Mga Halaman na Dumaranas ng Kaigtingan
NAPANSIN mo ba na ang ilang halaman ay bigla na lamang pinamumugaran ng mga salot na insekto o basta na lamang nagkakasakit at namamatay? Tiyak na ikaw ay naghinuha na ang mga ito ay hindi gaanong napangalagaan, marahil ay labis ang pagkakadilig, o na ang mga ito ay namatay dahil sa ilang sakit o marahil ay dahil sa polusyon ng hangin. Subalit nalalaman mo ba ang bagay na ang nakapipinsalang mga bagay na ito ay nagdudulot ng kaigtingan sa mga halaman? Oo, na bago pa man ang mga halamang ito ay magpakita ng anumang nakikitang palatandaan ng pagkakaroon ng problema, sila ay tahimik na nagpapadala ng “hudyat ng panganib”?
Ito ang iniulat ni Charles B. Forney sa pahayagan ng Easton, Pennsylvania, ang The Express. Sang-ayon sa kaniyang pitak, Farm/garden, “iniuulat ng Kagawaran ng Agrikultura ng Estados Unidos na sinasabi ng ilang mga siyentipiko na ang mga halaman ay nagsasabi sa atin kapag sila ay dumaranas ng kaigtingan—isang nagbababalang hudyat.” “Inaakala ng mga siyentipikong ito na nasumpungan na nila kung paano humihingi ng saklolo ang isang halaman.”
Lumilitaw na kapag ang mga halaman ay dumaranas ng kaigtingan, sila ay naglalabas ng gas na ethylene. Waring nalalaman ng mga insekto ang paglalabas na ito ng gas. Ang mga punungkahoy na may sakit na naglalabas ng ethylene ay kaagad nagiging tudlaan ng matakaw na mga uwang o salagubang. Inaasahan ng mga mananaliksik na ito na sa paggamit ng isang gas chromatograph—isang aparato na naghihiwalay sa iba’t ibang inilalabas na gas—masusukat nila kung gaano karaming ethylene ang inilalabas ng mga halaman. Sa gayo’y matitiyak nila kung kailan dumaranas ng kaigtingan ang isang halaman at kung nakakayanan nito ito. Maliwanag, gaya ng mga tao, ang mga halaman ay nangangailangang pangalagaan din laban sa labis na kaigtingan!