Kung Paano Ipinaliliwanag ng Ilan ang Pagpapahintulot ng Diyos sa Kasamaan
ANG Diyos—may sala ba o walang sala sa pagpapahintulot sa paghihirap ng tao? Ang katanungang ito ay lumilitaw na lubha sa mga kapahamakan, personal man o malawakan na gaya niyaong sa San Ramón. Ganito ang sabi ng babasahing Britano na The Evangelical Quarterly: “Ang isa sa pinakamalaking hadlang sa paniniwala sa makapangyarihan-sa-lahat, maibigin-sa-lahat na Diyos ay ang maliwanag na pag-iral ng di-sana nararapat na paghihirap sa daigdig.”
Ang ilan samakatuwid ay sinisisi ang Diyos sa pagpapahintulot—kung hindi man aktuwal na nagpapangyari—sa kahirapan. Ganito ang sulat ng teologong si John K. Roth: “Ang kasaysayan mismo ang pagsasakdal ng Diyos. . . . Huwag waling-bahala kung ano ang pananagutan ng Diyos.”
Gayunman, maraming relihiyosong palaisip na mga tao mula kay Augustine ang mahusay na nagtanggol sa pagiging walang sala ng Diyos. Ang pilosopo noong ikalabimpitong-siglo na si Leibniz ay nakagawa ng isang termino para sa pagsisikap na ito: ang theodicy, o “pagbibigay katarungan sa Diyos.”—Tingnan sa pahina 6.
Ang Modernong Teolohiya ay Sumasaksi
Ang mga pagsisikap na patunayan ang Diyos na walang sala ay nagpatuloy hanggang sa modernong panahon. Sinikap ni Mary Baker Eddy, pundador ng Christian Science Church, na lutasin ang problema sa pamamagitan ng pagtatatuwa unang-una na na umiiral ang masama! Sa Science and Health With Key to the Scriptures, ay isinulat niya: “Hindi kailanman ginawa . . . ng Diyos ang tao na may kakayahang magkasala . . . Sa gayon, ang kasamaan ay isa lamang ilusyon, at walang tunay na batayan.”—Amin ang italiko.
Ang iba ay pinawawalang sala ang Diyos batay sa pagkakaroon umano ng kagalingan sa paghihirap. Isang rabí ang minsa’y nagsabi: “Ang paghihirap ay nangyayari upang padakilain ang tao, upang linisin ang kaniyang mga kaisipan ng pagmamataas at pagpapaimbabaw.” Sa gayunding mga kaisipan, ang ibang mga teologo ay nagpaliwanag na ang paghihirap sa lupa ay “kinakailangan upang ihanda tayo bilang moral na mga pagkatao para sa buhay sa hinaharap na makalangit na Kaharian.”
Subalit makatuwiran bang maniwala na ang Diyos ang nagpapasapit o nagpapahintulot ng mga kapahamakan upang linisin at parusahan ang mga tao? Tiyak na yaong mga nailibing nang buháy sa San Ramón ay nagkaroon ng kaunting pagkakataon upang pagbutihin ang kanilang moral na pag-unlad. Isinakripisyo ba sila ng Diyos upang turuan ng isang leksiyon ang mga nakaligtas? Kung gayon, ano ang leksiyon?
Mauunawaan, kung gayon, kung bakit ang aklat ni Kushner na When Bad Things Happen to Good People ay nakatawag ng pansin sa mga tao. Sapagkat personal na naranasan ng awtor nito ang kirot ng paghihirap, sinikap niyang aliwin ang kaniyang mga mambabasa, tinitiyak sa kanila na ang Diyos ay mabait. Gayunman, pagdating sa pagpapaliwanag kung bakit ipinahihintulot ng Diyos na magdusa ang mga walang malay, ang pangangatuwiran ni Kushner ay nagkaroon ng pambihirang pagbaligtad. “Nais ng Diyos ang matuwid na mamuhay nang mapayapa, maligayang buhay,” paliwanag ni Kushner, “subalit kung minsan Siya mismo ay hindi niya mapangyari ang gayong bagay.”
Kaya iminungkahi ni Kushner ang isang Diyos na hindi balakyot kundi mahina, isang Diyos na medyo hindi gaanong makapangyarihan-sa-lahat. Kataka-taka, gayunman, hinihimok pa rin ni Kushner ang kaniyang mga mambabasa na humingi ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Subalit kung paano nga makatutulong ang umano’y limitadong Diyos na ito, ay hindi maipaliwanag ni Kushner.
Isang Sinaunang Debate
Sa gayon ang relihiyosong palaisip na mga tao ng daigdig ay nabigong magbigay ng nakakukumbinsing pagtatanggol sa Diyos at magbigay ng tunay na kaaliwan sa mga biktima ng kasamaan. Marahil ang dapat litisin ay hindi ang Diyos kundi ang teolohiya! Sapagkat inuulit lamang ng nagkakasalungatang mga teoriyang ito ang hungkag na mga pangangatuwiran halos apat na milenyo na ang nakalipas. Nang panahong iyon isang debate ang naganap na nakasentro sa mga paghihirap ng isang taong may takot sa Diyos na nagngangalang Job, isang mayaman at prominenteng taga-Oryente na naging biktima ng isang sunud-sunod na kalamidad. Sa mabilis na pagkakasunud-sunod naranasan ni Job ang pagkawala ng kaniyang kayamanan, ang kamatayan ng kaniyang mga anak, at, sa wakas, siya’y dumanas ng isang karima-rimarim na sakit.—Job 1:3, 13-19; 2:7.
Tatlong umano’y mga kaibigan ang lumapit kay Job. Subalit sa halip na magbigay ng kaaliwan, sinalakay nila siya ng teolohiya. Ang pinakabuod ng kanilang argumento ay: ‘Ginawa ito sa iyo ng Diyos, Job! Maliwanag na ikaw ay pinarurusahan dahil sa paggawa mo ng isang bagay na mali! Isa pa, ang Diyos ay walang pananalig sa lahat ng kaniyang mga lingkod.’ (Job 4:7-9; 18) Hindi maunawaan ni Job kung bakit ang Diyos ay waring ‘inilalagay siya na isang tudlaan para sa kaniyang sarili.’ (Job 16:11, 12) Sa kaniyang kapurihan, pinanatili ni Job ang kaniyang integridad at hindi kailanman tuwirang ibinintang sa Diyos ang kasamaan.
Gayumpaman, ang mga mang-aaliw ni Job ay, sa wari’y, ‘hinatulan ang Diyos na balakyot,’ sa pagsasabi na ang bawat dumaranas ng kapahamakan ay pinarurusahan dahil sa paggawa ng masama. (Job 32:3) Subalit kaagad na iniwasto ng Diyos ang kanilang maling mga palagay.
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Pabalat: FAO photo