Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 11/8 p. 8-11
  • Ang Teolohiya sa Pagpapalaya, ang Bibliya, at Ikaw

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Teolohiya sa Pagpapalaya, ang Bibliya, at Ikaw
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Kayo’y Hindi taga Sanlibutan”
  • Binibigyan-matuwid ba ang Karahasan?
  • Ang Salita ng Diyos sa Ikatlong Dako!
  • Ang Mapagpipilian ng Bibliya​—ang Kaharian ng Diyos
  • Kung Paano Ka Nasasangkot
  • Bakit Ka Dapat Manalangin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Teolohiya sa Pagpapalaya—Isang Lunas Para sa Third World?
    Gumising!—1987
  • Teolohiya sa Pagpapalaya—Tutulungan Kaya Nito ang Mahihirap?
    Gumising!—1987
  • Kung Bakit Hindi ang Teolohiya sa Pagpapalaya ang Lunas
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 11/8 p. 8-11

Ang Teolohiya sa Pagpapalaya, ang Bibliya, at Ikaw

“Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa paggabay sa mga buhay ng tao at sa pagtuturo sa kanila na maging banal.”​—2 Timoteo 3:16.a

NANINIWALA ka ba riyan? Alin ang mas mahalaga sa iyo: Paglingkuran ang Diyos sa paraan na nais niya na paglingkuran siya o paglingkuran siya sa paraan na inaakala mong pinakamabuti? ‘Mangyari pa,’ sasabihin mo, ‘ang tanging paraan ay ang paraan ng Diyos!’ Talaga bang inaakala mong ang paraan ng Diyos ang pinakamabuti? Kung gayon, sasang-ayon ka sa pangungusap na ginawa ni apostol Pablo na nasa itaas.

Oo, ang Diyos ay nagsalita, at mababasa mo ang kaniyang Salita. Inaanyayahan ka namin na isaalang-alang ang teolohiya sa pagpapalaya mula sa pangmalas ng Bibliya. Ang teolohiya sa pagpapalaya ba ay salig sa Bibliya?

“Kayo’y Hindi taga Sanlibutan”

Minsan ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo’y hindi taga sanlibutan.” Nang gabi ring iyon, ang gabi bago ang kaniyang kamatayan, sinabi niya sa panalangin sa kaniyang Ama: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi sila taga sanlibutan gaya ko naman na hindi taga sanlibutan.” Pagkatapos, halos karaka-raka, inulit niya: “Hindi sila taga sanlibutan na gaya ko naman na hindi taga sanlibutan.”​—Juan 15:19; 17:14, 16.

Karamihan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nagsisikap na maging hiwalay sa sanlibutan. Marahil ay nabasa mo ang tungkol dito sa mga pahayagan. Saan ka man tumingin​—sa Amerikas, Asia, Europa, o Aprika​—iisa ang kuwento. Ang klero ng halos lahat ng uri ng relihiyon ay nasa pulitikal na arena. Subalit ang kanilang pagkasangkot sa pulitika ng daigdig ay isa lamang sa mga pagsalungat sa Salita ng Diyos.

Binibigyan-matuwid ba ang Karahasan?

Sinasabi ng mga teologo sa pagpapalaya na ang karahasan ay binibigyan-matuwid kung ito ay isinasagawa upang tulungan ang mahihirap. Maging ang Vaticano ngayon ay opisyal na nagsasabi na ang karahasan ay binibigyan-matuwid bilang “huling pagkakataon.” Si Papa John Paul II, sa isang liham sa lahat ng mga obispo sa Brazil, ay nagpahayag na ang “Teolohiya sa Pagpapalaya ay hindi lamang napapanahon kundi kapaki-pakinabang at kinakailangan sa Latin Amerika.” Iyan ba ang sinasabi ng Bibliya?

Samantalang nasa lupa, si Jesu-Kristo ay hindi nasangkot sa mga kilusang panlipunan ng daigdig. Sa kabaligtaran, nang si apostol Pedro ay bumaling sa “tabak” upang ipagtanggol ang Anak ng Diyos, pinagwikaan siya ni Jesus sa pagsasabing: “Isauli mo ang iyong tabak, sapagkat ang lahat ng nagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay.”​—Mateo 26:52.

