Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 8/22 p. 11-15
  • Ang mga Sakripisyo ay Nagdadala ng Mayamang mga Gantimpala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Sakripisyo ay Nagdadala ng Mayamang mga Gantimpala
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkakaroon ng Pananampalataya
  • Mga Sakripisyo na Kakaibang Uri
  • Bagong mga Atas
  • Isang Kalungkutan na Masahol pa sa Kamatayan
  • Pag-aasawa at Gawaing Paglalakbay
  • Lumalalâ ang Aking Karamdaman
  • Mayamang mga Gantimpala
  • Napasasalamat sa Laging Pag-alalay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Kung Paano Ako Nakinabang Mula sa Pangangalaga ng Diyos
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 8/22 p. 11-15

Ang mga Sakripisyo ay Nagdadala ng Mayamang mga Gantimpala

‘Lynette, mahal ko,

‘Nais kong iwanan ka ng isang liham upang pasalamatan ka sa pagiging mabait, maibiging anak sa akin. Magiging mahirap para sa iyo ang mawalan ng isang ina, mahal ko, subalit tutulong ang iba, at aalagaan kang mabuti ng iyong Itay. Tulungan mo ang iyong maliliit na kapatid​—alam kong gagawin mo iyon​—samantalang higit at higit silang aasa sa iyo. Nais kong magpasalamat sa iyo mahal ko sa lahat ng ginawa mo sa akin at sa pagiging mabait, masunuring bata, na hindi kailanman nagbigay sa akin ng anumang problema. Idinadalangin ko kay Jehova na alalahanin ako at na magkita-kita tayong muli sa Bagong Sanlibutan.

‘Labis-labis na pagmamahal mula sa iyong maibiging Ina.’

AKO noon ay 13 anyos lamang nang mamatay si Inay dahil sa kanser noong Enero 1963. Mga tatlong buwan bago siya mamatay, ipinaalam niya sa akin at sa aking nakababatang mga kapatid na babae na siya ay mamamatay. Ako’y nagpapasalamat na hindi niya inilihim ang bagay na ito kundi may kabaitang ipinaliwanag sa akin ang kalagayan at saka gumawa ng mga hakbang upang ihanda kami sa mga pagbabagong darating.

Bagaman siya ay nakaratay sa banig ng karamdaman, tinuruan ako ni Inay na magluto, at ako ang nagluto ng lahat ng pagkain sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Ipinakita rin niya sa akin kung paano gagamitin ang makina sa pananahi, paggupit ng buhok ng pamilya, paghahanda ng mga baon sa paaralan, at gawin ang marami pang ibang mga gawain. Ipinaliwanag niya sa akin na pagkamatay niya, ako ay kailangang gumawa ng mga sakripisyo upang tulungan ang aking mas nakababatang mga kapatid na babae.

Natatandaan ko pa ang paghanga ko sa kahinahunan ni Inay. Ngayon ay batid ko na ito ay dahilan sa kaniyang taimtim na pagtitiwala sa ipinangakong pagkabuhay-muli. Mga ilang araw pagkamatay niya, iniabot ni Itay sa bawat isa sa amin ang isang liham na isinulat ni Inay bago siya pumanaw. Ang liham niya sa akin ay lumilitaw, ang bahagi nito sa itaas. Maguguniguni mo ang aking mga luha habang binabasa ko ang liham na iyon, subalit pinatibay ako nito sa espirituwal na paraan sa kabila ng aking kabataan. Mga ilang buwan lamang pagkatapos niyan, ako’y nag-alay kay Jehova at ako ay nagpabautismo noong Agosto 1963.

Pagkakaroon ng Pananampalataya

Ang aking mga magulang ay naging mga Saksi ni Jehova noong 1956, isang taon pagkaraan naming lumipat mula sa isang maliit na gatasán tungo sa Sydney, Australia. Sa kasamaang palad, nagkaroon ako ng mapagduda, halos ateistikong saloobin dahilan sa paraan ng pagkakalahad ng mga kuwento sa Bibliya sa Sunday school. Sa aking isipan ay isinama ko ang mga tauhan sa Bibliya sa mga kuwentong ada at iba pang mga pabula na alam kong hindi totoo. Itinuring ko pa nga ang Diyos na isa lamang tauhan sa alamat. Gayunman, ang kataimtiman ng mga Saksi ay nagkabisa sa akin, at ako’y nag-isip na kung sila at ang aking nanay ay naniniwala sa Diyos at sa Bibliya, tiyak na may dahilan sila sa paggawa nito.

