Pagmamasid sa Daigdig
Gutom sa Gitna ng Kasaganaan
Dahilan sa teknikal at siyentipikong mga pagsulong sa agrikultura, mas maraming pagkain ang aktuwal na inaani kaysa kinakailangan ng daigdig. Gayunman, ang bilang ng mga taong nagugutom sa daigdig ay dumami tungo sa 512 milyon noong 1985. “Ang pagdami ng nagugutom ay dumarating sa isang panahon kung kailan ang daigdig ay saganang-sagana sa murang sobrang pagkain,” ulat ng The New York Times.
Ang mga bata ang siyang lubhang apektado. Sang-ayon sa United Nations World Food Council, tinatayang 40,000 mga bata ang namamatay araw-araw dahil sa gutom. Dalawang-katlo niyaong mga kulang sa pagkain ay masusumpungan sa mga bansa sa Asia, na ang ilan ngayon ay nagluluwas ng pagkain na hindi kayang bilhin ng parami nang paraming bilang ng kanilang mga mamamayan. “Sa ngayon ang gutom ay hindi gaanong dahilan sa ganap na kakapusan ng pagkain kundi dahilan sa pulitikal na mga kalagayan at mga pasiya ng patakaran,” sabi ng Times.
Takot sa Digmaan sa Pamamagitan ng Aksidente
Ang mga siyentipiko ng Sobyet at Estados Unidos ay nagbabala kamakailan na ang higit pang sopistikadong teknolohiyang ginagamit sa mga sistema ng nuklear na depensa ay aktuwal na nagpapatindi sa halip na magbawas sa panganib ng aksidenteng digmaang nuklear. Sang-ayon sa Sunday Times ng London, ang mga siyentipiko ay naghinuha sa isang pinagsamang miting sa California “na may malaking probabilidad na maaaring magsimula ang isang digmaang nuklear sa pamamagitan ng aksidente malibang magkaroon ng isang pagbabago sa teknolohiya na nangangasiwa sa mga sistema.” Hanggang sa ngayon, ang lahat ng mga kamalian na maaaring magpalunsad ng ilan sa 50,000 nuclear warheads ng daigdig ay nakita na. Ngunit, sabi ng mga siyentipiko, hindi ito laging magiging gayon. “Kung tayo ay patuloy na lalakad sa kasalukuyang landas, pasasabugin natin ang ating mga sarili,” hula ni Dr. Martin Hellman ng Stanford University.
Hindi Mabuti sa Kalusugan na mga Pasta
“Salungat sa popular na paniniwala, ang tinatawag na pastang ‘pilak’ ay talagang binubuo ng halos 50 porsiyentong merkuryo—isang kilalang lason,” sabi ng Your Health. Si Dr. Hal Huggins, isang mananaliksik tungkol sa ngipin sa Colorado, ay nagsasabi na ang ilang merkuryo ay tumatagos sa katawan at maaaring pagmulan ng mga sintomas na gaya ng talamak na pagkapagod, matinding panlulumo at pagkabalisa, pamamanhid ng mga kamay at paa, at pagngiwi ng mukha. Binanggit din niya ang tungkol sa mga pasyenteng may epilepsiya na bumuti ang kalagayan nang ang kanilang mga pastang merkuryo ay alisin. Tinataya ni Dr. Huggins na mga 10,000 sa 130,000 mga dentista sa Estados Unidos ay huminto na sa paggamit ng merkuryo at ngayo’y gumagamit ng ibang mga halong magagamit.
Isang Dagdag na Pakinabang
Ang mga mananaliksik ay nagdagdag ng isang bagay na bago sa talaan ng mga pakinabang mula sa pagpapasuso ng mga ina—mas tuwid o maayos na mga ngipin. Ayon sa isang pag-aaral sa Johns Hopkins School of Public Health, ang mga huwaran ng pagtubo sa bibig na dala ng pagpapasuso ng ina ay naiiba roon sa mga huwaran na dahil sa pagpapasuso sa bote. Ito’y dahilan sa dapat gamitin ng mga bata ang kanilang mga dila at bibig na magkaiba. Sa pagpapasuso sa bote, ang dila ay iniaabante upang pigilin ang daloy ng gatas mula sa tsupon sa panahon ng paglunok. Sa pagsuso sa ina, hindi na kailangan ang pag-abanteng iyon ng dila, at kailangang gamitin ng mga sanggol na mas masigla ang mga kalamnan ng kanilang bibig. Ang mga batang pinasuso sa ina nang mahigit na isang taon ay nagkaroon ng pinakakaunting problema sa maayos na hanay ng ngipin.
Nahigitan ang Limang Bilyon
Si Matej Gaspar, isang sanggol na lalaki na isinilang sa Zagreb, Yugoslavia, noong kalagitnaan ng Hulyo, ang pinanganlang ikalimang bilyong tao ng daigdig, bagaman, mangyari pa, walang nakakaalam nang tiyak kung sino ang ikalimang bilyong tao o kung saan siya isinilang. Ang Zagreb ay pinili bilang ang lugar, yamang ang Kalihim-Panlahat ng UN na si Javier Pérez de Cuéllar ay nasa lunsod na iyon nang panahon na tinukoy ng mga demograpo. “Sa isang talumpati na nagtatanda sa okasyon,” sabi ng magasing Time, “itinawag-pansin ni Pérez de Cuéllar ang bagay na 90% ng 120 milyong mga pagsilang sa taóng ito ay magaganap sa mga bansa kung saan ang pagkain, mga paglilingkod sa kalusugan at edukasyon ay hindi sapat.” Ang populasyon ng daigdig ay umabot ng apat na bilyon noong 1974.