Subalit kumusta naman ang mga digmaan na ipinakipagbaka ng Israel? Sang-ayon sa Bibliya, ang Israel ay hindi nakipagbaka bago ang pagkapalaya sa kanila sa Ehipto. (Exodo 13:17, 18) Nang dumating ang panahon, sila ay pinag-utusan ng Diyos. Gayunman, mahigpit na ipinag-utos ni Jehova sa Israel na sasakupin lamang nila ang lupain na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno.​—Genesis 17:7, 8; Deuteronomio 2:5, 9, 19.

Bagaman ang mga Kristiyano ay hindi pisikal na nakikipagbaka laban sa laman at dugo, gayunman sila ay nakikipagbaka, sa isang espirituwal na pakikipagbaka. Gaya ng malinaw na binabanggit ni apostol Pablo: “Ang ating pakikipagbaka ay hindi laban sa mga kaaway na tao, kundi laban sa . . . espirituwal na hukbo ng kasamaan sa mga langit.”​—Efeso 6:12.

Kaya paano nga binibigyan-matuwid ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang karahasan sa ngayon?

Ang Salita ng Diyos sa Ikatlong Dako!

Sinabi ng teologo sa pagpapalaya na si Gustavo Gutiérrez sa Gumising! na ang isang turo, gaya ng teolohiya sa pagpapalaya, ay mula sa ‘pang-unawa at pagtanggap dito ng pamayanang Kristiyano.’ Oo, ang opinyon ng madla at karunungan ng tao ay inuuna kaysa Salita ng Diyos. Sang-ayon ka ba rito?

Si Carlos D—​— ay isang sarado Katoliko na gumugol ng 11 taon sa isang seminaryong Katoliko. “Ako’y nakatalagang maglingkod sa Diyos na may . . . tunguhing maging isang mabuting pari,” sabi ni Carlos. Gayunman, sa paglipas ng mga taon, mayroong nakabagabag sa kaniya.

‘Kabilang sa ibang mga bagay,’ sabi niya, ‘natalos ko na ang Bibliya ay iniiwan sa likuran. Ang tradisyon ng mga ama ng simbahan ang una. Pagkatapos ang awtoridad ng papa kapag siya ay nagsasalita na ex cathedra, at sa wakas​—sa ikatlong dako​—ang Bibliya.’b

Pagkatapos lisanin ang Iglesya Katolika, si Carlos ay gumugol ng maraming taon sa paghahanap sa katotohanan sa iba’t ibang relihiyon. Hindi nasisiyahan, siya ay naging isang ateista hanggang sa siya ay matagpuan ng mga Saksi ni Jehova at tinanggap niya ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Si Carlos ngayon ay isa nang nag-alay na Saksi ni Jehova.

Si Maria V—​— ay isa ring aktibong Katoliko. “Ako’y dumadalo ng Misa halos araw-araw,” sabi niya. “Kabilang din ako sa isang grupo na tinatawag na La Acción Católica de Señoritas [Kilusang Katoliko para sa mga Kabataang Babae].” Si Maria ay nagturo ng katesismo sa loob ng ilang taon. Ang kaniyang pagsasanay ay binubuo ng ano? ‘Tuwing Sabado ang pari ay magsasalita sa amin tungkol sa mga pilosopiya ni Plato at ng iba pa. Karamihan sa amin ay walang nauunawaan. Alam kong mayroong bagay na mali. Ang natututuhan ko ay hindi nakasasapat sa aking espirituwal na mga pangangailangan.’ Ano ang bumago sa kaniyang buhay?

“Ang nobyo ko ay regular na tumatanggap ng Gumising!, at ipinapasa niya ang mga magasin sa akin.” Pagkatapos si Maria ay nakakuha ng aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso at sinimulang basahin ito sa ganang sarili. “Noon ko talagang naunawaan ang Bibliya​—para bang naalis ang piring sa aking mata.”

Si Maria at ang kaniyang nobyo ay kapuwa naging nag-alay na mga Saksi ni Jehova at pagkatapos sila’y nagpakasal. Sa halip na magturo ng katesismo, si Maria ngayon ay nagdaraos ng 12 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa iba na interesado sa pag-alam ng katotohanan ng Bibliya.

