Hinangad Ko ang Mas Simpleng Buhay sa Pamamagitan ng mga Droga
AKO’Y naupo sa isang maruming piraso ng foam rubber sa isang malamlam na naiilawang selda. Ginunita ko ang mga pangyayari nang araw na iyon. Napakatanga nga namin para mahuli!
Kung sana’y nanatili lamang kaming mahinahon at hindi nataranta, ang aming kotse sana ay hindi pinatabi ng pulis. Kung naitapon sana namin ang mga upos ng marijuana at itinago ang bag na iyon ng marijuana bago tiningnan ng mga pulis ang abuhan. Paano ba ako nasangkot sa gulong ito? Ang aking isipan ay nagbalik ng mga ilang taon . . .
Bilang isang tin-edyer, ako ay mataas at payat kaya ako’y asiwa at para bang ako’y wala sa lugar. Masyado akong mahiyain at kakaunti ang aking kaibigan. Gayunman, nais kong maging popular sa paaralan, maging mahinahon. Unti-unti, sinimulan kong pahabain ang aking buhok, nagsuot ako ng maong, at naupo ako sa likod ng klase na kasama ng iba pang mahinahong mga kabataan.
Pagkatapos isang araw basta na lamang nangyari ito. Nasa labas ako ng dakong panigarilyuhan na kasama ng ibang mga kabataan. Isang sigarilyong marijuana ang ipinasa sa aking direksiyon. Sapagkat ayaw kong ako’y maliitin, nakisama ako at hinitit ko ito. Hindi nagtagal at nasumpungan ko ang aking sarili na kasama ng isang bagong pangkat ng mga kaibigan. Sa wakas ay naging popular ako at nagkaroon ng maraming kaibigan.
Nang maglaon ako ay gumagamit na ng matatapang na droga. Ito’y pawang nakatutuwa at mapagsapalaran, pasubuk-subok na nalalango at gumagawa ng iba pang mga bagay na kasangkot sa halaghag na paraan ng pamumuhay. Nasabi ko sa aking sarili na ang buhay ay magiging mas simple kung ang lahat ay humihitit ng marijuana. Bakit? Sapagkat tumutulong ito sa iyo na pahalagahan ang kagandahan sa paligid mo at maging relaks, kaya ito’y nakabubuti sa iyo. Gayon ang ikinatuwiran ko. Subalit ngayon, sa loob ng maruming seldang ito, sinampal ako ng katotohanan.
Hindi alam ng aking mga magulang na ako ay gumagamit ng mga droga. Tiyak na masasaktan sila kung malaman nila! Pagkatapos ng wari ba’y walang-hanggan, bumukas ang pintuan ng selda. Sinabi sa akin ng isang opisyal na naroon ang aking ama upang piyansahan ako. Ito’y isang maigting na biyahe pauwi.
Ang ama ko ay kumuha ng isang abugado upang tulungan ako na harapin ang mga opisyal sa hukuman. Siya ay kaibigan ng pamilya at nabalisa na malaman na ako ay nasangkot sa gulo. Nang maglaon sa istasyon ng pulisya, ang abugado ay nakipag-usap sa lokal na mga opisyal alang-alang sa akin. Balisang hinintay ko ang kalalabasan.
Sa wakas, ipinasiya na ako ay palayain, yamang wala akong dating rekord ng pag-aresto. May kabaitang pinayuhan ako ng abugado na ituon ko ang aking pansin sa ibang mga bagay sa halip na sa mga droga. Sinabi ko sa kaniya na tiyak na gayon ang gagawin ko. Subalit ito’y mas madaling sabihin kaysa gawin.
Panlulumo at Tangkang Pagpapatiwakal
Patuloy akong nakisama sa aking dating mga kaibigan. Kaya dahilan sa panggigipit ng mga kaedad, sinimulan kong muli ang paggamit ng mga droga. Pagkaraan ng ilang panahon ay wala na ang katuwaan. Subalit hindi ko maihinto ito. Kailangan ko ng pampasigla upang matakasan ko ang mga problema sa paligid ko at tulungan akong makaraos sa maghapon. Kami ng mga kaibigan ko ay hindi nasisiyahan kung walang mga droga. Kahit na sa isang magandang araw na kami’y nagwa-waterskiing sa lawa, kami’y magmumukmok at magsasabi, “Oh, kung mayroon lamang sana tayong marijuana!”
