Ang Ilog Li Kung Saan Kulang ang mga Pang-uri
BUHAT sa mga tubig nito sa mga bundok, ang Ilog Li ay gumugulung-gulong patimog. Pagdating nito sa nag-aapurang lunsod ng Guilin sa timog-silangan ng Tsina, ito ay lumawak at mahinahong kumikilos sa sinaunang lunsod na ito na nakahandusay sa kanluraning mga pampang nito.
Ang Guilin ay kakaiba sa Kanluraning mga lunsod. Sa panahong matrapik ang mga lansangan nito ay punô ng mga bisikleta. May mangilan-ngilang taksi at mga trak ang sumisingit sa karamihan, na bumubusina. Ang mga siklista ay masiglang pumipedal, hindi alintana habang sila ay hinahagingan ng mga ilang pulgada. Walang nababalisa, walang galít na nagsisigawan, walang nagkakainitan. Kakaiba sa panahong matrapik sa New York o sa Roma o sa Mexico City. Kakaiba ito, subalit napakaraming salita upang ilarawan ito.
Sa banda pa roon ng Li, maliit na mga pamayanan ang nasa mga pampang. Sa tabi ng ilog, ang mga bata ay naglalaro at kumakaway sa mga bangka na may lulan na mga turista na naglalayag patimog. Ang mga babae ay naglalaba ng mga damit at hinuhugasan ang mga gulay sa ilog. Pinapastol ng mga lalaki ang mga kalabaw sa kahabaan ng mga pampang ng ilog. Malayo sa aplaya, ang mga magsasaka ay nagtatrabaho sa mga palayan, ang iba ay nagtatanim ng palay sa pamamagitan ng kamay, ang iba ay nag-aararo na gamit ang kalabaw. Kakaiba, subalit nailalarawan.
Subalit sa buong kahabaan ng Ilog Li ay mga bundok, hile-hilera nito, nagtataasan patungo sa langit. Lubhang kakaibang kabundukan, at di mailarawan. Sa lahat ng iba pang eksotikong mga tanawin sa paglalayag sa Ilog Li mula sa Guilin hanggang sa Yang-shuo, may sapat na mga pang-uri upang ilarawan ang mga ito, subalit sa pambihirang kabundukang ito ay walang mga pang-uri upang ilarawan ito.
Sa loob ng 5 oras at 80 kilometro ng paglalakbay sa ilog Li sakay ng bangka, at sa loob ng 5 oras at 80 kilometro ang mga bundok na iyon ay hindi nawala sa paningin. Ang mga hilera nito na malapit, higit pang mga hilera sa likod nito, at higit pang hilera sa ibayo, hanggang sa ang mga ito ay lumabo dahil sa layo anupa’t ang mga ito’y parang hindi totoo. Upang ilarawan ang hindi mailarawan ng mga pang-uri, nagtunugan ang mga kamera at rolyu-rolyong mga pilm ang naubos. Tiyak, dito ang isang larawan ay magiging katumbas ng sanlibong salita!
Subalit hindi rin nakuha ng mga kamera ang nakatatakot na pakiramdam na dala ng kamangha-manghang mga taluktok na ito na naglahuk-lahok hanggang sa maaabot ng pananaw. Ang tripulante ng
bapor ay nagsilbi ng isang mainit na pananghalian. Ang lahat ay bumaba upang kumain maliban sa nagmamasid na ito, na labis na nabighani upang iwan ang itaas na kubyerta. Maaari naman siyang kumain anumang oras; ang magandang tanawin na nakikita ng kaniyang mga mata ay malapit nang lumipas. Kung ano ang hindi nakunan ng larawan ng kaniyang kamera, dapat ingatan ng kaniyang alaala.
“Sang-ayon sa heolohikal na surbey,” sabi ng isang pulyeto sa paglalakbay, “ang Guilin ay dating isang malawak na karagatan. Bunga ng paulit-ulit na pagkilos ng ibabaw ng lupa, ang mga limestone na dating nasa sahig ng dagat ay tumaas at naging lupa. Dahilan sa pagguho na dala ng panahon at pag-ulan, ang mga limestone ay nag-anyong mga bulubunduking kagubatan, nagtataasang mga bundok, mga ilog at mga kuweba sa ilalim ng lupa. Ang pambihirang Karsta na ito ang gumagawa sa tanawin ng Guilin na lubhang kamangha-mangha sa daigdig.”
Kung ang huling pangungusap ay medyo isang kalabisan, ito’y mapagpapaumanhinang kalabisan. Oo, ang kagubatang ito ng nagtataasang mga limestone kung saan paliku-liko ang Ilog Li ay hindi malilimutan. Hindi namin matiyak kung paano ito nagkagayon, subalit natitiyak namin kung sino ang gumawa nito. Kung hindi mailarawan ng mga pang-uri ang mga kabundukan sa Ilog Li, lalong hindi nila mailalarawan ang Maylikha nito. “Dakila si Jehova at totoong karapat-dapat purihin, at ang kaniyang kadakilaan ay di-malirip.”—Awit 145:3.
[Talababa]
a “Isang rehiyon ng limestone na kakikitaan ng mga malalim na hukay, mga tagaytay, hindi pantay-pantay na nag-uusliang mga bato, mga malalaking kuweba, at mga sapa sa ilalim ng lupa.”—Webster’s Unabridged.
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
Ang Rurok ng Aming Paglalakbay
Waring ganiyan nga ito kung para sa amin. Pagkatapos ng aming paglalakbay sa Ilog Li kami ay nagtungo sa isang paaralang nursery sa Guilin. Sa loob ng klase ang mga apat-na-taóng-gulang ay naglaro, sumayaw, at pagkatapos ay naupo at matamang nakinig habang umaawit ng isang awiting pambata ang babaing Amerikana na dumadalaw. Ito’y tungkol sa isang batang babae at sa kaniyang ‘mahal na munting manika na ang mga mata’y matingkad na asul.’ Mangyari pa, hindi nila nauunawaan ang mga salita, subalit naakit sila sa malambing na tinig at sa masayang himig ng awit, at sa panggagaya sa kuwento habang ang manika ay binibihisan, lumalabas upang maglaro, at sa wakas ay ‘ipinaghihele sa pagtatapos ng araw.’ Naunawaan nila ang kalagayan. Ang mga mukha ay nagniningning sa tuwa. Mababakas ang mga ngiti. Ang iba ay walang katinag-tinag sa pagkakaupo, nabighani. Nang kami’y umalis tuwang-tuwa silang kumaway ng pamamaalam sa amin.
Nabihag nila ang aming puso.