Nang ako ay 11 anyos, ang kongregasyon ay nagsimula sa pag-aaral sa aklat na “Your Will Be Done on Earth”​—taglay ang talata-por-talatang paliwanag sa mga bahagi ng aklat ng Bibliya na Daniel. Ang mga hulang ito at ang pagkatupad nito nang detalyado ay talagang nagkabisa sa akin. Ang iba pang mga miting sa kongregasyon ay tumalakay sa pagkakasuwato ng Bibliya sa tunay na siyensiya. Ang ilan sa aking mga pag-aalinlangan ay naglaho, at ako’y unti-unting nagkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos.

Mga Sakripisyo na Kakaibang Uri

Gaya ng sinabi ni Inay, ang pagbalikat sa mga pananagutan ng pamilya at pagtulong sa dalawang mas nakababatang mga kapatid na babae ay hindi laging madali. Ang ilan sa aking kabataan ay nawala. Gayumpaman, ang pambihirang buklod ng pagiging malapit naming tatlong mga babae at ang malaking pagtitiwala na ipinakita sa akin ni Itay ay sulit naman dito. Gayunman may sakripisyo na kakaibang uri ang darating pa.

Noong ako’y nag-aaral, nagkaroon ako ng hilig sa musika at dramatikong pag-arte. Ang aming pamilya ay mahilig sa musika. Kaming mga anak ay tutugtog ng piyano, aawit, sasayaw, at magtatanghal ng mga konsiyerto hanggang sa kami ay mapagod. Binigyan ako ng pangunahing papel sa mga palabas sa paaralan mula nang ako’y pitong taóng gulang. Hinimok ako ng mga guro na magpatala sa isang paaralan ukol sa drama. Subalit naalaala ko ang mga pananalita sa isang awit na inaawit natin sa ating mga pulong sa kongregasyon: “As our gifts and talents to His work we bring.” Kaya bagaman hindi madaling gawin, tinanggihan ko ang kanilang mga paghimok.

Nasisiyahan din ako sa pag-aaral at, bunga nito, ako’y tumanggap ng mataas na iskolastikong mga merito. Gayunman, nang ako’y magpasiya na huwag nang magpatuloy sa mataas na edukasyon sa unibersidad alang-alang sa paggamit ko ng buong panahon sa gawaing pangangaral, ako’y dinala sa harap ng vocational guidance officer. “Sayang naman,” sabi niya habang sinisikap niyang himukin ako na kumuha ng isang karera sa medisina. Gayunman ay hinding-hindi ko pinagsisihan ang aking pasiya.

Pagkatapos kong umalis ng paaralan, ako’y nagtrabaho sa loob ng isa at kalahating taon sa bagong computer section ng isang kagawaran sa gobyerno. Nang ibigay ko ang aking liham ng pagbibitiw, ako’y inalok ng dobleng sahod at mataas na tungkulin sa departamentong iyon. Ito ay nakatutuksong alok, lalo na sa isang 17-anyos! Subalit, nanghawakan ako sa aking tunguhin at nagsimula ako sa buong-panahong ministeryo bilang isang regular payunir noong Hunyo 1, 1966.

Bagong mga Atas

Nang ako’y mahirang bilang isang espesyal payunir noong sumunod na Abril, tuwang-tuwa ako na tumanggap ng isang atas sa akin mismong kongregasyon sa Sydney. Ito’y nagpangyari sa akin na makasama ko ang aking mga kapatid na babae nang mas matagal na panahon. Ako’y nagpapasalamat sa bagay na ito, yamang inasam-asam kong makapiling o maging malapit sa aking pamilya hanggang sa ang dalawa kong mga kapatid na babae ay mag-asawa at lumagay na sa tahimik.

