Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 11/22 p. 24-25
  • “Babalik Kami sa 2004!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Babalik Kami sa 2004!”
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Metusalem sa Daigdig ng mga Insekto
  • “Isang Kamangha-manghang Katibayan ng Biyolohikal na Kasalimuutan”
  • Mga Kampeon sa Ingay na mga Insekto
  • Ang Buhay ng Periodical Cicada
    Gumising!—2016
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2016
  • Jade—At ang mga Kuwento sa Likuran Nito
    Gumising!—1987
  • Ang Kagila-gilalas na Daigdig ng mga Insekto
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 11/22 p. 24-25

“Babalik Kami sa 2004!”

NAGKALAT sa lahat ng dako ang durog na mga katawan. Ang mga nasugatan ay gumagapang-gapang sa paligid hangga’t makakaya nila. Yaong mga matitipunó at malulusog ay nasa itaas ng mga punungkahoy​—libu-libo sa kanila. Ngunit sila man ay nasa huling yugto na ng kanilang haba ng buhay. Sila ang 1987 na salinlahi ng mga cicada o kuliglig.

Ang pana-panahong cicada ay isang lumilipad na insekto na lumilitaw sa gawing silangan ng Estados Unidos minsan tuwing 17 taon. Ibang mga batang cicada ang lumilitaw sa iba’t ibang taon, bagaman sa siklo ring iyon ng 17-taon. Minamasdan namin ang tinatawag ng mga siyentipiko na anak numero diyes. Ang mga pinsan nito sa ibang rehiyon ay kumikilos sa mas maikling siklo ng buhay mula sa itlog hanggang sa pangwakas, pagpaparami, adultong yugto. Sang-ayon sa isang babasahin, mayroong mahigit 1,500 mga uri ng cicada.

Ang Metusalem sa Daigdig ng mga Insekto

Huli silang lumitaw noong 1970​—nang ang mga hukbo ng E.U. ay nakikipaglaban pa sa Vietnam, katatapos lamang ng giyera sibil sa Nigeria, Si Salvador Allende ay magiging pangulo noon ng Chile, at ang dating pangulo ng Pransiya na si Charles de Gaulle ay namatay. Mula noon, ang mga cicada ay nananahimik.

Ang pambihirang nilikhang ito, mga dalawa at kalahati hanggang limang centimetro ang haba, ay may kayumangging itim na ulo at katawan at manipis na mga pakpak. Mayroon itong dalawang mapulang mga mata na sa totoo ay masalimuot na mga mata, na may tatlong simpleng mga mata sa pagitan.

Dito sa aming tinitirhan sa Baltimore, Maryland, ang mga ito ay nasa lahat ng dako​—sa mga damuhan, sa mga punungkahoy, sa mga bakod at sa mga pinto. Doon sa hardin, kailangan naming lumakad nang maingat. Ang mga ito ay agad na dumapo sa aking kamisadentro o sa blusa ng aking asawa​—na labis na ipinangilabot niya! Subalit huwag kang mag-alala. Ang mga ito ay hindi nananakit. Ang mga ito ay hindi nangangagat o nanduduro.

Yaong mga pinagmamasdan namin ay nabuhay na ng ganap na buhay bago lumitaw sa paligid ng punong mansanas ng aming kaibigan. Ang buhay nito ay nagsisimula bilang mga itlog na iniiwan ng mga babaing cicada sa mga butas sa mga sanga at sa mga siit ng mga punungkahoy at sa mga damuhan. Ang mga itlog na ito ay saka nagiging pagkaliliit na mga nimpa na nahuhulog sa lupa at naghuhukay ng kanilang daan pababa sa isang ugat na karaniwan nang animnapung centimetro ang lalim. Sinisimulan nila roon ang kanilang 17-taong paghihintay​—hindi natutulog kundi sinisipsip ang katas ng halaman. At doon sa ilalim ng lupa, dumaraan sila sa limang iba’t ibang yugto ng pagbabago, habang sila ay marahang nagiging maygulang. Sila ang may pinakamahabang siklo ng buhay sa mga insekto na nalalaman ng tao. Sila ang mga Metusalem sa daigdig ng mga insekto!

