Pagsusuri sa Kasamaan Mula kay Augustine Hanggang kay Calvin
SA KANIYANG aklat na The City of God, ang teologo noong ikalimang-siglo na si Augustine ay nangatuwiran na ang tao, hindi ang Diyos, ang may pananagutan sa pag-iral ng kasamaan. Ganito ang sulat ni Augustine: “Ang Diyos, ang may-akda ng kalikasan, hindi ng mga kasamaan, ay lumikha sa tao na matuwid; ngunit ang tao, dala ng kaniyang sariling kalooban o kagustuhan ay nagpakasama at matuwid na hinatulan, ay nagsilang ng masama at hinatulang mga anak . . . Kaya, mula sa masamang paggamit ng malayang kalooban, nagsimula ang sunud-sunod na kasamaan.”
Ang masamang paggamit ng malayang kalooban ay maaaring magpaliwanag sa marami, o sa karamihan, ng kasamaan na dinanas ng mga tao. Gayunman, ang isang kapahamakan ba, na gaya niyaong sa San Ramón, ay maisisisi sa malayang kalooban o kagustuhan ng tao? Hindi ba’t ang marami sa kapaha-pahamak na mga pangyayari ay bunga ng mga kalagayan na wala sa kapangyarihan ng tao? At kahit na kung kusang piliin ng tao ang masama, bakit ipahihintulot ng isang Diyos ng pag-ibig na magpatuloy ang kasamaan?
Noong ika-16 na siglo, ang Pranses na teologong Protestante na si John Calvin, gaya ni Augustine, ay naniwala na mayroong mga “itinatadhana [ng Diyos] na maging mga anak at mga tagapagmana ng makalangit na kaharian.” Gayunman, si Calvin ay lumabis pa, ikinakatuwiran na itinadhana rin ng Diyos ang mga indibiduwal na maging “tagatanggap ng kaniyang poot”—hinatulan sa walang-hanggang kapahamakan!
Ang doktrina ni Calvin ay may nakatatakot na implikasyon. Kung ang isang tao’y dumaranas ng anumang uri ng kasawian, hindi kaya ibig sabihin niyan na siya ay kabilang sa mga isinumpa? Higit pa riyan, hindi kaya ang Diyos ang may pananagutan sa mga pagkilos niyaong kaniyang mga itinadhana? Sa gayon walang kamalay-malay na ginawa ni Calvin ang Diyos na Maylikha ng kasalanan! Sinabi ni Calvin na “ang tao ay nagkakasala taglay ang pahintulot ng isang napakaagap at mahilig na kalooban.”—Instruction in Faith, ni John Calvin.
Gayunman, ang mga ideya tungkol sa malayang kalooban at kapalaran ay napatunayang lubhang hindi magkasuwato. Maaari lamang pagandahin ni Calvin ang nakahihiyang pagkakasalungatan sa pagsasabing “hindi lubusang maunawaan ng mapurol nating isipan ang gayong dakilang kaliwanagan, ni maunawaan man kaya ng ating kaliitan ang gayong dakilang karunungan” na gaya ng kapalaran o predestinasyon.
[Mga larawan sa pahina 6]
Augustine
John Calvin