Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Gaano Kaselan ang Masturbasyon?
“Ako’y nagtatanong kung baga ang masturbasyon ay masama sa paningin ng Diyos. Maapektuhan kaya nito ang aking pisikal at/o mental na kalusugan sa hinaharap at kung ako man ay mag-asawa?”—15-anyos na si Melissa.
ANG mga katanungang ito ay sumalot sa maraming kabataan. Ang dahilan? Ang masturbasyon, o sadyang pagpapasigla-sa-sarili upang mapukaw sa seksuwal na paraan, ay laganap. Iniulat, mga 97 porsiyento ng mga lalaki at mahigit na 90 porsiyento ng mga babae ang gumawa ng masturbasyon sa gulang na 21. Isa pa, ang gawaing ito ay sinisisi sa lahat ng uri ng karamdaman—mula sa kulugo at mapulang talukap ng mga mata hanggang sa epilepsiya at sakit sa isipan.
Gayunman, walang pisikal na karamdaman ang napatunayan ng modernong pananaliksik sa medisina na dahil sa masturbasyon. Ganito pa ang sabi ng mga mananaliksik na sina William Masters at Virginia Johnson: “Wala pang matibay na medikal na katibayan na ang masturbasyon, gaano man kadalas, ay humahantong sa sakit sa isipan.”
Gayumpaman, maraming kabataang Kristiyano ang nababahala tungkol sa kaselangan ng bisyong ito. “Kapag ako’y napadadaig dito [sa masturbasyon], para bang binibigo ko ang Diyos na Jehova,” sulat ng isang kabataan. “Ako’y lubhang nanlulumo kung minsan.” Isa pang kabataan ay nagtatanong: “Ang masturbasyon ba ay isang di-mapatatawad na kasalanan?”
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Bagaman ang mga pagkakasala sa sekso na gaya ng pagsisiping nang hindi kasal (pakikiapid), homoseksuwalidad, pangangalunya, at pagsiping sa mga hayop ay maliwanag na hinahatulan sa Bibliya na malubhang mga kasalanan, ang masturbasyon ay hindi binabanggit. (Genesis 39:7-9; Levitico 18:20, 22, 23; 1 Corinto 6:9, 10) Ang masturbasyon ay karaniwan sa daigdig na nagsasalita ng Griego noong panahon ng Bibliya, at mga ilang salitang Griego ang ginamit upang ilarawan ang gawaing ito. Kapuna-puna, isa man sa mga salitang ito ay hindi ginamit sa Bibliya.a
Yamang ang masturbasyon ay hindi tuwirang hinahatulan ng Bibliya, nangangahulugan ba ito na ito’y hindi nakapipinsala? Tiyak na hindi! Kahit na yaong mga hindi lubhang nababahala sa pangmalas ng Diyos ay naaasiwa tungkol sa gawaing ito. Halimbawa, si Dr. Aaron Hass sa kaniyang surbey tungkol sa sekswal na mga gawain ng 625 mga tin-edyer ay nag-ulat: “Ang karamihan ng mga adolesente na gumawa ng masturbasyon ay nag-ulat ng pagkadama ng kasalanan, kahihiyan, karumihan, katangahan, pagkapahiya, o hindi normal.” Tiyak, ang masturbasyon ay isang maruming bisyo. Subalit yamang ang “karumihan,” ayon sa Bibliya, ay isang katagang nagpapahintulot ng isang malawak na antas ng kaselangan, ang masturbasyon ay hindi dapat uriin sa gayong maselang mga kasalanan na gaya ng pakikiapid o iba pang uri ng mahalay na imoralidad sa sekso.—Efeso 4:19.
Gayunman, nalalaman ng Diyos na ang pagsunod sa mga pagbabawal ng Bibliya laban sa mahalay na imoralidad sa sekso ay hindi madali. Kaya, siya ay nagbibigay ng payo sa kung paano iiwasan ang imoralidad sa sekso. Siya ‘ay nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan.’ (Isaias 48:17) Ipinakikita ng mga simulain ng kaniyang Salita na ikaw ay “makikinabang” sa pamamagitan ng matibay na panlalaban sa maruming bisyo na ito, unang-una na sapagkat ito ay . . .