“Isang Kamangha-manghang Katibayan ng Biyolohikal na Kasalimuutan”

Pagkatapos ay dumarating ang yugto na nakalilito sa mga siyentipiko​—ano ang nagpapangyari sa kanilang lumabas mula sa ilalim nang eksakto sa panahon? Isang biyologo ang nagsabi: “Ito’y isang kamangha-manghang katibayan ng biyolohikal na kasalimuutan.” Wala akong magawa kundi isipin kung paano nito pinatutunayan ang pagkasarisari at kasalimuutan ng mga gawa ng Maylikha.​—Roma 1:19, 20.

Pinag-iisipan ng mga siyentipiko na ang mga hormone marahil ay gumaganap ng isang bahagi. Sa paano man, sa Maryland ito ay nangyari sa taóng ito noong mga buwan ng Mayo at Hunyo. Sa paligid ng ibaba ng punungkahoy sa bakuran ng aming kaibigan, daan-daang munting mga butas ang lumitaw, ang ilan ay sa anyo ng isang tsimenea. Sa-lalabas ang mga cicada sa kanilang susunod sa huling anyo​—kulay mapusyaw na kayumanggi, walang pakpak na mga insekto na halos dalawa at kalahating centimetro ang haba. Ngayon ano ang gagawin nila? Minasdan namin ang ilan habang buong sipag na paakyat sila sa katawan ng punungkahoy upang piliin ang maduduungan nila ng kanilang panghuling pagbabagong-anyo.

Doon sila ay panandaliang naghihintay, at saka nagaganap ang himala. Binubuksan ng cicada ang sarili nitong sisidlan at lumilitaw, ang bagong ulo at mga balikat muna, lumilitaw ang animo’y albino o puting cicada. Pagkatapos, sa loob ng mga ilang oras ito ay nagkakakulay. Hindi na ito kulay mapusyaw na kayumanggi, para lamang sa lupa na insekto​—ngayon ito ay makalilipad. Ang punungkahoy ay punô na ng libu-libong walang laman na mga talupak nila. At ang mga cicada ay nasa lahat ng dako sa paligid namin, palipat-lipat sa mga siit at sa mga dahon.

Mga Kampeon sa Ingay na mga Insekto

Sa kainitan ng araw, hindi lamang namin sila basta nakita​—narinig namin ang mga ito! Pulu-pulutong na mga lalaki ang pinayayanig ang kanilang tulad-dram na mga tiyan ng mga 120 hanggang 600 mga pagyanig sa bawat segundo. Nakahuli kami ng isang cicada sa loob ng bahay, at ipinakikita nito ang kaniyang pagkayamot sa pamamagitan ng isang kakaibang garalgal, paglagutok na tunog. Gayunman, ang tunog ng libu-libo sa kanila na magkakasabay ay para bang haginghing ng hangin sa isang malayong tunél. Sa katunayan, ang cicada ay itinuturing na kampeon sa ingay sa daigdig ng mga insekto.

Sa kabutihang palad, ang mga babae ay tahimik, na umakay sa isang sinaunang palabirong Griego na sumulat: “Maligaya ang buhay ng mga cicada, sapagkat silang lahat ay may tahimik na asawa.” Subalit may isang kaaliwan​—kung gabi ang mga lalaking cicada ay tumatahimik at pinatutulog ang mga kapitbahay.

Subalit nasasaksihan namin ang pasimula ng wakas ng kanilang siklo. Sa mainit, maalinsangang atmospera ng bandang huli ng Mayo at Hunyo sila ay nagpaparami. Ang mga babae ay naghahandang mangitlog. Hindi magtatagal wawakasan na ng mga adulto ang kanilang tatlong linggo buhay sa ibabaw ng lupa sa pamamagitan ng pagkamatay. Pagkaraan ng ilang linggo, mapipisa na ang mga itlog bilang maliliit na mga nimpa na mahuhulog sa lupa at magbubutas ng kanilang daan tungo sa mga ugat at katas ng mga punungkahoy. Subalit mag-iiwan sila ng walang pasubaling mensahe: “Babalik kami sa 2004!”​—Ng patnugutan ng Gumising!

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang mga cicada ay lumalabas mula sa mga butas na halos isang centimetro sa diyametro

Ang cicada na lumalabas mula sa talupak nito

Ang puting cicada na kalalabas lamang mula sa talupak nito

Maygulang na cicada na naghihintay magparami

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share