Bakit Nangyayari sa Mabubuting Tao ang Masasamang Bagay?
Sa paananan ng bulkan ng San Salvador sa El Salvador ay naroon ang bayan ng San Ramón. Noong umaga ng Setyembre 19, 1982, ito ay hinampas ng tatlong dambuhalang mga daluyong ng putik. Dala ng bugsô ng mga pag-ulan, ang unang daluyong ay halos dalawang palapag ang taas at nagdala ng malalaking bato at mga katawan ng punungkahoy. Umuukit ng isang libis na 50 metro ang lalim at 75 metro ang lawak, ito ay gumulong paibaba sa gilid ng bulkan, bumibilis at lumalaki habang ito ay gumugulong. Pagdating sa ibaba, ito ay sumalpok sa mga tahanang yari sa adobe na nasa landas nito.
Ang tahanan ni Ana ay gumuho sa ilalim ng malupit na daluyong sa isang kasindak-sindak na sandali. Ang kaniyang mga anak na babae ay nangunyapit kay Ana at umiyak, “Ipagdasal mo po kami!” Pagkatapos nilamon sila ng putik . . .
Gayunman, hindi sinasadya isang bubungang tisa ang sumalalay mismo sa harapan ng mukha ni Ana, nag-iiwan ng puwang upang siya’y may mahingahan. “Basta patuloy akong nagsisigaw ng saklolo,” sabi niya. Pagkaraan ng mga apat na oras, narinig ng mga kapitbahay ang kaniyang mga pagsigaw at sinimulang iahon siya. Siya ay nasumpungang nakabaon sa putik na hanggan sa kaniyang kilikili, na ang mga bangkay ng kaniyang mga anak na babae ay nakadikit sa kaniya at hindi nakahinga dahil sa putik.
ANG mga tao sa San Ramón ay mapagpakumbaba at palakaibigan. Kabilang sa mga namatay ang marami sa nag-alay na mga Kristiyano, pati na ang bagong kasal, sina Miguel at Cecilia, at isang pamilya na binubuo ng lima na ang mga bangkay ay natagpuang magkakayapos.
Ang kapahamakan, gayunman, ay walang itinatanging tao mabuti man o masama, isang bagay kung bakit marami ang nahihirapang maniwala sa isang maibiging Diyos. ‘Anong uri ng Diyos,’ tanong nila, ‘ang magpapangyari ng gayong di kinakailangang pag-aaksaya ng buhay? O tungkol sa bagay na iyan, paano maaaring masdan ng isang makapangyarihan-sa-lahat na Diyos ang matatanda na na mawalan ng tirahan, ang mga pamilyang nagpapagal na mawalan ng kanilang mga naimpok, ang mga kabinataan at mga kadalagahan na nasa kasibulan ng kanilang mga buhay na hinahampas ng nakamamatay na karamdaman—gayunma’y walang gawin tungkol dito?’
Si Harold S. Kushner, isang Judiong rabí, ay nagtanong ng gayong katanungan nang malaman niya na ang kaniyang anak na lalaki ay mamamatay dahil sa isang pambihirang sakit. Ang nakalilitong kawalang-katarungang ito ay naging palaisipan kay Kushner. “Ako’y naging isang mabuting tao,” gunita niya. “Sinikap kong gawin ang tama sa paningin ng Diyos. . . . Naniniwala ako na sinusunod ko ang mga daan ng Diyos at ginagawa ko ang Kaniyang gawain. Ano’t nangyayari ito sa aking pamilya?” Sa paghahanap niya ng mga kasagutan ay lumabas ang kaniyang bantog na aklat na When Bad Things Happen to Good People.
Si Kushner ay isa lamang sa maraming teologo na nagsikap na sagutin ang katanungang kung bakit ipinahihintulot ng Diyos ang kasamaan. Sa katunayan, inilagay ng tao ang Diyos sa paglilitis. Anong hatol ang narating ni Kushner at ng iba pang mga teologo? Ang kanila bang hatol ay makatarungan?