Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Sakripisyo ay Nagdadala ng Mayamang mga Gantimpala
Salamat, lalo na sa karanasan ni Lynette Sigg, “Mga Sakripisyo ay Nagdadala ng Mayamang mga Gantimpala.” (Agosto 22, 1987) Kung sana’y mayroon ako ng katulad na saloobin ng isipan na gaya ng taglay niya. Lagi akong nagrireklamo tungkol sa mga bagay na wala ako sa halip na magpasalamat sa kung ano ang ibinigay sa akin. Mapagmalaki ako at hindi ko iniisip ang Isa na pinagkakautangan ko ng buhay ko. Nais kong malaman ninyo na mula ngayon ako’y magiging lalong taimtim sa aking mga pagsisikap. Sa bagay na ito ang kuwento ng buhay ni Lynette ay naging isang tulong sa akin.
K. W., Hapón
Masturbasyon
Salamat sa inyong artikulo tungkol sa masturbasyon. (Setyembre 8, 1987) Sa tuwina ang akala ko ang masturbasyon ang papatay sa seksuwal na mga pagnanasa, datapuwat sa tulong ng inyong artikulo, talos ko na ngayon na hindi gayon. Ako’y nagtitiwala ngayong nabasa ko na ang inyong artikulo na ako’y magtatagumpay upang madaig ang bisyong ito at sa gayo’y sundin ang 2 Corinto 7:1. Salamat na muli.
J. T., Estados Unidos
Ang artikulo tungkol sa masturbasyon ay mahusay ang pagkapaliwanag kung bakit ang bisyong ito ay masama subalit kaunti lamang ang ibinibigay na tulong sa kung paano iiwasan ito. Kami ay hinihimok na ‘patayin ang aming mga sangkap ng katawan’ subalit hindi sinasabi sa amin kung paano ito gagawin. Pahahalagahan namin ang ilang praktikal na mungkahi sa kung paano pakikitunguhan ang problemang ito.
S.J., Estados Unidos
Ito ang una sa tatlong artikulo na inilathala tungkol sa paksang ito. Ang ikalawa, na lumabas sa labas namin ng Nobyembre 8, 1987, ay pinamagatang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Napakahirap Iwasan ang Masturbasyon?” Ang ikatlo, na lilitaw sa labas namin ng Marso 8, 1988, ay pinamagatang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Madadaig ang Bisyo ng Masturbasyon?” Ang ikalawa at ikatlong mga artikulo ay nagbibigay ng praktikal na mga mungkahi na hinihiling.—ED.
Lubha akong nabalisa nang mabasa ko ang inyong artikulo tungkol sa masturbasyon. Hindi ko akalain na ito ay masama, yamang hindi man lamang ako nakadama ng pagkakasala sa pagsasagawa nito. Iyan ay nagpangyari sa akin na mag-isip: ‘Kung masama ang masturbasyon, paano maaaring makadama ng ginhawa sa seksuwal na mga pagnanasa na karaniwan sa aming gulang yaong mga napakabata pa upang mag-asawa? Isa pa, kumusta naman ang “nakapagtuturong” halaga ng masturbasyon, yaon ay, ang pagkatuklas ng kabataan sa likas na mga gawain ng kaniyang mga sangkap na maranasan ang sukdulang pagkapukaw sa sekso (orgasm)?’
D., Brazil
Gaya ng ipinakita sa aming unang artikulo, hindi pinapatay kundi pinupukaw ng masturbasyon ang seksuwal na mga pagnanasa. Ang payo ng Bibliya ay ‘patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan kung tungkol sa pagkagahaman sa sekso,’ hindi pukawin ang higit pang pagnanasa. (Colosas 3:5) Ang apostol Pablo ay sumulat sa 1 Corinto 9:27: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin,” na hindi napadadaig sa anumang makalamang nasà. Sa Galacia 5:23-25, ang mga Kristiyano ay hinihimok na linangin ang mga bunga ng espiritu, na kinabibilangan ng pagpipigil-sa-sarili, hindi ang pagpapalayaw-sa-sarili. Ang masturbasyon ay hindi isang kinakailangang paraan para sa mga kabataan na matuto tungkol sa sukdulang pagkapukaw sa sekso, yamang pinangangalagaan ito ng katawan sa likas na paraan. Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak nang patiuna tungkol sa mga pagbabagong ito ng katawan. Isa pa, hindi inihahanda ng masturbasyon ang isa para sa pag-aasawa kundi, bagkus, ipinapako nito ang pansin sa masakim na kasiyahan ng isa. Hindi nito inihahanda ang isa na bigyan ng kasiyahan ang mapapangasawa.—ED.