Ang kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos ay nakatulong din sa maraming taimtim na mga taong may mahirap na pinagmulan.

Ang Mapagpipilian ng Bibliya​—ang Kaharian ng Diyos

Sa isa sa kilalang panalangin sa lahat ng panahon, itinampok ni Jesu-Kristo ang tanging pag-asa ng sangkatauhan para sa mas mabuting mga kalagayan sa daigdig. “Ama namin na nasa langit,” ang dalangin niya, “pakabanalin nawa ang pangalan mo, dumating nawa ang kaharian mo, mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit gayundin naman sa lupa.” (Amin ang italiko.)​—Mateo 6:9, 10.

Sang-ayon ka ba sa pamahalaan ng Diyos, o gugustuhin mo ba ang pamamahala ng tao? Ito ang isyu na dapat nating harapin na lahat. Dahilan sa kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig, maaaring inaakala mo rin na kailangan natin ang isang bagay bukod sa kung ano na ang nagawa ng tao. Subalit ano ang maaaring gawin ng Kaharian ng Diyos para sa mahihirap ngayon?

Si Rafael R    ay mula sa maralitang pamilya na binubuo ng siyam na mga anak. “Huminto ako ng pag-aaral pagkatapos ng unang baitang upang maghanapbuhay at nang makatulong sa aking pamilya,” gunita niya. “Pagkatapos ng pag-aani sa aming nayon, ako’y nagtutungo sa mga bukid at tinitipon ko ang anumang natitira sa ani upang mayroon kaming makain.”

Subalit, sa gulang na 15, si Rafael ay nagkaroon ng isang magastos at imbing bisyo. Sinimulan niyang gastusin ang kaniyang salapi​—ang kaunti niyang kinikita​—sa alak. “Sa dalawang pagkakataon,” sabi ni Rafael, “nagugunita ko pa nga ang gumawa ng pagsalakay upang magkaroon ng sapat na pera na maibili ng higit pang alak.”

Sa katapusan, si Rafael ay nag-asawa at nagkaroon ng sampung mga anak na kaniyang susuportahan. Subalit ang kaniyang bisyo sa pag-inom ay lalo lamang lumala. Sabi ng kaniyang asawa, si Carmen: “Sa materyal na paraan, kami’y walang-wala. Sinikap kong kumita ng salapi sa paglalabada upang kami’y may makain. Ang aming almusal at hapunan ay karaniwang binubuo ng isang tasang tsa at isang pirasong tinapay. Ang tanghalian ay wala kundi sopas at marahil ay ilang patatas o kalabasa. Mabuti at nakakatikim kami ng karne minsan sa isang linggo kung minsan.” Kaya ang bisyo ni Rafael sa pag-inom ay nakaapekto rin sa iba pa. Datapuwat may pag-asa pa kaya para sa pamilyang ito?

“Tiyak iyan,” sabi ni Carmen, “gayunman hindi ito nangyari kundi noong kami’y magsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova na ang aking asawa ay nagbago. Natutuhan namin ang tungkol sa pangako ng Kaharian​—na malapit nang alisin ni Jehova ang karalitaan at pang-aapí sa daigdig. Ang mga panalangin ko sa Diyos ay sinagot din sa wakas!” Inihinto ni Rafael ang kaniyang pag-inom ng alak at sinimulang unahin ang Kaharian ng Diyos. Ang kaalaman ng Bibliya ang tumulong sa kaniya na magsuot ng “bagong pagkatao.” (Efeso 4:22-24) Bunga nito, siya at ang kaniyang pamilya ay hindi na nakikipagpunyagi sa labis na karalitaan. Sabi ni Rafael: “Maaaring hindi kami mayaman, at wala rin kaming sariling tahanan, subalit mayroon kaming mga pangangailangan sa buhay, at kami’y maligaya.”

