Yellowstone, Unang Pambansang Parke
Ang pinakamatanda, pinakamalaki, at pinakakilalang pambansang parke sa Estados Unidos. Pangunahin nang nasa Wyoming at itinatag noong 1872, ito ay sumasakop ng mga 900,000 ektarya at dinadalaw ng mahigit na dalawang milyong mga tao taun-taon. Magaspang na mga bundok, malalalim na mga bangin, dumadagundong na mga talón, kumikinang na mga lawa, luntiang mga kagubatan, at saganang kaparangan—isang napakagandang lugar para sa mga oso, usa, at bison na gagala-gala sa mga hangganan nito at para sa mga agila, mga sisne, at mga pelicano na nagpapamilya roon.
Natamo ng Yellowstone ang kabantugan nito sa libu-libong maiinit na bukál at daan-daang mga geyser (mainit na sumisirit na tubig)—pangunahin sa mga ito ang Old Faithful, na ipinakikita rito. Ito’y bumubuga sa katamtaman tuwing 65 minuto, subalit nitong nakalipas na mga taon ito ay hindi na lubhang gayon katapat.
DEVIL’S TOWER, Unang Pambansang Monumento
Ang Wyoming din ang una sa pagkakaroon ng pambansang monumento. Para bang isang pagkalaki-laki, naging bato na tuod ng punungkahoy, ang Devil’s Tower ay ipinahayag na gayon nga noong 1906. Sinasabing ito’y may bulkanikong pinagmulan, iniuulos nito ang laki nito nang 264 metro pataas sa langit. Sinasabi ng mga heologo na ito ay labí ng isang pagputok ng bulkan. Paglipas ng panahon, ito ay naagnas sa kasalukuyang hugis nito.
Sinasabi ng alamat ng mga Indyan na pitong munting mga Indyang batang babae ay hinabol ng mga oso at nanganlong sa isang mababang bato, at upang iligtas sila, itinaas ng mga diyos ang bato hanggang sa langit. Ang mga batang babae, sabi ng alamat, ay makikita pa rin bilang pitong bituin, ang Pleiades. Kinalmot ng mga oso ang gilid ng bato sa pagsisikap na abutin sila—ang mga marka ng kuko ay makikita pa bilang mga uka sa mga gilid ng tore.
Iyan ang alamat. Subalit isang bagay ang tiyak: Sa likuran ng kamangha-manghang unang pambansang parke at ng unang pambansang monumento ay ang kanilang Maylikha, ang buháy na Diyos na si Jehova: “Kaniyang inilalagay na matibay ang mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan.”—Awit 65:6.