipinalalagay ng ilan na ang ahas ay tumatalon mula sa pinagtataguan nito at hinahabol ang mga tao, subalit hindi iyan ang kalagayan. Ang mga tao ay hindi masarap para sa habu. Kapag natapakan mo lamang nang hindi sinasadya ang isang habu o pinanghimasukan ang teritoryo nito saka malamang na sumalakay ito. Ang karamihan ng mga biktima ay nasa mga lugar kung saan ang habu ay nag-aabang ng masisila, gaya sa mga gulayan o tubuhan. Ang mga tagaisla ay hindi kailanman nagpupunta sa talahiban nang walang sapat na proteksiyon sa binti, at sila’y nagdadala ng flashlight kung gabi. Ang habu ay lalong aktibo kung gabi. Ah, hindi mo dapat kalimutan na ang mga ahas na ito ay napakahusay umakyat ng puno, na nagpapangyari sa mga ito na maginhawahan kung tag-araw gayundin naman upang maging mas malapit sa walang kamalay-malay na mga ibon. Kaya mag-ingat sa iyong uluhan, gayundin sa iyong paghakbang, kapag malapit ka sa tirahan ng mga ito!

Ang pinakamabuting paraan upang harapin ang makamandag na ahas na ito una sa lahat ay huwag itong anyayahan. Takpan ang lahat ng butas sa pundasyon at panlabas na mga dingding ng gusali. Panatilihing walang talahib ang inyong bakuran. Sa ibang salita, huwag maglaan ng pamumugaran ng habu.

Ano Kung Ikaw ay Matuklaw?

Ano ang mangyayari kapag nakaharap mo ang isa sa makamandag na ahas na ito? Marahil ay pupulupot ang habu, na nakahugis S ang kalahating itaas na katawan nito. Heto na! Ang dalawang-katlo ng katawan nito ang lulukso sa iyo, bukang-buka ang mga panga nito, una muna ang mga pangil.

Huwag kang mataranta. Suriin kung talagang isang habu ang sumalakay sa iyo. Ang tuklaw ng habu ay makikilala sa pamamagitan ng dalawang mamula-mulang batik, halos dalawang centimetro ang layo, kung saan bumaon ang pangil sa iyong balat. Ang ilan ay may tatlo o apat na pangil, na siyang nagpaparami sa mamula-mulang mga batik. Hindi magtatagal, madarama mo ang tumitinding nakapapasong pakiramdam, para bang may naglagay ng iyong kamay sa apoy. Ano ang maaari mong gawin? Humingi ng tulong. Pagkatapos, sipsipin ang kamandag at ilura ito sa lupa. “Sipsipin ang dugo nang sampung ulit sa paano man,” sabi ng Handbook for the Control of Habu, or Venomous Snakes in the Ryukyu Islands. Sumugod agad sa ospital na may serum para sa kamandag ng habu. Subalit, huwag na huwag tumakbo. Agad na magpapakalat iyan ng kamandag sa buong katawan mo, magpapalala sa pinsala at magpapabagal sa paggaling. Kung hindi ka makarating agad sa ospital sa loob ng 30 minuto, maglagay ng tornikey sa natuklaw na braso o binti sa lugar na mas malapit sa puso kaysa tinuklaw na parte upang maantala ang pagkalat ng kamandag. Gayunman, huwag talian nang napakahigpit upang mapanatili ang pulso. Alisin ang pagkakatali bawat sampung minuto upang dumaloy ang dugo.

Sinabi nina Masatoshi Nozaki at Seiki Katsuren, ng seksyon ng pananaliksik sa habu ng Okinawa Prefectural Institute of Health and Environment, sa Gumising! na ang mga tao, pagkatapos matuklaw, ay hindi nagkakaroon ng permanenteng imyunidad sa kamandag ng habu. Ang tuklaw ay karaniwang humahantong noon sa pagputol, subalit ngayon kakaunting tao ang napuputulan ng paa o braso, lalo na ang mamatay dahil sa tuklaw ng habu. Dahil sa mabisang mga gamot at mga terapeutikong pamamaraan, 95 porsiyento ngayon ng mga natutuklaw ang gumagaling. Yaon lamang labis na nagtitiwala o yaong mga taong napakalayo sa pagamutan ang nakararanas ng malubhang pinsala.

Ipinagbibiling Habu

Ang habu ay may kakaunting likas na mga kaaway. Ang alagang mga pusa at aso ay makalalaro pa nga nito. Ang isang ahas na hindi makamandag na tinatawag na akamata, ang ilang weasel, baboy-ramo, at mga lawin ay nakatala na kabilang sa mga sinisila nito. Bagaman ang mongoose ay dinala sa Ryukyu Islands upang makatulong sa pagsugpo sa dami ng habu, hindi ito naging matagumpay sa paglipol sa mga ito.

Ang pinakamapanganib sa lahat ng likas na kaaway nito ay ang tao. Gaya ng mga taganayon na nagsuguran sa pagsigaw ng “Habu!” sa mismong sandali na narinig nila ito, marami ang sabik na makahuli ng habu sa mismong sandali na lumitaw ito. Sa kabila ng panganib, ang halaga ng pagbili na nasa pagitan ng $80 at $100 (U.S.) para sa isang habu ay totoong nakatutukso para sa marami.

Paano ginagamit ang habu? Ang inuming habu at pinatuyong pulbos ng ahas, kapuwa ginagamit para sa pangkalusugang kadahilanan, ay mula rito. Marami ang ginagamit na buháy sa mga palabas upang maakit ang mga turista. Mangyari pa, ang mga balat ay maganda para sa mga pitaka at sinturon, samantalang ang kamandag ay ginagamit upang gumawa ng serum na panlaban sa kamandag. Anuman ang gamit nito, ang payo pa rin ay, lumayo mula sa habu!

[Larawan sa pahina 10]

Ang habu na may tulad-​heringgilyang mga pangil nito. Ang ibabang panga nito ay nagbubukas upang malulon ang mas malalaking nasila

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share