Ang edukasyong Kristiyano ay tumutulong din sa pagpapaunlad ng natatagong mga kakayahan. Dahilan sa paghinto sa kaniyang pag-aaral sa maagang gulang, si Rafael ay hindi halos makabasa at makasulat. Gayunman, sa pamamagitan ng pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano, hindi lamang siya naging bihasa sa mga bagay na ito kundi siya rin ay nagbibigay ng mga pahayag sa kaniyang kongregasyon at regular na nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang pamilya. Hindi lamang iyan.

Si Rafael at ang kaniyang pamilya ay nakatuklas ng isa pang pakinabang sa pag-uuna sa mga kapakanan ng Kaharian. “Nang ang aking asawa ay magkasakit dahil sa kaniyang pag-inom ng alak,” gunita ni Carmen, “tinanggap namin ang maibiging tulong ng kongregasyon.” Anong uri ng tulong ito? Gaya ng sabi ni Carmen: “Ang mga kapatid ay tumulong sa amin sa espirituwal gayundin sa pinansiyal na paraan.” Oo, may maibiging pagtulong mula sa kongregasyon sa loob ng pambuong-daigdig na kapatirang ito ng bayan ni Jehova.

Kaya ang Bibliya ay nagbibigay nga ng praktikal na pag-asa para sa mahihirap. Minsan ay sinabi ni Jesus: “Ilagak muna ninyo ang inyong puso sa kaharian [ng Diyos], at sa kaniyang katuwiran, at lahat ng mga bagay na ito [ang mga pangangailangan sa buhay] ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Gaya ng makikita sa kaso ni Rafael, mayroong higit na mga pakinabang kaysa basta materyal na mga pakinabang lamang.

Matutulungan ka rin kaya ng kaalaman sa Bibliya?

Kung Paano Ka Nasasangkot

Ang apostol Pablo ay minsang nagpayo sa mga tunay na Kristiyano noong kaniyang kaarawan: “Siyasatin ninyo ang inyong sarili upang matiyak kung kayo ay nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili.” (2 Corinto 13:5) At si Jesus, sa pakikipag-usap sa kaniyang Ama, ay nagsabi na “ang buhay na walang-hanggan ay ito: na makilala nila ikaw, ang tanging tunay na Diyos, at si Jesu-Kristo na iyong sinugo.”​—Juan 17:3.

Ang iyo bang pananampalataya ay salig sa pagkilala sa “tanging tunay na Diyos”? Ikaw ba ay katulad ng mga tao sa Berea, na sinasabi ng Bibliya na “mas bukas-isip”? Kanilang “tinanggap ang salita nang buong pagsisikap; araw-araw ay pinag-aralan nila ang kasulatan upang siyasatin kung tunay nga ang mga ito.”​—Gawa 17:11.

Ikaw ba’y “bukas-isip” kung tungkol sa Salita ng Diyos? Regular mo bang pinag-aaralan ang Bibliya? Ito lamang ang tanging paraan upang “matuklasan ang kalooban ng Diyos at malaman kung ano ang mabuti, kung ano ang nais ng Diyos, kung ano ang sakdal na bagay na dapat gawin.” (Roma 12:2) Sa Bibliya, masusumpungan mo ang pangako ng Diyos na aalisin sa lupang ito hindi lamang ang karalitaan, pang-aapí, at internasyonal na labanan kundi aalisin din niya ang ‘luha, kamatayan, dalamhati, at kalungkutan.’ (Apocalipsis 21:4) Tiyak na ito ay magiging tunay na pagpapalaya!

[Mga talababa]

a Lahat ng kasulatang sinipi sa artikulong ito ay kinuha sa Katolikong Jerusalem Bible.

b Ex cathedra: Kapag ang papa ay opisyal na nagsasalita tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa “doktrina ng pananampalatayang Kristiyano o tuntunin sa moral na dapat tuparin ng Simbahan.”

[Mga larawan sa pahina 9]

“Ako’y nakatalagang maglingkod sa Diyos na may . . . tunguhing maging isang mabuting pari”​—Carlos

“Noon ko talagang naunawaan ang Bibliya​—para bang naalis ang piring sa aking mata”​—Maria

[Larawan sa pahina 10]

‘Maaaring hindi kami mayaman, subalit mayroon kami ng mga pangangailangan sa buhay, at kami’y maligaya’​—Rafael

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share