Sa wakas nakaranas ako ng mga yugto ng matinding panlulumo. Ang buhay ay walang layunin. Wala akong tinatanaw sa unahan ko maliban sa pagkalango sa droga. Nagsimula akong mag-isip tungkol sa pagpapatiwakal. Isang araw halos ubusin ko ang lahat ng gamot sa lalagyan ng gamot ng aking lola sa isang pagtatangkang uminom ng labis na gamot. Subalit sa pagkadismaya ko, nagising muli ako kinaumagahan.
Isang gabi nang ako ay wala sa impluwensiya ng droga, umakyat ako sa bubungan ng aming bahay. Ako’y partikular na humanga sa kagandahan ng gabi. Bilog ang buwan, pagkalalaking mga ulap na abuhin ang lumulutang sa langit, at ang matataas na mga puno ng pino ay umiindayog sa hangin. ‘Mayroon bang isa na nasa likuran ng mapayapang kagandahang ito at ng kaayusan sa kalikasan?’ naisip ko. ‘Mayroon kayang mas mataas na layunin sa buhay kaysa pamumuhay lamang na gaya ng isang hayop, na hinahangad na sapatan ang pisikal na mga hangarin ng isa?’ Doon ko natalos ang aking espirituwal na pangangailangan.
Sinimulan kong basahin ang tungkol sa reinkarnasyon. Tiningnan ko rin ang Buddhismong Zen. Kinuha ko rin ang isang matandang Bibliya, ipinagpag ito, at sinimulan kong basahin ang “Bagong Tipan.” Doon ko nasumpungan ang mga kaisipan na naibigan ko, gaya ng pananalita ni Jesus: “Lahat ng bagay na ibig ninyo sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila.”—Mateo 7:12, American Standard Version.
‘Sino kaya sa lupa ang nagkakapit ng gayong mga bagay?’ naisip ko. ‘Sino kaya ang makapagpapaliwanag sa akin ng Bibliya?’ Nagpasiya akong pumunta sa iba’t ibang relihiyon upang alamin. Subalit dahil sa aking pagkamahiyain, hindi ko nga magawang lumabas ng aking trak upang pumasok sa alinman sa mga ito.
Ang Kasagutan sa Isang Segunda-Manong Aklat
Isang gabi ay sinubok kong manalangin sa Diyos. “Pakisuyo pong tulungan ninyo akong makita yaong talagang nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya,” sabi ko. Pagkaraan ng isang linggo ako’y tumitingin-tingin sa isang tindahan ng mga segunda-mano. Kasama sa gamít nang mga aklat, isang maliit na asul na aklat na pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan ang nakatawag ng aking pansin. Binili ko ito at tinapos kong basahin. Ipinaliwanag nito ang pangunahing mga doktrina ng Bibliya at inalalayan ng mga pangungusap na kasama ng mga sinipi sa Bibliya. Ipinasiya kong sundin ang payo sa pahina 138 tungkol sa pagdalo sa mga pulong sa isa sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.
Wala pa akong nakausap na sinumang Saksi noon. Subalit natatandaan ko na noong minsan ay sinabi ng aking ina na isang lalaking nag-apholster ng kaniyang mga muwebles ay isang Saksi. Binabalaan niya ako na huwag makipag-usap sa lalaking iyon tungkol sa relihiyon, yamang magsasawa ako sa kasasalita niya. Hinanap ko ang pangalan niya sa aklat ng telepono at tinawagan ko siya at tinanong ko sa kaniya kung saan masusumpungan ang Kingdom Hall.