Noong 1969 ako’y nadestino sa kalapit na Peakhurst Congregation kasama ni Enid Bennett, na magiging kapareha kong espesyal payunir sa susunod na pitong taon. Pagkaraan ng dalawang taon, ang aking ama ay lumipat upang maglingkod bilang isang hinirang na matanda o elder kung saan may pangangailangan sa maliit, magandang bayan ng Tumut, may kalayuan sa gawing timog-kanluran ng Sydney. May kabaitang idinestino rin kami roon ng Samahan. Nang panahong ito ang aking bunsong kapatid na babae na si Beverly ay nagsimulang magpayunir, at siya ay naglingkod na kasama namin.

Isang Kalungkutan na Masahol pa sa Kamatayan

Halos noong panahon ding ito na ang pinakamalungkot na pangyayari sa aking buhay ay nangyari. Ang aking kapatid na si Margaret at ang kaniyang katipan ay natiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano. Ito’y isang napakahirap at napakasakit na panahon, sapagkat ngayon ang pambihirang malapit na buklod na taglay ko kay Margaret mula nang mamatay ang aming ina ay naputol. Alam kong si Inay ay nasa alaala ni Jehova, isang napakaligtas na dako. Subalit ang aking kapatid na babae​—sa paano man sa kasalukuyan​—ay nawalan ng pagsang-ayon ni Jehova. Kailangan kong masikap na magsumamo kay Jehova upang mapagtagumpayan ko ang aking bagbag na damdamin upang ako’y makapaglingkod sa kaniya nang may kagalakan, at sinagot naman niya ang aking panalangin.

Ang lubusang putulin ang lahat ng aming kaugnayan kay Margaret ay sumubok sa aming katapatan sa kaayusan ni Jehova. Nagbigay ito ng pagkakataon sa aming pamilya na ipakita na talagang naniniwala kami na ang paraan ni Jehova ang pinakamabuti. Sa aming katuwaan, halos pagkalipas ng dalawang taon si Margaret at ang kaniyang asawa ay naibalik sa kongregasyon. Wala kaming kamalay-malay sa malakas na epekto sa kanila ng aming matatag na paninindigan, gaya ng sinabi sa akin ni Margaret nang dakong huli:

“Kung itinuring ninyo, ni Itay, o ni Bev ang aming pagkatiwalag na magaan lamang, alam kong hindi ako kumuha ng hakbang upang makabalik agad na gaya ng ginawa ko. Ang pagiging lubusang walang kaugnayan sa aking mga mahal sa buhay at sa kongregasyon ay lumikha ng matinding pagnanais sa akin na magsisi. Sa aking pag-iisa, natanto ko kung gaano kamali ang aking landasin at kung gaano kagrabe na talikuran ko si Jehova.”

Kami ay muling pinagpala sa pagkakaroon ng buong pamilya na sama-samang naglilingkod kay Jehova. Anong laki ng aming pasasalamat sa kaligayahan na bunga ng pananatiling tapat sa mga simulain ng Bibliya!

Pag-aasawa at Gawaing Paglalakbay

Nang maglaon ay nakilala ko si Alan, isang payunir at Kristiyanong hinirang na matanda. Kami’y nagpakasal noong Nobyembre 1975, anim na buwan pagkaraang mag-asawa ang aking kapatid na si Beverley. Pagkaraang magpayunir ng dalawang taon, noong Enero 1978 kami ay inanyayahan na makibahagi sa gawaing paglalakbay, dinadalaw ang iba’t ibang kongregasyon sa bawat linggo upang palakasin sila sa espirituwal. Dinala kami ng aming atas mula sa maginhawang takbo ng buhay sa liblib na mga bayan ng Queensland tungo sa masiglang buhay sa kalunsuran ng Melbourne at Sydney.