Pumupukaw na “Pagkagahaman sa Sekso”
“Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan,” ang himok ng Bibliya, “kung tungkol sa . . . pagkagahaman sa sekso.” (Colosas 3:5) Ang “pagkagahaman sa sekso” na ito ay hindi ang bagong mga pakiramdam sa sekso na nararanasan ng karamihan ng mga kabataan sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, kung saan sila’y walang sukat ikahiya. Ang “pagkagahaman sa sekso” ay umiiral kapag ang mga damdaming ito ay sumisidhi anupa’t ang isa ay nawawalan ng pagpipigil. Ang gayong pagkagahaman sa sekso ay humantong sa mahalay na imoralidad sa sekso, gaya ng inilarawan ni Pablo sa Roma 1:26, 27.b
Subalit hindi ba “pinapatay” ng masturbasyon ang mga pitang ito? Sa kabaligtaran, gaya ng sinabi ng isang kabataan: “Kapag ikaw ay gumagawa ng masturbasyon, itinutuon mo ang iyong isipan sa mga masamang pita, at ang nagagawa lamang niyaon ay pasidhiin ang iyong pagkagahaman dito.” Kadalasan ang isang imoral na pantasya ay ginagamit upang pasidhiin ang kasiyahan sa sekso. (Mateo 5:27, 28) Kung ikaw ay mabibigyan ng tamang mga pagkakataon, madali kang mahuhulog sa imoralidad. Isang kabataan ang nagdadalamhati pagkatapos makagawa ng pakikiapid: “Noong minsan, inakala ko na ang masturbasyon ay maaaring makapagpaginhawa sa kabiguan nang hindi nasasangkot sa isang babae. Gayunman nagkaroon ako ng malakas na pagnanasang gawin ang gayon.” Sa katunayan, isinisiwalat ng isang pambansang pag-aaral na mas marami sa mga adolesenteng gumagawa ng masturbasyon, ang gumagawa rin ng pakikiapid. Nahigitan nila ang bilang niyaong mga donselya o malinis ng 50 porsiyento! Ang gawaing ito ay tiyak na hindi nakabawas ng kanilang “pagkagahaman sa sekso”!
Kahit na kung akala mo na kaya mong supilin ang iyong sarili sa isang mapanganib sa moral na kalagayan, bakit ka makikipagsapalaran sa pamamagitan ng pagpukaw sa iyong sarili sa seksuwal na paraan sa pamamagitan ng masturbasyon? Kung bumangon ang pagkakataon para makagawa ng pakikiapid, matatanggihan mo kaya?
Nakapagpaparumi sa Isipan at Emosyon
Ikinikintal din ng masturbasyon ang ilang mga saloobin na nakapagpaparumi o nakasisira sa isipan. (Ihambing ang 2 Corinto 11:3.) Ang bisyong ito ay nagtuturo sa isa na tratuhin ang kaniyang katawan na parang isa lamang bagay na gagamitin sa kasiyahan sa sekso. Kapag gumagawa ng masturbasyon, buhos na buhos ang isip ng isang tao sa kaniyang sariling mga damdamin ng katawan—lubusang nakasentro-sa-sarili. Ang sekso ay nagiging hiwalay sa pag-ibig at ipinagkakatiwala sa isang replekso na naglalabas ng tensiyon. Subalit nilayon ng Diyos na ang mga pagnanasa sa sekso ay masapatan sa mga pagtatalik, isang kapahayagan ng pag-ibig sa pagitan ng lalaki at ng kaniyang asawa.—Kawikaan 5:15-19.
Ang pagkawala ng punto-de-vistang ito ay maaaring humantong sa mga suliranin sa pakikibagay sa isang tamang kaugnayan sa hindi kasekso. Baka sila ay malasin bilang mga bagay para sa sekso sa halip na may damdaming mga tao. Baka pagsamantalahan ng isa ang iba bilang isang kagamitan lamang para sa kasiyahan sa sekso. Ang gayong mga masamang saloobin na itinuturo ng masturbasyon ay maaaring magparumi sa “espiritu” ng isa, o sa nangingibabaw na hilig ng isipan. Kaya sa mabuting kadahilanan, na ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Mga minamahal, magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu.” (2 Corinto 7:1) Oo, pagkatapos ng kasal naaayos ng karamihan sa mga mag-asawa ang mga suliraning likha ng masturbasyon. Gayunman, ipinakikita ng maraming halimbawa kung paanong maaaring maging napakahirap at walang lubay ang ilan sa mga problemang ito, kadalasan ay inaapektuhan ang pagiging magkabagay o magkasundo ng mag-asawa.
Subalit ano kung ang isang tao ay nagsisikap na pagtagumpayan ang masamang bisyong ito at, bagaman totoong matagumpay, ay nagkakaroon pa rin ng mga problema tungkol dito?
