Magagandang Parke ng Daigdig
NEW ZEALAND
Ang Fiordland National Park, ang pinakamalaki sa New Zealand, ay ginawa noong 1904. Itinatampok nito ang isang kagila-gilalas na baybay-dagat, matataas na bundok, mga lawa, ilog, talón, kagubatan, at mga glacier. Nasumpungan dito noong 1948 ang hindi lumilipad na ibong takahe, na dati-rati’y ipinalalagay na lipol na.
KENYA
Ang Nairobi National Park ay nasa bungad ng kabisera ng bansa, mga ilang minutong biyahe lamang mula sa sentro ng lungsod ng Nairobi. Ipinakikita nito ang tanawin ng mga buffalo, zebra, giraffe, wildebeest, ostrich, rhinoceros, at natutulog na mga leon, na di natitigatig sa pagkanaroroon ng mga bisita.
E.U.A./CANADA
Ang Waterton Lakes National Park, kung saan ang parang at ang kabundukan ay nagtatagpo, ay itinatag noong 1895, at ang Glacier National Park noong 1910. Sa paghimok ng marami, ang dalawang parkeng ito ay pinag-isa noong 1932 bilang ang Waterton-Glacier International Peace Park, ang kauna-unahang uri nito. Ang parke ay naglalaman ng kagila-gilalas na tanawin, nasa Continental Divide. Ang mga osong grizzly, osong itim, tupang malalaking-sungay, kambing bundok, moose, at cougar ay dito naninirahan sa parkeng ito, pati na ang mga usang mule, usang puti-ang-buntot, at mga elk.
BRAZIL/ARGENTINA
Ang Iguaçú National Park ay, sa katunayan, dalawang parke; ang parke sa Argentina ay itinatag noong 1909, at ang karugtong na parke sa Brazil ay noong 1939. Ang bantog-sa-daigdig na Iguaçú Falls ay mas mataas kaysa Niagara Falls at mas malawak kaysa Victoria Falls ng Aprika. Dito rin masusumpungan ang ilan sa pinakamayabong, pinakamagandang pananim sa daigdig.
HAPÓN
Ang Nikko National Park ay sumasaklaw ng isang malaking lugar ng mga lawa, mga talón ng tubig, mga talampas, at mga bundok at ng karaniwang tanawing Haponés. Tirahan ito ng pinangangalagaang Haponés na serow, o kambing na antelope. Ang iba pang hayop sa parke ay ang Haponés na osong itim at ang macaque na Haponés, o ang maikli-buntot na unggoy.