Sinalubong ako ng lalaking nag-aapholster sa balkon ng bulwagan at dinala ako sa loob. Ipinakilala niya ako sa lahat na nakasalubong namin. Nagtaka ako na silang lahat ay magkakakilala at na ang bulwagan ay punô ng masigla at palakaibigang mga pag-uusap sa halip na maging tahimik, gaya ng akala kong matatagpuan sa isang simbahan. Marahil ako’y mukhang kakatuwa sa kanila, naka-T-shirt at maong ako at ang aking buhok ay mahaba. Subalit walang sinuman ang nagpadama sa akin na ako’y naiiba. Tinanggap nila ako.
Pagkatapos ng pulong, tinanong ako ni Mr. Parciacepe, ang lalaking nag-aapholster, kung nais kong mag-aral ng Bibliya. Ako’y pumayag. Habang sumusulong ang pag-aaral, nakita ko ang pangangailangan na baguhin ko ang aking buhay. Nagbago ang aking pananamit at buhok. Umalpas ako mula sa mga droga. Pinalitan ko ang aking dating mga kasama ng bagong mga kaibigan mula sa mga Saksi ni Jehova.
Ang Abugado at ang Kaniyang Kliyente
Noong 1979, mga isang taon pagkatapos na ako ay mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ako ay pumasok sa buong-panahong ministeryo. Noong unang tag-araw na ginagawa ko iyon, mayroong di-inaasahang bagay na nangyari.
Isa sa mga Saksi, na isang abugado at isang matanda sa kongregasyon, ay nagpasiyang dalawin ang ilan sa lokal na mga abugado sa bayan upang sabihin sa kanila ang tungkol sa aming paniniwala. Isinama niya ako. Ang isa sa mga abugadong dinalaw namin ay yaong tumulong sa akin mga ilang taon na ang nakalipas nang ako’y madakip dahil sa pagkakaroon ng ipinagbabawal na droga.
Ipinaliwanag ng kasama ko ang layunin ng aming pagdalaw at pagkatapos ay ipinakilala ako. Habang kami’y nagkakamay, gulat na gulat at halos hindi makapaniwala ang abugado, pagkatapos ay ngumiti siya at nagsabi: “Ladd Stansel! Hinding-hindi kita nakilala! Ang laki ng ipinagbago mo!”
Pagkatapos ng pagkagulat na iyon, ipinakita ko sa kaniya ang isang sipi ng aklat na una kong nabasa at sinabi ko: “Ang aklat na ito ay talagang nakatulong sa akin upang maunawaan ang mga simulain ng Bibliya at maunawaan ang kahalagahan ng mga pagbabagong ito. Nais ko ring magkaroon kayo ng isang sipi nito.” Kinuha niya ang aklat, at may kabaitang pinasalamatan ako. Nang kami’y umalis na, naisip namin kung paano kaya siya naapektuhan nito.
Napag-alaman namin ito pagkalipas ng mga ilang araw. Ang nanay ko at ang kasama kong abugado ay tumanggap ng makabagbag-damdaming mga liham mula sa dati kong abugado na humawak ng aking kaso. Isinulat niya na nasaksihan niya ang isang himala—ang pagbabago ng isang walang-katiyakang tin-edyer na gumagamit ng droga tungo sa isang mahusay na binata na ngayo’y nakatutulong sa pamayanan.
Itong nakalipas na pitong taon ay malaking tulong sa aking pagkamaygulang. Noong 1981 ako’y natanggap na magtrabaho bilang isang boluntaryo sa Bethel, ang pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Ang aking buhay ay lalo pang nagkaroon ng kabuluhan nang mapangasawa ko noong nakaraang taon si Sue, na sumama sa akin sa paglilingkod sa Bethel.
Kaya hindi ang mga droga ang gumawang simple sa aking buhay—kabaligtaran pa nga ang nagawa nito! Sa pamamagitan ng pag-iwas ko sa mga droga at sa pamamagitan ng paglilingkod ko sa aking Maylikha, ang Diyos na Jehova, na ang aking buhay ay naging simple at napunô ng kasiyahan at kaligayahan. (Mateo 6:22)—Gaya ng inilahad ni Ladd Stansel.
[Larawan ni Ladd Stansel sa pahina 21]
[Larawan sa pahina 23]
Si Ladd at si Sue Stansel ngayon