Isang Daigdig na Walang Kagubatan—Iyan Ba ang Inilalaan ng Kinabukasan?
ANG malawak na mga dako na sa loob ng mga milenyo ay tinakpan ng malagong tropikal na mga kagubatan ay nagiging ilang ngayon. Dati-rating tirahan ng eksotikong mga ibon at buhay hayop na nanganlong sa ilalim ng mabungang payong ng angaw-angaw na uri ng halaman at mga punungkahoy, ang ilan ay umaabot ng 200 piye ang taas, ang magaganda, luntian, tumitibok na mga dako sa lupa ay mabilis na nagiging ilang.a
Taglay ang mapangwasak na kakayahan winawasak ng tao ang mga bundok sa pamamagitan ng palakol, ng lagari, ng buldoser, at ng posporo. Ang mga ito ay kaniyang kinalbo, pininsala, sinunog at ginawang mga lupaing ilang. Ang walang-lubay na pagwasak na ito sa tropikal na kagubatan ng lupa ay isinasagawa sa nakagigitlang bilis na 50 acre sa bawat minuto, o mahigit na 100,000 kilometro kuwadrado sa isang taon—isang sukat na kasinlaki ng Austria.b
Sa taóng 2000, sang-ayon sa ilang mga eksperto, halos 12 porsiyento ng tropikal na kagubatan na nanatili noong 1980 ang mawawala—hindi isang maliit na nagawa ng tao, taglay ang kaniyang reputasyon sa pagiging mapangwasak. Mawawala rin, ang eksotikong mga ibon, ang maiilap na mga hayop, at ang sarisaring mga buhay halaman na hindi masusumpungan sa anumang iba pang bahagi ng lupa. Sinisira ng tao ang isang bahagi ng pinakamasalimuot na ecosystem na napakahalaga sa kaniyang buhay at na nagbibigay sa kaniya ng di-mabilang na mga pakinabang.
Mahigit sa kalahati ng mga medisinang ginagamit ng tao ay nanggagaling sa mga halaman, marami sa mga ito ay mula sa tropikal na mga halaman. Ano ang gagawin ng industriya kung walang pinagmumulan ng goma, agwaras, ratan, kawayan—pawang katutubo sa tropikal na kagubatan—at ang pagkarami-raming himaymay, dagtâ o resina, tina, at mga pampalasa? May kabulagan at walang pinipili, sinisira ng tao ang isang napakalaking kayamanan.
Mula sa malalaking kagubatang ito, napakaraming nagbibigay-buhay na oksiheno ang ginagawa. Ang ibang mga siyentipiko ay nagbababala na ang lansakang pagbawas na ito ng kagubatan na gumagawa-ng-oksiheno ay maaaring magpatindi sa kinatatakutang pag-init ng ibabaw ng lupa, pinapangyayaring tumaas ang dagat sa kapaha-pahamak na taas.
Ang pagkalbo sa kagubatan ay mayroon nang malubha at kagyat na epekto sa maraming bahagi ng lupa. Nakita ng mga bansang gaya ng Brazil, Indonesia at Pilipinas ang mabilis na pagbabago ng kanilang mga lupain mula sa masukal na kagubatan tungo sa tunay na mga ilang. “Sa Timog-silangang Asia kasindami ng 25 milyong acre ng lupang dati-rati’y gubat ang ngayo’y mayroon na lamang mahigpit ang kapit at walang-silbing mga talahib na hindi nagbibigay ng pagkain, gatong, o kumpay,” ulat ng World Resources Institute.
Ang pagputol at pagbibili ng napakalaking sukat ng lupa ng mga punungkahoy ay tumitiyak sa pagkalbo ng kagubatan sa Fiji sa loob ng 20 taon, at sa Thailand sa pagtatapos ng dantaon, at sa kapatagang kagubatan ng Pilipinas sa 1990, ulat ng Science Digest. Sa Australia ang pagkawasak ng kagubatan nito ay laganap—dalawang-katlo ng kagubatan nito ay naglaho na! Ang India ay nawawalan ng 3.2 milyong acre ng kagubatan taun-taon dahil sa pagputol ng mga punungkahoy.
“Noong kalagitnaan ng 1980’s,” ulat ng magasing Natural History noong Abril 1986, “bawat bansa sa Aprika ay nawawalan ng tumatakip na punungkahoy. Tunay, ang pagkaubos ng mga kagubatan ay karaniwan ngayon sa lahat ng bansa sa Third World.” Sa 63 mga bansa pinuputol ng 1.5 bilyong mga tao ang mga kahoy na mas mabilis kaysa maaaring itanim nito, lumilikha ng kakapusan na maaari lamang humantong sa pagkabangkarote ng kagubatan at ng gatong na kahoy. Inaasahan ng mga dalubhasa na dudoble ang kakapusan sa taóng 2000.
Apektado ng pagkawasak ng kagubatan ang pinakasentro mismo ng kakayahan ng tao na umiral—ang agrikultura. Sa simula, kapag pinuputol ng tao ang mga punungkahoy sa mga bundok at mga burol upang itanim ang kaniyang mga binhi, kung walang pananim na hahawak sa lupa, ang lupa ay mabilis na naaagnas. Gayundin, sa mga bansa kung saan ang gatong na kahoy ay madalang, “tinatayang 400 milyong tonelada ng dumi ng hayop ang sinusunog taun-taon . . . Ang pagsunog na ito ng isang potensiyal na abono ay tinatayang magpapaunti sa mga aning binutil ng mahigit 14 na milyong tonelada.”
Talaga nga bang mapapahamak ang malalaking kagubatan ng daigdig sa pamamagitan ng hindi mababaligtad na mga puwersa? O iiwan ba ng salinlahing ito ang marami sa likas-yaman at kagandahan ng lupa sa mga anak nito? Marami itong sinasabi, mga resma ang isinusulat, subalit kaunti lamang ang ginagawa. Kaya, anong kinabukasan ang iiwan nito sa mga anak nito? Panahon ang magsasaysay, at kaunting panahon na lamang ang natitira.
[Mga talababa]
a 1 ft = 0.3 m.
b 1 a. = 0.4 ha.
[Blurb sa pahina 7]
Sa 63 mga bansa pinuputol ng 1.5 bilyong mga tao ang mga kahoy na mas mabilis kaysa maaaring itanim nito
[Larawan sa pahina 7]
Binabago ng mga bansa ang masukal na kagubatan tungo sa ilang