Isang Timbang na Pangmalas sa Pagkakasala
Bagaman ang kasalanan ay kasalanan, ipinakikita ng Bibliya na minamalas ng Diyos ang ating mga pagkakamali ayon sa iba’t ibang antas ng kaselanan, at siya ay napakamaawain. “Sapagkat ikaw, Oh Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at sagana sa kagandahang-loob sa lahat ng tumatawag sa iyo.” (Awit 86:5) Kapag ang isang Kristiyano ay napadadaig sa masturbasyon, ang puso niya ay kadalasan nang hinahatulan-ang-sarili. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi na “ang Diyos ay lalong dakila sa ating mga puso at nalalaman niya ang lahat ng bagay.” (1 Juan 3:20) Higit pa kaysa ating mga kasalanan ang nakikita ng Diyos. Ang kadakilaan ng kaniyang karunungan ay nagpapangyari sa kaniya na marinig na may pagkahabag ang ating mga pagsusumamo para sa kapatawaran. Gaya ng isinulat ng isang dalaga: “Nakadama ako ng sukdulang pagkakasala, subalit ang pagkakilala ko sa pagiging maibigin ng Diyos na Jehova at na nababasa niya ang aking puso at nalalaman niya ang lahat ng aking mga pagsisikap at mga hangarin ay nakatulong sa akin na huwag gaanong manlumo kapag ako’y nabibigo kung minsan.” Sa panlalaban sa masturbasyon, malamang na hindi ka makagawa ng maselan na kasalanan ng pakikiapid.
Ang Pebrero 15, 1954, labas ng aming kasamang magasin, na Ang Bantayan, ay nagsabi: “[Maaaring] masumpungan natin ang ating mga sarili na natitisod at natutumba nang maraming ulit sa ilang masamang bisyo na napatanim na nang malalim sa ating huwaran ng pamumuhay kaysa inaakala natin. Pagkatapos tayo ay maaaring makadama na lubhang bigo at walang kakuwenta-kuwenta . . . Huwag kang masiraan ng loob. Huwag kang maghinuha na ikaw ay nakagawa ng isang hindi mapatatawad na kasalanan. Iyan ang nais ni Satanas na ikatuwiran mo. Ang bagay na ikaw ay nalulungkot at nababalisa sa iyong sarili ay patotoo sa ganang sarili na ikaw ay hindi pa lumalabis. Huwag kang manghinawa na mapakumbaba at masikap na bumaling sa Diyos, hingin ang kaniyang kapatawaran at paglilinis at tulong. Lumapit ka sa kaniya na gaya ng isang bata na lumalapit sa kaniyang ama kapag may problema, gaano man kadalas sa kahinaan ding iyon, at magiliw na tutulungan ka ni Jehova dahilan sa kaniyang di-sana nararapat na awa at, kung ikaw ay taimtim, bibigyan ka niya ng isang nilinis na budhi.”
[Mga talababa]
a Pinatay ng Diyos si Onan dahil sa ‘pagpapatulo ng kaniyang binhi sa lupa.’ Gayunman, itinigil na pagtatalik, hindi masturbasyon, ang nasasangkot. Isa pa, ang pagpatay ay sapagkat masakim na ayaw isagawa ni Onan ang tungkulin ng kapatid ng asawa upang ipagpatuloy ang linya ng pamilya ng namatay na kapatid na lalaki. (Genesis 38:1-10) Ang “paglalabas ng binhi” na binabanggit sa Levitico 15:16-18 ay maliwanag na tumutukoy, hindi sa masturbasyon, kundi sa panggabing paglalabas ng binhi gayundin sa pagtatalik ng mag-asawa.
b Ang orihinal na salitang Griego para sa “pagkagahaman sa sekso” (paʹthos) ay ginamit ng unang-siglong mananalaysay na si Josephus upang ilarawan ang asawa ni Potiphar, na, dahilan sa “labis-labis na simbuyo ng damdamin [paʹthos],” ay sinikap na akitin ang kabataang si Jose; at ang lalaking si Amnon, na, “nag-aalab ang nasa at udyok ng bugso ng simbuyo ng damdamin [paʹthos], ay dinahas [pinagsamantalahan] ang kaniyang kapatid.” Ang simbuyo ng damdamin kapuwa ng asawa ni Potiphar at ni Amnon ay hindi masupil.—Genesis 39:7-12; 2 Samuel 13:10-14.
[Larawan sa pahina 21]
Bagaman ang masturbasyon ay maaaring maging dahilan ng matinding pagkadama ng pagkakasala, ang taimtim na pananalangin upang humingi ng kapatawaran mula sa Diyos at pagpupunyagi na labanan ang gawaing ito ay maaaring magbigay sa isa ng isang mabuting budhi