“Bantang” Hapónes
“Ang ahensiya sa depensa [ng Hapón] ay nagbabalak sa kauna-unahang pagkakataon na gumawa ng sarili nitong mga eruplanong pandigmang jet sa halip na bumili ng eruplanong gawa-sa-Amerika,” ulat ng pahayagan sa New York na Newsday. “Nakikita ng mga tagasuri [sa depensa] ang binabalak na mga eruplanong Haponés bilang isang banta sa pangingibabaw ng E.U. sa pagbibenta ng mga eruplano sa Timog-silangang Asia.” Samantalang ang mga kompaniyang Haponés ay gumagawang kasama ng mga kompaniyang Amerikano sa paggawa ng mga helikopter at mga eruplanong pansanay, ang isang yaring-Hapón na eruplanong pandigma ay magiging siyang kauna-unahan para sa kanila sa daigdig pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Ganito ang sabi ni David Smith, editor ng publikasyon tungkol sa kalakal na Journal Defense and Diplomacy: “Nalalaman kung ano ang ginawa ng mga Haponés sa mga kotse, hindi gugustuhin ng industriya ng E.U. na gumagawa ng mga eruplano na ang mga Haponés ay gumawa ng mga eruplano.”
Seguridad sa Pamamagitan ng Mata
Napalitan na ng mga tatak ng mata (eye prints) ang mga tatak ng daliri bilang paraan ng maaasahang seguridad. “Ang mga tatak o bakas ng daliri ay maaaring gayahin ng isa na gumagamit ng pantanging-idinisenyong plastik na mga guwantes,” sabi ni Chuck Fargo, na kumakatawan sa kompaniya na nagbibenta ng bagong sistema. Gaya ng iniulat sa The Times ng London, ang pagkakakilanlan ay ginagawa ng isang microprocessor na sumusuri sa huwaran ng mga daluyan ng dugo sa mata at inihahambing ito sa huwaran na nasa salansan sa isang tipunan ng impormasyon. Gaya ng sa mga bakas ng daliri, ang bawat huwaran ng mata ng isang tao ay sinasabing natatangi. Ang bentaha ng mga huwaran ng mata ay na ang mga ito ay hindi maaaring hulaan, gayahin, o baguhin.
Isa Pang Sanhi ng Diborsiyo
“Ang bigong mga pag-aasawa ay hindi laging bunga ng hindi pagkakasundo o mga problemang likha-ng-sarili,” sabi ng The German Tribune. “Ang pagkasira ng pag-aasawa ay maaaring dahilan sa ang isang kabiyak ay hindi lumalayo sa kaniyang mga magulang.” Ang artikulo, batay sa mga tuklas ng apat na taóng pananaliksik ng Göttengen University, ay nagpapakita na ang mga problema ay dahilan sa isang di pagkakatimbang na nangyayari “kapag ang isang kabiyak ay maka-ama at maka-ina at hindi gaanong malapit sa asawa.” Isa itong mental na pagdepende sa mga magulang, na kadalasa’y nauugat nang malalim at walang malay na sinusunod, na nagpapadali sa diborsiyo. Ang mga taong “mas malapit sa kanilang mga magulang kaysa kanilang mga kabiyak” ay kadalasan ding tatanggapin ang pagpuna ng mga magulang sa kanilang kabiyak.
Patrolya sa mga Ibon sa Paliparan
Ang mga manlalakbay na lumalapag sa Kennedy Airport sa New York ay karaniwan nang walang kabatiran sa isang potensiyal na nagbabantang panganib: ang mga ibon. Tinatamaan ng mga eruplano o sinisipsip ng mga makina ng jet, ang mga ibon ay nagdudulot ng $25 milyon hanggang $40 milyong pinsala sa komersiyal na mga eruplano taun-taon. Dahil sa kalapitan nito sa Jamaica Bay Wildlife Refuge at sa tambakan ng basura sa Edgemere—na kapuwa umaakit ng maraming ibon—ang Kennedy Airport ay mayroong mas maraming problema sa mga ibon kaysa anumang iba pang paliparan. Ang mga ibon na gull ang pinakagrabeng problema sa paliparan ng Kennedy, na siyang bumubuo ng 90 porsiyento ng lahat ng tinatamaang ibon. Isang walong-membrong patrolya ng ibon ang may trabaho na pagtaboy sa mga ibon mula sa mga daanan ng eruplano, na gumagamit ng sumasabog na mga kuwitis at inirekord na nahahapis na mga sigaw ng ibong gull. Ang mga ibon ay pinapatay lamang bilang huling paraan.
Pagkasugapa sa Musikang Rock
Ang matinding musikang rock “ay may napakalakas na nakasusugapang epekto,” sabi ni Dr. G. A. Aminev ng Bashkiria University sa U.S.S.R. Gaya ng iniulat sa News Letter ng Belfast, ang mga tagahanga ng musikang rock ay nagkaroon ng mga sintomas na gaya ng nararanasan niyaong tumitigil sa paggamit ng mga droga. “Kung lubusan mo silang ihihiwalay sa gayong musika sa loob ng isang linggo,” sabi ng sikologong Sobyet, “masama ang kanilang pakiramdam, hindi sila mapakali, nanginginig ang kanilang kamay at dumadalas ang pintig ng kanilang pulso.” Ang iba na sinubok ay hindi makatagal ng tatlong araw nang wala ang kanilang musika bago lumitaw ang mga sintomas. Nasumpungan din ni Dr. Aminev na ang mga tagahanga ng matinding mga musikang rock ay 50 porsiyento lamang na produktibo sa gawain kung ihahambing doon sa mga hindi nakikinig sa musikang rock.