Para sa akin, ang palaging pag-iimpake at pagtuloy sa iba’t ibang tahanan linggu-linggo ay isang malaking hamon. Subalit ako’y nangangatuwiran: ‘Dapat akong maligayahan at kami’y may mga maleta at mga pag-aari na ilalaman dito. Maraming tao ang wala nga nito.’ Mahirap din sa akin ang maraming gabi na hindi ko kasama ang aking asawa samantalang ginagampanan niya ang mga tungkuling pangkongregasyon. Gayunman, maraming babae, naisip ko, ang hindi laging nakakasama ang kani-kanilang mga asawa, at sa karamihang kalagayan ay hindi ito dahilan sa kanilang pagkasangkot sa marangal na gawain ng Panginoon.

Gayunman, ang pinakamahirap na kalagayan sa lahat ay ang aking mahinang pangangatawan. Mula sa pagkabata, madalas akong dumanas ng pananakit ng lalamunan, mga suliranin sa kalamnan at kasu-kasuan, mga problema sa paghinga, at panghihina. Hindi malaman ng mga doktor at mga naturopath ang problema.

Sa paglipas ng mga taon, lumalâ pa ang nabanggit na mga sintomas, pati ng madalas na pananakit ng likod at leeg, panlalamig, sobrang pagod, mga singaw, namamagang mga glandula, madalas na pagsusuka, at paulit-ulit na pamamaga ng pantog. Ipinalagay ko na ang gayong mga karamdaman ay normal na bahagi ng buhay na kailangang pagtiisan, kaya hindi ako nagreklamo.

Isang kalagayan ang nangyari pagkatapos naming tanggapin ang aming unang atas na sirkito. Tuwing lalakad ako ng mahigit na isang oras, duduguin ako, at ito’y magpapatuloy hanggang sa ako’y umupo. Yamang ang aming iskedyul ay humihiling ng halos tatlong oras na paglalakad tuwing umaga sa gawaing pagbabahay-bahay, naisip ko kung makakayanan ko kaya ito. Ipinanalangin ko ang tungkol dito. Ang resulta?

Tuwing umaga​—sa loob ng tatlong buwan​—ako ay pinatutuloy at inaanyayahang maupo. Nang huminto na ang pisikal na problema, huminto na rin ang mga paanyaya! Yamang hindi kaugalian ng mga Australyano na anyayahan sa loob ng bahay ang di-inaasahang bisita, inaakala ko na higit pa ito sa pagkakataon lamang.

Lumalalâ ang Aking Karamdaman

Nang ako’y sumapit na sa edad 30’s at nasa gawaing paglalakbay sa loob ng mga ilang taon na, lalo pang lumalâ ang aking kalusugan. Nangangailangan ng dalawang linggo o higit pa upang makabawi ako mula sa ilang araw na konsentrasyon sa mga asamblea. Isang gabi lamang akong mapuyat ay makahahadlang sa akin ng mga ilang linggo. Ang pagpapatotoo kung umaga ay naging isang gabundok na balakid. Tuwing alas diyes ng umaga, ako’y pagod na pagod na. Bandang alas-11, nangangatog na ako, nagdidilim ang paningin ko. Pagdating ng tanghali ibig ko nang mahiga. Pagkatapos nariyan pa ang gawain sa hapon. Sa iba ay para bang bale wala ito at may lakas pa para sa ekstrang gawain. Bakit ako ay hindi?

Nangayayat ako hanggang ako’y tumimbang na lamang ng 93 libra (42 kg), at kung wala akong lagnat, para bang lagi akong lalagnatin. Hindi ako makatulog sa gabi nang hindi bumabangon ng 20 beses o higit pa dahil sa problema ko sa pantog. Nais kong makatulog at huwag magising! Maraming beses na idinulog ko sa panalangin: “Pakisuyo, Jehova, alam kong hindi ako karapat-dapat sa anumang bagay, subalit nais ko lamang ang aking kalusugan upang paglingkuran kayo. Maaari po bang tulungan ninyo ako sa aking problema? Kung hindi man po, pakisuyong tulungan ninyo akong makapagtiis.”

Disidido akong huwag huminto sa buong-panahong ministeryo. Kaya humiling ako ng espisipikong tulong kay Jehova, una ay na makakuha sana kami ng isang caravan (treyler), yamang inaakala kong kailangang-kailangan ko ang pribadong tuluyan. Hindi ko binanggit ang aking kahilingan kay Alan, ngunit nang sumunod na pulong nilapitan kami ng isang brother at inalok sa amin ang kaniyang caravan. Ang aking sumunod na kahilingan ay na sana’y mailipat kami sa mas malamig na lugar, at hindi pa natatagalan ang panalanging ito ay dininig din nang kami ay madestino sa Sydney.

Maniniwala ka ba na sa loob lamang ng dalawang buwan pagdating namin sa Sydney, ako’y binigyan ng isang aklat na naglalarawan sa mga sintomas na katulad na katulad ng aking nararamdaman? Nakapagtataka, ang aklat na ito ay isinulat ng isang doktor na ang gawaing paggagamot ay doon mismo sa aming teritoryo sa sirkito. Pagkaraan ng maraming pagsubok, naalaman ko na mababa ang asukal ko sa dugo, at ako’y alerdyik sa maraming bagay, pati na sa amag, yeasts, sa ilang amoy ng kemikal, sa mga pusa, aso, at sa maraming pagkain.

Nangailangan ng walong matagal at nakapapagod na mga buwan sa ilalim ng pangangalaga ng doktor na ito upang matunton ang aking mga alerdyi sa pagkain hanggang sa mawala ang mga sintomas. Mahirap ilarawan ang epekto nito sa aking pisikal na kalusugan at sa aking buong pangmalas sa buhay. Ang ministeryo at ang mga pulong sa kongregasyon ay muling naging isang tunay na kaluguran. Para bang ako’y “binuhay-muli” mula sa bingit ng kamatayan! Hindi nagtagal ay tumaba ako, at yaong mga hindi nakakita sa akin sa loob ng mahabang panahon ay nagulat sa laki ng ipinagbago ko.

Mayamang mga Gantimpala

Kay bilis lumipas ng 24 na taon sapol nang mamatay si Inay! At anong laki ng pasasalamat ko na nagugol ang 21 sa mga taóng iyon sa buong-panahong paglilingkod! Oo, may mga kahirapan, subalit kung wala ito baka hindi ako nagkaroon ng ganitong antas ng pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova.

Ginugunita ang mga bagay, anumang sakripisyo na nagawa ko ay para bang napakaliit kung ihahambing sa mga gantimpalang natanggap ko na. Kabilang dito ang mahalagang kaugnayan sa napakaraming maibiging mga kaibigan at lalo na sa akin mismong pamilya. Upang ilarawan, sinulatan ako ng aking kapatid na si Margaret pagkatapos na kami ni Alan ay magsimula sa gawaing paglalakbay:

“Maraming-maraming salamat sa pagiging kung ano ikaw. Palagay ko ay hindi ko ito nasabi noon, at ikinalulungkot kong hindi ko ito nasabi, ngunit salamat sa paggawa mo ng pinakamabuti sa pagpapalaki sa amin ni Bev at sa pagkuha mo sa dako ni Inay. Natalos ko ngayon na nangailangan ito ng malaking pag-ibig at pagsisikap at pagsasakripisyo-sa-sarili sa iyong bahagi. Madalas kong isipin ang mga panahong iyon at idinadalangin ko na sana’y pagpalain ka. Alam kong ikaw ay pinagpapala.”

At nariyan pa ang mga gantimpala sa hinaharap​—lalo na ang mahalagang pag-asa ng pagkabuhay-muli ng ating natutulog na mga mahal sa buhay. Oo, naluluha pa rin ako kapag binabasa kong muli ang liham ng pamamaalam ni Inay. Ang panalangin ko ay katulad din ng kaniyang panalangin, “na sana’y alalahanin [siya] ni Jehova at na magkita-kita kaming lahat sa Bagong Sanlibutan.​—Isinaysay ni Lynette Sigg.

[Blurb sa pahina 13]

Alam kong si Inay ay nasa alaala ni Jehova, isang napakaligtas na dako

[Larawan sa pahina 12]

Mula sa kaliwa: Si Lynette, Margaret, at Beverley, tatlong taon bago mamatay ang kanilang ina

[Larawan sa pahina 15]

Si Lynette at ang kaniyang asawa, si Alan, na kasalukuyan ay naglilingkod sa Australia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share